"NAKU! Nakakahiya naman. Kayo pang mga bisita ang tutulong sa amin. Nakakahiya naman sa inyo," sabi ni Miss Angagan na siyang nag-welcome sa grupo ni Professor Fe nang dumalaw sila sa Ogo-og Elementary School kinabukasan.
Alas sais pa lang ay nasa eskwelahan na sila Paloma para maglinis-linis at magde-decorate sa school ground kung saan gaganapin ang programa para sa foundation day ng paaralan. Nanunuot ang lamig sa balat ni Paloma. Kahit ang araw ay parang gusto pang matulog at nagtatago sa ulap.
Maliit lang ang paaralan. Sampung silid lang ang naroon at walang entablado. Maliit lang ang populasyon ng Ogo-og kaya siguro di masyadong malaki ang paaralan kumpara sa ibang mga eskwelahan sa mas matataong lugar. Di pa dumadating ang mga estudyante dahil alas siyete pa ang pasok ng mga ito. Habang alas otso naman ang simula ng programa. May dalawang oras pa sila para mag-ayos ng venue ng programa sa school ground ng paaralan.
"Huwag po kayong mahiya, Ma'am. Sanay po sa mahihirap na trabaho ang mga iyan," anang si Rjan at pinanlakihan ito ng mata ni Jimarah.
"Handa po kaming makatulong,” sabi ni Jeyrick. “Malakas po kayo sa amin.”
"Pagpasensiyahan n'yo na lang ang eskwelahan namin. Simple lang dito. Ni wala pa kaming stage kaya maglalagay kami ng board sa labas para doon magkabit ng dekorasyon sa labas," paliwanag ng guro.
"Mabuti meron tayong eskwelahan. Di na kailangang maglakad ng mga bata ng mahigit isang oras araw-araw para lang makapag-aral," sabi ni Professor Fe. "Naalala mo noong pumapasok pa tayo sa Chupac nang putikan ang uniform kapag umuulan? Ang layo-layo pa ng nilalakad natin dahil di sementado ang trail.”
"Sanay naman na ang teachers natin," sabi ni Miss Angagan. "Kita mo. Pareho na tayong teacher ngayon."
"BFF goals pala kayo, Ma'am," nausal ni Paloma. "Nakaka-inspire na mag-aral mabuti lalo na kung may mga kaibigan ka na kasamang nangangarap.”
"Kaya nga natutuwa ako na nagsisikap din itong si Jeyrick. Sa hirap ng buhay may ibang kabataan na pinipili na lang mag-asawa ng maaga. Pero may mga bata talaga na pinipilit pa rin na ituloy ang mga pangarap nila. Baka mamaya may girlfriend ka na, Jeyrick," sabi ni Miss Angagan at hinaplos ang mahabang buhok ni Jeyrick. “Huwag kang magmadali.”
Umiling ang binata. "Wala po at wala pa naman po akong maipagmamala, maliban sa kaya kong magbuhat ng tiklis-tiklis na gulay. Gusto ko pa pong pag-aralin ang mga kapatid ko."
"Narinig mo iyon? Marami pa siyang pag-aaralin na mga kapatid," pang-aasar ni Jimarah at siniko si Paloma.
"Hala! Bakit pati ako nadamay?" tanong niya at bahagyang dumistansiya sa kaibigan.
"Ikaw itong tinuturuan ni Jeyrick ng Igorot love song," anang si Rjan na nakisali din sa tuksuhan.
Nag-init ang mukha ni Paloma. Habang si Jeyrick ay nakayuko lang. Pati ba iyon ay lalagyan ng malisya? Ipapaliwanag sana niya sa mga ito kung paano siya natuto ng Igorot love song pero hahaba lang ang usapan.
"Gusto ko lang matuto ng Igorot song para sa report ko," pakli niya at kinuha ang walis tingting. "Maglinis na lang tayo."
Kung tutuusin ay wala nang lilinisin sa school ground maliban sa ilang nalaglag na dahon mula sa mga puno. Gusto lang niyang dumistansiya sa malisyosong tingin ng iba. Baka isipin ng mga ito na may gusto siya kay Jeyrick at panira siya sa mga pangarap nito na makapagtapos. Mukhang suportado ito ng buong baranggay. Ayaw niyang isipin ng mga tao doon na kontrabida siya sa pangarap ng binata.
She liked Jeyrick. Pero ayaw niyang lagyan ng malisya ang magandang samahan nila. Pareho pa silang maraming pangarap. At nang makarating siya sa Kadaclan kung saan nakita niya kung anong klaseng buhay mayroon doon, nakita niya kung gaano siya kaswerte na maganda ang buhay niya. Na di niya dapat sayangin ang mga oportunidad na dumadating sa kanya.
"Magkape ka muna," alok ni Jeyrick nang ilang minuto na siyang nagwawalis. "Malamig ang panahon ngayon. Napansin ko nanginginig ka na."
"Salamat." Humigop siya ng mainit na kape at pinagmasdan ang rice terraces. "Ang ganda naman ng view dito. Sino ba ang di mai-inspire na mag-aral pag ganito kaganda ang makikita mo?" Huminga ng malalim si Paloma. "Nami-miss mo siguro ang simpleng buhay dito nang mag-aral ka sa Baguio, Jeyrick."
"Oo. Iba kasi ang buhay sa Baguio. Maingay at matao. Pero walang kaibahan sa buhay dito maagang babangon para magtrabaho. Maaga akong gumigising dito para sa bukid o tulungan si Mama na asikasuhin ang kapatid ko. Doon naman maaga akong gumigising para magkargador sa palengke. Pero walang ganitong tanawin na aabangan ko kapag sumisikat ang araw. Walang lugar sa Baguio na pwede kong masolo ang magandang tanawin. Palagi na lang may mga tao. Saka halos lahat kailangan mong bayaran."
