International Billionaires 5 - 6 Chapter 16

WALANG schedule si Ericka ng araw na iyon pero kinailangan niyang lumabas. Birthday ngayon ni Matthew at balak niyang maghanda para sa birthday nito. Mamayang hapon ay magkakaroon sila ng salo-salo. Plano niyang bumili ng paluto na isang bilaong palabok at spaghetti. Bibili rin siya ng dalawang lechon na manok. Inabisuhan na niya ang ilang mga kapitbahay nila at itinext ang ilang kilala rin na kaibigan ni Matthew na magpunta. Pero bago ang lahat ng pagbili ng mga handa ng matalik na kaibigan at masasabi na rin na kapatid ni Ericka, pumunta muna siya sa mall upang bumili ng regalo rito.

Balak bilhan ni Ericka si Matthew ng bagong damit at pantalon. Palagi naman nakikita ni Ericka si Matthew pero ito ang unang beses na bibilhan niya ito ng damit. Hindi niya gaanong sigurado kung ano ang size ni Matthew. Iba-iba kasi ang sizes ng pantalon nito. Minsan ay naglalaro sa medium, large at mayroon pa nga na extra large. Twenty nine, thirty o may mga umaabot pa nga ng thirty two sa pantalon. Dumedepende sa brand. Sa tingin ni Ericka ay mahihirapan siya. Wala pa naman siyang taste pagdating sa mga damit, lalo na at lalaki. Pero naisip niyang damit ang iregalo rito dahil hindi masyadong bumibili ng damit si Matthew. Luma na rin ang mga damit nito. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang mula sa kanyang likuran niya ay may kumalabit sa kanya.

“Anong---Ric!” kasabay na napatalon ang katawan at puso ni Ericka nang makita ito sa likuran niya. Wala naman itong ginagawang kakaiba roon. Simpleng nakatayo lang ito roon at kinulbit siya pero ang lakas ng dating nito sa kanya. “A-anong ginagawa mo rito?”

“Hindi pa ba halata?” walang ka-emosyon-emosyon na wika nito.

“S-sinusundan mo ako?”

Tumango si Cedric. “Ano bang ginagawa mo rito sa mall?”

Matagal bago nagsalita si Ericka. Mataman na tinignan niya lang ito. Totoo nga ang hinala niya. Sinusundan siya nito. Maraming tanong ang pumasok sa utak niya pero mas marami ang kilig na kanyang naramdaman. Ramdam ni Ericka na mali iyon. Hindi ba dapat ay matakot siya dahil parang kung saan-saan na lang sumusulpot ang lalaking ito? Para itong stalker niya. Ni hindi pa nga niya lubusan itong kilala.

Pero iba ang nararamdaman ni Ericka. Mas nanaig sa kanya ang magandang nangyari kahapon kung saan siya tinulungan nito na walang hinihiling na kahit anong kapalit. Hindi dapat siya matakot sa lalaki. Hinayaan na lang ni Ericka ang malakas na damdamin na lumukob sa kanya.

“Birthday kasi ni Matthew. Balak ko siyang bilhan ng regalo.”

“Matthew?” nag-iba ang timplada ng mukha ni Ric sa sinabi niya.

“Ah, siya iyong kaibigan ko na parang kapatid ko na rin. Sa bahay nila ako ngayon tumitira.”

Nang magkatrabaho si Ericka, minsan ay nagpahiwatig na siya sa mag-ina na aalis na sa poder ng mga ito. Napamahal na sa kanya ang dalawa pero dahil iniisip niya na napakalaki na ng utang na loob niya sa mga ito, naisip niya na bumukod. Nahihiya na siya sa mga ito. Pero pinigilan siya ng mga ito. Parang pamilya na rin siya ng mga ito. Hindi pumayag si Nanay Teresita at Matthew na umalis siya.

“Sa bahay ka ng isang lalaki tumitira? Sigurado ka ba na kaibigan mo lang ang lalaking ito?”

