“ANO BA ERICKA, gusto mo bang magkaroon ng pera o ano?” sinigawan na si Ericka nang direktor ng commercial ad na sinu-shoot nila ngayong araw.
Napayuko si Ericka. Nahihiya na siya. Pang-anim na take na nila iyon at pang-anim na rin niyang pagkakamali. Isang maliit na commercial lang naman iyon na ipapalabas lang sa isang establishment. Pero dahil maliit lang ang offer na pera at hindi pa maganda ang role na gagawin, matagal na pending na daw ang commercial na iyon sa ad agency. But Ericka was desperate. Kailangang-kailangan niya ng pera ngayon kaya tinanggap niya ang offer na iyon kahit na ba maliit na pera lamang ang makukuha niya sa paggawa noon. Kahit na ba marami siyang isasakripisyo habang ginagawa iyon, pinilit ni Ericka na tatagan na lamang ang sarili. Kailangang-kailangan niya ng pera sa ngayon.
“Parang pinapatunayan mo lang nang husto sa amin na hindi ka nga magaling na modelo. Wala kang future maging artista. Pinapamukha mo sa amin na deserve mo ang naging bashers mo sa unang major role mo sa isang commercial. Tama nga lang siguro na hanggang sa paggawa ka lang ng minor roles at hindi sumisikat dahil hindi ka naman talaga magaling!”
Kinagat ni Ericka ang ibabang labi upang pigilan ang mga luha na nagbabadya sa pagpatak. Napakasama ng nararamdaman niya. Napakalupit ng mundo. Napakalupit ng direktor. Napakalupit ng buhay. Pero pinilit ni Ericka na tanggapin ang lahat. Pagkatapos ng lahat ng mga nangyari sa mga nakaraang araw, gusto na nga niyang maniwala na hanggang pang-minor roles na lamang siya ng mga advertisements. Hindi na siya sisikat kagaya nang matagal niyang inaasam.
“Pagbubutihan ko na po sa susunod na take, Sir. Pangako.”
“Narinig ko na rin `yan kanina pero ang dami na nating take, nanginginig ka pa rin. Hindi ka komportable.”
“H-hindi niyo po ako masisisi kung bakit hindi ako komportable dahil malaswa ang commercial na ito. Kaya nga po walang tumatanggap `di ba? Maliit na nga ang bayad ay---“
Pinutol ng direktor ang pagsagot niya rio. “Pero tinanggap mo. Pumirma ka rin ng kontrata. Wala ka ng kawala pa. Hindi ka na rin dapat magreklamo dahil pumayag ka.” Iiling-iling na sabi nito. Sumigaw ito ng break pagkatapos sa mga crew na nakahinga naman nang maluwag. Kanina pa gustong mag-break ng mga ito dahil halos kalahating araw na sila nagsu-shoot. Ayaw kasing magpa-break ng direktor habang hindi niya naayos ang eksena. Pero ngayon ay mukhang napuno na talaga ito.
Nagbreak rin si Ericka. Kailangan niya iyon. Pagkatapos ng lahat, kanina pa siya kating-kati na mag-break rin. Kinuha niya ang kanyang cell phone. Napansin niya na marami ng missed calls sa kanya si Ric. Sandaling lumakas ang tibok ng puso ni Ericka nang makita ang mga iyon. Lalo na ang text message nito na nagsasabing nasa Maynila na raw ito. Gusto na raw nitong magkita sila. Napapikit si Ericka. Gusto na rin niyang makita ito pero sa tingin niya ay hindi ngayon ang tamang panahon. Hindi niya gustong malaman ni Ric ang ginagawa niya ngayon at ang lagay niya. Kahit nga kay Matthew ay hindi niya sinasabi iyon.
Inignora muna ni Ericka ang mga text at tawag ni Ric. Mas inuna niya ang priority. Tinawagan niya si Matthew at tinanong kung ano ang lagay ni Nanay Teresita.
