International Billionaires Batch 2: The Wannabes Series 1 - 4 Chapter 12

“AYOKO pang umuwi, Ate,” ungot ni Lukas kay Natalia. Mag-aalas dose na ng tanghali at kakatapos lang ng follow up check-up ni Lukas.

Parehong hindi puwede ang magulang ni Natalia kaya ang babae ang nag-adjust para samahan si Lukas sa ospital. Nagpaalam ito sa kanya na sandaling aalis. Pero dahil hindi mapakali si Callisto na aalis ito ay sumama na rin siya. Silang dalawa ang kasama ng kapatid nito para sa check up.

Umiling si Natalia. “Uuwi na tayo.”

“Hmf! Sabi naman ng Doctor, okay na ako. Ilang araw ako na hindi pinapasok nina Mama sa school. Ngayon na lang ulit ako nakalabas. Pagbigyan mo na ako, Ate.”

Magsasalita pa sana si Natalia nang umeksena si Callisto. “Saan mo ba gustong pumunta, Lukas?”

Nakuha ni Callisto ang atensyon ng dalawa. Nagliwanag ang mukha ni Lukas. “Sa mall, Kuya! Gusto kong kumain sa Jollibee tapos maglaro sa archade.”

Tumango si Callisto. “Sige, tara.”

Kinindatan siya ni Lukas. Nag-thumbs up rin ito sa kanya. “Iyon! Puwede ka ng maging boyfriend ni Ate. Pasado ka na sa akin!”

Humalukipkip si Natalia rito. “At kay Jollibee mo lang pala ako ipagkakanulo, ha?”

Kinindatan rin ni Lukas si Natalia. “Ate, kahit naman hindi ako pumayag, ramdam ko naman na gustong-gusto mo naman na ipagkanulo ka kay Kuya Callisto,”

Namula si Natalia. Natahimik ito.

“Hmmm…” Napatingin si Callisto kay Natalia. Ngiting-ngiti siya. “So wala ka ngang boyfriend?”

“Teka, mukhang nag-assume ka na may boyfiend ako, ah.”

“I saw a guy with you the first day I went to the hospital. Niyakap ka niya.”

“Ah, kaibigan ko lang `yun.”

Tumaas ang isang kilay ni Callisto. “At hinayaan mo na halikan ka ng kaibigan lang?”

“Bakit Kuya Callisto, hindi ka pa ba nakakahalik kay Ate?” sabat ni Lukas sa usapan.

“Lukas!” saway rito ni Natalia.

“Ang hina mo pala. Gusto mo bang bigyan kita ng tips?” alok pa ng bata kay Callisto.

“Nag-uumpisa ka na naman, Lukas, ha. Hindi kita bibilhan ng chicken joy---“

“Okay lang. Hindi naman ako nagpapalibre sa `yo. Si Kuya Callisto ang iba-bribe ko dahil kailangan niya ng tulong ko.” Tumingin si Lukas kay Callisto. “Bigyan kita ng tips sa panliligaw kay Ate.”

Ginulo ni Callisto ang buhok ni Lukas. Tips sa panliligaw. It sounds nice. Napangiti siya.

Pumunta na silang tatlo sa pinakamalapit na mall sa ospital. Kumain sila sa Jollibee at pagkatapos noon ay nagyaya na si Lukas sa archade. Bumili siya ng maraming coins. Tuwang-tuwa si Lukas. Halos ubusin lang nito lahat ng iyon sa basketball. Pinanood lang niya ito.

“Hindi mo ba gustong maglaro?” tanong ni Callisto kay Natalia. “Bibilhan kita ng coins---“

“Naku, ang gusto lang niyan ay mag-karaoke,” putol ni Lukas. Kumuha ito ng coins sa bulsa nito. “`Wag mo ng bilhan si Ate, Kuya. Pinagtabi ko na siya ng coins,”

“Mahilig kang kumanta?” namilog ang mata ni Callisto.

Si Lukas ang sumagot. “Oo. Pero pangit ang boses,”

Pinandilatan ni Natalia ang kapatid. “Hindi ganoon ang tanong ni Callisto. `Wag kang sabat ng sabat,”

“Para ready na ang tainga niya. Tara na nga sa karaoke para magkaalaman na,” yaya ni Lukas.

Nagliwanag ang mukha ni Natalia. Halatang excited ito. Nang makapunta sila sa karaoke area ay sinolo nito ang song book.

“Anong sa inyo?” tanong ni Natalia nang matapos maglista.

Nagpass si Callisto. Hindi siya mahilig kumanta.

“Iyong paborito ko, Ate. Alam mo na iyon. Ipanghuli mo rin,” sagot ni Lukas.

