“A-ANG ibig mong sabihin, gusto mo lang akong ipinta,” naramdaman ni Cedric na tila may bumara sa lalamunan ni Ericka habang sinasabi iyon.
Biglang kinabahan si Cedric. Ramdam niya na napasubo siya sa sinabi niya kanina pero hindi niya napigilan ang sarili niya. Nawalan siya ng kontrol. Gusto niyang bawiin iyon hindi dahil sa hindi iyon totoo pero dahil sa natatakot siya sa magiging reaksyon ni Ericka. Paano kung hindi nito magustuhan ang sinabi niya?
Alam ni Cedric na napakadali pa ng lahat. Ilang araw pa lang ba sila nagkakasama ni Ericka? Kahit na ba nitong mga nakaraang araw ay madalas silang nagkakasama ng buong araw, hindi pa rin iyon sapat para masabi na gusto na niya agad ang babaeng ito. Pero sa una pa lang naman talaga ay gusto na niya si Ericka. She haunted him.
Sinundan niya si Ericka. Madali lang para sa kanya na mahanap ito dahil na rin sa sources niya. Mayaman siya. Madali lang para sa kanya ang umupa ng mga investigators para malaman kung nasaan ito. Madali lang para sa kanya na masundan ito. At kahit sandali pa lang silang nagkakasama ni Ericka, sa bawat oras na nakakasama niya ito ay lalong tumitindi ang nararamdaman niya rito. Hindi na niya kaya pang itanggi ang nararamdaman. Naiirita siya sa isipin pa lang na may lalaki sa buhay nito.
“Iba iyon. Gusto kita.” Pinilit huwag ipahalata ni Cedric ang takot. Matapang siya, `di ba? Sa dami ng nangyari sa buhay niya simula pagkabata siya, natuto na siyang huwag matakot. Pero bakit kinakabahan siya sa magiging reaksyon ni Ericka sa sinabi niya?
Lalo pang kinain ng kaba ang puso ni Cedric nang tumawa si Ericka. “Seryoso ka ba?”
“Narinig mo na ba ako na nagbiro?” kunot-noong wika ni Cedric. Kahit ang mga kaibigan niya ay hindi naggawang masabi ang mga iyon sa kanya. Kahit kailan kasi ay hindi siya nagbiro sa mga ito.
“S-sabi ko nga...pero---“ sinalubong ni Ericka ang tingin niya. May kung anong naramdaman si Cedric sa dibdib niya nang magtama ang kanilang mga mata. Siguro nga ay nag-aalinlangan siya na magtapat ng damdamin dito pero nang masabi naman ni Cedric ang nararamdaman rito ay nakaramdam siya ng kakaiba sa puso niya. Tila gumaan iyon. May isang tinik na nabunot roon.
Nang bumaba ang tingin ni Ericka ay sinubukan niyang dugtungan ang nais sabihin nito. “Sandali pa lang tayong nagkakasama?”
Tumango si Ericka.
“Ganoon rin ako. Pero ayaw kong dayain ang sarili ko na sabihin na lang na gusto lang naman talaga kita na maging modelo kaya sinusundan kita. Gusto talaga kita. Una pa lang kitang nakita, there was this disturbing feeling that I cannot explain inside me. Basta palagi lang noong sinasabi na gusto kita muling makita, na makasama. At gusto kong huwag mo rin na dayain ang sarili mo na dahil lang tinutulungan kita kaya hinahayaan mo akong nasa tabi mo ako.”
Kumunot ang noo ni Ericka. “Ano ang ibig mong sabihin?”
“G-gusto mo rin naman ako `di ba?” kinakabahan si Cedric sa maaaring isagot ni Ericka pero gusto niyang magbaka-sakali.
“Ric...”
“Hindi mo ako gusto? Hindi mo gusto na sinusundan kita? Na nasa tabi mo ako?” nakaramdam ng sakit si Cedric sa isipin na posibilidad iyon.
“H-hindi naman sa ganoon. Pero hindi ba masyadong mabilis ang lahat?”