“Ganoon pa rin siya. Hindi pa rin nagigising. Hindi pa rin masabi ng Doctor kung hanggang kailan siya magkakaganito. Natatakot na ako, Ericka.”
Nanghina si Ericka pero pinilit niyang tatagan ang loob. Tatlong araw na ang nakalilipas simula nang dalhin nila si Nanay Teresita sa ospital sa bigla na lang pagkahimatay nito. Ang sabi ng mga Doctor ay nagkaroon ito ng biglaang atake sa puso at sa tindi noon, na-comatose ito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagigising. Kagaya ni Matthew ay takot na takot rin siya. Isama pa na nagsisimula na silang kulitin ng ospital tungkol sa pagbabayad ng bill. Hindi sila mayaman, halos wala silang ipon na dalawa at kahit downpayment lang naman ang hinihingi sa kanila ng ospital ay mahirap pa rin na buuin ang ganoong halaga. Hindi na puwedeng mag-loan si Matthew sa kompanya na pinapasukan nito at kahit pinahiram naman sila ng ilang malalapit na kapitbahay ay kulang pa rin iyon. Napakalaki ng babayaran dahil nasa ICU si Nanay Teresita. Isama pa ang mga gamot na ibinibigay dito araw-araw.
Kaya iyon si Ericka, humahanap ng paraan para maresolba ang problema, kahit sa pang pinasyal man lang. Tinanong niya sa ad agency kung saan siya nakakontrata kung may maaaring proyekto pa na ibigay ang mga ito sa kanya para magkaroon siya ng pera. Wala siyang work experience sa iba kaya alam niyang kahit maghanap siya ng ibang raket, mahihirapan lang lalo siya. Ang pagmomodelo lang ang naging buhay niya, ang career niya. Iyon ang passion niya. Kaya nga kahit hirap na hirap na siya sa ginagawa, tinitiis pa rin niya dahal mahal niya iyon. Gusto niya iyon. Tinapat naman siya ng ad agency tungkol sa estado ng employment niya...
“Two days ago ay ipinalabas na ang unang commercial mo, Ericka. At marami kaming natanggap na reaksyon sa mga nanonood na hindi daw iyon maganda. Hindi raw bagay sa `yo. Ang dami mong naging bashers sa mga social media sites. Nang dahil diyan, hindi namin masasabing may maibibigay pa kaming proyekto sa `yo sa ngayon. Particular sa mga major roles na sa tingin ko ay kailangan mo ngayon kung kailangan mo talaga ng pera...” wika sa kanya ng manager.
“Pero Ma’am, `di ba ang sabi niyo ay interesado sa akin ang mga tao dahil kay Cedric Guidicelli? Baka naman puwedeng---“
Umiling ang manager. “I’m sorry, Ericka. Iyon rin ang akala naming noong una. Na kung sakaling alukin ka naming ng major role, maraming mga tao ang magkakainteres sa `yo o sa ad agency natin dahil model ka rito. Akala rin namin ay makukuha noon ang atensyon ng HGC para magpagawa sa atin ng mga susunod nilang proyekto. Makakabuti iyon sa ad agency dahil numero uno sila sa halos lahat ng industriya sa loob noon. Tiyak na kikita ng malaki ang agency kung magiging kliyente natin sila. Pero nagkamali kami ng akala. Hindi naging malaking pasabog ang lahat. Hindi naging matagumpay. Mas tinignan rin ng mga tao ang klase ng gagawin mo sa commercial na iyon kaysa sa kung ano ang nadawit sa `yo. Ni ayaw nga rin maniwala ng mga tao na totoo ang nasa article hindi kalaunan. Namatay ang balita dahil sa paulit-ulit mong pagtanggi sa mga interviews. Hindi ka na naging interesting. Hindi naniwala sa `yo ang mga tao. At kahit ngayon, ako ay hindi na rin naniniwala.” Bumuntong-hininga ang manager. “Isang pagkakamali lamang ang lahat, `di ba? Wala kang nobyo. Hindi ka namin kailanman nakita na sinusundo o pinapanood man lang ng isang lalaki. Isa pa, dahil kung totoo iyon, hindi ka magmamakaawa sa amin ngayon na bigyan ka ng proyekto. Mayaman si Cedric Guidicelli. Kayang-kaya niyang tulungan sa pangpinansyal pero ano ang ginagawa mo rito ngayon? Nakakapagduda.”
