International Billionaires 5 - 6 Chapter 22

One Week Later

ERICKA never felt better than before. Sa nakalipas na linggo, pakiramdam niya ay maraming nangyaring maganda sa kanya. Napakasaya niya. Ngayon lang niya naramdaman ang ganitong klaseng sarap at kaginhawaan sa maraming taon na pamumuhay niya sa mundo. Pakiramdam niya ay ang ganda-ganda rin ng mundo dahil masaya siya.

Dalawang araw makatapos nilang ilipat si Nanay Teresita ng ospital ay naggising na ito. Naging maganda ang respond ng Nanay dahil na rin sa magandang treatment na ibibigay rito ng magandang ospital na pinaglipatan. Ngayon ay nakakausap na rin nila ito at ayon sa Doctor base na rin sa obserbasyon rito, mabilis lang din itong makaka-recover. Ilang araw lang din at papalipasin at makakalabas na ito ng ospital. Kitang-kita rin nila ang lakas ni Nanay Teresita ngayon at maaari na rin nila itong iwanan ni Matthew sa ospital. Kumuha kasi si Cedric ng personal nurse nito para mabigyan ng mas maganda at mas maayos na pag-aalaga ang Nanay. Kasundo rin nito ang nurse kaya kahit wala sila upang bantayan ito ay hindi nagtatampo ang Nanay.

Dahil roon, nagagawa ni Ericka na lumabas-labas. Sa mga nakalipas na araw, hindi lang ang mabilis na paggaling ni Nanay Teresita ang nakapagpasaya sa kanya. Iyon ay si Cedric. Sa buong linggo ay magkasama silang dalawa. Inilalabas rin siya nito. Kagaya na lang ng nangyari ngayong araw kung saan dinala siya nito sa property na pagmamay-ari nito sa Laguna. Isang farm iyon.

“Ang yaman mo talaga,” hindi napigilang mapuna ni Ericka nang makita kung gaano kalaki ang property.

Umiling si Cedric. Kinamot pa nito ang ulo. “`Wag mong sabihin `yun. I don’t like you saying that.”

Ngumiti si Ericka. Nagustuhan niya ang ugaling iyon ni Cedric. Humble ito. Naiintindihan rin niya ang dahilan nito na kaya hindi nito inamin agad sa kanya ang tungkol sa tunay na identity nito ay ayaw nitong magustuhan lang niya ito dahil sa alam niyang makakaya nitong ibigay sa kanya dahil sa status nito sa buhay. Ngunit alam naman ni Ericka na kahit ganoon, hindi lang iyon ang titignan niya rito. Ilang mayayamang tao na rin naman ang nagtangkang manligaw sa kanya pero dahil wala naman siyang nararamdamang espesyal sa mga ito, walang kahit sino ang nakakalapit.

Maliban kay Cedric. Una pa lamang ay gusto na niya ito sa kabila ng lahat. Kahit hindi naging maganda ang unang pagkikita nila, hindi niya pa rin naturuan ang sarili niya na lumayo rito. Mas nanaig ang masayang pakiramdam niya kapag nasa tabi niya ito. At masaya si Ericka na mas sinunod niya ang pakiramdam na iyon kaysa sa takot.

Nilibot siya ni Cedric sa buong hacienda gamit ang isang maliit na kart. Nag-enjoy siya sa paglilibot nila. Noong tanghalian rin ay sa gitna sila ng hacienda kumain, sa ilalim ng malaking puno ng mangga. Nagbaon sila ng kanin, itlog na pula at kamatis. Iyon lang ang kinain nila pero pakiramdam nilang dalawa ay busog na busog sila. Napakasimple lamang ng ginawa nila pero dahil kasama nilang dalawa ang isa’t isa, nag-enjoy sila.

Naglakad-lakad sila sa taniman ng mga niyog upang magpababa ng kinain. Hawak-hawak ni Cedric ang kamay niya. “Bakit mo naisip na magkaroon ng farm?”

“Alam mo na naman noong una na pinapahalagahan ko nang malaki ang privacy ko `di ba? I want peace. Iyon ang dahilan kung bakit ginusto ko na bumili ng farm. Tahimik rito. Maaari akong makapagpinta ng maayos. Gusto ko kasi palaging tahimik kapag nagpipinta. Isa pa, inaalala ko rin ang magiging status ko kapag nawalan na ako ng inspirasyon sa pagpipinta. Kailangan ko ng sure income kaya bumibili ako ng mga properties. Its my investment aside from my investments I have in HGC.”