Napangiti si Ericka sa dalawang dahilan: Una dahil hindi lang si Ric ang unang nagtanong sa kanya ng ganoon. Marami sa mga kakilala niya na kapag nalalaman na magkasama sila ni Matthew sa isang bahay ay nagtatanong kung magkaibigan nga lamang ba sila. Simula pagkabata ay magkasama na sila at sa pisikal na anyo ay hindi naman papatalo si Matthew. Marami ang nagsasabi na guwapo ito at mabait rin naman ito. Halos sabay rin silang lumaki kaya hindi maiiwasan na malapit sila. Dagdag pa sa issue na sa edad ni Matthew ay hindi pa ito kailanman nagkakanobya. Sabi nila, kaya raw ganoon ay inaantay raw siya nito. Pero hindi sa tingin ni Ericka. O ayaw lang siguro niya na isipin. Para sa kanya kasi, kaibigan lang niya si Matthew. Komportable siya rito pero hanggang doon lang iyon. Walang kahit anong paglakas ng tibok ng puso, kuryenteng dumadaloy sa balat o kung ano pang maikakategorya sa pakiramdam ng pagkagusto o pag-ibig.

Hindi kagaya ng nararamdaman mong kakaiba ngayon kay Ric. Bulong ng isang bahagi ng utak ni Ericka. Pero mas pinili niyang huwag pansinin iyon.

Ang pangalawang dahilan ni Ericka ay dahil natutuwa siya sa reaksyon ni Ric ngayon. Kunot na kunot ang noo nito at kakaiba ang boses na ginagamit nito. Nagseselos ba ito kay Matthew? Isa na naman itong mali pero nasisiyahan lalo si Ericka roon. Ibig sabihin lang noon ay pinapahalagahan talaga siya ni Ric. May nararamdaman ito sa kanya! Para sa isang kagaya nito na madalas ay nakakunot noo, nakataas kilay at hindi yata marunong ngumiti, tila isang tagumpay na ang malaman na may nararamdaman rin ito sa kanya kahit papaano. She found him cute and attractive in that way.

“Anong iningingiti-ngiti mo diyan?” parang malapit nang magngitngit ang ngipin ni Ric nang hindi siya magsalita at nanatili lamang na nakangiti.

Pinindot ni Ericka ang ilong nito dahil na-cute-an siya sa inasal nito. “Wala. Nakakatuwa ka lang. Para kang nagseselos. Hmmm... Ganoon ba talaga mag-care ang isang painter sa kanyang prospect na modelo?”

“Whatever. Sino ang Matthew nga na iyon sa buhay mo?” tila naiirita nang sabi nito.

“Nasabi ko na kung sino siya `di ba? Ikaw na ang bahalang mag-conclude kung nagsasabi ba ako ng tama or what.” Ngingiti-ngiting sabi niya. “Pero kung gusto mo, para lalo kang maliwanagan, isasama na lang kita mamaya sa bahay para makita mo kung ano ang relasyon namin.”

Sumimangot ang lalaki. “Fine,”

“Pero sa isang kondisyon! Sasamahan mo akong mamili,” bukod sa namomroblema sa kanyang bibilhin na regalo kay Matthew, isa rin na problema niya ang magbitbit ng mga kailangan sa paghahanda kay Matthew. Masyadong marami ang plano niyang bilhin at wala naman siyang sariling kotse para hindi siya gaanong mahirapan.

Tumango muli ang lalaki. Walang reklamo na sinundan siya nito sa department store. Nagsimulang tumingin si Ericka ng kanyang bibilhin na damit. Sa tuwing may nagugustuhan siya ay ipinapakita niya iyon kay Ric at tinatanong kung ano ang opinion nito.

“Not good,” wika nito sa kulay pulang collar shirt na napili niya. Sandali lang iyon na pinasadahan ni Ric pero nagkomento na agad ito.

Kumuha si Ericka ng isa pa niyang napili. Kapareho nang una ay ganoon rin ang naging komento ni Ric. Sa mga sumunod pang kinuha niya ay puro iling ito. Umabot na sila ng isang oras sa pag-iikot pero wala pa rin silang napili. Nag-umpisa nang magtaka si Ericka.

“`Yung totoo... gusto mo ba akong tulungan o hindi? Bakit lahat yata ng gusto ko ay inaayawan mo?” sabi naman ng ibang sales lady ay maganda ang mga napipili niyang damit pero dahil gusto rin niyang alamin ang opinion ng kasama, sinusunod niya iyon. After all, lalaki ito. Mas may alam ito sa gusto ng kabaro nito. Puro rin kasi babae ang sales lady roon.

“I don’t like you buying gifts for this Matthew.”

Nanlaki ang mga mata ni Ericka. “What?! Kaya mo ako pinipigilan dahil lang doon? Hinayaan mong magpakapagod tayo sa pag-iikot sa loob ng isang oras tapos ayaw mo lang naman pala na bilhan ko si Matthew ng regalo?”

Hindi nagsalita ang lalaki. Pero nakita agad ni Ericka ang guilt sa mukha nito.

“Ric!”