Namutla si Ericka. Pero hindi naman niya masisisi ang mga ito sa pagdududa. May punto ang mga ito. Kung talagang girlfriend siya ng isang bilyonaryo, bakit nga ganoon pa rin ang pamumuhay niya? Masyado lang siguro ang mga itong nabulag sa balita noong una kaya hindi napansin ng mga ito iyon noong una. Isama pa na palagi niyang sinasabi na gusto niyang mamuhay ng simple kapag may nagtatanong sa kanya. Na gusto niyang mamuhay sa sarili niyang mga paa. “Ma’am...”
“Nawala ang tiwala namin sa `yo, Ericka. Hindi ka naging mainit sa mga mata ng tao kaya hindi rin kita mapagbibigyan. And I’m sorry because business is business. Pero kung nangangailangan ka talaga, may maaari naman akong ibigay sa `yo. Maliit nga lamang ang makukuha mo pero nangangailangan ka ngayon. Kahit maliit na halaga, kailangan mong patulan...”
Inalok ng manager si Ericka ng maliit na commercial na iyon tungkol sa isang motel. Tanging sa lobby lang naman ng establishment ipapalabas ang commercial. Pero dahil sa masamang klase iyon ng negosyo, malaswa rin ang role. Maliit lang ang halaga na gustong ibigay ng kompanya kaya walang pumapatol sa mga modelo na inaalok. Mayayaman ang mga kasamahan niya roon kaya hindi ipagpapalit ng mga ito ang dangal sa maliit lamang na halaga. Pero dahil gipit si Ericka ngayon, pinatulan niya ang alok.
Malaki ang utang na loob niya kay Nanay Teresita kaya nararapat lang rin na gawin niya ang lahat para maging maayos ang lagay nito. Pinatulan ni Ericka ang offer na iyon para na rin sa ikaayos ng lahat. Ibibigay niya ang lahat para sa ikagagaling nito. Pero dahil alam niyang maraming hindi papayag sa paraan niya, isinekreto ni Ericka iyon sa mga taong malalapit sa kanya.
“Gagaling si Nanay, Matthew. `Wag kang matakot. Pagkatapos nitong shoot ko, didiretso ako diyan. Kailangan mo rin na magpahinga. `Wag mo pakaisipin ang lahat. Gagawa pa tayo ng ibang paraan para gumaling siya.” kagabi ay bantay siya kay Nanay Teresita. Sinamahan siya ni Matthew dahil day-off naman nito kinabukasan. Pero kahit ganoon, mahirap matulog sa ospital. Lalo na at mas pinili nito na gising para bantayan siya habang nagpapahinga.
“Gusto kong umasa pero sa ngayon ay tila nawawala na iyon. Kailangan kita dito, Ericka. Ang hirap-hirap.” Puno ng sakit ang boses ni Matthew.
“Magiging maayos rin ang lahat.” Pagpapanatag niya rito at maya-maya ay tinapos na rin ang tawag. Sakto namang pagkatapos niyon ay siyang pagtawag ni Ric. Alinlangan pa si Ericka na sagutin ang tawag pero ginawa rin niya sa huli.
“Where are you?” naramdaman agad ni Ericka ang kasabikan sa tinig ni Ric nang sagutin niya ang tawag nito. Nagustuhan niya iyon. Dapat ay maging masaya rin siya para roon. Pero kagaya nang pag-aalinlangan niya sa pagsagot sa tawag nito, nag-alinlangan si Ericka na sumagot sa tanong nito.