Tumango-tango si Ericka. “May pagka-visionary ka pala.”

“Naninigurado lang. Not all things are permanent in this world,” simple pero makahulugan na sagot sa kanya ni Cedric.

Sa paglalakad nila ay may nakita si Ericka na kabayo. Naaliw siya. Bigla-bigla ay ginusto niya na makasakay sa kabayo.

“Hindi kalayuan mula rito ang stable ng kabayo. Puwede kitang dalhin doon. But I don’t want you to ride. Its dangerous. Hindi ganoon ka-tame ang mga kabayo rito sa farm. Walang babagay para sa isang first timer.”

Umiling si Ericka. “I want to ride a horse. Isa pa, marunong ka naman `di ba? Tuturuan mo ako. Hindi mo naman ako papabayaan. I trust you.”

Napilit rin niya si Cedric sa huli. Pinakausap muna nito sa kanya ang mabait na raw kung maituturing na kabayo roon bago sila magsimula. Iyon daw ay para ma-establish ang bond nila sa isa’t isa ng kabayo kahit papaano. Pagkatapos ay inalalayan siya nitong makasakay. May isang stable boy rin na tumutulong sa kanila para lalong masigurado ang kaligtasan niya.

Tumuntong si Ericka sa saddle ng kabayo. Pero nang biglang gumalaw ang kabayo sa pag-akyat niya ay na-out of balance siya. Nabitawan rin siya ni Cedric kaya napaupo siya sa lupa.

“I told you this is not a good idea!” naiinis na wika nito sa kanya pagkatapos.

“Relax. Unang sakay ko pa lang naman, okay? Uso ang mga pagkakamali at aksidente sa unang beses kaya---“

“Still, ayaw kong mapahamak ka. Unang sakay mo pa nga lamang, tila inaayawan ka na ng kabayo. Paano pa ang susunod? I won’t tolerate it. I don’t want you to be harmed!”

Nagustuhan ni Ericka ang concern ni Cedric. May pagkamahigpit ito sa kanya pero naiintindihan naman niya ito kung bakit. Gusto lang siya nitong alagaan. Na-a-appreciate niya lahat ng ginagawa nito. Ayaw nitong masaktan siya. Pero gusto rin niyang sundin ang kagustuhan.

Kinagat ni Ericka ang ibabang labi. “Pero gusto kong sumakay sa kabayo. Kahit kailan hindi pa ako nakakasabay sa kabayo.”

Bumuntong-hininga si Cedric. “Fine, sasakay ka ng kabayo pero kapag kasama lang ako. Maliwanag ba?”

Naglulundag ang puso ni Ericka. Nagustuhan niya ang ideya nito. Unang sumakay si Cedric ng kabayo at pinaalalayan siya sa stable boy na makasakay.

“Careful! `Wag mo siyang bibitawan. Kapag nahulog siya ay lagot ka---“

Pinutol ng tawa ni Ericka ang sermon nito sa stable boy. “Paranoid ka,”

“I just don’t want you to get hurt,”

Matagumpay na nakasakay si Ericka sa kabayo. Pinayakap siya ni Cedric sa likod nito habang pinapatakbo nito ang kabayo para daw siguradong hindi siya malalaglag. Doon lalong napatunayan na magandang ideya nga ang hindi na lang siya matuto. Mas naaliw si Ericka ngayong kasama niya si Cedric. Mas masarap ang kanyang pakiramdam.

Mas nagkakaroon na ng kasiguraduhan ngayon si Ericka kung ano nga ba talaga ang nararamdaman niya para rito. Hindi isang pagkakamali lang ang pumayag siya sa gusto nito. Hindi lang siya napipilitan.

“Wild flowers,” komento ni Matthew nang magkasalubong sila sa hallway ng ospital. Medyo malalim na ang gabi nang makabalik siya roon upang maging bantay ni Nanay Teresita ngayong gabi kaya hindi na siya nagpahatid pa kay Cedric patungo sa kuwarto nito kahit nag-insist ito. Alam niyang kagaya niya ay pagod na rin ito. Pagkatapos nilang mangabayo ay nilakad-lakad pa rin nia ang ilang parte ng hacienda kung saan nakuha ni Cedric ang mga bulaklak at ibinigay sa kanya. Parang naglalakad sa buwan na ina-appreciate naman niya ang mga ligaw na bulaklak nang makita siya ni Matthew. Dala-dala niya iyon patungo sa ospital. “Ano na ba talaga ang estado ng relasyon niyong dalawa, Ericka?”

