“MAKE sure that guy will rot into jail! I want him to rot into jail!” sigaw ni Cedric sa kausap na abogado. Kasalukuyan siyang nasa opisina ng HGC. Nagpunta siya roon upang kausapin ang in-house na abogado nilang kompanya at kapag may mga personal rin silang concerns na mga may-ari. Kahit kaya naman niyang papuntahin ang abogado sa condo unit niya upang doon niya makausap ito tungkol sa nangyari ay pinili niyang doon na lang. Natatakot kasi siyang kapag kagaya ngayon na hindi niya mapigilan ang temper niya ay maistorbo niya pa ang pagpapahinga ni Ericka. Maririnig nito ang galit niya. Ayaw man niya itong iwan sa ngayon pero kailangan niyang gumawa ng paraan para ayusin ang lagay nito. Nag-iwan na lang siya ng note sa tabi ng kama na sinasabing babalikan ito pagkatapos.
Sasampahan ni Cedric ng kaso ang mga nanakit at ang nang-harass kay Ericka. Gagantihan niya ang mga ito.
“Hindi natin basta-basta masasabing ganoon nga ang mangyayari, Mr.---“
“Whatever. Kailangan niyang mabulok sa kulungan. Gago siya! Hayop siya!” pinakawalan na naman ni Cedric ang galit. Hinawakan siya ni Nikos sa likod. Pilit na pinapakalma. Nasa HGC ito at nang malaman na naroroon siya upang kausapin ang abogado ay pinuntahan siya nito. Naikuwento niya rito nang hindi oras ang nangyari. Inalalayan naman siya nito.
“Relax, Cedric. `Wag mong masyadong pangunahan ng galit ang sitwasyon. Mas makakasama iyon. Gagawa tayo ng paraan.”
“Nakita ko kung paano siya pinagsamantalahan ng lalaking iyon. At ang mga tao sa paligid niya, wala man lang kaagad umaksyon. Paano kung hindi ako dumating sa oras sa lugar na iyon? Paano kung sinunod ko ang gusto niyang saka na lang kami magkita? God, I can’t take to even imagine it! Napaka-helpless niya noon, Nikos! At wala man lang agad ang tumulong sa kanya. At ang hayop na iyon...” napatiim bagang na naman si Cedric habang naalala ang mukha ng lintik na lalaking pinagsamantalahan si Ericka.
Ngumisi si Nikos. “You really cared about that girl.”
Binigyan niya ang kaibigan nang matalim na tingin. “And you can even gave me a wicked grin after all what happened!”
Tatawa-tawang itinaas ni Nikos ang kamay. “Relax. Hindi mo ako kaaway. Nakakatawa lang na ang init-init ng ulo mo. Well, mainitin naman talaga ang ulo mo pero kakaiba ang sa ngayon. At dahil lang sa isang babae, ha? Seryosong-seryoso ka talaga sa kanya.”
“She was different. I can’t afford to see her cry. Accidenti, hindi ko kayang makita siyang nasasaktan!”
Tumaas ang isang kilay ni Nikos. “Nararamdaman mo ang mga ganitong bagay pero itinatanggi mo pa rin sa amin na mahal mo na siya.”
Itinaas niya ang dalawang kamay. “Hindi ang nararamdaman ko ngayon ang problema. `Wag mo akong ungkatin muna diyan. Ang gusto ko ay maparusahan ang lahat ng gumawa ng masama kay Ericka ngayon. Magagawan ba ng paraan ang lahat ng iyon, Attorney?” tumingin siya sa abogado.
Tumango ito. “Gagawa tayo ng paraan. Pero ang tungkol sa kumakalat ngayon sa social media na video---“
“Anong video?” kunot noong tanong ni Cedric.
May ipinakitang clip sa kanya ang abogado. Iyon ay ang eksena na sinuntok at minura niya ang modelong nanamantala kay Ericka at pati na rin ang direktor ng shooting nito. May nagpost noon online at nagiging viral na ayon sa abogado.
Nagdilim ang paningin ni Cedric kaya naggawa niya iyon. Masyado niya ng na-miss si Ericka kaya kahit hindi ito pumayag na magkita sila ay hindi niya ito sinunod. Pinaalam niya kung nasaan ito. At nang madiskubre na may shooting ito para sa isang ad ng motel ay binalot kaagad ng takot ang puso niya. Alam niyang hindi magandang ideya iyon. Nagkatotoo ang naiisip niya nang abutan niya ito sa hindi kaaya-ayang eksena. Alam niyang hindi lang iyon kasama sa eksena dahil nakita niyang pinipilit ni Ericka na itulak ang lalaki.
“Lahat ay nagulat. Nag-assume rin ang mga tao na dahil sa ginawa mo, boyfriend ka talaga ni Ericka. Dahil doon, lumaki na naman ang issue tungkol kay Ericka at ang unang napabalitang boyfriend niya. Marami ang nagtatanong kung ikaw ba daw nga si Cedric at---“
“Schedule a presscon. Sasabihin ko na ako nga si Cedric Guidicelli para matigil na ang issue. Sasabihin ko rin na boyfriend niya talaga ako. Mabubuhay muli ang mga balita. Makakabuti rin iyon para sa kanya para hindi na lang siya basta-basta maliitin ng mga tao.”