Kumunot ang noo ni Cedric. “Kung ganoon ano ang gusto mong gawin ko?”
“Sinabi mo na gusto mo ako. Hindi ba dapat kapag sinabi na may gusto... nililigawan? Ibig mo bang sabihin sa pinapahayag mo ngayon, gusto mo akong ligawan?”
Kota na si Cedric sa pagkunot ng noo. Pero paborito niyang eskrepsyon iyon kasama nang pagsimangot. Kaya lang ay kaiba ang pagkunot ng noo niya ngayon. Mas malala iyon.
Ligaw? Gusto nang babaeng ito na ligawan niya ito?
What the hell?
ISANG paraan ni Ericka para mag-unwind at paalisin ang mga gulo sa damdamin niya ay ang manood ng pelikula. Wala man siyang tipo sa mga palabas ngayon, ginusto niya na gawin iyon dahil magulo ang kanyang isip. Balewala lang sa kanya kung pagtinginan man siya ng mga tao dahil mag-isa lang siya. Kailangan niyang mag-unwind. Magulo ang isip niya.
Tama ba ang ginawa ni Ericka? Tinanggihan niya si Ric. Paanong hindi? Nang sabihin niya rito na kung gusto pala siya nito ay kailangan siyang ligawan nito ay tila naging ilap pa ito sa ideya na iyon. Hindi nito nagustuhan iyon. Hindi raw nito gusto ang manligaw. Wala pa raw itong babaeng nililigawan sa buong buhay nito.
He made her feel cheap. Kung ganoon ay ano ang gusto nitong mangyari? Siguro nga ay may espesyal rin siyang nararamdaman rito sa sandaling pagsasama nila pero napakaikli pa lang noon para masigurado talaga niya ang damdamin rito. Siguro ay nakaya agad nitong sabihin iyon sa kanya pero hindi siya ganoong katapang na tao. Isa pa, babae siya. Alangan naman na bumigay siya agad?
Sabi nila, kapag umiibig ka raw, nagiging irrational ang isip mo. Hindi ka nakakapag-isip nang ayos. Mas sinusunod mo ang puso mo kaysa sa isip. May isang bahagi rin naman ni Ericka na gustong sundin ang puso niya na nagsasabing umamin rin kay Ric ng tunay niyang nadarama pero mas pinanaig niya ang kanyang isip. Tinanggihan niya ito. Hindi niya gustong itrato na lang siya nito nang ganoon.
Tama naman sa tingin ni Ericka ang ginawa niya. Pero bakit ganoon, bakit hindi siya masaya? Alam kasi niya na dahil sa ginawa niya, maaaring layuan siya nito. In fact, nang makatapos niya itong tanggihan ay hindi man lang siya nito inawat. Tila ba ang mahalaga lang para rito ay ang ego nito. Hindi nito gustong baguhin ang sarili nito dahil lamang sa gusto niyang magpaligaw rito.
Kung ganoon si Ric, ibig sabihin lang ay hindi ito seryoso sa kanya. Hindi siya nito pinahahalagahan. Mali ang lahat. Tama ang desisyon ni Ericka. Pero nasasaktan at nagugulo siya na doon na lang natapos ang lahat. Iba pa man rin ang nararamdaman niya rito pero hindi naman pala talaga ito seryoso sa kanya. Sayang ang lahat.
Nang makapili ng panonoorin at makabili ng kanyang kakainin sa loob, pumila na si Ericka para bumili ng ticket. Medyo mahaba ang pila dahil first day ng showing ng pelikula. Isang romantic drama film iyon. Hindi niya kasi gusto ang ibang showing na action at horror. Comedy, drama at romance lamang ang pinapanood niyang genre ng pelikula. Matatakutin kasi siya at hindi rin niya gusto ang mga nagbabarilan na eksena. Pero dahil wala namang comedy film na palabas, nag-settle na lang siya sa romance kahit na ba sa tingin niya ay hindi iyon bagay sa mood niya ngayon.
