I Remember the Boy, Carrot Man Chapter 20

“ANG ganda talaga ng rice terraces ninyo! Ito pala ang pinoprotektahan ninyo dito sa Kadaclan,” sabi ni Paloma habang kinukuhanan ng picture ang Kadaclan Rice Terraces. Nasa gilid lang iyon ng daan at hindi nila nakita nang nagdaang gabi dahil madilim na nang dumating sila.

“Ito, ang kultura, ang pananalita, ang mga kaugalian, sinaunang pananamit at mga tradisyon. Kasama iyon sa gusto naming protektahan,” sabi ni Jeyrick at inilahad ang palad. “Hindi lang ito natatapos sa rice terraces. Kami mismo bilang taga-Kadaclan, pinoprotekahan namin ang identity namin. Bilang mga Igorot.”

Tapos na ang interview nila sa mga taga-Chupac at papunta na sa Ogo-og kung saan nakatira sila Jeyrick. May bahay daw si Professor Fe doon kung saan sila tutuloy. Marami pa siyang gustong matuklasan sa lugar na iyon. Taliwas sa pananaw ng iba na walang alam ang mga Igorot na malayo sa siyudad, matatalino ang mga ito. Mas magagaling pang mag-English sa kanya.

“Maganda siguro we can interview the younger Kadaclanons,” suhestiyon ni Jimarah. “Yung iba mas modern mag-isip para maka-relate naman ako.”

“Hindi mo naman kailangang maka-relate sa kanila. Kailangan mo lang sigurong ma-appreciate kung ano ang katangian ng ibang tao kahit iba sila sa iyo,” sabi ni Paloma at tinanguan ang isang matandang babae na kasalubong nila.

Siniko siya ng kaibigan at bumulong. “Ulitin mo ‘yung sinabi mo.”

“Alin doon?”

“Yung kailangang ma-appreciate blah blah blah. I want to record it. Ilalagay ko sa report ko,” sabi nito at inilabas ang cellphone.

“Hindi lang basta nire-record iyan, Jimarah. Isinasapuso iyan,” sabi niya.

“Whatever. You are so melodramatic,” anang kaibigan at umismid.

Hindi pa rin nakukuha ng kaibigan niya hanggang ngayon kung bakit sila ipinadala doon. Hindi simpleng report lang sa papel ang hinihingi sa kanila. Layunin ng pagpunta nila sa Kadaclan na ma-appreciate nila ang mga tao sa pagiging iba ng mga ito sa popular na mundo. Kung halos bumula ang bibig ni Jimarah kay Daniel Padilla at Enrique Gil sa mga bashers nito na bahagi ng popular na media, mas matindi naman doon ang pagdepensa ng mga Igorot sa kultura ng mga ito. At marami pa siyang gustong matutunan mula sa mga ito.

Pagdating nila sa covered court ng Chupac ay may dalawang dalagita na naghihintay dito. “Kuya Jey!” tawag ng mas bata. Sa palagay niya ay nasa fourteen na ang babae. Nagmano ang mga ito kay Professor Fe.

“Aba! Malalaki na ang mga kapatid mo, Jeyrick. Sana kasing sipag po rin sila sa pag-aaral,” anang guro.

Ipinakilala sila sa mga ito. “Kaklase ko - sina Jimarah at Paloma. Kapatid ko pala si Aiza at Charlene. Dito sila nag-aaral sa high school,” pagpapakilala ni Jeyrick sa mga kapatid nito.

“Hello,” bati niya sa tatlo at kinamayan ang mga ito.

“Ikaw ‘yung kausap namin kagabi. ‘Yung tumawag kay Kuya,” sabi ni Aiza. “Ang ganda mo naman, Ate Paloma. Pareho pa kayong may dimples ni Kuya Jeyrick.”

“Basta bawal pang mag-girlfriend ang kuya namin,” sabi ni Charlene na kasunod ni Jeyrick sa magkakapatid. Parang nangmamaliit sila nitong tiningnan ni Jimarah. “Sasama ba talaga siya sa atin sa Ogo-og? Baka di pa nga siya umabot ng Kaleo. Di mo na siya maipapakilala kay Mama.”

“Saan ‘yung Kaleo?” tanong ni Paloma.

Itinuro ni Jeyrick ang bundok sa harapan nila. “Sa susunod na baranggay na madadaanan natin.”

“Ah! Malapit lang pala,” sabi ni Jimarah.

Inabutan sila ni Jeyrick ng kahoy. “Gamitin ninyo na tungkod.”

“I am not weak. Excuse me,” sabi ni Jimarah at umirap.