Missed na missed na niya si Ric. Mas lumala pa ang pagka-miss niya rito dahil pilit niyang iniiwasan na makipag-usap rito nang matagal dahil ayaw niyang mahalata nito na may problema siya. Nasa ibang lugar pa man rin ito. Hindi niya gustong habang nagluluksa ito at ang mga kaibigan nito dahil sa pagkamatay ng isang kamag-anak ay mag-alala pa ito sa lagay niya sa ngayon. Kaya pinipilit niyang iwasan ang mga tawag nito o kung sinasagot man, sandali lang iyon. Natatakot siyang madulas siya sa kung anong lagay niya sa ngayon.
“N-nasa trabaho ako ngayon,” sagot niya kay Ric. Umaasa siya na kagaya nang dati, iiwasan siya nito kapag sinabi niyang abala siya sa kanyang career.
“Okay. Sorry for disturbing. But can I pick you up after work?” hopeful na tanong nito.
“Ahmm... Ric, hindi puwede, eh. M-may lakad kasi kami mamaya ni Matthew,” gustuhin man niya na makita ito ngayong nakabalik na ito, hindi rin naman puwede. Bukod sa gusto niyang itago ang lagay dahil ayaw niyang alalahanin siya nito at ang pamilya, kailangan rin talaga siya ni Matthew.
“I see,” naramdaman ni Ericka ang tila galit sa boses nito. Akmang tatapusin na niya ang tawag dahil napansin niya na nagsisimula ng bumalik muli ang mga tao sa set nang magtanong si Ric. “Kung ganoon, puwede ba kitang mabisita ngayon sa trabaho mo? You are a model. Puwedeng manood ng mga shootings mo. I just really want to see you because I miss---“
“Ah, Ric. `Wag muna talaga sa ngayon. Sa ibang araw na lang dahil---“ akmang magsasalita pa si Ericka nang makita niyang sinisilip na siya ng direktor. Nagtaas pa ito ng kilay sa kanya. Nagtaas siya ng kamay upang iparating na humihingi siya nang kaunting sandali pero umiling ito.
“Ang pangit na nga ng performance mo, nagpapahintay ka pa?! Get back to work!” sigaw pa sa kanya ng direktor.
“What was that?” mukhang narinig ni Ric ang sinabi ng direktor sa kabilang linya kaya nataranta si Ericka.
Sinubukang magpaliwanag ni Ericka kay Ric. “Tinatawag na ako ni Direk. Itetext na lang kita kung kailan ako puwede at---“
“Sinisigawan ka ba ng direktor mo? Pinagmamalupitan? Tell me,” naramdaman niya muli ang galit sa tinig ni Ric.
“Bye,” sagot na lang ni Ericka. Wala na siyang panahon para makapagpaliwanag pa kay Ric. Tinapos niya ang tawag.
Pinilit ni Ericka na ayusin ang kanyang performance. Naka-ilang ulit rin sila bago niya nakuha ang gustong acting ng direktor. Sa araw rin na iyon gagawin ang susunod na eksena ng commercial sa mismong lugar ng shooting at mas lalo pang natensyon si Ericka nang una. Ang una kasing eksena ay tungkol lamang sa kanya na tila nang-aakit. Hindi siya komportable sa ganoong role, lalo na sa klase ng suot kaya nahirapan talaga siya. Pero alam niyang mas mahihirapan siya sa susunod na eksena. Hindi na lang basta sexy na dress ang suot niya roon. Isang night dress na iyon at sa pagkakataon ngayon, may kaeksena na siyang isang lalaki. Kailangan pa siyang hawakan nito. Hindi pa man nila nagagawa ang eksena ay kinikilabutan na si Ericka. Lalo na nang makita niyang kanina pa siya tinitignan nang magiging kaeksena na lalaki. Kakaiba ang tingin nito sa kanya. Tingin na nababagay para sa gagawing commercial. Tingin ng pagnanasa. Kaya hindi pa man nila ginagawa ang eksena, hindi na komportable si Ericka.