Bumuntong-hininga. “Fine, the green one with white stripes is good. You go and get it,”

Binalikan ni Ericka ang sinasabi nitong damit. Naalala niya agad iyon dahil kahit ang sales lady ay sinabing maganda raw ang damit na iyon. Marami na nga raw nakabili ng damit na iyon dahil maganda at uso ang style. Nang makuha iyon ay sinubukang ilapat ni Ericka ang damit kay Ric para tignan kung kasukat nito iyon. Kasing-katawan kasi ito ni Matthew.

“No,” tanggi nito. Inilayo nito ang damit.

“Bakit? Ang arte mo naman! Pagkatapos mo akong lokohin na---“

“`Wag ka ngang magpakaimpokrita, Ericka. Ilalapat mo sa akin ang damit na `yan pagkatapos ay ibibigay mo sa iba?” wika nito na para bang nasasaktan.

“Apektadong-apektado ka talaga kay Matthew,” amused na wika naman niya.

“Whatever. The one you are holding is as same as my size. Go and buy the pants you want, too. Kung naiisip mo na ka-size ko rin siya, I’m size thirty.” Lumayo ito sa kanya pagkatapos pero pumunta lang naman sa isang gilid.

“Naku, nagseselos yata ang boyfriend niyo, Ma’am,” nakikiusyoso namang wika ng sales lady.

“Ha? Hindi ko siya---“

Naputol ang pagsasalita ni Ericka nang lumapit ang isang sales lady. Napansin niyang kanina pa siya nito tinitignan. Kahit nang umalis sila sa lugar na iyon ay humabol rin ito ng tingin. “P-pamilyar kayo sa akin, Ma’am. Kayo po ba `yung si Ericka Macaranas? Iyong aspiring commercial model na napapabalitang ang boyfriend ay si---“ natutop ng sales lady ang bibig nang bigyang tingin nito ang kasama niyang si Ric. “Oh my God! Siya nga yata si Cedric Guidicelli!”

“Ha?” nataranta si Ericka. Nakilala siya ng sales lady. Dapat ay inasahan na rin naman ni Ericka na hindi siya makakatakas sa mga tao ngayon. Naging laman siya ng pahayagan. Napag-alaman niyang naging usap-usapan na rin siya sa social networking sites dahil dinala niya ang pangalan ng sikat na pintor na iyon. Hinayaan niya ang naging pagkakamali ng writer. Pero dahil iba raw ang itsura ni Ericka sa litrato at personal, inisip ni Ericka na hindi pa rin naman siguro siya ganoong pagkakaguluhan sa publiko. Wala rin siyang make-up ngayon kaya mas masasabi niyang mahirap siyang i-recognize sa litratong na isinama sa article na iyon. “Hindi! Hindi `yan si Cedric Guidicelli! Hindi ko siya b-boyfriend.”

Nanlumo ang sales lady. “Ay, sayang naman, Ate. Ang guwapo-guwapo niya kasi. Kagaya lang noong mga paborito kong International Billionaires. Kapag sila ang nasa balita, updated talaga ako. Curious na curious nga ako kay Cedric kasi wala siyang picture na ipinapakita sa madla, hindi kagaya noong iba niyang kasamahan.”

May nakisali rin na isa pang sales lady. “Pero `di ba Italian si Cedric Guidicelli? Baka naman siya nga iyon. Mukha kayang foreigner ang lalaki.”

“Hindi. Hindi rin tayo sigurado. Mga Pilipino rin ang International Billionaires kaya wala silang lahi hindi kagaya ng lalaking iyon. Baka nga hindi talaga siya,” pag-uusap ng mga sales lady.

Nahihiyang ngumiti si Ericka. Naghanap siya ng ibang dahilan para makaalis na agad sa lugar na iyon. Pangarap niya na sumikat at pakiramdam niya ay nakamit na niya iyon ngayon pero dahil alam niyang malaki ang loophole sa kanyang pagsikat, kailangan rin niyang iwasan ang mga tanong tungkol roon. Sa totoo lang ay ilang paanyaya na ng interview rin ang natatanggap niya simula nang sumabog ang balita pero lahat ay tinanggihan ni Ericka. Mabuti na lang at naintindihan ng mga ito na hindi na niya gusto pang palakihin ang issue dahil na rin sa kagustuhan kuno ni Cedric.

