If Only Love (Filipino) Chapter 23

Gulat na tumingin si Rushmore kay Toni dahil sa tanong niya. “Ano bang klaseng tanong iyan?”

Mahigpit niyang hinawakan ang malamig na baso ng juice at mariing pinagdikit ang mga labi. “I am a monster. Di mo ba naisip na baka karma sa akin ang nangyari? Baka nga dapat lang akong mawala sa mundo dahil sa mga pagkakamaling nagawa ko.”

She was not proud of herself. Noong una ay sinisisi niya ang ibang tao kung bakit malayo ang loob ng mga ito sa kanya. Ngayon lang niya na-realize kung bakit iniwan at inayawan siya ng mga tao sa paligid niya. Hindi nga niya naiintindihan kung paanong naaatim ni Rushmore na sabihing mahal siya nito.

Ginagap nito ang kamay niya. “Sinasabi ko naman sa iyo na nangyayari ang lahat ng bagay di para parusahan tayo kundi para maging mas positibo tayo sa buhay at magawa natin ang tama. May dahilan pa ang Diyos kung bakit buhay ka pa ngayon. Kung bakit nasagip kita sa tamang oras. Ang totoo hindi lang ako ang nagmamahal sa iyo. Mahal ka rin ng Diyos.”

Parang may humataw sa kanya sa sinabi nito at nanlamig ang buong katawan niya. Lalo siyang na-guilty dahil sa muntik na niyang pagbawi sa sarili niyang buhay nang nakaraang araw.

“I know. I am ungrateful. Maraming ibinigay na biyaya sa akin ng Diyos. Pero binigyan lang niya ako ng pagsubok, susuko agad ako. Sobrang bigat kasi ng pagsubok na pinagdaanan ko. Parang lahat nawala sa akin,” aniya at muling nagbanta ang pagpatak ng luha sa mga mata niya. Ni hindi niya maisip kung anong mangyayari sa kanya kinabukasan. Paano pa siya mabubuhay?

“Hindi lahat.” Hinawakan nito ang baba niya at inangat. “Nandito pa ako para sa iyo. Alam ko naman na di ko kayang palitan ang lahat ng nawala sa iyo pero tinitiyak kong nandito ako para sa iyo.”

“Bakit mahal mo pa rin ako? You even hated me at one time. Hindi ba ‘yung bitterness ko sa pambabasted mo sa akin maraming taon na ang nakakaraan, nadamay pa ‘yung mga batang disabled na gusto mong tulungan?” Pakiramdam niya ay hindi siya deserve na mahalin ng kahit na sino lalo na si Rushmore.

Hinaplos nito ang pisngi niya. “I saw a glimpse of that girl that I used to love yesterday. Your careless smile, your laughter makes me happy as well. You were full of life. Masaya ka at parang puno ka ng pangarap at pag-asa. You were that girl before I broke your heart. Kaya gusto kong makta ulit ang babaeng iyon. But this time, I will protect you.”

Puno ng paghihinala niya itong tiningnan. “Baka naman naaawa ka lang sa akin.”

“Naaawa? How about this?”

Dumukwang ito sa mesa at inangkin ang labi niya. Anumang argumento ay lumipad na sa isipan niya. Naramdaman niya ang pangako ng pagmamahal sa halik nito. Subalit isang bahagi niya ang naguguluhan at nagdadalang kung nadadala lang siya ng emosyon niya.

“Do you think that’s pitty?” he asked with his brows raised.

“Well, a pity kiss? You are a great actor. Hindi ba may leading lady ka nga na na-in love sa iyo dahil magaling kang humalik?” may halong panunukso niyang tanong.

“Aha! That’s me as a great kisser and that’s my job. Kissing you isn’t a part of my job. And I won’t kiss a girl out of pity. Kung naaawa lang ako sa iyo, hindi ko sasabihing mahal kita. Hindi ako sinungaling. Nagsinungaling na ba ako sa iyo?” tanong nito.

“Nang sabihin mo na hindi mo ako mahal dati at itinaboy mo ako.”

Humalakhak ito at umupo muli. “See? Ibig sabihin naniniwala kang mahal kita.”

Sinapo niya ang noo niya at hindi alam kung matatawa o maiinis dito. “Naguguluhan ako. Hindi ko alam kung mahal mo ako o hindi.”

“Alam ko naman kung bakit naghihinala ka sa akin. For sometime, you were so down. Tinalikuran ka ng lahat ng mga tao na nagmamahal sa iyo. Sa gitna ng isang malaking problema, pakiramdam mo iniwan ka na nila. Akala mo wala nang magmamahal pa sa iyo. That you are not lovable enough. Ang totoo hindi lang ako ang kailangan mo. Dapat malaman din ito ng pamilya mo. O kahit man lang si Mommy Jho.”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya. “Ayokong may ibang makaalam nito. I…I want them to think that I am just in a vacation. Kung pwede lang ako na lang mag-isa ang makakita ng paghihirap ko.”

“Pero kailangan nilang malaman,” giit nito.

