I Remember the Boy, Carrot Man Chapter 13

Tumikhim si Professor Fe. “Mga kaklase po sila ni Jimarah - si Rjan at si Jeyrick.”

“Bakit? Suspended din sila?” nakangising tanong ni Jimarah.

“No. Mga student assistant ko sila para sa leg ng research na ito. Mga scholar sila ni Governor Lumagom at lumaki sa Kadaclan. Malaki ang maitutulong nila sa inyo para mas maintindihan ninyo ang ordinaryong buhay ng mga tao sa Kadaclan,” paliwanag ni Professor Fe.

Kinamayan ng dalawang lalaki ang mga magulang ni Jimarah. “Kayo na ang bahala sa anak namin at kay Paloma, mga hijo. Alam ko na marami pa silang kailangang matutunan at maintindihan sa kultura ng mga tao dito. Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na kami. Pagpasensiyahan na lang ninyo ang anak ko,” sabi ni Mrs. Sancha. “Di pa kasi iyan nalalayo sa amin mula pagkabata. She’s precious.”

“Nasaan na po ang mga gamit nila para po maisakay na namin sa bus?” tanong ni Jeyrick.

“Manong Rudy, pakilabas na po ang tatlong maleta. Pakiingatan na lang. Bawal iyan na magasgasan. Those are Goyard,” tukoy nito sa mamahaling luggage brand.

“Hindi mo pwedeng iakyat sa bundok ang mga iyan,” bulalas ni Rjan. “Nakasilid na ata diyan ang buong bahay ninyo.”

“Whyever not? Hindi pwedeng isang linggo ako na malayo sa civilization at di ko dala ang lahat ng iyan. Binawasan ko pa nga.” Sinapo nito ang magkabilang pisngi. “Ma, I don’t think I can live there for a week without any sense of normalcy. Nasa maleta ko ang lahat ng kailangan ko para maging normal ang pakiramdam ko.”

“Jimarah, isa na lang maleta ang dalhin mo. Baka hindi mo kakayanin lahat. Wala naman tayong ibang makakatulong. Immersion ang pupuntahan natin,” malumanay na paliwanag ni Paloma sa kaibigan. “Paano kung iaakyat mo pa ang maleta na iyan sa taas ng bundok kung sakali?”

“Siguro naman may mga tao doon na handang magbitbit ng gamit ko. I have money…” walang gatol na sabi ng kaibigan. “Don’t tell me they don’t use money at all?”

“Immersion. It means you have to be one with the locals. Bagamat tutulungan ka naman ng mga tao doon, we discourage the use of money in exchange of help. At nagkausap na kami ng parents mo na gagamitin mo lang ang pera kung emergency,” sabi ng professor nila.

“Ito na lang ang dalhin mo, anak,” sabi ni Mrs. Sancha na inilahad ang kamay sa luggage bag na may kaliitan. “May strap din iyan kaya pwede mong gawing backpack. Nandito naman ang mga damit na kailangan mo at ang toiletries. Isipin mo na lang na nag-camping ka. It is just for a week. Pagbalik mo, magpapa-spa party ako para sa iyo.”

“Hindi ka ba iiyak katulad ng kaibigan mo?” tanong ni RJan sa kanya.

“Hindi. Hindi naman mabigat ang bag ko,” sabi niya at in-adjust sa likod ang backpack niya.

“Ako na ang magdadala ng bag mo. Baka mabigatan ka,” prisinta ni Jeyrick.

Tipid siyang ngumiti. “Kaya ko na.”

“Si Jeyrick ang makaka-partner mo at mag-a-assist sa iyo,” sabi ni Professor Fe. “Si Rjan naman ang mag-a-assist sa iyo, Jimarah.”

“Itong mukhang talaba na ito ang makaka-partner ko?” anang si Jimarah. “Okay na po ako kahit na walang assistant kung siya lang din naman.”

“Pagpasensiyahan mo na ang anak ko, hijo. Ikaw na ang bahala sa kanya,” hinging paumanhin ng magulang ni Jimarah. “Pero mabait naman iyan.”

Pilit na ngumiti si Rjan. Ayaw lang may masabing masama kay Jimarah sa harap ng magulang ng kaibigan. Kaya naman habang naririnig niya ang reklamo ng kaibigan kay Rjan na magkatabi sa harapan nila ni Jeyrick, hindi naman niya alam kung ano ang sasabihin sa sarili niyang assistant. Hindi kasi maganda ang naging huling pag-uusap nila. Magpapanisan na lang ba sila ng laway? Paano kung ayaw siya nitong makasama? Paano kung ayaw din sa kanya ng mga tao sa Kadaclan dahil ang alam nito ay minamaliit niya ang mga tao na mula sa liblib na lugar. It would be an awkward one week for them. Hindi niya alam kung paano siya tatanggapin ng mga tao sa tribo. Iba

“May gusto ka bang itanong?” pagbasag ng lalaki sa katahimikan.

“Ha? W-Wala!” tanggi agad niya at umiwas ng tingin dito.

“Ang sabi sa akin ni Ma’am Fe, kailangan ninyong gawan ng report at reaction paper ang lahat ng malalaman ninyo tungkol sa Kadaclan. Kaya pwede kang magtanong sa akin kung gusto mo,” sabi ng lalaki sa magaang boses. Pero di ito ngumingiti katulad ng nakasanayan niya. As if he was just being nice to her. Napipilitan siyang pakisamahan.

