In Love With The Rain Chapter 42

Saglit lang ang pamamasyal namin ni Gale. Matapos niyang ituro lahat ng kailangan niya ay umuwi rin kami, nakatulog din ito dahil sa dami ng mga nilaro niya. As I expected, pinagalitan ako ni Nikasha dahil sa dami ng laruan, ano namang malay ni Gale sa binibigay ko sa kaniya? He likes toys, so I buy for him. Naupo na ako sa sofa dahil sa sobrang pagod at si Gale ay nakatulog.

Napansin ko rin agad si Kelly na lumapit sa akin kaya binigyan ko siya ng puwesto para makaupo. It feels good. Parang dati. I missed her.

"Busy?" tanong ko sa kaniya na tinanguan niya.

Wala pa rin siyang pagbabago. Maganda, mahinhin, at hindi imposibleng magustuhan siya.

"Wedding plan yep. Alam mo ng papel mo sa kasal ko, a?" Paniniko nito sa akin na nginitian ko. "Thank you, Ren. Mukhang suwerte nga ang bracelet mo na ito." Pangkakaway niya sa suot niyang ibinigay ko.

Sandali akong natahimik. Hindi ko maitatanggi na sobrang daming magagandang nangyari sa akin mula no'ng ibigay niya sa akin ang perlas na iyon, sa sobrang dami, ni hindi ko matanggap ang mga biglaang sitwasyon. Sa pagkawala ng bagay na iyon, napalitan naman ng aral.

"Sa iyo na 'yan, mas bagay sa iyo," bulong ko dahil sa pagdating ni Sevein na naupo sa gilid ni Kelly.

Naging tahimik ako dahil sa pag-uusap nila, tinitigan ko lang ang aquarium na may hindi kalayuan sa akin at abala roon si Tito Ponce sa pagpapakain ng mga isda. Parang ayoko na lang tumingin sa mga tubig dahil naaalala ko siya. Ayoko na siyang maisip dahil nag-aalala lang ako.

Aksidente akong napatingin sa laptop na nakapatay, kitang-kita ko ang aking sarili na may suot na pamilyar na kwintas. Kulay puti at itim ang nakapalibot samantalang isang maliit na dream catcher ang nasa pinaka-dulo. Ang ibinigay niya. Bakit ba ngayon ko lang ito nakita?

Napangiti ako ng mapait nang maalala ko na naman ang araw na iyon. Sa unang pagkakataon, may taong humabol sa akin, tinawid ang may kalayuang isla at pagod na pagod galing sa pagbubuhat ng mabibigat. Binigyan pa ako ng isang bagay na hindi ko man lang nabuksan.

"Damn!" malakas kong saad dahilan para umalingawngaw iyon sa sala.

Lahat ay nahinto at napatingin sa akin. Kusang umawang ang labi ko saka nagmamadaling umalis sa harap nila, nagmadali akong pumunta sa kwarto para hanapin ang binigay ni Fred na nakabalot sa plastik. Goodness! Bakit ngayon ko lang din naalala iyon?

Maaayos na ang gamit ko, binalik ko na rin sa dati ang mga damit at wala talaga akong napansin na plastik na inilagay ko sa isang bag. Wala na. Halos masabunutan ko ang aking sarili dahil wala talaga akong makitang kahit na anong plastik. Even at the trash can!

"Nikasha?" natatarantang tawag ko sa pasilyo pababa ng sala. "Si Nikasha po?" tanong ko sa kanila.

"Pina-check up si Gale. May problema ba?" tanong nila tita.

Naikagat ko na lang ang pang-ibabang labi ko dahil hindi ko alam kung paano ko sasabihin. Magtataka sila, iisipin nila na mahalaga ang bagay na iyon kaya ko hinahanap.

"Wala naman po," saad ko saka tumalikod.

Wala akong magawa kundi kagatin ang aking kuko dahil wala na akong pag-asang mahanap iyon. Ngayon dumarating ang kumukolekta ng basura kaya baka naitapon na talaga. Naupo na lang ako sa main door at skaa sinandal ang katawan sa haligi, baka siguro dito, e, kumalma ako dahil sa mga puno. Hapon na, malapit na namang magdilim. Matutulog na naman ako at gigising bukas, paulit-ulit na lang.

Namataan ko si Lucas na sumisipol-sipol habang bitbit ang itim na plastik. Simple lang ang suot nito na mukhang hindi pumasok sa trabaho. May bahay naman siya pero lagi siyang nandito, ayaw niyang iwanan parents niya.

"Huy, gawa mo riyan?" tanong nito na nahinto sa akin at saka ako tinabihan. "May problema ka? Kababalik mo lang dito, stress ka na naman?" tanong nito na inayos ang buhok ko sa pisngi.

