If Only Love (Filipino) Chapter 9

May kurot sa puso na naramdaman si Toni nang makita ang lungkot sa mukha ng nanay niya bago ito ihatid ni Dianne sa labas. Hindi pa sila nag-aaway na mag-ina. Mula pagkabata ay sila na ang magkatuwang sa mga pagsubok. Masasabi niyang malapit sila sa isa’t isa dahil dito niya nasasabi ang lahat ng nararamdaman at nangyayari sa kanya.

Kaya masakit sa kanya na ginagawa ito sa kanya ng nanay niya. Konting konsiderasyon lang ang hinihingi niya ay di pa nito maibigay. Kahit masakit sa kanya ay kailangan niya itong tikisin. Kailangan niyang gawing bato ang puso niya. Pakiramdam niya ay sarili na lang niya ang kakampi niya nang mga oras na iyon.

“Pati ba sa nanay mo ganyan ka rin? Natitikis mo?” tanong ni Rushmore at ibinaba ang basket ng prutas katabi ng iba pa.

Humalukipkip siya at tinaasan ito ng kilay.“Nandito ka ba para sermunan ako? I don’t need that right now. Makakaalis ka na. Bring your fruits with you.”

Bumuntong-hininga ito at umupo sa tabi ng kama. “Baka dapat bawas-bawasan mo na ‘yang katarayan mo at galit mo sa buhay para di ka nagkakasakit.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Mas gusto kita dati. Lagi kang nakangiti at masaya. kahit na anong marinig mong di maganda o mangyari sa iyong masama, lagi kang positive.”

Hinawi niya ang kamay nito at matalim itong tiningnan. She used to love that. Hinahaplos nito ang buhok niya kapag pinupuri siya nito at kilig na kilig naman siya. Hindi na ngayon. Di na siya bata. “Ano iyon? Noong uto-uto pa ako at tatanga-tanga sa iyo? Bigyan mo nga ako ng rason para maging masaya. Pinagtaksilan ako ng boyfriend ko at ng kapatid ko. Now my mother is ganging up with them. Magpapa-fiesta na ba ako?” sarkastikong tanong niya.

Umupo ito sa tabi ng kama. “Time heals all wounds. May ibang tao diyan na mas mahirap pa ang pinagdaanan sa iyo. Sila ‘yung di maintindihan ng mundo pati ng sarili nilang pamilya. And they experienced that at such an early age.” Alam niya kung sino ang tinutukoy nito. Ang mga bata may kapansanan. He had a point and she felt a bit guilty. Pero di pa rin iyon nakakabawas sa bigat ng loob na nararamdaman niya.

“That’s different. Iba kapag pinili ng mga taong mahal mo na iwanan ka, traidurin ka.” Iyon ang di niya naisip na mangyayari sa kanya lalo na sa pamilya niya.

He gave her an encouraging smile. “Pero may mga nagmamahal pa rin sa iyo. Look at the flowers around you. Many of your friends and colleagues wish you well. Here. Galing sa iba pang nagmamahal sa iyo,” anito at ibinigay ang isang kahon sa kanya.

“Ano ito?” tanong niya. Kumunot ang noo niya nang buksan iyon. Sulat at cards iyon na mukhang gawa ng mga bata. Lahat ay gustong maging matatag siya. Pero ang lahat ay nagpapasalamat sa lahat ng naitulong niya. At ipinagdadasal daw siya ng mga ito.

“Galing ‘yan sa mga bata sa Shining Hope. Ibibigay ko sana sa iyo kahapon kung hindi mo ako sinungitan. Gustong-gusto ka nila. Nalungkot nga sila dahil di ka daw kumanta sa concert. Gusto ka nilang makilala. Tulad mo galing din sila sa hirap. Inspirasyon din nila ang pamilya nila para magsikap.”

Tumaas ang kilay niya. “Gusto mo bang magdagdag ako ng donation sa kanila?”

Nasabunutan nito ang sariling buhok sa sobrang frustration sa kanya. “You are impossible! The heart of these kids are pure. They love you. Yet here you are, thinking how much they will gain from this kind act. Anong klaseng tao ka ba?”

