“MANGUHA ng pataba sa bukid o magbayo ng palay at magluto ng tanghalian.”
Alas singko pa lang ay ginising na sila ni Professor Fe para maglinis ng bahay at magluto ng agahan. Akala ni Paloma ay doon na matatapos ang trabaho nila pero matapos mag-agahan ay ibinigay sa kanila ng guro kung ano ang magiging totoong assignment nila sa araw na iyon.
“Ano ‘yung magbayo ng palay?” tanong ni Jimara at naguguluhang tumingin sa kanya.
“Parang malaking mortar at pestel. Babayuhin ang palay para humiwalay ang ipa sa bigas,” paliwanag ni Paloma sa kaibigan. “Hindi ko alam na may ganoon pa pala dito.”
Sa kabila ng nga modernong pamamaraan ng paggiik ng palay gaya ng tresher, sinauna pa rin ang pamamaraan ng mga taga-Ogo-og. Para sa gaya niya na binibili lang ang bigas sa palengke o supermarket, suryal na may lugar pa na kailangang magbayo ng palay para makakain.
“Agrikultura ang pangunahing kabuhayan ng mga tao dito. Kaya magiging bahagi iyan ng immersion ninyo. Sino ang maiiwan dito para magbayho ng palay at sino ang gustong pumunta sa bukid?” tanong ni Professor Fe.
Itinaas ni Jimarah ang kamay. “Sa bukid ako. Iisipin ko na lang na nasa malaking garden ako ni Mama. I think I can manage.”
“Pero hindi naman pareho ang bukid at ang garden ninyo,” kontra ni Paloma.
“Mas alam ko iyon kaysa magbayo ng palay. Tapos magluluto pa ako sa kalan na de kahoy.” Hinawakan nito ang balikat niya. “You can do this, friend. Stay strong. I will just put on some sunblock and get my wide-brim hat.”
“Okay lang ba si Jimarah sa bukid?” tanong ni Paloma kay Jeyrick. “Hindi kaya mahirapan siya doon?”
“Masyado mong inaalala ang kaibigan mo. Mas malakas pa siya kaysa sa inaasahan mo. Nandoon si Rjan para ilabas ang nakatagong lakas niya,” ngingiti-ngiting sabi ni Jeyrick. “Sa lakas mang-asar ni Rjan, tiyak na magiging Super Saiyan si Jimarah sa kanya. Mas kailangan mong problemahin ‘yung assignment mo.” At ngumuso ito sa pambayo na nasa harap ng bahay.
“Gaano karaming palay ang babayuhin natin?”
“Tatlong bungkos ng palay,” sabi nito at ibinaba mula sa silong ang mga bundle ng palay na di pa natatanggal ang butil sa sanga. Naglatag ng sako si Jeyrick sa lupa at doon iilapag ang bungkos ng palay. “Kailangan muna nating matanggal ang mga butil ng palay para mas mabayo nating mabuti para ihiwalay sa ipa.”
“Kaya iyan,” usal niya at nag-stretching pa bilang paghahanda sa pagbabayo ng palay. Di naman siguro ganoon kahirap. Nasa lilim sila ni Jeyrick. Di tulad nina Jimarah at Rjan na nasa initan ng araw.
Binuhat ng dalaga ang pambayo. Napangiwi siya. May kabigatan iyon. Nang ibagsak niya sa talaksan ng palay, parang ayaw na niyang ingat.
“Kaya mo ba?” tanong ni Jeyrick sa kanya.
“Oo naman. Kailangan ko lang siguro ng konting music.”
“Magkakasundo tayo diyan,” sabi ng binata at binuksan ang lumang radyo doon. “Puro country song lang ang tugtog dito. Wala kami ng mga usong kanta sa Maynila.”
Nagkibit-balikat siya. “Okay lang. Kahit anong tugtog okay lang sa akin. Sa bar ng tita ko jazz music ang tugtugan saka acoustic.”
“Yung iba kasi nalulumaan sa mga country music at nababaduyan.”