Naging matagumpay naman ang pag-alis ni Ericka sa lugar. Binili niya ang damit na napili at pumili na lang sa ibang store ng pantalon na una niyang nagustahan. Ipina-gift wrap niya ang damit at pagkatapos ay binili na ang mga planong ihanda para sa birthday ni Matthew. Tinulungan pa rin naman siya ni Ric. Sinundan pa rin siya nito. Wala itong reklamo, wala itong imik. Hindi nga lamang sigurado kung dahil ba iyon sa masama pa rin ang loob nito tungkol sa kaibigan niya o sadyang ganoon lang talaga ito. Pero kung ang una man ang dahilan, binabalewala na lamang iyon ni Ericka. After all, hindi magandang dahilan iyon. Kahit natutuwa siya sa kaalaman na parang nagseselos ito kay Matthew, wala pa rin itong pakialam. Ang gusto lang nito ay suyuin siya para maging modelo nito. Hindi nito inaamin na may gusto sa kanya o ano. Kung ganoon ang sinabi nito, baka maiintindihan pa ni Ericka ang gusto nito.

Pagdating sa bahay ay ipinakilala niya si Rick kay Nanay Teresita. Dahil pareho silang may trabaho ni Matthew, madalas ay mag-isa lamang ito sa bahay. May sakit man si Nanay Teresita ay kahit papaano, naka-recover rin naman ito roon. Dahil sa mga theraphy na isinasagawa rito, nagagawa na ni Nanay Teresita na maglakad pero mabagal lamang iyon. Ang hindi na lang na-recover nito ay ang paggalaw ng kanang kamay nito. Pero kahit papaano, nakakagawa rin si Nanay Teresita ng ilang gawaing bagay, mahirap at mabagal lamang pero nakakaya rin naman ito. Dahil roon, kahit may trabaho silang dalawa ni Matthew, maayos lang na iwan ito sa bahay o `di kaya ay ibilin minsan sa kapitbahay nila.

Nang magmano si Ericka kay Nanay Teresita ay nagmano rin si Ric rito. Nagulat ang matanda pero nakita rin ang kasiyahan sa mukha nito sa kaalaman na may isinama siyang lalaki pauwi. Ilang beses na rin siya kasi nitong kinukulit kung kailan siya magkaka-boyfriend.

“Nanay, si Ric po. Ah---“ sandaling natigilan si Ericka kung paano niya ipapakilala si Ric sa matanda. Alangan naman na sabihin niya na gusto siya nitong kuhanin na modelo? Kahit siya nga ay nawi-weirduhan sa paraan ng pamimilit nito sa kanya. Nagtataka. Malamang ay ganoon rin si Nanay Teresita. Magiging mahabang paliwanagan pa kung ganoon ang sasabihin niya. “Kaibigan ko po,” nasabi niya na nagpakunot na naman ng noo ni Ric. Pero hindi rin naman nagsalita ito pagkatapos.

Nagtulungan silang tatlo upang maihanda ang kaunting salo-salo para sa kaarawan ni Matthew. Magiliw na tumulong rin si Nanay Teresita at kahit papaano ay tumulong rin si Ric pero naramdaman niyang hindi iyon bukal sa loob nito. Kung iyon ay dahil kagaya nang dahilan nito kanina nang namimili sila ng regalo, hindi na lang muli iyon pinansin ni Ericka. Alas sais ng gabi ay dumating si Matthew. Nagulat pa ito dahil hindi naman nito alam na ipaghahanda niya ito. Pero napansin ni Ericka na mas nagulat ito nang makitang may hindi ito kilalang mukha na nasa bahay.

“Sino siya?” tanong nito. Kagaya nang ginawa ni Ericka sa pagpapakilala kay Nanay Teresita ay ganoon rin ang ginawa niya sa pagpapakilala niya kay Ric at Matthew. Nagkamayan ang dalawa, mas matagal iyon kaysa sa normal dahil tila nagsukatan ang mga ito ng titig sa isa’t isa. Parehong kunot na kunot ang noo at tila may tensyon. Hindi naman niya masisisi si Matthew kung bakit ganoon na lang rin ang reaksyon nito. Ngayon lang siya nagdala ng lalaki sa bahay. Protective rin ito sa kanya. Alam ni Matthew ang naging nakaraan niya kaya naiintindihan niya kung bakit ito ganoon. Kapag may naikukuwento rin siyang lalaki na gusto siyang pormahan ay ipinapaalam niya agad rito. Ito ang sumusuri sa mga iyon. Pinagkakatiwalaan niya ito dahil na rin sa klase ng relasyon na mayroon sila. Hanggang ngayon, wala pa rin na aprubado kay Matthew. Hindi rin naman niya ginagawang malaking issue iyon, tutal, hindi rin naman niya ganoong kagusto ang mga lalaking pinopormahan siya noon. Wala siyang maramdaman na kahit anong emotional connection.