“Uhmmm… gaano katagal ang magiging biyahe natin? Nabanggit mo sa akin na malayo ang Kadaclan,” sabi niya sa lalaki.

Lumabi ang lalaki. “Dadating tayo sa Bontoc ng alas onse o alas onse.”

Nag-compute si Paloma sa utak. “Five to six hours? Paano papuntang Kadaclan?”

“Apat na oras mula sa Bontoc,” sabi ng lalaki. “Alas dos ng hapon tayo aalis.”

Nahigit niya ang hininga. “Apat na oras. Gabi na pala ang dating natin sa Kadaclan. Saan tayo matutulog?”

“Hindi ko alam kung ano ang plano ni Professor Fe pero ipinagpapauna ko nang walang hotel doon o bathtub. Wala rin hot shower pero pwede naman magpakulo ng tubig. Isa o dalawang istasyon lang din ang nakukuha na signal ng TV. At kung may kailangan kayo na gamit, bilhin na ninyo sa Bontoc pa lang dahil mas mahal na iyon sa Kadaclan o kaya baka wala na kayong mabili.”

“O… kay,” usal niya at tumango. Alam naman niya na walang mall sa pupuntahan nila at magiging payak ang pamumuhay doon. Pinagkiskis niya ang mga palad. “Excited na ako!”

Kumunot ang noo ni Jeyrick. “Excited ka na pumunta sa Kadaclan?”

“Oo naman. Gusto kong makita ang mga rice terraces na sinasabi mo. Saka gusto ko ring makilala ang pamilya mo.”

Mataman siyang pinagmasdan ng lalaki. Parang nag-aalangan ito kung ipapakilala sa kanya ang pamilya niya. “Mga simpleng tao lang sila. Mababait din ang pamilya ko lalo na si Nanay. Maayos ka nilang tatanggapin. Pero gusto ko lang sanang huwag maabuso ang kabaitan nila o may marinig akong panlalait sa kanila. Ako na lang ang laitin mo pero huwag ang pamilya ko.”

"Jeyrick, alam ko na hindi maganda ang reputasyon ko sa iyo. Iniisip mo siguro na minamaliit kita o ang mga kalahi mo. Hindi ako ganoon. Gusto kitang maging kaibigan noon pa." Tinitigan lang siya ng lalaki pero walang sinabi. "Alam ko hindi ka naniniwala sa sinasabi ko. May panahon pa ako para patunayan sa iyo. Kung may sasabihin akong masama sa pamilya mo o mga katribo mo, ako mismo ang magsasabi kay Professor Fe na bigyan ako ng grade na singko sa class card."

"Hindi naman kailangang umabot sa ganoon. Pero ngayon pa lang nagpapasalamat na ako kung magiging mabuti ka sa pamilya ko at kung irerespeto mo rin ang kaugalian ng tribo ko."

Nakahinga ng maluwag si Paloma. Ibig sabihin ay binibigyan siya ng pagkakataon ni Jeyrick. Hindi man bumabalik sa dati ang samahan nila, mas mabuti na iyon kaysa magaya sila kay Rjan at Jimarah na nagbabangayan pa rin hanggang ngayon.

"Anong kailangan kong malaman tungkol sa tribo ninyo? Ano ang dapat at di ko dapat gawin?" tanong ng dalaga sa lalaki. Ayaw talaga niya na maka-offend ng kahit na sino lalo na't iba't iba ang kaugalian ng mga tao. Baka ang normal sa kanya ay maaring bawal sa mga taga-Kadaclan.

Inilabas ni Jeyrick ang yellow paper mula sa bag at inabot sa kanya. "Pwede mong basahin ito. Inilista ko na ang mga kaugalian sa tribo namin. Pati na rin ang mga paniniwala sa amin."

Namangha si Paloma sa dami ng impormasyong isinulat ni Jeyrick. Detalyado iyon. Sulat-kamay ang lahat. Pinagtiyagaan nitong isulat dahil wala naman itong computer.

“Ang tiyaga mo naman. Isinulat mo lang ito lahat? Thank you, Jey..."

Nang lumingon si Paloma ay mahimbing na ang tulog ni Jeyrick. Kahapon lang ipinataw ang suspension nila ni Jimarah. Kahapon lang din napili ng gobernador o ng dean kung sino ang sasamahan nila. Kahapon lang din napili kung sino ang sasama sa kanila sa Kadaclan.

Tiningnan niya ang daliri ni Jeyrick. Napansin niya na lamog ang gilid ng middle finger nito at may bakat ng ballpen. Napuyat ito sa pagsusulat ng notes para sa kanya pero pinagsikapan nito.

Hinawi niya ang buhok nito na bumagsak sa noo. He looked angelic in his sleep. Hahayaan muna niya itong magpahinga. Makakapaghintay naman ang mga tanong niya.

Nandito ito para tulungan siya. Gusto nitong ma-appreciate niya hindi lang ang kultura ng mga Igorot ng Kadaclan kundi pati ibang kultura. Hindi niya bibiguin si Jeyrick. She would finish this project with flying colors.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.