Tumango lang si Natalia. Nang mabakante ang karaoke room ay pumasok na sila. Nag-umpisang kumanta si Natalia. Nakita na naman niya ang babaeng una niyang nakita rito---magulo at parang hindi nahihiya. Na-realize rin niyang makulit si Lukas pero hindi naman ito sinungaling. Hindi nga kagandahan ang boses ni Natalia. Maraming beses rin itong pumiyok.

Halos sabay silang ngumingiwi ni Lukas sa bawat pagpiyok ni Natalia. Ilang beses na rin na tinatakpan ni Lukas ang tainga nito. Pero tiniis ni Callisto ang boses ni Natalia. Nag-focus na lang siya sa pagtingin sa mukha nito. Cute naman ito habang kumakanta kaya hindi siya naiirita.

Nakita lang ni Callisto na nagka-interes si Lukas sa kinakanta ng kapatid sa huli nitong kanta. When She Cries ang title noon. Niyuyugyog nito ang ulo. Naaliw ito sa musika.

“Mukhang paborito mo `yan, ah,” wika ni Callisto kay Lukas nang iabot ni Natalia rito ang microphone. When She Cries ulit ang kanta.

“Oo, pero hindi ako ang kakanta. Pinapindot ko yan para kantahin mo,” sagot ni Lukas.

“Ha? Bakit naman?”

“Paborito `yan ni Ate. Sabi niya, gusto daw niya kantahin `yan ng future boyfriend niya para sa kanya. Ayan, ha? Binigyan na kita ng tip para maka-points kay Ate kaya i-grab mo na!”

Nailang si Callisto. Siya, kakanta? Ngayon lang niya narinig ang kanta na iyon. Paano niya makakanta iyon?

Pero pinili na `wag magpaapekto ni Callisto sa mahiyaing bahagi niya. Gusto niya ang nalaman kay Lukas. Imagining to be the future boyfriend of Natalia feels nice.

Kinuha ni Callisto ang oportunidad. Naisip niyang bakit ba siya mahihiya? Si Natalia nga ay hindi.

“She's always been there for me whenever I've fallen…When nobody else believes, she'll be there by my side…I don't know how she takes it, Just once, I'd like to make it…Then there'll be tears of joy that fill her lovin' eyes…

“When she cries at night and she doesn't think that I can hear her…She tries to hide, all the fear she feels inside…

“So I pray this time, I can be the man that she deserves, 'Cos I die a little each time…When she cries…”

Dahil hindi marunong kumanta, parang tinula ni Callisto ang kanta. Pero sa ginawa naman niyang iyon ay mas tumatak sa kanya ang kanta.

Nang matapos ang kanta ay saka lang tumingin si Callisto kay Natalia. Umiiyak ang babae. Kumunot ang noo niya. “O, bakit ka naiiyak?”

“Ha?” Pinunasan ni Natalia ang luha. “Na-touch lang ako. Favorite ko kasi talaga ang kantang `yan. At masaya ako kasi may tumula, este kumanta na niyan sa akin bukod kay Lukas.”

“So ako ang una.”

“Sisihin ang batang ito,” Ginulo ni Natalia ang buhok ni Lukas.

Inirapan ito ng bata. “Ate, magpasalamat ka na lang sa akin. Kilig na kilig ka naman,”

“Hmmm…”

Napatitig si Callisto kay Natalia. Posible bang pareho rin silang nararamdaman ng babae? Hindi niya maipaliwanag ang sa kanya. But he believes what he felt for her was special. Hindi siya magugulo noong una niyang nakitang umiyak ito. Kahit kaninang nakita niyang umiyak rin ito ay naapektuhan siya. Hindi niya gusto iyon.

What he felt about Natalia was like the song he just had sung. Para siyang pinapatay kapag umiiyak ito. At isang love song ang kanta na iyon. Could it be---?

But could he also be the man that she deserves? Dahil paanong magiging deserved ng isang sweet na babaeng kagaya ni Natalia ang isang lalaking may masamang nakaraan na kagaya niya?

“MATAGAL ka pa ba?”

Napangiti si Natalia nang marinig ang boses na iyon ni Callisto. Patuloy pa rin siyang nagtatrabaho sa lalaki kaya sa iisang bahay pa rin sila nakatira. Pero hindi kagaya dati ay hindi na siya sa kuwarto ni Callisto natutulog. Hindi na rin siya naiinip sa bahay. Pinahiram siya ni Callisto ng laptop nito. Dahil roon kaya nalilibang siya.

Madalas ay kinakausap ni Natalia ang mga kaibigan gamit ang internet. Madalas niyang nakakausap na rin ngayon ang kaibigang si Sophie. Si Sophie, Francis, Ritter, Lucky at Analisse ang masasabi niyang mga tunay niyang kaibigan. Magkakasama kasi sila sa iisang kuwarto noong nasa bahay ampunan pa sila. And they all have the same dream---to be like Callisto’s father. