I Remember the Boy, Carrot Man Chapter 14

“PWEDE bang magpalit tayo ng partner? Please. Malapit ko nang masakal ang Rjan na iyon. I might land in jail for real this time. I can’t stand his ugly face. Please let’s exchange partners,” pagmamakaawa ni Jimarah habang namamasyal sila sa Bontoc Museum. Alas dos pa daw ang alis ng jeep papunta ng Kadaclan kaya may oras pa sila para mamasyal sa museum matapos ang tanghalian. Nasa Bontoc Museum ang iba’t ibang antiquities sa Cordillera at maidadagdag niya iyon sa research niya.

"No. Subukan mo siyang pakisamahan muna. Like talk less, focus on what is good. Iwasan mo siyang angilan,” payo ni Paloma at inilista sa notepad ang impormasyon tungkol sa tribo sa Lias na katabing tribo ng Kadaclan at matatagpuan din sa bayan ng Barlig. Nalilibang siya sa museum na iyon dahil marami siyang natututunan. Bagamat sa kabuuan ay Igorot ang tawag sa mga naninirahan sa Cordillera, nahahati pa rin pala sa iba’t ibang tribo o grupo ang mga ito. May kanya-kanyang kultura, salita at kaugalian ang bawat isa.

“You can tolerate him. I can’t,” anang kaibigan na hindi naman nagbabasa ng impormasyon sa artifacts. Mas iniintindi nito ang away nito kay Rjan kaysa sa project nila. “Sa palagay ko mas makakasundo ko ang kargador friend mo. He looks nice.”

“No!” mariin niyang tanggi. Kilala niya si Jimarah. Wala itong pakundangan sa pagsasalita. Wala itong sensitivity pagdating sa nararamdaman ng ibang tao.

Baka mamaya ay may masabi itong makakainsulto kay Jeyrick o sa mga Igorot. Mapapasama na naman pati siya. Kung kailan civil na sila ni Jeyrick sa isa’t isa. Sinasagot nito ang mga tanong niya tungkol sa notes na ibinigay nito. Ayaw niyang masira kung anuman ang sinimulan nila.

“Akala ko concern ka sa akin as a friend? Parang di ka kaibigan.”

Mariing nagdikit ang mga labi ni Paloma. Ayaw na lang niyang sumbatan ang kaibigan na nasa ganoong sitwasyon dahil nadamay siya sa kabaliwan nito. “Think of it as part of the test. Kaya si Rjan ang ibinigay sa iyo at hindi si Jeyrick para makita rin siguro kung kaya mong I-tolerate ang ibang tao na nasa tribo nila. You have to learn how to engage with other people. Na kahit di mo sila kapareho ng estado sa buhay o kapareho mong paniniwala, matututo kang irespeto sila.”

Tumirik ang mata ng kaibigan. “Bakit ba pinaparusahan ako nang ganito? Kailangan ba talagang mamuhay tayo katulad nila? I can’t believe that they made me ate at the carindera a while ago. Ni walang aircon.”

“Masarap naman ang pagkain.”

“I don’t care. I am glad I brought some granola bars with me. Hindi ko alam kung anong bacteria pa ang makuha ko sa carinderia na iyon.”

“May sanitary permit naman ang kinainan natin. And besides hindi ka mabubuhay nang granola bars lang,” paalala niya sa kaibigan.

Umungol ang kaibigan at idinamba ang paa. “I don’t know if I will survive. Gusto ko nalang umuwi sa amin. I mean, anong klaseng lugar ba ang pupuntahan natin? Ni walang Jollibee or Mcdonalds. And this is the capital of the province? How much more kapag nakarating tayo sa Kadaclan na di ko mahanap sa mapa?”

“Pero bakit nakabalik sina Rjan at Jeyrick. Pati si Professor Fe doon galing. Naka-survive naman sila. Maraming tao ang simple lang ang buhay pero nakaka-survive sila. You don’t have to be sensitive about it.”

“Maybe they are balat-kalabaw and I am porcelain-skinned and all that.”

“Shhh!” saway niya sa kaibigan. “Magbasa ka na lang dito sa exhibit. Wala ka pang naisusulat kahit na isa.”

“Look. We can skip this stupid thing all together. How about we pay those two guys to do our report…” tukoy nito kina Rjan at Jeyrick na nasa harap ng glass case at tinitingnan ang iba’t ibang sandata na gamit ng iba’t ibang tribo. “I will pay for your share if you want.”

Hinawakan niya ang kaibigan sa siko at hinila patungong outdoor museum. Nauubos na talaga ang pasensiya niya dito. “Listen, Jimarah. Alam mo ba kung gaano kalaking gulo ang idinala mo sa akin dahil lang di mo matanggap na may ibang gusto ‘yung crush mo? Di ka lang basta nanakit ng tao. Idinamay mo pa ako.”