“Hahayaan mo na talagang mangyari iyon? Alam mo, relieved na kami noong una na hindi ganoon lumaki ang balita kaya hindi na naapektuhan ng malaki ang privacy na ingatan mo sa maraming taon. Pero ngayon ay---“
“I’m serious, Nikos. Hindi ko na makakayang mangyari pa muli ang lahat ng ito.” Tumingin siya sa abogado at tumango-tango ito.
Wala ng pakialam si Cedric sa iisipin ng iba sa gagawin niya. Wala na rin siyang pakialam sa kanyang mga sariling paniniwala. Kailangan niyang protektahan si Ericka. Gusto niyang protektahan ito. She means a lot to him. Hindi na niya hahayaan pang tratuhin ito nang ganoon. At kung ang pinakaiingatan niyang identity ang magiging sagot para maging maayos ang buhay ni Ericka, handa niyang isuko iyon.
Hindi na mahalaga kay Cedric ang mga bagay na pinapahalagahan niya nang husto. Ang mahalaga na sa kanya ngayon ay ang protektahan ang taong babaeng pinakamahalaga sa kanya.
BAHAGYA pang nanibago si Ericka nang maggising siya. Hindi agad sumagi sa isip niya na nasa condominium unit siya ni Ric. Hinanap niya agad ito ngunit sa halip na makita ang lalaki ay isang note lang nito sa beside table ang kanyang natagpuan. Ang sabi nito ay babalikan siya nito mamaya.
Tinignan ni Ericka ang orasan sa kuwarto. Lampas alas-singko na ng hapon. Ilang oras rin siyang nakatulog. Kinapa ni Ericka ang kanyang nararamdaman. Naging malaking tulong sa kanya ang pagtulog. Guminhawa ang kanyang pakiramdam. Bumangon siya ng kama at madaling kinuha ang kanyang cell phone. Ganoong oras siya inaasahan ni Matthew na babalik ng ospital. Ngunit bago niya maipaalam sa kaibigan ang sitwasyon niya, mukhang hindi talaga sila magkasundo ng araw ngayon. Na-drain ang battery ng cell phone niya.
Mamayang alas sais ng gabi hanggang alas siyete ang viewing hours ni Nanay Teresita sa ICU. Dalawang beses lang ang viewing hours at nais niyang malaman ang lagay nito. Kaya sa halip na pag-aksayahan ni Ericka ng panahon ang pag-aantay kay Ric, umalis na muna siya ng unit ni Ric para pumunta ng ospital. Pagkatapos ng lahat, marami pa namang oras para makapag-usap sila nito.
Kinuha ni Ericka ang bag niya at nagpalit ng damit. Wala pa rin nakitang tao si Ericka nang makalabas siya sa kuwarto at pati na rin sa building kaya payapa siyang nakalabas. Sumakay siya ng taxi at nagpahatid sa ospital. Bahagyang nailang si Ericka nang pagdating niya sa ospital, maraming mga tao ang nakapansin sa kanya. Simula nang lumabas ang unang commercial na pinagbidahan niya, naging madalas na ang pagpansin sa kanya ng mga tao kapag nasa pampublikong lugar siya. Pero ramdam ni Ericka na kakaiba ang sa ngayon. Pinili na lang muna niyang huwag pansinin ang mga iyon. Alas-sais na. Isang oras lang ang viewing time kapag gabi kaya nagmadali na siya.
Natagpuan ni Ericka si Matthew sa loob ng ICU at nang makita siya nito mula sa salamin ay lumabas ito. Bahagyang nanlumo pa si Ericka nang makitang tulog pa rin si Nanay Teresita. Nang kausapin rin siya ni Matthew ay iyon rin ang sinabi nito.
“Wala pa rin na progress. Pero gusto ko rin sisihin ang ospital na ito kung bakit. Napapansin ko kasi na parang kulang sila sa pag-aalaga. Ramdam kong madalas ay tila alinlangan pa sa pagsagot sa mga tanong natin ang Doktor. Parang hindi eksperto,”
Tumango-tango si Ericka. Ramdam rin naman niya iyon. Private ang ospital pero hindi ganoon kaganda ang pasilidad. Iyon ang pinakamalapit na ospital sa kanila kaya naman napilitan rin sila na doon na lang rin ito dalhin. “Subukan nating i-transfer sa ospital si Nanay,”
Tumango si Matthew. “Iyon nga ang plano. Kaninang alas-kuwatro ay may nagpunta ditong mga lalaki. Tutulungan daw nila si Nanay. Hindi ko sila kilala pero ang sabi ng mga ito ay kilala raw ng boss ng mga ito si Nanay. Sila na daw ang bahala sa lahat sa paglilipat at pati na rin daw sa mga gastusin.”
Nanlaki ang mga mata ni Ericka. “Totoo ba `yan?”