Ilang beses pa na napalunok si Ericka nang pagsuotin na siya ng night dress. Hindi dahil sa conscious sa kanyang itsura kung hindi dahil pakiramdam niya ay ang baba-baba na niya. Iyon ang pinakaayaw niyang mangyari sa lahat. Ang maging mukhang mababa... ang maging kamukha ng Nanay niya. Ayaw niyang maggaya rito. Pero ano ang ginagawa niya ngayon?
Ginagawa ko lang ito para kay Nanay Teresita... pagpapakalma na lamang ni Ericka sa sarili. Nang lumabas siya sa dressing room pagkatapos magbihis ay halos natulala ang lahat sa itsura niya. Ang mga babae ay tila naningkit ang mga mata pero ang mga lalaki naman ay tila lumuwa ang mga mata. Kahit ang direktor nila na kanina ay galit na galit ay natigilan. Nakangisi pa nga ito ngayon.
“Well, well. Mabuti naman at kahit hindi ka magaling sa pag-arte ay may ibubuga naman talaga ang katawan mo. Hindi ko na nga lang alam kung hindi pa bumenta ang advertisement na ito...”
Lalong nailang si Ericka. Pero pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Nasa sitwasyon na siya ngayon. Gaano man niya kinasusuklaman ang gagawin, kailangan niya ng pera. Pagkatapos ng lahat, isang pag-aarte lang naman ang lahat. Walang mawawala sa kanya.
Nagsimula na ang shooting. Nakatayo si Ericka sa gilid ng kama at unti-unting lalapitan ng lalaking modelo. Pinilit ni Ericka ang sarili na salubungin ang malaswang tingin nito na kagaya sa script. Kahit diring-diri na siya sa nangyayari ay pinilit niya na mag-concentrate. Pinilit niya na maging professional.
Ginawa ni Ericka ang nararapat. Gusto na niyang matapos ang lahat. Nilabanan niya ang pagkailang, ang pandidiri. Hinawakan siya ng lalaki sa kanang braso niya, hinaplos nito iyon. Nanginig si Ericka. Pagkatapos ay itinulak siya nito sa kama. Ngumiti si Ericka, kagaya nang ngiting kinakailangan. Mapang-akit. Pinilit niyang gawin ang mga bagay na hindi niya pa nagagawa. Mukhang umepekto iyon nang malaki sa lalaking katrabaho dahil kahit wala sa script ay dinagan siya nito. Nanlaki ang mga mata ni Ericka. Pero bago pa siya makapagprotesta ay marahas na hinalikan siya ng lalaking modelo sa kanyang labi.
Hindi inaasahan ni Ericka ang lahat. Masyado siyang nabigla kaya hindi siya nakakilos kaagad. Nakarinig siya ng ilang pagsinghap sa paligid pero walang ni isa ang tumulong kaagad. Nang subukan niyang kumilos at itulak palayo ang lalaki ay mas lalo pa nitong diniinan ang halik sa kanya. Sa pinaghalo-halong naramdaman ay napaiyak na si Ericka.
“Accidenti!” ang malakas na sigaw na iyon ng isang pamilyar na boses ang nakapagpatigil sa lalaki at sa lahat ng pagkabigla ng mga taong nasa paligid nila. Napatingin siya kung sino iyon. Lalong namutla si Ericka na makilalang si Ric iyon. Sinundan siya nito. Kinuha ni Ric ang lalaki sa pagkakadagan sa kanya. Hinubad nito ang jacket na suot at ibinigay sa kanya. Pagkatapos ay ang lalaki naman ang dinaluhan nito at pinagsusuntok. Pulang-pula ang mukha nito. Sinubukan niyang awatin ito at nang iba pang mga taong tila natauhan na. Pero matagal-tagal rin bago ito napakalma.
“Vaffanculo! Kakasuhan kita, gago ka!” dinuro pa nito ang lalaki. Pagkatapos ay tumingin ito sa kanya, tinanong kung sino ang direktor niya. Ayaw niya sanang sagutin ito pero nang sumigaw ito sa pag-ulit ng tanong ay napilitan siya.