"I'm just trying to think about... Something," bulong ko.

"Sino yong something?" tanong nito na nang-aasar na. Hindi ko na lang siya pinansin dahil hindi niya ako maiintindihan. "Tara na sa loob, mahamog na, samahan mo na lang akong magluto, pero maliligo muna ako, a? Kaka-segregate ko lang ng mga basura, e." Hinablot nito ang trash bag saka ako tinapik sa balikat. Ngunit mabilis kong hinawakan ang kamay niya saka tumayo.

"Segregate? Naitapon na ba yong mga basura?" tanong ko na tinanguan niya ng dahan-dahan.

"Oo. Hindi nabubulok yong itatapon ngayon, dami ngang papel e, saka, inayos kasi yong library kaya—"

"This can't be. M-May napansin ka bang papel na nakabalot sa plastik?" tanong ko na kumunot siya.

"Wala, e. Ano bang meron doon? Magagalit ba si tito kapag nawala iyon?" tanong nito na inilingan ko na lang.

"Kalimutan mo na. Thanks." Umalis na ako sa harapan niya saka pumunta ng kwarto, dahil wala rin naman akong gana sa lahat, mabilis akong nakatulog.

Ayoko mang bumangon ay napilitan ako dahil sa pagkawala ng aking antok. Alas-onse na ng gabi. For sure, tulog na ang iba dahil alas-nuebe pa lang tahimik na ang mga tao rito. Nagpasya akong lumabas ng kwarto at sumilip sa kabila, napansin ko roon si Nikasha at Gale na magkatabi sa kama na mukhang natutulog na. Wow, kailan pa siya natulog ng maaga?

Tumuloy na lang ako sa baba upang kumain. Tahimik na rin at dim lang ang ilaw roon, mas okay na rin ito kaysa naman sa sobrang liwanag, masakit pa naman sa mata. Matapos kong kumain at hugasan ang aking mga ginamit, kumuha lang ako ng isang sclice ng Graham cake. My favorite.

Halos mapatalon ako sa kinauupuan ko nang biglang pumasok si Lucas, magulo ang buhok, walang pang-itaas at naka-pajama lang. Inaantok ang mga mata nitong binuksan ang refrigerator saka kumuha ng tubig. Walang pakialam na uminom dahilan para matulala ako sa adam's apple niya. He looks attractive. Kaso masungit sa mga babae. Pili lang ang mga babaeng nilalambing niya gaya ng kapatid niya at mama niya. We're okay after all.

"H-Hi," bati ko nang mapagtantong nakatitig na siya sa akin.

Kumunot ito. Hindi ako pinansin saka mabilis na lumabas ng kusina. Hindi ko na lang siya pinansin dahil baka wala sa mood. Nagbalik muli ako sa pagkain nang bumalik ito, this time, may suot na siyang pang-itaas saka naupo sa harap ko. Sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri.

"Ngayon ka pa lang kumain? Anong oras na, a?"

"Yeah. Nakatulog ako kanina, e."

"Ah. Oo nga pala, nahanap ko kanina." Inabot nito ang isang plastik na nawawala sa kwarto.

Tuluyang nanlaki ang mga mata ko at mabilis na kinuha iyon upang tingnan, binalik ko ang tingin kay Lucas na nagtataka sa kinikilos ko. Agad kong itinago iyon sa aking bulsa dahil may tiwala naman ako na hindi niya iyon binuksan, kahit na siya ang pinaka-tsismoso rito sa mansyon.

"Salamat. Treat kita bukas," nakangiting sabi ko na nginisian niya.

"Okay lang. Itabi mo na lang yang pera mo, bili ka vitamins gano'n, para hndi ka mabilis na manghina. Tulog na ako. Matulog ka na ulit," pagpapaalam nito na kinawayan ko.

Palihim akong napangiti, halos mag-init ang aking pisngi nang muli kong makita ang plastik na iyon. Agad akong tumayo at saka kinuha ang platito na may laman pa ring pagkain. Dumiretso ako sa terrace kung saan matatanaw ko ang buong hasyenda. Malakas ang hangin kaya sobrang maginaw, ngunit hindi ko na pinansin iyon at saka naupo, dahan-dahan kong binuksan ang supot at saka bumungad ang dalawang papel na may kakapalan, dahil siguro nakatupi.

Naikagat ko ang aking labi nang biglaang humina ang hangin, lumakas naman ang kalabog ng aking puso dahil sa isang manipis na papel na una kong kinuha. Isang liham. Ang ganda ng sulat niya, para siyang babae, ang linis pa, ni walang kalat pati ang tinta.

