If Only Love (Filipino) Chapter 37

“Sige. Pumunta ka sa music class mo at nang dumugin ka ng mga tao sa labas,” sabi ni Mildred na madilim na madilim ang mukha. Lumapit ito sa mesa at dumampot ng isang diyaryo saka halos ipagduldulan sa mukha niya. “Tingnan mo! Dahil sa presentation mo kahapon at pagpapa-picture mo sa mga tao, nabulgar na sa lahat na nandito ka sa Davao at nakatira dito sa farm.”

Nanlamig siya nang makita ang picture niya sa diyaryo habang kumakanta at nagsa-sign language. Nandoon ang espekulasyon na maaring umalis siya ng showbiz at di nagpakita ay dahil sa relasyon nila ni Rushmore o ang posibilidad na may malubha siyang sakit kaya nag-aaral siya sa Shining Hope School for the Disabled. Espekulasyon lamang ang nakasulat doon pero sapat na iyon para bigyan ng ideya ang publiko kung anong pinagdadaanan niya nitong nakakaraang buwan. Hindi na kontrolado pa ang sitwasyon. At ang tanging proteksiyon lang niya ay ang bakod ng farm.

“P-Paano nangyari ito?” tanong niya kay Rushmore.

“Isa sa mga kapamilya ng estudyante um-attend sa program kahapon ay nagtatrabaho pala sa diyaryo. He got an exclusive for this one.”

“Hindi mo masasabing exclusive iyan, Rushmore. Dahil sa dami ng photo opportunity na ibinigay kahapon ni Toni sa mga fans niya, nagkalat na ang mga pictures niya sa internet. Kaya naman puro mga reporters na sa labas. And not just that. Hina-harass pa nila ang mga tauhan natin para lang makakuha ng impormasyon tungkol sa kanya. Hindi na maaayos ang buhay natin hangga’t di nawawala ang mga reporters na iyan.”

Napayuko siya dahil di naman niya alam na ganito ang kalalabasan ng pananatili niya doon. “Pasensiya na po.”

“Anong pasensiya?” angil ni Mildred. She flung her hands in the air in exasperation. “Ganoon na lang ba kasimple iyon? Isang pasensiya lang at maaayos na ang lahat? Ginulo mo ang buhay namin. Umalis ng showbiz si Rushmore dahil gusto ko ng tahimik na buhay para sa kanya. Gusto namin ng katahimikan. ‘Yung walang nagkakagulong reporters at magkakaroon man lang kami kahit kaunting privacy. Pero ngayong nasa buhay ka ng anak ko, nawala na naman iyon. Hindi ko ipakikipagsapalaran ang tahimik naming buhay dahil lang sa iyo. Hindi ako papayag!”

“Ma, hindi po kasalanan ni Toni na may reporter sa venue,” depensa ni Rushmore.

“Kasalanan niya iyon dahil masyado siyang pasikat. Sana kumuha na lang siya ng private tutor kung gusto niyang mag-aral ng sign language. Sinadya din niyang mag-perform kasama ang batang iyon dahil gusto niyang magpasikat. At kahit na wala pang reporters doon, ilalabas din naman ng mga taong nagpakuha ng pictures sa kanya ang mga pictures sa mga networking sites. Wala ring pagkakaiba, hindi ba?”

“That is not true,” protesta ni Rushmore. “Huwag kayong ganyan, Ma.”

“Tama ang Mama mo, Rushmore. Kasalanan ko ang nangyari. Masyado akong naging masaya kahapon kaya nawala sa isip ko ang posibilidad na mangyayari ito. Pero hindi po ako nagsisisi sa mga ginawa ko kahapon at sa mga desisyong nagawa ko. Mabuti po ang intensiyon ko nang gawin ko po iyon,” katwiran niya at direktang tiningnan si Mildred sa mga mata. “Nalulungkot lang po ako na naabala po kayo sa nangyari at nadamay pa ang mga tauhan ng farm.”

Nasanay siya sa proteksiyong ibinibigay ni Rushmore. Napapakiusapan nito ang mga tao na huwag ilabas ang impormasyon tungkol sa kanya. She could get away with her disguises. Ngayon ay hindi na siya pwedeng magtago pa.

Humalukipkip si Mildred. “At anong plano mong gawin sa mga reporters? Aalis lang sila kapag umalis ka,” naghahamon nitong wika.

Huminga siya ng malalim. “Sige po. Magpapa-book na po ako ng flight mamaya.”

Isang magandang ngiti ang sumilay sa labi ni Mildred. “That’s good news. Kung ganyan naman pala, magkakasundo tayo. Kumain ka na, hija. Gusto mo ako pa ang magpa-book ng flight mo para hind ka na mapagod. Ipapa-empake ko na rin ang gamit mo.” At pakanta-kanta pa itong lumabas ng breakfast room.

Katahimikan na lang ang namayani sa pagitan nila ni Rushmore nang maiwan sila sa dining area. “Mukhang masarap ang breakfast natin, ah! Kain tayo!” aniya sa pilit na pinasayang boses. Hindi pa rin nagsi-sink in sa kanya na aalis na siya.

“Bakit ka pumayag sa gusto ni Mama? Alam mo naman na poprotektahan kita,” angil nito.

“Alam ko naman na poprotektahan mo ako. Pero naisip ko na ayoko nang magulo pa ang mga tao dito. Sa dinami-dami ng mga naitulong ninyo sa akin, ito lang ang magagawa ko para sa inyo. At oras na rin naman para bumalik ako ng Manila. Oras na para tapusin ko ang pagtakas ko.”

“Pero kailangan mo pang magpahinga para sa paghahanda sa surgery mo. Hindi mo magagawa iyon nang pinagkakaguluhan ka ng mga reporters. Hindi ka rin mapapahinga. Mas mapoprotektahan pa rin kita habang nandito ka.”

Ginagap niya ang kamay nito para papayapain ang loob nito. “I know, Rushmore. Pero handa na akong humarap sa lahat – sa mga tao, sa mga reporters at sa pamilya ko. Handa na akong harapin ang sakit ko.”

“Aaminin mo sa kanila ang tungkol sa sakit mo?”

“Yes. At ipagmamalaki ko sa lahat na naging matapang ako sa lahat ng pagsubok dahil sa pagmamahal mo sa akin. Kaya kung anuman ang desisyon ko, alam ko na kakayanin ko ang mga darating na hamon sa akin dahil nandiyan ka para alalayan at protektahan ako. Lalaban ako dahil sa iyo.”

“Kung ganoon, mag-eempake na rin ako.”

Gulat siyang tumitig dito. “Bakit?”

“Sasama ako sa iyo sa Manila. Hindi ako aalis sa tabi mo mula sa pagharap mo sa mga reporters hanggang matapos ang operasyon mo.”

Tumigil ang pagtibok ng puso niya. Hindi niya alam kung matutuwa siya o mag-aalala sa desisyon nito. “At paano ang Mama mo?”

“Oras na para tanggapin niya na ssuunod ako kahit saan ka pumunta. Lalo kitang hindi maiiwan ngayon. Magkasama tayo dito, hindi ba?”

Tumango siya at hindi na tumutol pa sa desisyon nito. Mali na isipin niyang kaya niyang gawing mag-isa ang lahat dahil ang lahat ng lakas niya ay galing pa rin kay Rushmore. Ngayon niya ito higit na kailangan sa pinakamatinding laban ng pagmamahalan nila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.