Ngunit nang magbabayad na si Ericka ng ticket niya ay nagulat siya nang may isang lalaking tumabi sa kanya. Muntik pa nga siya na mapasigaw dahil hinawakan nito ang kamay niyang may hawak na pera na ibabayad. Pero sa halip na kuhanin ang pera, itinabi nito ang kamay niya at kinausap ang nagbebenta ng ticket. “Two of that movie please,”
“A-anong ginagawa mo rito?” naggawang magsalita ni Ericka nang makuha ni Ric ang ticket at mabayaran iyon.
Nagkibit-balikat ito. “Kagaya ng dati, sinusundan ka.”
“Pero kahapon ay---“
“`Wag mo ng isipin ang nangyari kahapon. Hindi ako isang lalaking basta-basta sumusuko.”
Ibig sabihin ba noon ay payag na siya na ligawan ako? Nasa isip-isip ni Ericka. Sa isipin na iyon ay nawala ang lahat ng lungkot sa puso niya. Hindi na rin naman sinuukang tanungin ni Ericka dahil naging halata na rin naman nang kinuha nito ang dala-dala niya at inalalayan pa siya papasok sa loob. Nawala lahat ng gulo na nararamdaman ni Ericka sa kanyang loob. Seryoso sa kanya ang lalaking gusto rin niya!
Nang makapasok sa loob ay halos magsisimula na ang pelikula. Binuksan ni Ericka ang popcorn na binili at inilagay sa harap ni Ric para alukin itong kumain. Tinignan nito ang popcorn pagkatapos siya pero hindi ito nagsalita. Kapagkuwan ay naagaw ng katabi nilang magkasintahan ang atensyon nito. Napaka-sweet ng dalawa. Sinusubuan ng babae ang boyfriend nito ng popcorn.
Naguluhan si Ericka. Ano ang ibig sabihin nito? Gusto rin ba ni Ric na gawin niya iyon rito?
Bakit hindi? Nasa isip-isip naman ni Ericka. Ano bang masama? Pagsubo lang naman iyon ng popcorn rito. Kapag magkasama sila ni Matthew na manood ng sine, hindi iilang beses na naggawa niya iyon rito. Sinubukan rin ni Ericka na gawin iyon kay Ric. Kumunot ang noo nito sa ginawa niya pero kapagkuwan ay tinanggap rin naman ang alok niyang popcorn.
“Cheesy,” komento naman nito pagkatapos.
Namula ang pisngi ni Ericka. “You mean---“
“The popcorn. Its cheese flavour.” Simpleng paliwanag lang naman ni Ric sa ginawa niya.
Bahagyang napanganga si Ericka. Anong tawag sa kanya? Nasupalpal. Namula-mula pa ang pisngi niya sa pag-aakalang para kay Ric ay “cheesy” ang ginawa niya pero ang tinutukoy lang naman pala nito ay ang flavour ng popcorn na binili niya. Hindi na lang muli ginawa ni Ericka ang ginawa kanina at nag-focus sa pelikula. Ganoon rin naman ang ginawa ni Ric. Sa una ay inalala niya na baka mamaya ay mainip lang ito sa gusto niyang gawin. Ganoon naman talaga ang mga lalaki `di ba? Hindi mahilig sa mga romantic na pelikula. Isama pa na dahil sa nangyari kahapon, naramdaman niya kung paano mag-init ang ulo nito. Pero tahimik lang itong nanood ng pelikula. Ginaya na lang tuloy ito ni Ericka. Nag-concentrate na lang rin si Ericka sa panonood ng pelikula.
Isang nakakaiyak na eksena ang lumabas sa kalagitnaan ng pelikula. Naghiwalay kasi ang mga bida. Mababaw ang luha ni Ericka, lalo na sa mga nakakalungkot na eksena. Namalayan na lang niya na may tumulong luha sa kanyang mga mata at hindi rin niya mapigilan na mapahikbi habang pinapanood ang pelikula.
“What’s wrong?” naggawa pang itanong ni Ric. Nawala ang konsentrasyon nito sa panonood ng pelikula nang dahil sa kanya.
