NANG dumilat si Toni ay namulatan niya ang nurse na nagtse-check ng vitals niya. Nasa ospital siya. "Mabuti gising na kayo, Miss Fabregas. Anong nararamdaman ninyo?”
"Tubig. Gusto ko ng tubig," ungol niya.
May naririnig na ulit siya. Marahil ay di lang maganda ang pakiramdam niya kahapon kaya siguro pansamantalang nawala ang pandinig niya. Ngayon ay normal na ulit siya.
Dinulutan siya ng nurse ng tubig. Tahimik siyang nakiramdam sa paligid. She could the hum of the aircon. Pumapailanlang din ang musika ni Rachmaninoff sa kuwarto niya. Siguro kaya nawala ang pandinig niya ay ayaw na naman niyang makarinig ng panibagong kasinungalingan.
Nilingon niya si Dianne na natutulog sa sofa.
"Anong oras na?" tanong niya.
"Alas otso ng umaga. Kauuwi lang po ng nanay ninyo. Babalik daw po siya.”
She was horrified. Alas otso na ng umaga. Ibig sabihin ay marami na siyang na-miss. May rehearsal pa siya para sa show niya. Paano ang recording ng kanta niya?
Pilit siyang bumangon. "Okay na ako. Gusto ko nang lumabas ng ospital."
Pinigilan ng nurse ang balikat niya. "Ma'am, hindi po pwede."
"May trabaho pa ako."
Kahit anong pilit niya ay di pa rin siya pinayagan ng nurse. Isang oras pa ang lumipas bago dumating ang doktor. "Doc, pwede pong i-discharge na ninyo ako? Okay na po ako. Wala naman akong sakit. I am just under a lot of stress lately."
He looked at her with critical eyes. "Anong naramdaman mo bago ka mag-collapse?"
Sinapo niya ang noo niya. " Sobrang sakit ng ulo ko. Umiinom naman po ako ng Ibuprofen. Nito lang pong huli hindi na po ako nakainom ng gamot at nag-collapse ako.”
“Gaano kadalas ang pagsakit ng ulo mo?”
“H-Halos araw-araw po. Hindi ko na lang po pinapansin dahil kaya ko naman.”
"What else?"
"Parang humina ang pandinig ko. Umuugong po ang tainga ko. Bago po ako mawalan ng malay, isang matinis na tunog po ang narinig ko. Pagkatapos wala na po akong marinig."
"We need to subject you to a CT scan."
Kinabahan siya. Bakit kailangan siyang i-CT scan? Di ba karaniwan ay sa may malalang sakit lamang iyon? "Doc, hindi na po kailangan. I mean, baka stress lang po iyon. Ayoko na pong magtagal pa dito."
Hindi niya gustong nakahiga lang at walang ginagawa. Ni hindi nga niya gustong magbakasyon ng matagal dahil hinahanap ng katawan niya ang trabaho. At kung hihilata man siya at walang gagawin, hindi niya iyon gagawin sa ospital. Ayaw niya ng mga scan-scan. Ayaw niya ng kung anu-anong mga test.
"We have to make sure that everything is okay, Miss Fabregas. Let's just pray that there is nothing wrong. Kung stress 'yan, you still have to stay until tomorrow. Sa ngayon, kailangan mo munang dumaan sa test at magpahinga."
"I will sign a waiver if you want. Wala kayong pananagutan sa akin."
Wala siyang nagawa nang di pa rin siya nito mapagbigyan. Ipina-adjust na lang niya ang schedule niya. She had no choice. Nag-ultimatum si Mommy Jho na ipapa-cancel ang ibang projects niya kapag di siya sumunod sa doktor.
Matapos ang nakakatensyong CT scan ay naabutan niyasa kuwarto ang nanay niya. "Anak, anong pakiramdam mo?"
"Gusto ko na pong umuwi."
"Makakapaghintay ang trabaho mo. Makinig ka naman kahit minsan. Kapag nagpilit kang bumalik sa trabaho at may nangyari na naman sa iyong hindi maganda, si Aya at Phil na naman ang mapapasama. Alam mo bang inuulan na sila ng batikos dahil sa interview mo kahapon?” may bahid ng galit na wika nito.