"Hindi tulad dito na nakakahinga ka," sabi niya at pinuno ng sariwang hangin ang baga. “At libre pa ang view. Alam ko mas gusto ninyo ng mas madaling buhay dito sa Kadaclan. Pero kung dadagsa ang mga tao dito na wala namang pakialam sa kapakanan ng kalikasan, baka masira lang ang lugar ninyo. I’d rather keep it hidden. Like a secret paradise. Paggising mo sa umaga ito agad ang makikita mo. Ito ‘yung mga bagay na di nabibili ng pera.”
“Sana nga hindi ito mawala. Ito lang ang maipapamana namin sa susunod na henerasyon. Kaya kahit na saan ako makarating, ipagmamalaki ko ang lugar namin. At gusto ko na ganoon din ang ibang mga tao mula dito sa amin. Sana hindi makalimutan ang lugar namin pati ang mga kaugalian dito,” sabi ng binata. “Kahit saan kami makarating, dapat nasa puso namin ang Kadaclan.”
Ngumiti siya. “Hindi ko makakalimutan ang lugar na ito.”
“Baka naman ako makalimutan mo.”
Nilingon niya ito. “Siyempre hindi. Ikaw pa!”
Kung alam lang ng binata na masaya siya sa mga panahong kasama ito. Na nababawasan ang lungkot niya kapag nakikita kung gaano ito kapursigido sa buhay at kung paano nito pahalagahan ang mga tao sa paligid nito. He was an inspiration.
"Oy! Mamaya ka na magligawan. Maraming kailangang ayusin dito. Maglalagay pa tayo ng kurtina at decoration dito!” sigaw ni Rjan sa kanila.
“Hindi naman kami nagliligawan,” kontra ni Jeyrick. “Tigilan mo na ang pagiging malisyoso mo. Baka mamaya iba ang isipin ng mga tao sa amin ni Paloma.”
Nilapitan ni Paloma ang plastic bag na may lamang kurtina. “Ikabit na natin ito. Kulang dalawang oras na lang, magsisimula na ang program.”
Naging mabilis ang trabaho nila dahil sa pagdating ng mga magulang at ibang estudyante. Tumulong din ang mga ito sa pag-aayos ng dekorasyon at paghahanda sa programa. Naghanda pa ng miryenda ang mga ito para sa mga bata at bisita.
“Hanggang ngayon buhay pa rin ang bayanihan dito sa inyo,” sabi ni Paloma kay Jeyrick habang nakaupo sila sa gilid ng school ground.
Katabi nila ang nanay nitong si Aling Ronalee at amang si Mang Melvin. Kasama din ng mga ito si Anjel. Susuportahan daw ng mga ito ang performance ni Charles. Nakaka-overwhelm ang suporta ng mga ito bilang pamilya. At mukhang walang expectations ang mga ito na maging sobrang galing. Hindi nampe-pressure. Di gaya kapag nagpe-perform siya dati sa mga school presentation at singing contest kung saan lagi siyang tensiyonado dahil baka magkamali siya at magalit ang tiyahin. It was a day of fun. Kung saan naa-appreciate lang ng bawat isa ang talento at nakayanan ng bawat isa.
Di nagtagal ay tumunog ang gong at pumasok ang grupo nila Charlie. Nakasuot ng tradisyunal na kasuotan ng mga Igorot ang mga ito. Nagpalakpakan ang lahat. Ikinakampay ng mga ito ang kamay na animo’y ibon.
“They look so cute,” usal ni Jimarah. “Parang gusto ko silang iuwi sa bahay namin at pasawayin maghapon.”
“Anong sinasayaw nila?” tanong ni Paloma kay Jeyrick.
“Tufub o eagle dance. Sinisimbolo nito ang mga taga-Igorot na hindi nasakop ng mga Kastila noong unang panahon.
Nagulat sila nang maglapitan sa kanila ni Jimarah ang mga bata at hinila sila para tumayo at sumayaw. "Di ako marunong sumayaw," tanggi ni Paloma. Baka mamaya ay pumangit ang performance mga bata dahil palpak siya.
"Sumama na kayo. Madali lang iyan. Sasali din ako,” sabi ni Jeyrick. “Bawal tumanggi ang mga bisita dito kapag niyayang sumayaw. Nakakapangit daw.”
“Ayoko. Hindi ako marunong sumayaw. Nakakahiya,” sabi ni Jimarah pero nauna pa itong pumila sa bilog. Ikinumpas nito ang kamay at ginaya ang steps ng mga bata. Pati ang mga manonood ay natawa dito. Pagdating talaga sa pagandahan ay hindi ito papayag na pumangit.
Pinakinggan ni Paloma ang pagbagsak ng gong at saka sinabayan ang galaw ng mga bata. Noong una ay inilagay niya ang kamay sa likod at inimbay ang katawan habang nakapaikot sila. Maya maya pa ay ibinuka na niya ang bisig at ikinampay na parang ibong lumilipad.
“Fly like an eagle. Mataas ang lipad, malaya at walang kinatatakutan. Kaya mong abutin ang langit,” sabi ni Jeyrick sa kanya. “Lahat ng gusto natin kaya nating abutin basta magiging kasing kisig lang tayo ng agila.”
“Like an eagle,” usal ng dalaga.
Ninamnam ni Paloma ang kahulugan ng sayaw na iyon - para kay Jeyrick na ipinaglalaban ang pangarap nito para sa pamilya, para sa mga Igorot na lahi ng matatapang at ipinagmamalaki ang pamumuhay ng mga ito, at para sa kanya na madalas ay walang tiwala sa sarili pero may sariling pangarap na gustong maabot. Gusto niyang maging malaya. Gusto niyang maging masaya.