Puno ng pagtutol ang mga mata niya nang tingnan ito. “Huwag mong sasabihin kahit na kanino kung nasaan ako. Aalis ako ng tuluyan at pupunta ako sa isang lugar kung saan hindi mo ako makikita." Hinahayaan lang niya si Rushmore sa buhay niya ngayon dahil wala siyang pagpipilian. He was persistent. Pero hanggang doon lang iyon.

“Okay. We have to work on your treatment.”

Nilaro niya ng tinidor ang pagkain niya. “Kailangan pa ba iyon? Hindi na rin naman ako makakapamuhay ng normal dahil mabibingi ako. C-Can’t I just spend the remaining days of my life? Hayaan mo na akong mamasyal at maging masaya. A-Ayokong lumagi sa ospital. Just make me happy. Marami pa akong gustong puntahan na hindi ko pa napupuntahan. Sa Davao. Hindi ko pa napapasyalan ang farm mo doon. Pwede mo ba akong dalhin doon?”

Maraming masasamang alaala sa kanya ang ospital. Hindi niya makakalimutan kung gaano kalungkot doon lalo na nang makita niya ang paghihirap ng tatay niya. No. Ayaw niyang mamatay sa ganoong klaseng lugar.

Subalit umaliwalas ang mukha ni Rushmore sa pakiusap niyang sa farm nito na lang sila pumunta. “Sige. Ipapahanda ko na ang guestroom doon. Ipapa-ready ko na rin ang flight natin.”

“Thanks. You are the best,” aniya at kinintalan ito ng halik sa labi. Gusto na lang niyang gugulin ang nalalabing araw ng buhay niya kasama si Rushmore.

“SIGURADO ka na farm lang ito? Mukhang hacienda,” humahangang sabi ni Toni habang dumadaan ang kotseng sumundo sa kanila ni Rushmore sa airport sa malawak na sagingan na pag-aari nito. “Sa iyo talaga ang lahat ng ito?”

Puno ng pagmamalaki itong tumango. “Oo naman. Sa area na ito ako ipinanganak. Dati silang trabahador dito hanggang mamatay ang tatay ko noong twelve years old ako. Noong una mga five hectares lang ang binili ko. Para lang may mapagbigyan si Mama. Ayaw na kasi niyang mamalagi sa Manila dahil maingay at magulo. Kahit may resthouse kami sa Boracay, mas gusto niya dito sa Davao dahil dito sila nagkakilala ni Tatay, dito sila nagpakasal at dito ako nabuo. Lumipat kami sa Boracay nang mamatay si Tatay. Napalago ko lang ito nang mag-quit na ako sa showbiz at nakapag-focus sa farm. Noong nasa Boracay ako may kausap akong Japanese at Korean clients. Ako rin ang nagsu-supply sa ilan sa mga hotels at resort sa Boracay ng saging. Mataas ang quality ng mga saging na inaani dito sa farm.”

Tinapik niya ang braso nito. “Businessman ka na talaga. Samantalang dati parang puro ka parties at parang walang balak magseryoso sa buhay… at sa babae. Playboy ka dati.”

“Hindi ako playboy,” kaila nito.

Umingos siya. “Nagseselos kaya ako sa dami ng mga babaeng dumidikit sa iyo. Iba’t ibang babae ang isinasama mo sa mga event. At ni minsan hindi mo ako niyaya.”

Natatawa itong umiling. “Si Mommy Jho ang nagbibigay ng date sa akin. May mga artista, model at singer na gusto lang magkaroon ng exposure. Kung ako ka-date nila, tiyak na magkukuha nila ang atensiyon ng mga tao. Trabaho lang. Hindi mo na kailangan pa ng exposure sa pagdikit mo sa akin. Napansin ka na ng maraming mga tao dahil sa talent mo.”

“Hindi mo talaga naging girlfriend ang mga iyon?” paniniyak niya. “Kahit ‘yung mga ka-love team mo wala kang naging girlriend sa kanila?”

“Mapili ako sa magiging girlfriend ko. Kaya maswerte ka kasi na-in love ako sa iyo.”

“Ako na ang maswerte.” Hindi lang siya maswerte dahil hinahabol ng maraming kababaihan si Rushmore. It was his kind heart that made her feel blessed. Kung ibang lalaki siguro ay iniwan na siya sa gitna ng paghihirap niya. Hindi siya nito pinabayaan.

Kung tutuusin ay madali lang na humanap ito ng isang private hospital at ilagak siya doon. But he took her to his private domain. Ito pa mismo ang mag-aalaga sa kanya.

Sa dinami-dami ng mga taong naniniwala na masama ang ugali niya at sa dami ng nasaktan niya, di niya alam kung bakit pinagpapala pa siya ng ganito. Naniniwala siya na mahal siya ng Diyos. Nang bawiin nito ang lahat sa kanya ay hindi siya nito hinayaang mag-isa. Ibinigay nito si Rushmore para mahalin at alagaan siya. She must have done something good in the past to deserve this.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.