I Remember the Boy, Carrot Man Chapter 26

Napadilat siya nang bumangga siya sa kay Jeyrick. “Anong…”

Nang dumilat siya ay nakaharap na ito sa kanya. Maagap nitong hinawakan ang baywang niya bago siya matumba. “O! Bakit dito ka nakaharap? Paikot na sa kabila.” Hinawakan nito ang balikat niya at pinapihit siya patalikod. Iba na ang direksyon ng ikot ng ibang mga sumasayaw. "Sila na ang susundan mo."

Nag-init ang mukha ni Paloma. "Di ko alam."

Palpak siya at nakita ng mga taga-Ogo-og. As if at the back of her mind, she could see her aunt yelling at her because she made a mistake. Sa halip ay masayang mukha ang nakita niya sa mga tao. They were in a festive mood. Nawala ang tensiyon na nararamdaman dahil nakikita niya na walang maninita sa kanya kung may mali siya o may magagalit. Kaya na-enjoy niya ang pagsasayaw hanggang pati ang ibang mga nanonood ay nakisama rin sa pagsayaw.

Sinalubong siya ng nanay ni Jeyrick na si Ronalee matapos niyang sumayaw. "O! Ang galing magsayaw a!"

"Pwede na kayong maging tagadito,” sabi naman ni Mang Melvin.

"May mali nga po ako” nahihiyang sabi ni Paloma.

"Hindi ko napansin,” sabi ni Ronalee.

“Pagkatapos nitong program, gusto ba ninyong mag-swimming sa falls?" tanong ni Mang Melvin.

"Sama po kami diyan!" sabi ni Jimarah at itinaas ang kamay.

“O! Bakit parang naiiyak ka?” tanong ni Jeyrick. “Maganda naman ang sayaw mo.”

“Wala. Masaya lang ako kasi supportive ang pamilya mo saka ibang kababayan mo,” aniya at pinunasan ng tissue ng gilid ng mata. “Masaya dito sa inyo.”

Nakakatakot ka pala kapag masaya. Basta ka na lang umiiyak,” sabi nito. “Parang ayoko yatang dalhin ka sa falls namin kung iiyak ka lang.”

“Sira. Di ko pwedeng ma-miss ang falls na iyan. Di kumpleto ang pagpunta ko dito kung hindi ko iyon mapupuntahan,” sabi niya. Dahil gusto rin niyang ma-experience ang mga bagay na nagpapasaya kay Jeyrick.

“I AM IN LOVE!” sigaw ni Paloma habang nakadipa ang kamay at pinagmamasdan ang Amfitayok Falls. Labinlimang minutong nilakad ng grupo nila ang mga palayan mula sa mga bahayan ng Ogo-og.

Nakatago iyon sa pagitan ng mga malalaking bato at ang rainforest. Nasa dalawampung talampakan lang ang waterfalls. Di iyon mataas kaysa sa karaniwang waterfalls pero misteryoso ang dating niyon sa kanya. At parang nag-aanyaya ang berdeng tubig sa kanya.

Nawala ang ngiti sa labi ni Paloma nang makita ang mga bago na kailangan niyang daanan para makalapit sa falls. “Paano pala ako tatawid?”

Inilahad ni Jeyrick ang kamay sa kanya. “Aalalayan kita.”

Tinanggap niya iyon at itinuro sa kanya ni Jeyrick kung paano magpapalipat-lipat sa mga bato. May mga bahagi ang ilog na malalim at di pwedeng lusungin o kaya naman ay halos vertical ang bato at wala siyang magagawa kundi ang yumakap sa gilid o kaya ay talunin mula sa tuktok. Kailangan niya ang guidance ni Jeyrick dahil mas alam nito kung paano siya makaka-survive doon.

“Welcome to Amfitayok Falls!” sabi ni Professor Fe.

“Akala ko madali na lang kapag nakita ko na ang falls,” sabi ni Paloma nang sa wakas ay narating ang area kung saan pwedeng mag-picnic at magluto. Nauna na doon sila Professor Fe at ang mga magulang at kapatid ni Jeyrick. Nagpaparingas na ng apoy ang mga ito para paglutuan.

“Maraming waterfalls dito sa Barlig. Sa Lias kung saan nakatira ang mga lolo ko, one hundred ang waterfalls doon,” kwento ni Jeyrick.

“One hundred waterfalls?” nanlalaki ang matang bulalas ni Paloma.