Masayang tumango si Matthew. Hinawakan pa nito ang dalawang kamay niya. “Napakasuwerte natin, Ericka. Kung sino man ang kakilala na iyon ni Nanay na mayaman, hindi na muna mahalaga. Ang mahalaga ay may tutulong na sa atin.”
Sa kabila ng pagtataka ay pinili na lang rin ni Ericka na maging masaya. Hindi na siya mamomorblema pa financially. Hindi na niya kailangan pang tumanggap ng proyektong kagaya nang ginawa niya kanina. Mayroon pa rin siyang oras para makapaghanap ng trabaho ngayong may susuporta na sa kanila.
Pagkatapos ng pag-uusap nila ni Matthew ay siya naman ang pumalit rito sa pagbisita kay Nanay Teresita. Kinausap niya ito sa kabila ng hindi pa rin nito pagtugon sa kanya. Narinig niya kasi na mabuti raw iyon para sa isang comatose patient. Wala pa rin na pagbabago pagkatapos ng viewing time pero umaasa si Ericka na hindi man ngayon, gagaling rin ang babaeng nag-aruga sa kanya. Lalo na ngayong maililipat na nila ito sa mas magandang ospital kung saan mas maibibigay rito ang nararapat na pag-aalaga.
Sinubukan ni Ericka na pauwiin muli si Matthew nang matapos na ang viewing time. Naging mahaba ang pagpapahinga niya sa unit ni Ric kanina kaya alam niyang kahit mag-isa lamang siya ay makakaya niyang bantayan si Nanay Teresita. After all, puwede rin naman siyang matulog habang nagbabantay. Pero kagaya ng dati ay hindi pumayag si Matthew. Dalawang araw ang leave nito kaya kaya pa rin nito na magpuyat at kung makakatulog man ay hindi komportable. Hinayaan na lang niya ito sa pagpipilit nito. Nang mag-a-alas-otso na ng gabi ay nagpaalam siyang lalabas para kumain. Maaga raw itong kumain kaya hindi na ito sumama.
Sa paglabas muli ni Ericka ay nakita na naman niya ang kakaibang tingin sa kanya ng mga tao. Mukhang nakilala na talaga siya ng tao. Napansin rin niya na hindi na iyon kagaya nang mga nang-uusig na tingin sa kanya noong unang lumabas ang unang commercial niya. Ngayon ay tila kulang na lang ay lapitan siya ng mga tao para magpa-autograph sa kanya. Napansin rin niya na may iba pang kumuha ng larawan niya patago. Ganoon na ba talaga siya kasikat? Hindi ba dapat ay hindi na nga siya pagkaguluhan dahil pangit naman daw ang commercial niya?
Nang bumalik si Ericka sa ospital ay naramdaman na niya na sikat na nga siya. Well, publicity is publicity. Negative pa man iyon. Naisip na lang niya bigla. Hinarang siya ng mga nurses na nurse station at isa-isang nagpakuha ng larawan kasama siya.
“Kanina pa nga po namin kayo inaabangan na makabalik, Ma’am. Kahit po pala ang simple niyo lang manamit, maganda po talaga kayo.” Komento nang nurse na unang nagpakuha ng larawan kasama siya.
“Salamat,” binigyan niya ng genuine na ngiti ang mga ito.
“Saka mukhang napakabait niyo rin po. Hindi na nga po nakakapagduda na nagustuhan kayo ni Mr. Guidicelli...”
Kumunot ang noo ni Ericka. Si Cedric Guidicelli ang dahilan kung bakit napansin siya ng mga ito? Namatay na ang balitang iyon, hindi ba? Isa sa mga dahilan kung bakit tinapat na siya agad ng manager na baka wala na itong maibigay sa kanya na mga proyekto. Pero bakit ngayon ay tila nagbabalik?
“Sana po sa susunod na araw, isama niyo naman po siya sa pagbisita dito sa ospital. Ang guwapo-guwapo po pala talaga niya! Ang guwapo-guwapo po ng boyfriend niyo!”
Lalong napakunot ang noo ni Ericka. Nalaman ng mga ito na guwapo si Cedric Guidicelli? Hindi ba at hindi nagpapakita ang lalaki sa mga tao? Biglang kinabahan si Ericka... “P-pero hindi ko siya boyfriend...”
Ang mga nurse naman ang napakunot noo. “Ano pong ibig niyong sabihin? Kaka-announce lang po ni Mr. Guidicelli sa madla na girlfriend niya po kayo. Nagkaroon na rin po siya ng public appearance kani-kanina lang. Nasa showbiz news pa nga po kanina sa TV at---“
“Ano?!” lumakas ang tibok ng puso ni Ericka. Anong ibig sabihin ng mga ito?
Kinuha ng nurse ang cell phone nito. Nagbukas ito ng news site at tumambad sa balita ang tungkol sa mismong pag-amin ni Cedric Guidicelli na nobyo siya nito.
Natulala si Ericka. Muntik na rin niyang mabitawan ang cell phone ng nurse, lalo na nang makita ang larawan ni Cedric Guidicelli.
Ric---Cedric.
She should have known.