“Pakiramdam ko masyado na akong naapi, Nay. Sinabi ko lang ang nararamdaman ko.”
Mariin nitong hinawakan ang braso niya. “Nakiusap naman ako sa iyo, anak. Ano ba naman ‘yung pinigilan mo ang sarili mo na magsalita? Sensitibo ang kondisyon ng kapatid mo.”
Tumango-tango siya at matiim ang matang tumingin dito habang parang bulkan na namang sasabog ang puso niya sa labis na sama ng loob. “Ah! Dahil sensitibo ang kondisyon niya, okay lang na gawin ninyo akong tanga sa harap ng maraming mga tao?”
Nabaghan ang nanay niya. “S-Sandali lang, anak… bakit…”
“Kaya napilitan akong magsalita dahil inapakan na ninyo akong masyado. Sa mga reporters ko pa nalaman na namanhikan na pala sa inyo ang pamilya ni Phil noong isang gabi. Kaya pala nang yayain ko kayo sa awards ceremony para sa album ko, hindi kayo pumunta. Ganoon na lang ‘yon, Nay?”
Binitiwan siya nito at yumuko. “B-Baka tutulan mo kasi ang pagpapakasal nila.” May himig ng guilt ang boses nito.
Tumindi ang galit na nararamdaman niya. “Kahit courtesy man lang na sabihin ninyo sa akin na mamamanhikan na sila, hindi ninyo nagawa? Nay, pamilya din ninyo ako. Hindi ninyo ako kailangang isama doon at isamang humarap sa kanila. Pero hindi ko matanggap na pati kayo nakikipagsabwatan pa para pagmukhaing tanga. Ipapaalam lang naman ninyo sa akin. O kahit nang tapos na sanang mamanhikan sinabi ninyo sa akin. Hindi ‘yung sa ibang tao ko pa po nalaman. Alam ba ninyo kung gaano kasakit iyon?”
“S-Sasabihin ko din naman sa iyo, anak,” nanginginig ang boses nitong sabi.
“Kailan po? Kapag kinabukasan na ang kasal nila? Akala ko kayo bilang nanay ko ang unang magmamalasakit sa akin.”
Umasa siya na hindi man siya nito kampihan ay magiging patas man lang ito. Ito na lang ang inaasahan niya. Bakit kailangang biguin din siya nito?
“Masakit din sa akin na hindi sabihin sa iyo. Nahahati rin naman ako. Pero bilang mas nakakatanda, ikaw ang dapat na mas makaintindi. Gusto nang ayusin ng kapatid mo ang buhay niya kasama si Phil at ang magiging anak niya. Pasensiya na, anak.”
Mapait siyang ngumiti. “Pasensiya na rin, Nay. Alam na ninyo ngayon kung bakit kailangan kong magsalita. Oras na para naman maipagtanggol ko ang sarili ko. Walang ibang magtatanggol sa akin. Ultimo kayong sarili kong nanay hindi iyon magawa para sa akin. Puntahan na lang ninyo si Aya. Mas kailangan naman po niya kayo. Ayoko namang aksayahin pa ang oras ninyo sa pagbabantay sa akin.” Tinawagan niya si Dianne na tahimik lang sa couch. “Dianne, ihatid mo na si Nanay sa kotse. Baka kailangan na niyang puntahan ang kapatid ko.”
Animo’y talunan si Aling Pinky nang tumayo. “Sige, anak. Dadalaw na lang ulit ako.”
Palabas na ang nanay niya nang saktong pagpasok naman ni Rushmore na may dalang basket ng prutas. “Mommy Pinky, kumusta na po kayo?”
“Rushmore!” mangiyak-ngiyak na yumakap dito ang nanay niya. “M-Mabuti naman at dadalawin mo ang anak ko. Kailangan niya ng kaibigan ngayon. Mauna na ako.”
“Aalis na po kayo?” gulat na tanong ni Rushmore.
Malungkot na lumingon sa kanya ang nanay niya at tumingin ulit kay Rushmore. “Babalik naman ulit ako kapag mas okay na si Toni.”