Nilapitan ni Ric ang direktor niya at sa gulat ng lahat, kapareho ng lalaking modelo ay binigyan rin nito iyon ng magkabilang suntok sa panga.
“For shouting to my girl and for not saying “cut” even though you clearly knew what is happening in front of you.” Pagkatapos noon ay halos kaladkarin siya nito palabas ng building.
CHAPTER TEN
KAHIT matagal-tagal na rin nang makalabas sila ng motel kung saan ginawa ang shooting ng commercial ad, hindi pa rin masabi ni Ericka na kalmado siya. Ramdam niyang namumutla pa rin siya at ayaw tumigil ng luha niya sa pagdaloy. Ngunit kahit ganoon, aware siya sa mga nangyayari sa paligid. Kasa-kasama niya si Ric, halos hindi yata matitibag ang panga nito sa pagtiim. Ramdam niyang galit na galit ito dahil sa mga nasaksihan.
Niyakap siya ni Ric. Hinalikan pa nito ang noo niya. Bahagyang naginhawaan si Ericka pero hindi pa rin sapat. Napakasama ng nangyari sa kanya. She was harassed. Naging malaking impact iyon sa kanya at alam niyang magiging rin sa mga susunod na araw. Takot na takot siya.
“Stop crying now, Ericka. Kakasuhan natin ang lalaking iyon. Hell! Pati na rin ang advertising agency na iyon. Magiging maayos ang lahat. Magbabayad ang mga---“
“Ric...” sumandig siya sa dibdib nito. Patuloy pa rin na lumuluha. Kinuha nito ang kanyang ulo, ipinulupot ang mga kamay nito sa kanyang katawan para mas mahigpit na yakapin. Hinalikan nito ang tuktok ng ulo niya. Naramdaman niyang nanginginig rin ito.
“Hindi ko gustong nasasaktan ka. Gaganti tayo. Magbabayad sila.” Puno ng galit ang boses nito.
“Natatakot ako, Ric. Hindi rin dapat basta-basta na inalis mo ako sa shooting. Nakapirma na ako ng kontrata at---“
“To hell with your contract! Babayaran ko iyon. And why the hell did you allowed such work for you? Sa sandaling pagkakilala natin, nakilala na kita nang husto. You are conservative. Bakit ka pumayag sa ganoon?”
“Kailangan ko ng pera, Ric.” Napilitan na si Ericka na magpaliwanag kung bakit.
Unti-unting lumawag ang hawak sa kanya ni Ric. Napatingin siya sa mukha nito at napansin niyang namutla ito. “K-kung ganoon, bakit hindi mo sinabi sa akin? You could have ask me.”
Umiling si Ericka. “Ayaw kong mag-alala ka.”
“Kaya kitang tulungan. Financially, I can assure you that. Kung sinabi mo sana sa akin, hindi mo na kailangang maranasan ang lahat ng ito!”
Umiling si Ericka. “Isang ordinaryong pintor ka lang `di ba? And for sure, you have your own family, too. Mas kailangang sila ang unahin mo kaysa sa akin at---“
“Hindi mo pa ako ganoong kakilala, Ericka.”
Tinitigan niya si Ric. Ramdam ni Ericka na totoo nga ang huling sinabi nito. Lalo niyang napatunayan iyon ngayon. Lumaki ang pagtataka niya rito na noong una ay hindi niya masyadong ikinabahala dahil palagi niyang sinasabi na mas mahalaga ang kanyang nararamdaman para dito. Pero ngayon ay hindi na niya maiwasan na balewalain ang lahat.
Sa ngayon ay nakasakay sila sa isang magarang kotse na hindi mo ordinaryong makikita sa mga kalsada ng Maynila. Kung paano siya naggawang isakay doon ni Ric ay hindi niya masabi. Basta ba pagkalabas nila ng motel ay nakaabang na ang sasakyan na iyon na kung paano rin nakarating at hinayaan si Ric na makasakay roon ay wala rin siyang kaalam-alam. May sarili rin na driver ang kotse at walang pagtatakang sinunod ang utos ni Ric na umalis.