“Pero ang Amfitayok ang paborito kong lugar dito,” sabi ng lalaki at hinatak ang kamay niya. “Kaya dapat maligo na tayo dahil miss ko na ito.”

Tumili si Paloma nang kaladkarin siya ni Jeyrick sa tubig at halos nagyeyelo ang lamig niyon. “Ayoko na Jeyrick!” sigaw niya at tinangkang umahon. “Mamamatay ako sa lamig!”

“Paano ka mamamatay? Paa pa lang ang nababasa sa iyo,” natatawang sabi ng lalaki at hinila siya sa mas malalim na parte. “Kailangan mong maging matapang kung hindi, di mo mae-experience ang maraming bagay.”

“M-Matapang ako huwag lang sa ganito k-kalamig,” sabi niya at niyakap ang sarili nang bitawan siya ni Jeyrick. Hanggang baywang na ang tubig noon.

Nag-floating si Jeyrick papalapit sa falls. “Masasanay ka rin. Masarap ang tubig. Subukan mong lumangoy.”

Umiling si Paloma. “H-Hindi ko yata kakayaning lumangoy.”

Lumangoy si Jeyrick sa kabilang gilid lagoon na binabagsakan ng falls at itinulak ang balsa sa kanya. “Kumapit kayo dito ni Jimarah. Inayos ni Papa ang balsa para magamit ninyo ngayon.”

Pinaghandaan talaga ng pamilya ni Jeyrick ang pagpunta nila sa falls. Bukod kasi sa balsa ay nagluluto pa ng pagkain ang mga ito. “Naligo agad ako. Di ba kailangan ng tulong ng nanay mo at ni Professor Fe?”

“Maliligo din sila mamaya. Mag-enjoy ka lang. Bukas babalik na tayo sa Baguio kaya dapat I-enjoy ninyo ang huling araw ninyo dito,” sabi ni Professor Fe at inabutan siya ng inihaw na atay ng baboy.

“Ha? Uuwi na po kami bukas?” malungkot na usal ni Paloma.

“Yes! We will finally go home. I survived!” masayang sabi ni Jimarah at niyakap siya. “It seems like forever. Akala ko forever na tayo dito.”

“Pero nag-e-enjoy pa ako dito,” usal niya at ikinawag ang paa habang nakakapit sa balsa. She liked the serenity of the place. Gusto niya ang magagandang ngiti ng mga tao doon at ang kasimplehan ng buhay.

“Pwede ka namang bumalik dito sa Kadaclan sa susunod. ‘Yung mas mahaba ang panahon mo para mamasyal,” sabi ni Jeyrick.

“Sana nga makabalik ako,” nausal na lang niya at naalala ang masungit na tiyahin. Tiyak na di papayag ang tiyahin niya na pabalikin siya sa Kadaclan para magbakasyon. Baka nga di ito sumang-ayon kapag nalaman kung paano na sila naging kalapit ni Jeyrick sa isa’t isa.

“May isda ba dito?" tanong ni Paloma at pilit inaninaw ang tubig sa baba. "Parang masarap ang inihaw na isda."

"Wala ditong isda sa baba. Malakas ang bagsak ng tubig dito at aanurin lang sila,” paliwanag ni RJan.

"Ay, sayang!" usal ni Paloma. “Gusto ko naman makaranas na makatakim ng bagong huling isda o kaya manghuli nang sarili ko.”

"Dito ka lang muna,” sabi ni Jeyrick at lumangoy palapit sa falls.

"Saan ka pupunta?" tanong niya at nataranta nang makitang umaakyat ito sa batuhan sa gilid ng falls.

"Sa taas. Kukuha ako ng isda,” sigaw ng lalaki. “Rjan, isunod mo ang basket na lalagyan ng isda. Kunin mo kay Papa.”

"Sasama ako. Gusto ko rin makita kung ano ang meron sa taas." At tangkang tatangayin ang balsa palapit sa falls pero pinigilan siya ni Jimarah.

"Dito na lang tayo. Huwag mo akong iiwan. The falls looks dangerous. Nakita mo ba kung gaano katalim ang bato at sa ugat ka lang ng puno kakapit?”

“Dito ka na lang sa baba. Hayaan mo na kami ni Jeyrick. Prinsesa ka no’n,” sabi ni Rjan at lumangoy palayo. “Magalusan ka pa, kasalanan ko pa.”

“Prinsesa niya ako?” tanong ni Paloma. “Ano iyon?”

“Basta maghintay lang kayo ni Jimarah dito sa baba.” At lumangoy na papunta sa falls si Rjan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.