Ilang sandali ay dumating ang mga kaibigan ni Matthew. Kagaya nang mga naunang nakakita kay Ric, nagtanong rin ang mga ito kung sino ito. May ilang babae rin na kaibigan na dumating si Matthew at napansin agad ni Ericka na ilan sa mga iyon ay nagpa-cute sa lalaki nang malamang hindi ito ang napabalita sa kanya na boyfriend kuno niya si Cedric Guidicelli. Naging kalat na ang balita pero ipinagpapasalamat na lamang ni Ericka na kapag nakikilala siya, tinatanggap ang mga pagtanggi niya na ang kasama niya ngayon ay ang misteryosong lalaki. Pero kahit ganoon, hindi pa rin nakaligtas sa mga tao na pansinin si Ric. Parang kagaya ng Cedric na iyon ay sikat na rin si Ric. Lalo na sa mga babae. At sa bawat pagpapansin ng mga babae kay Ric, may isang masamang nararamdaman naman si Ericka sa puso niya. Naiinis siya. Naapektuhan siya!

Ngunit parang hindi lang rin naman si Ericka ang naiinis. Pansin niyang ganoon rin si Ric. Hindi dahil sa atensyon na nakukuha nito sa mga kaibigan ni Matthew kung hindi sa atensyon na ibinibigay ni Matthew sa kanya. Kahit siya ay pansin na parang iba ang trato sa kanya ni Matthew. Ilang beses siya nitong inaakbayan, mas inilalapit ang sarili sa pampisikal na paraan. Nagsisimula na ngang hindi maging komportable si Ericka roon. Isang beses rin niyang sinaway si Matthew sa kakaibang ginagawa nito.

Nang mag-aalas otso na nang gabi ay nagpaalam na si Ric na umalis. Dahil siya ang nagdala rito, inihatid niya ito hanggang sa kanto ng baranggay nila. Ginustong sumama ni Matthew sa paghatid pero pinigilan ito ni Nanay Teresita dahil nakakahiya naman kung iiwan nito ang ilang mga bisita nito na sinabing mamaya pa aalis. Nang makarating sila sa kanto kung saan may isang pampublikong parke ay kinausap muna siya ni Ric bago ito nagpaalam.

“Hindi mo lang kaibigan ang Matthew na iyon,” pagkompronta ni Ric sa kanya.

“Siguro nga. Halos kapatid ko na rin kasi siya. Simula nang iniwan ako ng Nanay ko, kayna Matthew na ako tumira.”

“May gusto siya sa `yo. Hindi lang iyon bilang kapatid.” Parang balewala lang kay Ric ang pagpapaliwanag niya.

Sinubukan na lang tawanan ni Ericka ang pagpuputok ng butse ni Ric. “Hindi nga. Bakit ba hindi ka makumbinsi? Protective lang iyon sa akin kasi a-alam niya ang pinagdaanan ko.” Pinilit na inalis ni Ericka ang biglang naisip dahil sa nasabi. “Wala siyang gusto sa akin.”

“I can see it in his eyes. Bulag ka lang na hindi makita iyon, Ericka.” Tila nagalit na ito.

Pinamaywanagan ni Ericka si Ric. “Eh kung ganoon nga, anong masama roon?”

“I don’t like him.” Simpleng sagot lang nito.

Tumaas ang isang kilay ni Ericka. Hindi siya nagsalita na tila ikinainit ng ulo ni Cedric.

“I said, I don’t like him! What now?”

Umiling-iling si Ericka. “You’re being irrational. Kung hindi mo siya gusto, wala akong magagawa roon. Hindi naman natin kayang i-please ang lahat `di ba?”

“O-oo nga. Pero... basta ayaw ko sa kanya! Gusto kong lumayo-layo ka sa kanya.”

Pinamaywangan niya si Cedric. “Wala kang karapatan na sabihin `yan sa akin. Kilala ko si Matthew sa halos buong buhay ko na. Ikaw, kailan ko lang nakilala. Isa pa, bakit ka pa nagkakaganyan? Personal na buhay ko naman ito. Di ba kaya mo lang naman ako nilalapitan at sinusundan ay dahil gusto mo ako na maging modelo? Tapos ngayon ay---“

“No. Hindi lang iyon basta ganoon, Ericka. The truth is that.... I-I like you. I want you.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.