I Remember the Boy, Carrot Man Chapter 23

Mataman siya nitong pinagmasdan. "Talaga bang sinaktan ninyo 'yung apo ni Governor?"

"Umawat lang ako pero nadamay ako sa gulo. Nagwawala kasi 'yung kaibigan ni Jeinfer at di sinasadya na natabig ko. Ayun! Dinepensahan ko lang din ang sarili ko nang sugurin ako pero ako ang naging masama. Hindi ako palaaway na tao."

Hindi lang niya alam kung maniniwala si Jeyrick pero iyon ang totoo. Ayaw niyang isipin nito na bayolente siyang tao.

"Hindi ka ba ipinagtanggol ni Jimarah?" nag-aalalang tanong ng binata. "Dapat sinabi niya ang totoo. Hindi ka dapat nahihirapan ng ganito."

"Naniniwala ka sa akin?" gulat na tanong ni Paloma.

"Minsan kung sino pa ang umaawat, iyon pa ang napapasama. Nakita ko na hindi ka maangal at pinagsisikapan mo na magawa ang lahat ng pinagagawa sa iyo. Iniisip ko noong una na nagsisisi ka na sa kasalanan mo. Pero kapag nakikita ko kayo ni Jimarah, hindi ka mareklamo. Di mo rin nilalait ang mga tao dito dahil lang iba kami sa iyo at marunong ka ring rumespeto sa kultura at paniniwala dito. Hindi mo minamaliit ang mga tao dito. Parang iba ka sa sinabi sa amin na kailangang turuan ng leksyon.”

"Siguro dahil kaibigan ko siya hindi ko siya maiwan. Ayaw din ni Jimarah na maiwan mag-isa. Siguro may mga tao lang na ipinanganak na pakiramdam nila superyor sila sa iba pero magbabago rin kung bibigyan sila ng pagkakataon. Parang ako. May punto rin naman sa buhay ko na baka nakasakit pala ako ng ibang tao dahil maliit ang tingin ko sa kanila. Tulad ng narinig mo na pag-uusap namin ni Jimarah dati,” paalala niya dito.

Umiling si Jeyrick at binuksan ang cookies na miryenda nila. "Hindi ikaw iyon. Si Jimarah iyon. Nasaktan lang ako noong una pero kung hindi ko maririnig mula mismo sa bibig mo, hindi ako maniniwala mula ngayon. Ikaw 'yung Paloma na nagpalakas ng loob ko habang dina-down ako ng iba nating kaklase. Kaya wala ka dapat dito at nahihirapan," anito at malungkot siyang pinagmasdan.

Naramdaman ni Paloma ang init sa puso niya. Parang nakikilala ni Jeyrick kung sino talaga siya. At hindi ito natatakot na baguhin ang maling paniniwala sa kanya. Parang isang malaking batong nakadagan sa dibdib niya ang nawala.

Magaan siyang tumawa. "Hindi. Masaya ako na nandito ako."

Nagsalubong ang kilay nito. "Masaya ka na nahihirapan? Masokista ka yata."

"Masaya ako na nakarating ako dito sa lugar ninyo. Nakilala kong mabuti ang mga tao dito at natutunan ko kung paano kayo mamuhay. Nakilala kitang mabuti. Nakilala mo rin akong mabuti. Napatunayan ko na kaya ko palang gawin ang maraming bagay na di ko na-realize na magagawa ko pala gaya nang paglalakad ng dalawang oras sa bundok, pag-akyat sa matatarik na hagdan at maipagmamalaki ko na kaya kong nagbayo ng palay." Itinuklop niya ang braso at kunwari ay ipinakita ang muscles kunyari. “Malakas pala ako.”

Natawa si Jeyrick. "Ikaw lang ang nakilala ko na nahihirapan pero masaya pa rin."

"Kasi iyon ang natutunan ko sa inyo. Kahit mahirap ang buhay di kayo mareklamo. Nagagawa mo pang ngumiti at ilabas ang dimples mo."

"May dimples ka rin naman," sabi nito at dinuro ang biloy niya sa kabilang pisngi. “At gusto kong ngumingiti ka. Mas maganda ka kapag nakangiti. Pakiramdam ko may ginagwa akong tama.”

“Kantahan mo ulit ako para ngumiti ako,” sabi ni Paloma.