Iniwas niya ang tingin dito. “Masyado lang akong maraming naranasan at pinagdaanan. Nadisilusyon na ako. Hindi ko alam kung may totoong nagmamahal sa akin at di ako sasaktan.”

“Meron. Nasa paligid mo lang sila pero nabubulagan ka lang ng mga masamang pinagdaanan mo. Your sister might have betrayed you but I think she still loves you. Mas pinili lang siguro niyang mahalin ang boyfriend mo. Katulad ni Phil, katulad ng nanay mo, lahat sila namili. Too bad di ikaw ang pinili nila pero di ibig sabihin di ka nila mahal. Tulad mo, may sarili kang choice sa buhay. Do you want to be happy despite all these? O gusto mong pati ang magagandang bagay sa mundo sumama din dahil sa sama ng loob mo?”

Katahimikan ang isinagot niya dito. Madaling sabihin dito na pwede siyang maging masaya. Hanggang doon lang iyon. Di naman niya alam kung saan magsisimula.

“Here. Ibinili kita ng isang box na Big Bang.” Inilapag nito ang kahon sa mesa sa tabi ng kama niya. “You need this. Huwag mong ubusin lahat sa isang kainan lang.” Tumayo ito at isang magandang ngiti ang ibinigay sa kanya. “Sana bumalik ‘yung kilala ko na Toni. Kahit sandali sana bumalik ka doon sa Toni na hindi pa nabulag sa kasikatan niya.”

Nang umalis ito ay di niya napigilan ang sarili na kumuha ng isang bar at kumain. Naluha siya nang sunud-sunod na kumagat hanggang maubos niya ang isang bar. Kumuha siya ng isa pa at sa isang iglap ay naubos din niya. Na-miss niya iyon. Na-miss niya ang buhay niya noong simple pa lang ang lahat. Noong pwede pa niyang malayang ipahayag ang nararamdaman niya nang di nahuhusgahan. Noong masaya silang pamilya kahit na mahirap. Noong unang beses siyang nagmahal. Iyon ang mga panahon na maganda pa ang lahat sa paningin niya.

Ngayon ay nasa kanya na ang lahat ng tagumpay. Yet she was still a big loser. Mapapagaan lang ng chocolate ang pakiramdam niya pero hindi na maibabalik pa ang nakaraan.

“YOU have acoustic neuroma, Miss Fabregas,” sabi ni Doctor Porez, ang otologist na humawak ng kaso niya matapos ang CT scan at MRI niya. Ilang beses na siyang bumalik sa St. Luke’s Medical Center sa The Fort para sa paulit-ulit na hearing tests at brain scan niya. Ang totoo ay nagsisimula na siyang mairita dahil parang pinapagod lang siya ng mga ito.

Napanganga siya. “Acoustic what?”

Ipinakita nito sa kanya ang mga images na nakuha sa MRI niya. Itinuro nito ang maliit na utak sa ibabaw ng facial nerve niya. Tingin niya ay parang bola lang iyon pero nakakahindik na nasa loob iyon ng utak niya.

“It is a non-cancerous tumor that develops on the nerve that connects the ear to the brain. Mabagal lang ang paggalaw nito at kadalasan ay natatagpuan sa mga taong thirty years old na pataas. Pero rare ang sa iyo dahil bata ka pa lang nang matuklasan iyon.”

“M-May tumor ako sa utak?”

Tumango ito. “Yes. At iyon ang dahilan ng pagkawala ng pandinig mo. Isa sa sintomas ay ang tinnitus o ang matinis na tunog na naririnig mo kasunod ng pagkawala ng pandinig mo. Kaya kinailangan mong magpa-MRI para mas makita nating mabuti ang tumor dahil hindi iyon nakukuha ng simpleng CT scan. Kinailangan naming siguruhin na acoustic neuroma nga iyan at di simpleng middle ear problem lang dahil pareho ng sintomas. Namamanhid ang mukha mo dahil nakakaapekto na sa facial nerve mo ang tumor.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.