Umiling si Ericka. Pero hindi pa rin niya napigilan ang kanyang mga luha. Nagpatuloy siya sa pag-iyak. Kahit naramdaman niyang unti-unting nilalapit ni Ric ang sarili sa kanya upang patahanin siya sa pagiging emosyonal niya, patuloy pa rin niyang pag-iyak. Naramdaman niya ang pagtiim ng bagang nito nang tumulo ang luha niya sa suot nitong polo shirt.
“I’m sorry,” sinubukang lumayo ni Ericka kahit na ba nagustuhan niya ang pakiramdam ng yakap ni Cedric sa kanya. Pero mas pinanaig ni Ericka ang isip. Nakakahiya ang ginagawa niya rito. Sinubukan rin niyang pigilan ang luha niya para huwag mag-alala ito pero nahirapan muli siya. Masyado niyang na-feel ang pelikula.
“Stop crying. Pelikula lang `yan,” pagpapagaan pa nito ng loob niya.
Pero hindi niya pa rin napigilan ang pagpatak ng kanyang luha lalo na sa mga sumunod na eksena. Nakita kasi roon ang hirap na pinagdaanan ng dalawang bida nang maghiwalay ang mga ito. They are miserable. Umiyak pa lalo si Ericka at dahil sa paglakad ng palahaw niya ay tila nainis si Ric sa kanya. Hinila siya nito palabas ng movie theater kahit pinigilan niya ito.
“H-hindi dapat tayo umalis. Hindi pa tapos ang pelikula,” nagreklamo siya pero patuloy pa rin naman siyang umiiyak.
“Gusto mo pang magpatuloy eh para kang kuting sa loob na nawalan ng ina? Ayaw kong nakikitang umiyak ka.”
“Nakakaiyak kasi talaga, eh.”
Bumuntong-hininga si Ric. “Girls,” sinubukan siyang aluin ni Ric sa pamamagitan ng paghagod ng kanyang likod. Niyakap rin siya nito. Kagaya nang una ay nakaramdam na naman ng kakaiba si Ericka sa yakap na iyon. Unti-unti na rin gumaan ang pakiramdam niya nang hinayaan niyang magtagal ang yakap ni Ric.
Nang tuluyang tumahan si Ericka ay nagulat siya nang bigyan siya ng halik sa noo ni Ric. “Don’t every cry again, okay? I don’t like to see you crying. I hate to see you crying.”
Dapat ay magprotesta at magreklamo si Ericka sa ginawa ni Ric sa kanya. Isang kapangahasan iyon. Ni hindi pa nga sila nagkakalinawan sa aspeto ng panliligaw. Pero sa halip na gawin ni Ericka iyon, naging malikot pa ang kanyang isip. Parang gusto niya yatang umiyak araw-araw para makatikim ng yakap at halik ni Ric na paraan nito para pagaanin ang loob niya.
“MASAYA ka ba?” alinlangan si Ericka nang itanong niya iyon kay Ric habang kumakain siya ng ice cream at naglalakad sila sa isang sikat na amusement park. Iyon ang unang pagkakataon na nakarating siya roon. Pangarap niya na makapunta sa lugar na iyon pero dahil mahal ang entrance fee roon, ngayon lang siya naging malaya para makapunta dahil na rin sa sobra-sobra na niyang kinikita sa ngayon. Napagpasyahan niyang yayain si Ric roon tutal ay may trabaho si Matthew. Isama pa na mas feel niya na makasama si Ric dahil na rin sa kakaibang damdamin na ibinibigay nito sa kanya kapag nasa paligid ito.
“Bakit mo naman naitanong iyan?”
Nagkibit-balikat si Ericka. “You don’t look happy. Maganda ang lugar, masaya lahat ng makakasalubong mo pero ikaw, hindi ka man lang tumatawa o ngumingiti. In fact, ni hindi pa kita nakikitang ngumiti sa ilang araw na nagkakasama tayo.”