Ren,

It's been a year, mula nang umalis ako sa trabaho para iwasan ka at makalimutan ang mga nangyari. Lumayo ako, kasi nagagalit ako sa sarili ko, na hinayaan kong mangyari ang bagay na iyon. Sinabi ko sa sarili ko na aamin ako sa kasalanan at tatanggapin ang lahat, pero naunahan mo, ako. Natakot ako sa iyo noon kaya wala akong lakas na humingi ng tawad bago man lang umalis dahil kasabay rin no'n ang pagkawala ng lola ko at kinuha ang lisensya. Si lola ang nagsabi, na may tiwala siya sa akin na hindi ko iyon kayang gawin at patawarin ka sa mga nagawa mo, babae ka, kaya alam ni lola ang nararamdaman mo. Masaya ako rito sa isla, mahirap din kasi kailangan kong bayaran ang utang ko kay Anthony. No'ng makita kita, natakot ako, baka kasi mamaya magalit ka na naman sa akin at mahirapan kang huminga. Kaya lumayo ako, tinaasan ko ang pride ko lalo na no'ng gusto mo akong kausapin. Hindi ko kayang tumingin sa mga mata mo noon dahil sa nangyari. Ang gago ko. Tinaboy kita, hangga't maaari tinatakbuhan kita para iwasang pag-usapan ang bagay na iyon hanggang sa na-aksidente ka, tinaboy kita sa isla nang malakas ang alon. Natakot ako. Gusto kong mawala sa mundo no'ng nalaman ko na posibleng mawalan ka ng alaala dahil sa akin. Gusto kong umamin sa tito mo noong nagkita kami pero nawawalan ako ng lakas. Pinipilit ng tito mo at nila Jairo na aksidente lang ang nangyari. Sinabi ko sa sarili ko na kapag nagising ka hihingi ako ng tawad, humingi ako ng permiso kay Jai, na alagaan ka. Gusto kong ipaalala sa iyo kung gaano ka-gago ang mga ginawa ko pero wala kang maalala. Ang mga mata mo, ang inosente. Natatakot ako. Pinilit kong lumayo dahil may kakaiba akong nararamdaman, at ayokong pangatawanan iyon, lalo na sa mga binitawan mong salita. Kinumbinsi ko ang sarili na huwag maniwala sa iyo, kasi nga lasing ka. I want to be a professional when it comes to you, Ren. Naging amo kita, at pakiramdam ko ang dumi-dumi kong tao kapag lumalapit sa iyo. Noong hinalikan kita, I really mean it. Pero bawal, ayokong lumala, wala naman akong maipagmamalaki sa iyo dahil wala na sa akin ang lahat. Kaya no'ng sinabing aalis ka, sobrang saya ko, kasi makakalimutan na kita, baka kasi ilusyon ko lang lahat. Pero hindi, hindi ako makatulog, gusto kitang puntahan kaso natatakot ako, baka maulit iyonh hindi dapat.

Duwag ako, pasensya na. Hindi ko kayang magsalita sa harap mo, hindi kita maabot, Ren. Kaya sana, huwag ka nang bumalik dito, ayokong makita kang nag-iisang lumalakad sa pampang at madalas na pumunta sa kabilang isla para lang may maka-usap. Diyan ka na lang, hindi ka magugutom, may malambot kang higaan, kumpleto lahat ng gamit. Mahalin mo sarili mo, maligo ka sa ulan gaya ng madalas mong gawin. Kung hindi ka man pinili ng taong mahal mo, piliin mo ang iyong sarili. Walang gagawa no'n bukod sa iyo.

"F-Fred." Kasabay ng pagbasa ko sa huling parte ng sulat ay hindi ko namalayang tumutulo na ang likido sa mga mata ko.

Namanhid ang mga tuhod at daliri ko sa aking mga nabasa, walang sapat na lakas para bumigkas dahil pati isipan ko ay blangko. Tuluyang natuyot ang lalamunan ko lalo na nang bumukas ang isang papel dahil sa hangin. Ang itsura ko, pamilyar sa akin ang ganoong itsura. May kulambo sa paa at ang manipis na kumot ay nakabalit hanggang sa aking dibdib habang yakap ang aking tuhod. Nakapikit na para bang tulog. Ako iyon, noong mga panahong umamin ako at nakatulog.

Iginuhit niya ako sa napaka-detalyadong paraan.

"If sleeping under the rain drops will makes you calm, so be it."

Isang matamis na pag-ngiti ang inilaan ko matapos mabasa ang pangungusap na iyon na nasa ibaba ng papel.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.