If Only Love (Filipino) Chapter 36

HINDI magkamayaw ang mga teacher at kaklase niya sa pagpapakuha ng pictures sa kay Toni. Matapos ang performance na iyon ay parang malaya siya at handang harapin ang mundo. Wala siyang mali sa sign language test niya. Pati ang ibang mga tao sa audience ay nagpakuha din ng picture hindi lang sa kanya kundi pati kay Ruan.

“Great job!” bati agad ni Rushmore nang makawala siya sa mga gustong magpa-picture sa kanya at kinintalan siya ng halik sa labi.

“Lahat naman kaming estudyante dito maganda ang performance,” sabi niya at yumakap sa baywang nito.

“But your performance with Ruan was very inspiring. Naramdaman naming lahat ang puso. Ibang-iba sa paraan ng pagkanta mo dati,” puno ng pagmamalaki nitong sabi.

“Naiintindihan ko ang punto mo. Naramdaman ko rin iyon kanina. Siguro dahil hindi kasikatan ang habol ko o kompetisyon kaya ako kumanta kanina. I did it for someone else.” Masarap pala sa pakiramdam na isipin ang kapakanan ng iba nang walang hinihinging kapalit.

“Malaki na talaga ang ipinagbago mo. I am so proud of you.”

“Thanks to you. I realized the things that matters most because of you.”

Kung wala si Rushmore, baka mag-isa pa rin siya hanggang ngayon at nagdurusa. Baka hanggang ngayon ay di pa rin niya gugustuhing ipaglaban ang sarili niya. Baka sumuko na lang siyang mabuhay. Nagpapasalamat siya na wala siya sa sitwasyong iyon ngayon. Sa bawat araw na nabubuhay niya ay mas marami pa siyang magagandang bagay na natututunan.

“Hindi pa rin pala kumukupas ang galing mo sa pagkanta, hija. Mukhang magaling talagang mentor si Professor Mendez. Hindi nawala ang kompiyansa mo sa kabila ng kapansanan mo,” sabi ni Mildred nang lumapit sa kanya at humalik sa pisngi niya.

Nanlamig siya nang makita ito. “T-Tita, nanood po pala kayo.”

“Mama, hindi po ninyo sinabing manonood kayo,” gulat na sabi ni Rushmore.

“Isinama ako ng kaibigan ko. Mimi!” tawag nito sa kaibigan nitong kausap ang director ng paaralan. Lumapit ang isang eleganteng babae sa kanila na di nalalayo ang edad kay Mildred. “Toni, si Mrs. Mimi Chavez. Siya ang head ng House of Peace, isang orphanage para sa biktima ng military insurgencies.”

Kinamayan siya nito. “Hija, maraming salamat sa pagtulong kay Ruan. Mahiyain ang batang iyan, tahimik at gusto lagi na mapag-isa. Kapag may problema sinasarili lang niya. Siguro dahil na rin hindi siya nakakapagsalita kaya konti lang ang kaibigan niya. Sa palagay ko ngayon magkakaroon na siya ng maraming kaibigan,” anito at tinanaw si Ruan na nakangiti habang nakikipag-usap ng sign language sa ibang kaklase. Mas animated na ito at parang nawala ang hiya nito. Ibang bata na ang nakikita niya.

“Nakita ko po kasi siyang mag-isa lang na umiiyak sa sulok ng backstage. Walang nakakapansin sa kanya dahil abala po ang lahat. Naiwan daw po niya ang CD niya. Malungkot din po siya dahil death anniversary ng magulang niya ngayon,” kwento niya.

Kumunot ang noo ni Miss Mimi. “Hindi yata iyan nabanggit sa akin. Kaya pala matamlay siya kaninang papunta dito. Dalawang taon na niyang hindi nadadalaw ang puntod ng magulang niya dahil may kalayuan.”

Tumingala siya kay Rushmore. “Pwede ba nating samahan si Ruan na dalawin ang puntod ng mga magulang niya?” Sigurado siya na mas magiging masaya si Ruan kung maise-share nito ang tagumpay ng araw na iyon sa mga magulang nito.