“Hindi dahil sa hindi ako ngumingiti, hindi na ako masaya. Hindi lang talaga ako madalas na ngumingiti.”
“B-but tell me, are you happy?”
“If I’m not feeling good about being with you, I wouldn’t indulge to this.” Simpleng sagot lang ni Ric pero naging malaking impact na iyon para kay Ericka. Ibig sabihin lang nito ay masaya ito na kasama siya na kahit hindi pa man nito gustong puntahan ang lugar na pinupuntahan nila, ayos lang para rito dahil kasama siya.
Ilang linggo na ang nakalipas simula nang aminin sa kanya ni Ric na gusto siya nito. Tuwina kapag may libre siyang oras ay nakakasama niya ito. Ilang beses na silang lumalabas at kahit kagaya noong una na tila misteryoso si Ric, naging komportable ang pakiramdam ni Ericka rito. Tila lalo rin tumitindi ang pakiramdam niya sa lalaki sa nakalipas na araw.
Masasabi ni Ericka na kahit madalas silang magkasama ni Ric, hindi pa rin niya masasabing tuluyan na niyang kilala ito. May pagkamasungit, tahimik at pribado kasi ito. Minsan naman ay sinasagot nito ang mga personal na tanong niya kagaya ng ilang taon na ito, saan ito nakatira o ano nga ba ang ginagawa nito talaga sa buhay. Sinasagot nito ang ilan sa mga iyon kaya nagiging panatag na rin siya. Isa pa, mas nakatuon kasi ang pansin niya sa nararamdaman niya kapag nasa paligid ito kaysa sa isip niya na nagsasabing tila gulo ito. Minsan ay naguguluhan pa siya rito dahil hindi ito madalas magkuwento, tila balewala lang naman iyon sa kanya. Mas importante sa kanya ang saya na nararamdaman niya sa tuwing nasa paligid ito.
Pagkatapos niyang maubos ang kanyang ice cream ay niyaya niya si Cedric na sumakay muli ng rides. Kagaya noong una ay walang reklamo si Cedric. Hindi man ito nagsasalita ay naramdaman naman niya na nag-e-enjoy rin ito kasama niya. Naging mas magaan kaysa sa nakaraan ang mukha nito. Naging mas maaliwalas. Naka-tatlo silang rides nang mapagdesisyunan niyang magpahinga. Pero bago pa sila umupo ay naagaw ang pansin ni Ericka nang makakita ng booth ng cotton candy. Niyaya niyang pumunta roon si Cedric para bumili. Nag-insist ito na magbayad pero pinalo niya ang kamay nito at siya ang nagbayad ng kakainin niya. Hindi naman daw kasi nito gusto iyon.
“Why did you do that?” nainis pa na wika ni Cedric.
“Tama na, okay? Kapag lumalabas tayo, palagi mo na lang gusto na ikaw ang magbabayad.” Kahit ngayong nag-insist siya na magbayad sa entrance fee para sa amusement park na iyon ay ito pa rin ang nagbayad.
“I can afford to do so.”
“Kahit na!” protesta ni Ericka habang sinisimulang kainin ang cotton candy na nasa stick. “Ayaw kong abusuhin ka. Pakiramdam ko nga, inaabuso na kita kasi palagi na lang kapag ganitong lumalabas ako, palagi kang nasa tabi ko. Parang hindi ka na nakakapagtrabaho dahil sa akin.”
“Hindi na mahalaga iyon. Gusto ko naman ang ginagawa ko.”
“Pero paano nga ang trabaho mo? Naiintindihan ko na may sarili kang oras dahil isa kang painter. Pero parang kagaya rin kita. Kapag walang project, walang pera.”