Nahimigan ni Ericka ang galit na namang tono ni Matthew. Sa totoo lang, nitong mga nakaraang araw ay ramdam na ramdam niya ang pagiging iba nito. Madalas na mainit ang ulo nito. Hindi manhid si Ericka upang hindi malaman at maintindihan kung bakit ito ganoon. Noong una pa lang naman ay ramdam na niya ang pag-ayaw nito kay Cedric.

“Gusto ko siya, Matthew. Naipapakilala ko naman siya sa inyo. Kahit si Nanay ay aprubado siya. Sana ay ganoon ka rin sa kanya.”

“Sinabihan na kita `di ba? Hindi mo siya ganoong kakilala. At tama ako. Nagsinungaling siya sa `yo. Hindi niya sinabi ang totoong katayuan niya sa buhay sa `yo.” Alam na ni Matthew ang lahat kaya naggawa nitong sabihin iyon.

“Hindi na importante iyon. Niloko ko rin naman siya at---“

Hinablot ni Matthew ang braso niya. Bahagya siyang nagulat sa ginawa nito. Halos buong buhay niya ay kilala niya si Matthew. Sa lahat ng lalaking nakilala niya, ito ang pinaka-gentleman. Pero bakit siya ginaganoon nito ngayon? “Hindi ba talaga kita mapapakiusapan na layuan ang lalaking iyon?”

“Matthew... Bitawan mo ako. Nasasaktan ako!”

“Wala akong pakialam, Ericka. Dahil nasasaktan rin ako!” pag-amin sa kanya ni Matthew na ipinanlaki ng kanyang mga mata. Dapat ay inaasahan na niya na magtatapat ito sa kanya. Nararamdaman naman niya na may kakaiba itong nararamdaman talaga sa kanya. Ayaw niya lang pansininin dahil alam niyang hindi niya kayang suklian. Hindi kakaiba ang nararamdaman niya kay Matthew, hindi espesyal. Hindi kagaya ng nararamdaman niya kay Cedric.

Pero hindi niya kayang saktan si Matthew. Natatakot siya. Nahihiya siya. Sa maraming taon ay trinato siya ng mga ito ng mabuti. Kinupkop. Gulong-gulo si Ericka.

“Matthew...”

“Layuan mo na si Cedric, Ericka. Nandito ako. Mahal kita. Mahal na mahal kita. Noon pa man ay gusto na kita. Hindi ko lang masabi ng tuluyan sa `yo dahil natatakot ako. Pakiramdam ko kasi, wala pa akong maipagmamalaki. Sa edad kong ito, mababa pa rin ako. Gusto kong kapag umamin na ako sa `yo, sigurado ako na maibibigay ko na sa `yo ang mundo. Oo, hindi ko pa nagagawa iyon sa ngayon pero hindi ko makakayang makitang unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa sa `yo....”

Umiling si Ericka. “Hindi ko kayang layuan si Cedric, Matt. Hindi puwede.”

“Bakit hindi puwede? Ganoon na ba talaga kalalim ang nararamdaman mo para sa lalaking iyon?”

Bumuntong-hininga si Ericka. “Ang lahat ng tinatamasa ngayon ni Nanay Teresita ay dahil kay Cedric. Alam mo na naman iyon `di ba? Siya ang sponsor nito. Kailangan kong bayaran ang mga iyon. Kailangang suklian natin ang kabutihan niya. A-at ako ang gusto niyang kapalit...”

Lumambot ang eskpresyon ng mukha ni Matthew. “Iyon ang dahilan kung bakit sumasama ka sa kanya?”

Tumango si Ericka. Kahit papaano ay totoo naman iyon. Napag-usapan na nila iyon ni Cedric. Pero alam niya, sa loob-loob niya, na hindi lang naman talaga iyon ang dahilan kung bakit ipinagpapatuloy niya pa ang pagsama kay Cedric. Kung bakit siya pumapayag sa lahat ng lakad na gusto nitong gawin nila. Kung bakit patuloy pa rin siyang lumalapit rito.