Kinuha ni Paloma ang tungkod. “Salamat, Jeyrick. Gagamitin ko na.”

“Kailangan na nating umalis para di tayo gabihin,” sabi ni Professor Fe.

“Ate, tutulungan na kitang magbitbit,” alok ni Aiza.

“Hindi. Kaya ko na ito,” tanggi ni Paloma.

“Ate naman na kita,” sabi naman ni Aiza at kinuha ang ecobag niya na may lamang mga pagkain.

“Kaya ko na iyan,” sabi naman niya. Nahihiya siya na mas bata pa sa kanya ang magbibitbit ng dala niya.

“Hayaan mo na siya,” sabi ni Charlene. “Sabi ni Kuya gusto daw nilang maranasan kung ano ang pinagdadaanan natin.”

“I don’t like that girl. She’s maldita,” bulong ni Jimarah sa kanya. Napilitan kasi ito na bitbitin ang backpack nito. Hindi ito pwedeng maging senyorita lalo na kung gusto nilang maranasan kung paano mamuhay doon.

Alas kuwatro pa lang ng hapon kaya maliwanag pa pero di niya dama ang init ng araw. The view was breathtaking. Mula sa tuktok ng daan ay tanaw nila ang rice terraces. Matarik ang hagdan pero excited siya.

“Sa gitna tayo ng rice terraces dumadaan,” excited na sabi ni Paloma.

“Katulad ng Banaue Rice Terraces, di rin gumamit ng modernong kasangkapan sa paggawa ng nito,” paliwanag ni Jeyrick.

“Kunan mo ako ng picture dito,” sabi naman ni Jimarah kay Rjan at nag-pose sa steel railing nang tumawid sila ng tulay. Her friend was also enjoying the trip.

Magaan pa ang mga hakbang ni Paloma noong una. Pero kalaunan ay nagsimula na siyang hingalin. Wala pa rin siyang nakikitang bahayan. Habang parang balewala lang sa kay Jeyrick at sa mga kapatid nito ang matatarik na hagdan at ang mahabang lakarin. Tiningnan niya ang relo. Wala pa silang kinse minutos na naglalakad.

“I think I am dying,” sabi ni Jimarah na halos gumapang na sa hagdan. “Dehydrated na ako. Malayo pa ba tayo?”

“Wala pa tayo sa one-fourth, manang,” sabi ni Charlene.

“Ha? Ang haba na ng nilakad natin,” angal ng kaibigan. “Is there any other way? Wala bang ibang sasakyan?”

“Kung may helicopter ka,” sabi ni Rjan at nagkibit-balikat. “Wala kang dadaanan dito kundi rice terraces at bundok. Puro trail.”

“Yung totoo, sinadya ba ninyo akong idaan dito para parusahan sa mga kasalanan ko?” angal ng kaibigan. “Di ito makatarungan. Wala na akong tubig.”

“May mapagpapahingahan na sa malapit at pwede din tayong kumuha ng tubig,” anang si Jeyrick na di man lang hinihingal.

Tahimik lang si Paloma sa paglalakad. Na-realize niya na kung tatahimik siya at di gaanong magrereklamo ay mas makakatipid siya ng enerhiya. Iba pala ang nagdya-jogging o naglalakad lang basta sa naglalakad sa bundok na may dalang mabibigat na gamit. Dasal at tungkod ang saligan niya. And she had never prayed this hard since yesterday.

May mga nakasalubong pa sila na mga taong may dala pang kahon, kaban ng bigas at iba pang mabibigat na gamit. Kinakawayan at binabati naman nila Jeyrick ang mga ito. Pati siya ay bumabati rin. Nakakapanibago dahil di naman niya ugaling makibati sa mga di kilala. Iyon ang kalakaran sa lungsod. Walang pakialamanan ang mga tao.

Papadilim na nang makarating sila sa bungad boundary ng Ogo-og at Kaleo. “Ogo-Og na tayo,” sabi ni Jeyrick. “Konti na lang.”

“Gaano kakonti?” tanong ni Paloma. “Yung konti kasi sa iyo, isang oras na lakarin. ‘Yung totoo?”

“Ang katwiran namin dito, basta nakakahakbang ka at nakakausad, kahit gaano kalayo makakarating pa rin,” sabi ni Professor Fe. “May isang mataas na hagdan pa tayo na aakyatin papunta sa Ogo-og. Stairway to Heaven ang tawag namin doon.”

Napaungol na lang sila ni Paloma. That was not comforting. “Pakiramdam ko mas matindi pa ang aakyatin natin ngayon kumpara sa mga una nating inakyat.”