“I can work every night. Isa pa, kapag may trabaho ka naman, hindi ako sumasama sa iyo. Doon ko ginagawa ang trabaho ko,”
Tama naman ito. Sa ilang linggong na nagkakasama sila, kapag may trabaho siya ay hindi siya sinasamahan ni Ric. Hindi rin naman niya iyon gusto dahil paniguradong magiging malaking issue iyon. Kahit na hindi naman naging ganoong malaki ang issue dahil madalas siyang tumatanggi sa pagbigay pa ng iba pang detalye, hindi pa rin nakaka-get over ang mga ito tungkol sa issue. Natatakot rin siya na baka kagaya ng nangyari sa mall ay akalain ng mga itong si Cedric Guidicelli si Ric. Ayaw na niyang palakihin ang pagkakamali. Mabuti na nga lang at nasa kanya ang odds dahil wala naman siyang naririnig na reklamo mismo sa lalaking isinabit niya sa kanyang pangalan para matupad ang kanyang pangarap.
Sa ngayon ay dalawang major role na sa isang commercial ang naggawa niya. May isa siyang gagawin pang print ad at next week itinakda ang shoot noon. Next week rin daw i-air ang commercial niya na natapos i-shoot kahapon. Kapag daw bumenta ang commercial niya ay saka siya bibigyan pa ng maraming line-ups. Umaasa si Ericka na magiging matagumpay iyon. Iyon na ang susi sa kanyang mga pangarap. Maraming artista ang sumisikat dahil sa mga commercials. Bukod sa maging modelo, gusto rin niyang maging artista. Hindi dahil gusto niyang madiskubre ang talento sa pag-arte pero dahil malaki ang kita roon. Gusto niyang maging mayaman para tumulong sa pamilyang kumupkop sa kanya at para na rin makatulong siya lalo sa kapwa niya.
“Pero kahit ganoon, ayaw ko na palaging ikaw ang gumagastos. May pera na rin naman ako ngayon na bayad sa akin sa mga commercials na na-shoot ko.. Isa pa, ordinaryong painter ka lang. For sure, hindi ganoon kalaki ang kinikita mo. Ipunin mo na lang iyon.”
Hindi naman inamin sa kanya talaga ni Ric na ordinaryong painter nga lang ito. Pero in-assume niyang ganoon dahil kung matagumpay at sikat ito, hindi ba dapat ay kilala na niya ito? Naririnig niya ito. Isa pa, kung matagumpay ito, dapat ay mukha itong mayaman. Pero ni wala nga itong sasakyan. Commuter lang ito na kagaya niya. Simple lang rin kung manamit ito. Magaling man itong mag-ingles ay naisip niyang magaling naman talagang mag-ingles ang mga Pilipino kahit mukha itong may kakaibang lahi. Pero nang minsang ungkatin naman niya ito tungkol roon, sinabi ni Cedric na Pilipino daw talaga ito.
“But Ericka---“
“No buts. Pakiramdam ko kasi binibili mo ako sa ginagawa mo. Don’t do that again, okay? Maliwanag?”
Umiling-iling na napabuntong-hininga ito. Hindi na ito nagsalita. Ipinagpatuloy ni Ericka ang pagkain ng cotton candy. Nang paubos na niya ang kinakain ay napansin niya na nakatitig sa kanya si Cedric. Itinaas niya ang cotton candy rito.
“Ayaw mo talaga?”
Hindi ito nagsalita pero nanatili lamang na nakatitig sa kanya at sa cotton candy na nasa harap niya. Kinagatan na niya iyon dahil mukhang ayaw rin naman nito kaya nagulat siya nang sa pagkagat niya ay kumagat rin ito. Dahil ubos na ang cotton candy, sa halip na ang mapagsaluhan nila ang pagkain, ang kani-kanilang labi ang nagsalo. Dahil rin nagulat sa ginawa nito, nabitawan ni Ericka ang stick ng cotton candy.
Dapat ay aksidente lamang ang halik, iyon ang nasa isip ni Ericka. Aksidente lamang ang paglapat ng labi nito sa labi niya. Pero tila hindi iyon ang gusto ni Ric. Alam niyang naramdaman nito na hindi na ang cotton candy ang nilalasahan nito. Labi na niya iyon. Pero sa halip na tumigil, hinayaan pa nitong tumagal lalo ang pangyayari. Naramdaman rin ni Ericka ang kaunting pagkagat nito roon.
