Five Years Later
MULA sa hagdan ay napasilip ang siyam na taong gulang na si Francis nang makarinig ng mga malalaking yabag. Kagaya ng mga kanina pa tinitignan at pinagkakaguluhan ng mga batang kagaya niya sa Safe Haven Orphanage ay tinitignan rin ng mga ito ang bagong lagay na paintings sa lobby. Napansin niyang kamukha ng mga ito ang nandoon. Napalunok si Francis. Binisita ng mga taong palaging ipinagmamalaki ng staffs ng Safe Haven ang kinaroroonan nila. Ang sabi ng mga staffs na pinakamatagumpay na tao raw na nanggaling sa ampunan na iyon. At idolo ng halos lahat ng mga bata ngayon sa ampunan. Upang pagpupugay sa mga ito dahil malaki ang naging contribution nito sa palaki nang palaking ampunan na iyon, inilagay ang portrait ng mga ito sa lobby.
“I don’t think its a good idea to put our portraits here,” nakilala ni Francis na si Ed Ferreira ang nagsalita.
Pinagtaasan ni Nikos ito ng isang kilay. “Dahil hindi masyadong maganda ang pagpaint sa `yo ni Cedric?”
“Well, I’m sorry. I was not in the mood when I did your portrait, Ed. Kabuwanan noon ni Ericka sa pangalawang anak namin. Hindi ganoon kaganda ang pagbubuntis niya at kinakabahan ako dahil halos maya’t maya siyang dumadaing sa akin. Hindi ako masyadong makapag-concentrate sa ginagawa ko,” hinging paumanhin at pagpapaliwanag naman ng gumawa ng paintings na iyon ni Cedric.
Tinapik ni Vincent ang balikat ni Cedric. “`Wag mo ng alalahanin ang pag-iinarte ni Ed, Cedric. Vain kasi masyado, eh.”
“`Can’t blame me. I’m a celebrity,” si Ed naman ang sumagot.
“But seriously, Cedric. This paintings are good. `Buti at tinuloy-tuloy mo pa rin ang career mo kahit nagbago ka ng genre.” Ang Spanish Doctor na si Jet ang nagsalita. Sinegundahan naman ito ng isa pang kaibigan ng mga itong si Augustus.
Ngumiti si Cedric. “Thanks,”
Nasa ganoong pag-uusap ang anim na magkakaibigan ng dumating ang madre na head ng orphanage. Isa-isang nagbago ang anim na lalaki sa mga ito. “Dumating na pala kayo.”
“Yes, sister. Balak namin na mag-organize ng feeding and activity program ngayong araw. Isinama rin namin ang mga pamilya namin. Kasunod namin sila, actually,” si Augustus ang nagsalita. Isa-isang lumapit ang mga anak at asawa ng mga ito.
“Siguradong matutuwa ang mga bata. May mga bago rin silang makakalaro!” wika ng madre. Isa-isa rin na nagmano ang mga anak ng anim sa madre na kinagiliwan ang lahat ng bata. Mahilig sa bata ang madre kaya hindi na iyon kataka-taka. Nakilala rin nito ang lahat ng bata na anak ng anim na lalaki.
“Napakalaki na nila! Itong si Nicollo, may girlfriend na siguro,” tukso pa nito sa nagbibinata ng anak ni Nikos.
Namula ang pisngi ni Nicollo. Pagkatapos ay napakamot ng ulo. “Ayaw pa po ni Daddy, sister.”
“Ah, tama lang din naman. Pagbutihin muna ang pag-aaral,” tinignan nito ang lahat ng mga bata na kasama ng anim. Bago lang si Francis roon kaya hindi siya pamilyar sa mga ito. Ngunit nasabik siya na may magiging kalarong bago sa ampunan. Mukhang mababait ang anak ng mga ito.
“Pero teka, Ed. Nasaan si Marisa?”
Akmang may ituturo ang lalaki nang hindi nito makita ang hinahanap. Tumingin ito sa isang babae na sa tantiya ni Francis ay baka asawa nito. Ngunit umiling ang babae. “Kasunod mo siya kanina, Ed!”
“What?” nabahala ang mukha ng lalaki. “Meu deus! Napakapasaway talaga ng batang iyon. Malamang ay sa kung saan-saan na naman iyon nagsusuot,”
“Mana sa `yo,” tatawa-tawang wika ni Augustus.
“Marisa!” nagsimula ng hanapin ni Ed ang nawawalang anak sa loob ng ampunan. Habang pinapanood ni Francis ang mga ito sa paghahanap ay nakarinig si Francis ng hagikgik sa likod niya. Napatingin siya rito. May kalokohang taglay ang ngiti na nasa labi nito. Nagkaroon ng hula si Francis na maaaring ito ang batang hinahanap. Bago kasi ang mukha nito sa kanya at kahit bago pa lang siya roon, kilala niya ang lahat ng bata. Hindi ito kasama sa mga kasamahan niya sa ampunan.
