“Nandito na tayo,” wika nito nang tumigil ang sasakyan nito sa harap ng isang manor house style na bahay. It looked homey and relaxing. Inalalayan siya nitong bumaba. “Welcome to my humble abode.”
“Humble? Humble pa ito sa iyo. Parang pwede ngang tumira ang twenty na katao dito.” Malaki din ang bahay niya pero hindi ganito kalaki. “Marami ba kayong nakatira dito?”
“Ako at si Mama. Tapos ‘yung ibang katiwala namin dito sa bahay. Pero wala si Mama dito ngayon. Nasa trip sila ng mga amiga niya sa Europe.” Kilala niya ang ina nitong si Mildred at kabatian niya pero di sila malapit sa isa’t isa. Mukhang may allergy ito sa mga taong may kinalaman sa showbiz.
“Tayong dalawa lang dito?” tanong niya at maang itong tiningnan.
“You know that I won’t take advantage of you. Ewan ko lang ikaw kung may pagtatangka kang gagawin sa puri ko.”
“Ang yabang mo!” aniya at binati ang kawaksi na sumalubong sa kanila. Ipinakilala siya nito sa iba pang kawaksi sa bahay. “Kapag nakapahinga ka na ipapasyal kita sa sagingan mamaya pati sa orchids sanctuary ni Mama. Magugustuhan mo tiyak iyon. Libangan lang niya iyon noong una ngayon pero ngayon business na rin namin. I take care of the sale and marketing.”
“Baka naman makaabala ako sa iyo habang nandito ako.”
“No. Hindi ka magiging abala kahit na kailan. Bisita kita dito kaya sana ituring mo ring sa iyo ang bahay na ito.”
Huminga siya ng malalim habang nakatayo sa verandah. Nare-relax siya habang umiinom ng mangoosteen juice. Tahimik ang farm at masarap sa paningin ang mga punong natatanaw niya. Naiintindihan na niya ngayon kung bakit mas gusto ni Rushmore doon. Tama ito. Hindi nito ipagpapalit ang pera sa katahimikan.
“Ito talaga ang pangarap mo, hindi ba? Ito ang ipinaglaban mo sa lahat nang pinipigilan ka nilang mag-quit sa showbiz. Hindi mo ba nami-miss ang showbiz?” tanong niya.
“Noong una parang nakaka-miss. Pero mas masaya ako nang maging ordinaryong tao lang ako. Mas may privacy ako at peace of mind. Hindi ko na kailangang isipin ang mga tsismis na pwedeng makasakit sa akin at sa pamilya ko.”
“You are right. Masyadong malupit ang mundong ginalawan natin. I am not being ungrateful. Di ko tatamasahin ang lahat ng mayroon ako kundi dahil sa entertainment world na tumanggap sa talent ko. But I somehow lost myself in the process.”
Ang mga taong inaayawan niya noong una ay naging kaalyado din niya. At ang mga kaalyado niya ay naging kaaway. Nalunod siya sa kompetisyon, sa pagiging pinakamagaling hanggang natuklasan na lang niya kung gaano kalungkot na mag-isa sa taas.
“Magugustuhan mo dito. Walang reporters na mambubulabog sa iyo.”
“Paano kung masundan nila tayo dito?” nag-aalalang tanong niya. Baka mamaya ay may mag-leak ng pictures nila ni Rushmore sa media. Naka-disguise siya tuwing lumalabas at di rin siya makikilala basta-basta sa bago niyang anyo. Mapagkakatiwalaan din naman ang resort na tinuluyan niya. Pero matindi ang pang-amoy ng mga reporters.
“Nope. That would be unlikely. Hindi basta-basta makakapasok dito ang mga tao nang walang permiso mula sa akin,” kampanteng sabi nito.
“Hindi pa tayo ibubulgar ng mga tauhan mo? Walang magti-tip sa reporters?”
“Wala. May tiwala ako sa mga tauhan ko. Mga simpleng tao lang sila dito. Malaki din ang respeto nila sa akin at parang pamilya na nila ako.”