“Mali ba ako ng akala na isa ka lang simpleng tao na kagaya ko?” tinitigan niya nang mabuti si Ric. Hindi ito nagsalita bagkus ay nakatitig lang rin sa mga mata niya.
“S-sino ka ba talaga, Ric?” kapagkuwan ay tanong niya rito pero kagaya noong una ay hindi rin ito nagsalita. Gusto pa man rin na magtanong ni Ericka rito, umaasang sa ibang tanong ay sasagutin rin siya nito, ay tumigil na ang sasakyan nila. Tumigil iyon sa isang kilalang pang-mayaman na condominium unit. Mas lalong kumabog ang puso ni Ericka nang magkaroon siya lalo ng konklusyon.
Hindi lang ordinaryong lalaki ang kasama niya ngayon.
Hinawakan ni Ric ang mga kamay niya. Inalalayan siyang makapaglakad papasok ng condominium unit. Sumakay sila sa elevator ay hindi pa rin nagsasalita si Ric. Wala pa rin siyang sagot na naririnig mula rito hanggang sa makarating sila sa tingin niya ay unit nito. Pinapasok siya nito roon. Sinabing gawin niyang komportable ang sarili roon. Pero umiling si Ericka.
“P-paano ako magiging komportable gayong pakiramdam ko ay sumama ako sa isang estranghero? Pumasok ako sa isang bahay ng isang estranghero?” Nagkagusto ako nang matindi sa isang estranghero.
“Sumama ka sa estranghero na iyon sa loob ng ilang linggo. Hindi mo dapat ikinatatakot iyon.”
“Pero---“
“Pagod ka na, Ericka. Napakasama ng mga nangyari sa `yo ngayong araw. Dinala kita rito upang makapagpahinga ka. Saka na tayo mag-uusap kapag maayos na ang lahat. Saka na ako magpapaliwanag sa `yo.”
“Ric...” tama ito. Napakasama ng araw niya ngayon. Gustong-gusto na niyang magpahinga. Gusto niyang matulog. Gusto niyang kahit papaano, malimutan niya ang nangyayari sa mundo.
Inalalayan siya ni Ric na magpunta sa kuwarto nito. Inihiga siya nito roon. Naramdaman niya agad ang pagreact ng katawan niya sa kama. “You need to rest.”
Bahagyang nagprotesta pa si Ericka nang may bigla siyang naalala. “Pero si Matthew, kailangan niya ako sa ospital. Kailangan rin ako ni Nanay Teresita. Isa pa, ang commercial. Paano kung---”
“`Wag mo ng alalahanin iyon. Sisiguraduhin ko sa `yo na maayos na ang lahat paggising mo, okay?”
“Pero---“
“Sabihin mo na pinagkakatiwalaan mo ako, Ericka. Aayusin ko ang lahat ng ito para sa `yo.”
Kaya ba niyang sabihin iyon ngayong ramdam niya na hindi naman talaga niya ito kilala? Hindi niya dapat pagkatiwalaan ito nang dahil roon. Marami itong nilihim sa kanya. Pero sa kabilang banda, alam ni Ericka na may kasalanan rin siya. Hinayaan niya ito. Ni hindi nga siya nagtaka, hindi siya gaanong nagtanong rito. Mas pinanaig niya ang kanyang nararamdaman kaysa ang tumingin sa katotohanan kung sino ba talaga ito. Mas pinanaig niya ang nakikita lang niya. Kahit ilang beses na siyang pinagsabihan ay hindi siya nakinig.
Pinagkakatiwalaan niya si Ric sa kabila ng lahat kaya ganoon. Tumango siya. Bahagyang lumiwanag ang mukha nito. Naging payapa ang itsura nito. Hinalikan siya nito sa noo. “Everything’s going to be all right.”
Pinagkatiwalaan niya si Ric na gagawin iyon sa kanya at hinayaan ang katawan sa gusto nito.