“Friends are supposed to help each other. And I am very grateful for that. Hindi o ako iniwan sa oras na kailangan mo ako.”

“Wrong. Nadamay lang ako. At ang totoong kaibigan, dapat hindi gagawa ng ikapapahamak ng iba. Ni hindi ka nagsisisi na idinamay mo ako sa gulo na ito.”

“Fine. Babawi ako sa iyo pagbalik natin sa Baguio. Do you want a Gucci bag? I will ask mom to buy you one.”

“What I want is for you to stop buying people around you. Hindi lahat umiikot sa pera. Gusto kong makabawi at maipasa ang project natin. Gusto kong may matutunan dito. And I suggest you do the same. Kung hindi mo kayang magseryoso sa project na ito, stop dragging me into your troubles.”

“I thought we are friends through thick and thin. I just want to make your life easier.”

“Hindi ko gusto ng madaling buhay. Gusto kong gawin ang tama. I am asking you not to mess with my second chance. Kung talagang kaibigan mo ako, pwede bang huwag kang gumawa ng gulo para sa akin? Please.”

Mataman siyang tinitigan ng kaibigan. Nakita ang pagrerebelde sa mga mata nito. Pero sa huli ay marahang tumango. “Fine. Susubukan kong gawin ang project na ito para sa iyo. Hindi ako magrereklamo sa mga pagkain na ise-serve nila sa akin. I won’t even try to bribe them to do my project for me. I will try to be a good girl.”

“Good,” aniya at ngumiti.

“E-Except one.”

Napanganga siya. “What?” Kailangan bang may exemption?

“I… I can’t be one hundred percent nice with that Rjan. That guy gets into my nerves. I am not a saint.”

“You can try.”

“I will try,” sabi naman nito.

Niyakap niya ang kaibigan. “It is for the best. I am sure something good will come out of it.”

“Tapos na ba kayo?” tanong ni Jeyrick nang lapitan sila.

“Uhmmm.. thirty minutes more?” sagot naman ni Paloma. Sapat na siguro iyon para makuha nila ang kailangan sa museum at makapaglista ng notes si Jimarah.

Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Jeyrick. “Baka kailangan na nating umalis. Baka mawalan tayo ng masasakyan sa jeep.”

“We’ll hire our own private jeepney or car,” walang gatol na sabi ni Jimarah.

Tumikhim si Rjan. “Kulang pa ‘yung two thousand na padala ng magulang mo para pangrent ng jeep papuntang Kadaclan. Two thousand lang ang ibinigay nila para gastusin mo sa loob ng isang linggo.”

Halos lumuwa ang mga mata ni Jimarah. “What? Two thousand? Barya lang iyon.”

“At ang barya na iyon ang pagkakasyahin mo sa loob ng isang linggo.”

“No!” usal ng kaibigan at napasandal sa dingding. “J-Just two thousand. Pinaparusahan din ako ng parents ko. T-They don’t love me anymore.”

“Di ka nila pinaparusahan. Siguro naman makaka-survive ka kung magiging matipid ka,” sabi ni Paloma sa kaibigan. “Baka nga sobra-sobra pa iyon.”

“Sa amin sa probinsiya, di ka magugutom dahil maraming tanim sa paligid,” sabi ni Jeyrick. “Simple lang kasi ang buhay sa amin. Mabubuhay ka basta masipag ka. Nagtutulungan din ang mga tao.”

“What if I want meat?” nakangising tanong ni Jimarah.

“Mang-hunting ka sa gubat,” sabi ni Rjan dito “May sibat at pana ako katulad ng mga iyon. Tuturuan kita.”

Inilabas ni Jimarah ang notebook at ballpen. “Never mind. I have granola bars. Bakit matatangos ang ilong ng mga Igorot at may matangkad? Nalahian ba kayo ng mga Spanish o ng mga Amerikano?”

“Di kami nasakop ng mga Kastila. Mababangis na mandirigma ang mga taga-Cordillera,” anang si RJan at iginiya ang kaibigan sa bahagi ng museum kung saan ipinapaliwanag ang lahing pinagmulan ng mga Igorot at ang kasaysayan ang mga ito. “Ang mga Igorot ay galing sa Austronesian ethnic group. Wala pang mga dayuhang mananakop, ganyan na ang itsura ng mga ninuno namin. Hindi lang naman ang mga Amerikano at mga European ang matatangos ang ilong.”

“Mukhang nagkakasundo na silang dalawa,” puna ni Jeyrick na nakasunod sa kanya habang tinitingnan niya ang iba’t ibang hinabing damit.

“Sana nga magkasundo na sila. Walang matatapos si Jimarah kung palagi lang silang mag-aaway.”

“Pero kaya mo ba talagang mabuhay nang two thousand lang ang baon mo?”

Umangat ang gilid ng labi niya. “Susubukan ko.”

“Sana nga kayanin mo,” makahulugang sabi ni Jeyrick.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.