“Music is music. Walang baduy-baduy. Iba-iba ng appreciation iyan,” sabi niya at ipinagpatuloy ang pagbabagyo ng palay.
Di pamilyar sa kanya ang mga tugtog pero nakaka-relax ang tunog ng gitara at ang malalim na boses ng mga singer. Ganoon siguro ang country music - chill lang pero puno ng emosyon at may kwento.
“Ayun! Favorite ko!” sabi ni Jeyrick at sinabayan ang kanta. “I love the feel of your name on my lips and I like the sound of your sweet gentle kiss.”
Tumigil siya sa pagbabayo ng palay dahil gusto niyang mapakinggang mabuti ang binata. Alam din niya ang kanta pero di niya sinabayan sa pagkanta si Jeyrick. Pinakinggan lang niya ang boses nito.
“Maganda pala ang boses mo,” komento niya.
“Kapag lang nagbabayo ng palay,” natatawang sagot ni Jeyrick at nagpatuloy sa pagkanta. “I love the way you love me.”
“Strong and wild, slow and easy, hard and soft so completely,” kanta rin ni Paloma at napatingin sa kanya si Jeyrick. Ngumiti ito at nagpatuloy sila sa pagkanta. “I love the way you love me.”
Nalaman niya na pareho silang mahilig kumanta ni Jeyrick. Nakakawala ng pagod ang ngiti at pagkanta ng binata. He enjoyed singing immensely. Sinabayan naman niya ito kapag alam niyaang kanta. Isang bagay na madalang niyang ma-enjoy kahit na lagi naman siyang kumakanta. Siguro dahil walang maninita sa kanya ngayon kung flat o sharp siya sa pagkanta. Nothing technical. She just wanted to feel and enjoy.
Matapos ipunin ang mga palay na nahiwalay sa sanga ay inipon nila iyon at binayo para ihiwalay ang ipa sa bigas. Pero di pala ganoon kasimple ang trabaho dahil sa dami ng butil ng palay ay di naman agad hihiwalay ang ipa sa bigas.
Maya maya ay nakaramdam siya ng pagod sa pagbabayo. Tumigil siya sa pagbabayo at minasahe ang braso. Inabutan siya ni Jeyrick ng baso ng tubig at biscuit. "Magpahinga ka muna. Magmiryenda muna tayo.”
Uminom siya ng tubig. “Magpapahinga na tayo?” Dismayado niyang tiningnan ang nabayong palay. Parang wala halos nagbago. Iilan pa lang ang nakikita niyang bigas. “Parang wala pa ako halos nagagawa. Wala pa yatang isang gatang ang bigas. "Tapos magtatahip pa at magluluto pa tayo. Anong oras na?” Tiningnan niya ang wristwatch. Nanlulumo siyang umupo sa kahoy na bangkito. Alas sais sila nagsimula sa pagbabayo “Alas nuwebe pa lang pero manhid na ang braso ko."
Pinunasan nito ng tuwalyita ang mukha niya. "Magpahinga ka kasi. Masyado mong sineseryoso ang pagbabayo ng palay.”
“Anong isasaing natin kung hindi pa tayo tapos dito?” tanong ni Paloma at huminga ng malalim. “Nakakahiya kay Professor Fe.”
“Hindi ka makina na panggiik ng palay. Kahit iyon nagpapahinga. Maiintindihan nila kung hindi agad tayo makakaluto. Napansin ko masyado kang seryoso sa lahat ng ginagawa mo. Parang may gusto kang laging patunayan.”
“Hindi naman simple ang pagpunta namin dito at ang report na pinagagawa sa amin. Doon nakasalalay kung mag-stay kami sa university o hindi,” paliwanag niya sa lalaki. "Dapat lang naman na ibigay ang one hundred percent sa kahit anong ginagawa ko. Kapag naalis ako sa school, baka hindi na ako makapag-aral. Hindi ko alam kung anong eskwelahan sa Baguio ang tatanggap ng estudyant na na-kick out dahil sa pagiging bayolente at racist."