Gusto niya si Cedric kaya siya sumasama rito. Nahuhulog na ang loob niya rito. Sa palagay niya ay mahal na rin niya ito. Pero kailangan niyang gumawa ng ibang dahilan kay Matthew upang hindi niya ito masaktan nang malaki, matindi at sa mabilis na paraan. Kailangan niyang kahit papaano ay magsinungaling. Sinabi na nito sa kanya na nasasaktan na ito. Kung gagatungan niya pa iyon at sasabihin ang totoong dahilan, lalo lang sasama ang loob nito. Hindi niya gustong pasamain ang loob ng kaibigan lalo na sa pinagdaanan nito sa mga nakaraang araw.

Kailangan ni Ericka ng kaunting panahon upang mag-isip kung paano niya sasabihin rito ang katotohanan. Sa ngayon, ang natatanging naiisip na lang niyang paraan ay ang magsabi ng kasinungalingan. But she promised herself that soon, she will break it to him gently. Hindi maaaring habang buhay ay magsabi siya ng kasinungalingan para lang hindi niya ito masaktan.

NAGGISING si Ericka sa marahang pagtapik sa kanyang balikat. Sumalubong ang mukha ni Cedric na titig na titig sa kanya. Bahagya pa siyang nagtaka. Muntik na rin niyang sawayin ito. Hindi dapat siya nito pinag-aaksayahan ng oras. Ito ang nagmamaneho ng yate na pagmamay-ari ng kaibigan nito. Isang araw kasi habang nagagala sila ay nasabi niya rito na gusto niyang makasakay roon kaya ngayon ay isinakatuparan nito iyon. Ito rin ang nagsilbing sailor ng yate. Masyadong natuwa si Ericka sa unang beses na pagsakay roon kaya nilibot niya nang nilibot ang yate. Habang nasa laot rin ay sigaw siya nang sigaw na parang bata. Ang bottom line: napagod siya at hinayaan naman siyang matulog ni Cedric sa isa sa mga kuwarto sa loob ng yate.

Si Cedric ang nagmamaneho ng yate kaya dapat ay wala ito sa kuwarto. Dapat ay naka-focus lang ito sa pagmamaneho. “Bakit---“

“Wake up now, sleepyhead. Nakadaong na tayo.”

“Nakadaong? Na agad?” tumingin siya sa orasan sa loob ng kuwarto. Napahawak siya sa kanyang bibig nang makitang mahigit tatlong oras pala siyang nakatulog. “Hindi ko pa masyadong na-enjoy ang dagat.”

Ngumisi si Cedric. “Don’t worry. Sinigurado ko na ma-e-enjoy mo pa nang husto ang dagat.”

Kumunot ang noo ni Ericka. Niyaya siya ni Cedric na lumabas na ng kuwarto. Nakita nga niya na nakadaong na ang yateng sinasakyan nila pero hindi sa lugar kung saan sila nagmula. Nagtatakang napatingin si Ericka kay Cedric. “Nasaan tayo?”

“In my private island,” ngingisi-ngising wika ni Cedric.

Nanlaki ang mata ni Ericka. “You don’t mean that.”

“We’re already here, Ericka. Of course, I mean it.”

Tinignan ni Ericka ang paligid. Mukha ngang pribadong isla iyon dahil wala siyang kahit sinong taong natatanaw sa paligid. Agad rin siyang humanga sa ganda ng lugar. Crystal clear water and white sands! Parang sa larawan lang sa mga kalendaryo niya makikita ang ganoong klase ng isla. Napuno ng pananabik ang puso ni Ericka sa isipin na maaari niyang libangin ang sarili sa lugar. Pero napasimangot rin nang biglang may maalala. “Bakit hindi mo sinabi sa akin na may ganito ka pala? Bakit hindi mo sinabi na dadalhin mo pala ako rito? Hindi man lang ako nakapaghanda.”

“That’s covered, too. I already packed for you. Hindi mo pala napansin sa loob ng kuwarto,”

May nakita nga si Ericka na mga paper bags sa kuwarto. Pero hindi niya naisip na sa kanya pala iyon. “Pinaghandaan mo ito?”

Nagkibit-balkat si Cedric. “In case na hindi mo gustong umuwi. We can stay the night here if you want.”

Sandaling natigilan si Ericka. Isang gabi kasama si Cedric? Sila lamang dalawa? Maraming bagay ang naglaro sa isip niya. Hindi man niya masasabi kung ano na talaga ang score sa pagitan nila ng lalaki, ramdam naman niya na kakaiba na iyon. Hindi na iyon basta-basta. They were like lovers.