“I-ikaw ba si Marisa? Hinahanap ka na nila,”
Lumapit ito sa kanya. “Hayaan mo silang hanapin ako. Anong pangalan mo?”
Matagal na napatitig lang si Francis sa babae. Sa tantiya niya ay nasa apat o limang taon ito ngunit kahit ganoon, litaw na litaw na agad ang ganda nito. Mukha rin itong foreigner dahil kakaiba ang buhok nito sa karaniwang Pilipino. Napaka-cute nito sa naka-pigtails nitong buhok.
“Uy, natulala ka sa akin? Cute ko `no?” ngumiti pa sa kanya ang bata. Lumitaw ang dimples sa magkabilang pisngi nito.
“Huh?”
“Ang sabi ko, cute ako. Alam ko na iyon. Ikaw rin, cute ka! Crush na kita!” sunod-sunod pa na wika ng bata at sa gulat ni Francis, hinalikan siya sa pisngi nito. Agad na namula siya sa ginawa nito. Naging madali lang para rito na gawin iyon dahil nakaupo siya sa sahig. Madali siyang naabot nito.
“Marisa!” ang galit na tinig na iyon ang sumunod na narinig ni Francis. Naramdaman niya na malapit ang boses na iyon sa kanila. Nang tumingala siya ay nakilala niyang si Ed Ferreira iyon. Nahuli nito ang nangyari sa kanila ng anak nito.
“Daddy! I want to play with him. He’s so cute!” ngiti-ngiting paglalambing ni Marisa sa ama nito.
Naumid yata ang dila ni Francis. Bahagya rin siyang natakot kahit na ba nagustuhan niya ang paglapit sa kanya ng Marisa na iyon. Sa unang tingin pa lang ay nagustuhan na niya ito. Tama ito, cute nga talaga ito. Sa tingin ni Francis ay parang nagka-crush agad siya rito.
“Manang-mana talaga sa `yo ang anak mo, Ed,” halos sabay-sabay na wika ng mga kaibigan ng lalaki na nakasunod na rin pala sa mga ito.
Natutop ni Ed ang noo. “Pinagsisihan ko na naging pasaway ako na bata noon,”
“At babaero rin. Iyan tuloy,” iiling-iling naman na wika ng asawa nito pero nakangiti.
Ngumiti ang madre. Lumapit ito sa kanya. “Huwag kang mag-alala, Ed. Mabait naman itong si Francis. Kahit bagong salang lang ang batang ito sa ampunan, napakamatulungin nito. Hindi sasaktan nito si Marisa. Hindi aabusuhin.”
Ngumiti ang lalaki. Lumapit rin ito sa kanya at ginulo ang kanyang buhok. “Okay, fine. Gusto kong magtiwala sa `yo. Ang sabi ng anak ko ay gusto daw niyang makipaglaro sa `yo.”
Tumango si Francis.
“Okay lang ba sa `yo? Kasi babalaan na kita, may pagkapasaway talaga itong anak ko.”
“Sa tingin ko ay kaya ko naman po siyang i-handle,” nakuha rin ni Francis na magsalita. Ipinaubaya sa kanya ng lalaki ang anak nito na tuwang-tuwa naman na kumapit sa kanya. Ipinasyal niya ito sa maliit na garden ng orphanage.
“Dito ka nakatira, Francis?”
Tumango si Francis.
“Kung ganoon ay kapag lumaki ka, kagaya ka rin ni Daddy?” tila ba sabik na sabik na wika ni Marisa.
Alinlangan na ngumiti si Francis. “Hindi ko masisigurado. Pero pagsisikapan ko. Gusto ko rin na maging matagumpay kagaya ng Daddy mo. Gusto ko rin na maging kagaya niya.”
Matamang tinitigan siya ni Marisa. Kapagkuwan ay ngumiti ito. “Ipangako mo sa akin iyan.”
Hindi maintindihan ni Francis ang naramdaman bigla ng puso niyang makita ang pagkakatamis-tamis na ngiti nito. Nag-iba ang tibok ng puso niya. Ano itong nararamdaman niya? Iyon ba ay dahil napakaganda ng bata ngayong nakangiti ito? Siguro nga. Baka crush niya ito.
Pero ganoon pa man, masasabi ni Francis na dahil kay Marisa ay mas lalo siyang nagkaroon ng dahilan para totohanin ang sinabi kanina. Gusto niyang maging kagaya ng mga magulang nito. Gusto niyang maging kasing taas rin ng batang ito. Hindi niya sigurado ang buhay. Maaaring suwertehin siya kagaya ng ama nito na naampon ng mga mayayaman. Maaari rin naman na hindi. Pero ano pa man, pangarap niya, pangarap nilang lahat ng bata roon na maging kagaya ng mga naunang tumira rin sa bahay na iyon.
Ang maging matagumpay kagaya ng mga tinaguriang International Billionaires. Ang sumikat, ang yumaman....
“Pangako.” Wika ni Francis at hinawakan ang kamay ni Marisa.
THE END