Nakangiting tumango si Rushmore. “Of course.”

“Hijo, may party pa tayong pupuntahan mamayang gabi,” paalala ni Mildred. “Importante iyon.”

“Importante din po ito, Mama,” sabi ni Rushmore. “Hindi lang para kay Ruan kundi para kay Toni din. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi nasasamahan si Ruan. Pupunta siya kahit na mag-isa. Gusto ko po nandoon ako sa tabi niya.”

“Maraming salamat, hijo. Kakausapin ko ang isa sa mga staff ko para samahan kayo,” masayang sabi ni Mimi at nagpasintabi para tumawag sa cellphone.

“Hanggang kailan ka nga pala dito sa Davao, hija?” tanong bigla ni Mildred.

“Ma, ano bang klaseng tanong iyan?” mahinang angil ni Rushmore. “She can stay here as long as she wants. And I will stay with her as long as she needs me.”

“Kung ganoon, hanggang kailan nga?” tanong ni Mildred na parang atat na atat na itong umalis siya.

“Two weeks na lang po at kailangan ko nang bumalik ng Manila para sa surgery ko.”

“And I am going with her,” dugtong agad ni Rushmore.

“Pasensiya po kayo, Tita. Makakasama ko pa ng mas matagal si Rushmore kahit na maka-recover ako sa surgery ko. Ginagawa ko po ang lahat para bumalik ako sa dati at huwag maging pabigat sa kanya. Hindi lang po ako babalik sa normal kong buhay. I will have a much better life with him,” paliwanag niya.

“Huwag kang pakasiguro hangga’t hindi pa nangyayari. Kaya magpakasaya ka sa ilang araw na makakasama mo ang anak ko. Susundan ko lang si Mimi,” sabi nito at tinalikuran sila.

“Pasensiya na kay Mama,” sabi ni Rushmore at ginagap ang kamay niya.

Malungkot siyang ngumiti. “Nasasanay na ako. Nanay mo siya at di na mababago iyon. Kung gusto kong manatili sa tabi mo, kailangang masanay na kami sa isa’t isa. Let’s go!” aniya nang makitang kumakaway si Mimi sa kanila. Habang kasama niya si Rushmore, pakiramdam niya ay kaya niyang gawin ang lahat. Na lahat ay posible.

TINANGHALI ng gising si Toni dahil na rin sa pagod. Ginabi na sila ng uwi mula sa pagdalaw sa puntod ng mga magulang ni Ruan. At naisip niya kung gaano kalungkot ang mawalan ng pamilya. Naalala niya ang sinabi ni Ruan nang tanungin nito kung may pamilya siya. Dapat ay iparamdam niya sa pamilya niya ang pagmamahal niya sa mga ito habang buhay pa ang mga ito. At iyon mismo ang gagawin niya – aayusin niya ang relasyon niya sa pamilya niya pagbalik niya sa Manila bago ang surgery niya.

She was tired and a bit weak but she felt good inside. Tiyak na matutuwa si Rushmore sa mga realizations niya. At gusto niya na ipagmalaki ito sa pamilya niya. Na nasa kanya na ang lalaking pinapangarap niya at mahal niya.

Katatapos lang niyang maghilamos nang bumukas ang pinto. Sumilip ang isa sa kawaksi. “Ma’am, nasa breakfast room po sila Sir Rushmore. Sumabay na daw po kayong mag-agahan sabi ni Ma’am Mildred.”

“Salamat, Elena. Susunod na ako,” wika niya at ipinusod muna ang buhok bago tumuloy sa breakfast room.

Nang dumating sa breakfast room ay nakaupo si Rushmore sa breakfast table at nagbabasa ng diyaryo habang pabalik-balik sa paglalakad si Mildred na parang hindi mapakali. Naramdaman agad niya ang tensiyon sa silid.

“G-Good morning,” nag-aalanganin niyang bati.

Binitiwan ni Rushmore ang hawak na diyaryo at sinalubong siya. Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Good morning! Are you okay? Wala bang masakit sa iyo?”

Umiling siya. “Pagod lang pero okay naman ako. Ready na rin ako sa music class ko mamaya.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.