Sa mga nakalipas na araw ay ilang beses na rin siyang nahalikan ni Cedric. Madalas na magkayakap sila. Magkalapit ang mga katawan. Alam ni Ericka na komportable na siya rito. Gusto naman niya ang ginagawa niya. Gusto niya ang makasama ito.

“P-pero sina Nanay Teresita. Hindi ako nakapagpaalam sa kanya.”

“Naipagpaalam na kita at pumayag siya. Gusto ko lang sorpresahin ka kaya hindi ko kaagad sinabi sa `yo.”

Kinuha ni Cedric ang kamay niya at inalalayan siya upang makababa ng yate. Sandaling nilibot nila ang isla hanggang sa mapagpasyahan nilang kuhanin ang gamit sa loob ng yate at dalhin iyon sa villa. Kompleto raw ang mga amenities doon kaya hindi na rin siya mamomroblema. Pero nang makapasok sa villa ay tila nagkaroon sila ng malaking problema. Magulo iyon, lalo na ang masters bedroom kung saan siya dinala ni Cedric.

Umiling-iling si Cedric nang makita iyon. “Damn Augustus.”

“A-ang kaibigan mo?” hindi pa man pormal na naipapakilala siya ni Cedric sa mga kaibigan nito ay naikukuwento na nito iyon sa kanya. Ang sabi nito ay isa sa mga araw na iyon ay ipapakilala na siya nito sa mga kaibigan.

Tumango ito. “Ilang linggo na rin simula nang hiramin niya sa akin ang isla ko para daw makapag-celebrate ng birthday ng best friend niya. Once a month lang ako nagpapapunta ng maglilinis rito dahil hindi naman talaga ginagamit. Hindi pa dumadating muli kaya ito ang naabutan natin. Nakalimutan rin sigurong ipalinis kaya ganito.”

“Ilang araw ba silang nanatili rito?” Napakagulo kasi talaga ng paligid. Para bang tinuluyan iyon ng sampung makukulit na bata. Nagkalat ang mga unan at gusot na gusot ang mga kumot. May ilang basura rin sa paligid.

“Ilang araw rin. Kulang-kulang isang linggo yata. Marunong namang maglinis ang mga iyon dahil pare-pareho kaming galing sa bahay ampunan pero hindi na kataka-taka na hindi na naggawa at naisip ng dalawang `yun ang maglinis. Paniguradong may ginagawang kababalaghan ang dalawa kaya ganito na lang kagulo.”

“Kababalaghan?” kumunot ang noo ni Ericka.

“You know... kapag may dalawang nag-iibigan ang nagkulong sa isang isla na sila lamang. Nagsama sa isang kuwarto... you know what I mean,” tumingin sa kanya si Cedric at ngumisi.

Bahagyang napanganga muna si Ericka pagkatapos ay namula nang maisip ang ibig sabihin ni Cedric. Kung ganoon ay hindi lang basta best friend ni Augustus ang sinama nito sa isla. They were lovers, too.

Parang silang dalawa ni Cedric...

Maraming bagay ang pumasok sa utak ni Ericka dahil doon. Kagaya ba ni Augustus at ng matalik na kaibigan nito...may mangyayari rin sa kanila ni Cedric? Nakaramdam siya ng kaba sa puso niya. Lalo na nang makitang kakaiba ang ngisi na ibinigay sa kanya ni Cedric. It looked dangerously. Tila may ibang kahulugan iyon.

Pero pinilit na inalis ni Ericka ang kabang nararamdaman. Pinagkakatiwalaan niya si Cedric. Alam niyang hindi ito gagawa ng hindi niya magugustuhan. Nirerespeto siya nito. Inaalagaan nang husto. Pero duda rin naman siya kung may kakaiba man na mangyari sa kanila ngayong makukulong silang dalawa sa isla na hindi niya magugustuhan na maaaring gawin nito sa kanya. Nararamdaman niyang mahal na niya si Cedric. Nakuha na nito nang husto ang loob niya. Nahulog na siya rito. At kagaya ng isang nagmamahal, masasabi niyang alipin na siya noon. Alipin na siya ni Cedric. Ano man ang mangyari ngayong gabi, ramdam ni Ericka wala siyang pagsisihan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.