"Nice. At mukhang enjoy na enjoy kayong dalawa at nagagawa pa ninyong magpa-cute sa isa’t isa habang ako nagpapakahirap sa bukid," reklamo ni Jimarah. Nakatayo ito habang nakapamaywang. Di maipinta ang mukha nito at basang-basa ito mula ulo hanggang paa.

Bigla silang naghiwalay ni Jeyrick na parang nahuli na may ginagawang kababalaghan kahit na wala naman. "Anong nangyari sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Paloma at nilapitan ang kaibigan. "Bakit basa ka at may putik pa ang damit mo? Pati buhok mo may lumot pa.”

"Those kids! Humanda sila sa akin," naniningkit ang matang sabi ni Jimarah at piniga ang basang buhok.

"Pati ba naman bata aawayin mo? Di naman niya sinasadya. Heto nga binigyan pa ako ng suso para may tanghalian tayo," masayang sabi ni Rjan na may hawak na basket at kasunod ni Jimarah. Narinig niya ang huni ng palaka sa loob. “Masarap tiyak ito.”

"Kami ba ni Jeyrick ang magluluto niyan?" nakangiwing tanong ni Paloma. Alam niyang kinakain ang suso pero di siya marunong. Ni di niya alam na kinakain iyon.

“Ah! Marunong akong magluto ng sinigtiman. May tapuy sa amin,” sabi ni Jeyrick. “Para masubukan naman nila ang luto natin.”

“Hindi ako kakain. Mas gusto kong magutom kaysa kumain ng suso na iyan.” Nang-aakusa nitong sinibat ng tingin si Rjan. “Kasalanan mo kapag namatay ako sa gutom. Kasalanan mo!”

“Paanong kasalanan ko?” tanong ni Rjan.

Naging tensiyonado tuloy ang paligid at nawala ang masayang atmosphere kaninang kasama niya si Jeyrick. Pero di naman niya masisi si Jimarah dahil mukhang nakakaawa ito. Gusto nito na laging perpekto ang itsura kapag humaharap sa iba. Ayaw nitong may magsasabi na di perpekto ang itsura nito.

"Kailangan mo ba ng tulong?" tanong ni Paloma sa kaibigan at sumunod hanggang baba ng hagdan. "Ako na ang kukuha ng damit mo. Maligo ka na.”

"Kaya ko nang mag-isa. Hindi ako mahina," sa halip ay sabi ng kaibigan. "Nakakahiya naman kung makagulo pa ako sa sweet moment ninyo ni Jeyrick."

"Mainit ang ulo. Pati ikaw nadamay pa," sabi ni Jeyrick nang bumalik si Paloma sa pagbabayo ng palay. “Masyado kang mabait sa kaibigan mo.”

“Sanay na ako,” sabi ng dalaga at nagkibit-balikat.

Binalingan ni Jeyrick si Rjan na pasipol-sipol pa habang nililinisan ang mga kuhol na nakuha nito. "Ano ba kasi ang ginawa mo?"

"Wala. Natabig siya ng mga bata habang nangunguha ng lumot na pataba sa gilid ng pilapil. Ayaw niyang lumusong. Nasubsob tuloy siya. Tinulungan ko nga pero nagalit pa rin,” kwento ni Rjan at pinipigilang tumawa.

"Pinagtawanan mo siguro," sabi ni Jeyrick. “Malakas ka kasing mang-asar.”

"Kahit naman anong gawin ko lagi siyang galit. Kumusta naman kayo? Marami na ba kayong natahip na bigas? Gutom na kasi ako. Gusto ko nang makaluto," sabi ni Rjan at mukhang napagod nga sa pagtatrabaho sa bukid.

Umungol si Paloma nang makita na wala pa halos nahihiwalay na ipa sa bigas. At inaasahan na agad ng mga galing sa bukid na makakapagluto sila para dito. Hindi nga madali ang buhay ng mga taga-Ogo-Og. Di gaya sa pinagmulan niya na bibili ng bigas at magsasaing na lang sa rice cooker.

Pero nang ngumiti sa kanya si Jeyrick na nagbabayo pa rin habang kumakanta ay nabawasan ang pagod niya. Kahit na gaano kahirap, dadaanin niya sa kanta at sa pagngiti. Kakayanin niya ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.