Yumuko siya. Masyado na talaga siyang mapaghinala. Pakiramdam niya ang lahat ng tao ay motivated ng pera. “I am sorry. A-Ayoko lang kasing magulo ang privacy mo dahil sa akin.”
“Don’t think too much. Ako na ang bahala. Mabuti pa magpahinga ka muna. Susunduin kita mamaya para kumain. Tawagan mo na rin si Mommy Jho. Tiyak na nag-aalala iyon sa iyo. Saka baka marami kang kailangang ibilin sa kanya para sa mas mahaba mong bakasyon.”
“Okay. You are right,” aniya at tumuloy sa guestroom.
Mahabang sandali niyang pinag-isipan ang pagtawag kay Mommy Jho. Saka niya naisip ang mga responsibilidad at projects na naiwan niya sa Manila. Kailangan niyang harapin ang mga iyon. Unfair kay Mommy Jho na ibitin ito sa ere habang ginawa nito ang lahat para alagaan ang career niya. Kung wala si Mommy Jho ay wala siya sa kinalalagyan niya ngayon.
“Hello, Mommy Jho.”
“N-Nasaan ka na? Nag-aalala na ako sa iyo,” anitong di na maitago ang panic sa tinig.
“I am still on vacation,” aniya at tumanaw sa labas ng bintana.
“May nakakita sa iyo sa Boracay. Sinabi ko na lang na hindi ikaw iyon at nasa ibang lugar ka. Nandoon ka pa rin ba?”
“Let’s say that I am someplace else with more privacy. Okay naman po ako dito at nakakapagpahinga kaya wala kayong dapat aalalahanin.”
“Babalik ka na ba? Kailangan ka na dito.” Nai-imagine niya ito na pabalik-balik ng lakad sa carpeted nitong opisina. “Kailangan na ng network ang sagot mo tungkol sa bagong season ng show mo.”
“I am sorry. Hindi ko po matatanggap sa ngayon. I need more time for myself.”
“Gaano ba karaming panahon ang kailangan mo?” malumanay nitong tanong.
“I will come back when I am ready. Kayo na po muna ang bahala kay Dianne at sa iba ko pang staff. Siguro naman po di kayo mahihirapan na ihanap siya ng trabaho dahil masipag naman po siya at matiyaga.”
“But I will make her available once you’re back.” Positibo pa rin ito.
“Pwede po ba na kayo na ang magsabi kay Nanay na bumalik na siya sa bahay? Wala naman po ako doon. Kahit isama pa niya si Aya, wala pong problema sa akin. Kailangan din pong may tumingin sa bahay.”
“Ano ba naman iyan, hija? Parang mga huling habilin na ‘yan.” Napahagulgol ito ng iyak. “Toni…”
“Mommy Jho, kung umiyak po kayo parang hindi na ako babalik,” aniya at pagak na tumawa. Ayaw niyang makahalata ito sa tunay niyang kalagayan.
“Bumalik ka na dito, Toni. Ayaw mo pang sabihin kung nasaan ka. Lalo mo akong pag-aalalahanin niyan. Paano kung may mangyari sa iyong hindi maganda? Saan kita hahanapin?”
“I will tell you in time. Hayaan lang po ninyo ako sa ngayon.”
Parang kakaiba ang iyak nito. Hindi naman ito emotional sa ibang talent nito. She was the voice of reason, very calm and very sane. Hindi ito basta-basta umiiyak maliban kung may taong may malubhang sakit o mamamatay.
“Kain na,” yaya ni Rushmore. “Nakausap mo na si Mommy Jho?”
“Oo. May sinabi ka ba tungkol sa kalagayan ko. Pakiramdam ko kasi may alam siya,” aniya at mataman itong pinagmasdan.
“Kung may alam siya, susugod iyon dito mismo. Saka ibinilin mo sa akin na huwag kong sabihin kahit na kanino. Sumusunod lang ako.”
“Thank you.” Pinatunayan ni Rushmore na mapagkakatiwalaan ito. At iyon ang kailangan niya ngayon- isang taong mapagkakatiwalaan.