Mali iyon. Dapat ay nagprotesta si Ericka sa kapangahasan ni Ric. Hindi pa sila. Hindi pa nga niya naiisip at nakakapagdesisyon nang matino kung sasagutin niya ba ito. She was just enjoying what is happening between them. Pero alam niya kung ano ang dapat at hindi dapat. Hindi ito dapat. Pero hindi maggawang lumayo ni Ericka. Sa palagay niya ay mas masarap ang pakiramdam at lasa ng labi ni Ric. Walang binatbat ang paborito niyang cotton candy sa sarap.
Ilang sandaling nangyari ang hindi inaasahang halik. Pulang-pula si Ericka pagkatapos. “T-that was unexpected.”
“Unexpected things are the best.” Hindi niya maggawang tumingin kay Ric kaya hindi niya sigurado kung nakangiti ba ito o may kakaiba sa mukha nito kagaya niya dahil sa nangyari.
“And that was not gentle...”
“Alam mo kung paano mag-examine ng klase ng halik?” nahimigan ni Ericka ang galit sa tinig ni Ric. Sinubukan niyang magtaas ng tingin. Napansin niyang unti-unting nagdilim ang paningin nito.
“H-hindi naman. Pero mararamdaman mo naman `yun `di ba?”
“Kung ganoon... sabihin mo sa akin kung gaano karami ng lalaki ang nahalikan mo?”
Nanlaki ang mga mata ni Ericka. “Hindi mo dapat tinatanong iyan.”
“I became curious. Masama ba na malaman? Ni hindi ko nagagawang magtanong sa `yo tungkol sa mga ganitong bagay. I think its time, too.”
Kinagat ni Ericka ang ibabang labi. “Ikaw ang una.”
Si Ric naman ang nanlaki ang mga mata. “T-totoo ba iyan?”
“Nakakahiya ba?”
Kumunot ang noo nito. “Bakit naman nakakahiya? I’m actually happy to know that.”
“Arrogant,”
Ngumisi ito. “Say whatever you want. Pero masaya ako na ako ang first kiss mo. Hindi ko inaasahan, kagaya ng naramdaman ko sa nangyari.”
“Ano bang naramdaman mo?”
“Wonderful. Ikaw?”
Nag-alinlangan si Ericka sa pagsagot. Mataman lang niyang tinitigan si Cedric.
“What? Say it.” Tila naiinip pa ito nang hindi siya sumagot.
“Ang demanding mo. Paano kung sabihin ko na hindi ko nagustuhan?” Pinagtaasan niya ito ng isang kilay.
He gritted his teeth. “That I won’t accept. Kung hindi mo nagustuhan ang halik ko, baka naman nabitin ka kaya---“
Nanlaki ang mga mata ni Ericka. A part two would be nice. Pero natakot si Ericka na baka kapag naulit pa iyon ay maadik na siya roon. It was a good type of addiction but she doesn’t want to look cheap. Ayaw niyang isipin nito na madali lang siya na bumigay.
“Fine, nagustuhan ko rin iyon. Masaya ka na?” sinikap ni Ericka na ilayo ang tingin rito pero sa halip ay hinawakan ni Ric ang kanyang pisngi para magsalubong ang kanilang mga mukha at mata. Nag-uumpisa na namang tumibok ng malakas ang puso ni Ericka dahil inakala niya na kagaya ng kanina, hahalikan ulit siya ni Ric. Napakalapit ng mukha nito sa mukha niya. Pero nanatili lang itong nakatitig sa kanya at maya-maya ay gumalaw ang labi nito...forming something that like the kiss they shared. Unexpected. Sa unang pagkakataon, nakita niyang ngumiti ito!
“I really really like you,” mahinang wika pa nito pagkatapos pakawalan ang kanyang mukha.
Sa paglaki ng ngiti ni Ric ay lalong natulala si Ericka. Unti-unti rin siyang nakapag-form ng ngiti sa labi niya nang maisip na kagaya nito ay ganoon rin ang nararamdaman niya.
She likes him, too. Really like him.