“Pero malayo na ang naabot ninyo. Makakapagpahinga na rin kayo kapag nakarating na kayo sa bahay ni Professor Fe,” sabi ni Jeyrick.

Nilingon ni Paloma si Jeyrick. “Araw-araw ganito ang nilalakad ninyo papunta sa Chupac para pumasok sa eskwelahan?” habang nagpapahinga sila sa waiting shed.

“Opo, ate,” sagot ni Aiza. “Umulan at umaraw dito kami dumadaan. Doon lang kasi sa Chupac may high school. Si Kuya Jeyrick nga po mula elementary sa Chupac pa nag-aaral at sa Central Barlig pa nag-high school. Wala kasing high school dito sa Kadaclan dati.”

“How could you stand living here?” tanong ni Jimarah sa mataas na tono. “May mas maayos naman na lugar na pwedeng tirhan na malapit sa school.”

“Ito ang tahanan ng mga ninuno namin,” paliwanag ni Charlene. “Dito kami ipinanganak. Dito rin ang mga bukid at kabuhayan namin. Tahimik ang buhay namin dito. Mababait din ang mga tao. Siguro hindi kami gaanong napagtutuunan ng gobyerno pero umaasa kami na dadating ang panahon na magkakaroon din ng college dito para di na kailangang lumayo ng mga bata para makapag-aral. Pero kailangan naming magsakripisyo kasi may mga pangarap kami.”

“Ano ang pangarap ninyo?” tanong ni Paloma sa mga kapatid ni Jeyrick.

“Makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng sariling negosyo,” sagot ni Charlene. “Gusto kong mabigyan ng trabaho ang mga kababaryo namin dito. Mahirap ang walang kabuhayan ang mga tao dito kapag nasa bukid lang.”

“Gusto kong maging doktor. Wala kasing doktor dito sa baryo namin,” sagot naman ni Aiza. “Malayo pa ang ospital dito sa amin. Mahirap kapag nagkakasakit ang mga bata tao dito at walang titingin sa kanila.”

“Hindi ba ninyo pangarap na magkaroon ng mall dito? O kaya magkaroon ng pabrika at minahan?” nakangising tanong ni Jimarah. Naguguluhang nagkatanginan sina Charlene at Aiza. Na parang wala pang nakakaisip na magkaroon ng mall doon.

“Hindi ba masisira ang kalikasan kapag basta-basta namin hinayaan iyon?” tanong ni . “Gusto mo ng mall sa ibabaw ng rice terraces?”

“Hindi papayag ang mga nakatatanda. Saka di bagay iyon development plan para sa indigenous people,” paliwanag ni Jeyrick. Tahimik lang si Professor Fe habang nakikinig sa usapan nila.

“You lead a boring life. And don’t you want to be civilized?” nakatirik ang mga matang sabi ni Jimarah.

“Hindi ba maituturing na sibilisasyon na bago pa dumating ang mga Kastila may ganito na sa lugar namin? Ang sibilisasyon ba sa iyo ay ang pagkakaroon ng mall at pabrika? Sibilisasyon ba ang pagkasira ng kalikasan? Nakita mo ba ang mga siyudad kung saan kung saan-saan nagkalat ang mga basura, walang pakialamanan ang mga tao sa nangyayari sa kapwa nila at walang pakialam sa kinabukasan ng iba?” tanong ni Jeyrick. “Hindi ko yata makita iyon sa Kadaclan. Ayoko ng ganoong uri ng sibilisasyon.”

“Jeyrick, kayo lang ang inaalala ko dito. Lumakad na ang mundo. Napag-iiwanan kayo,” nanghahaba ang nguso na sabi ni Jimarah. “Okay ka na sa ganitong buhay pero paano naman ang ibang mga tao?”

“Hindi lahat ng lugar kailangan ng mall,” sabi ni Paloma. “Iba-iba ang mga tao. May iba na mas mahalaga na I-preserve ang kultura nila o ang kapaligiran nila. Sa Maynila parang sari-sari store lang ang mga mall. Pero di ka basta-basta makakakita ng ganitong lugar sa mundo, Jimarah. Sa ibang bansa, naipe-preserve nila ang mga heritege sites nila.”

“Sabi mo lang iyan sa ngayon dahil bago sa iyo ang lahat. Masyado mong ninanamnam ang immersion na ito. Ewan ko kung hilingin mo rin na magka-mall dito paglipas ng ilang araw,” sabi ni Jimarah at tumayo. “Don’t forget that we are so much alike. City thrives in our veins.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.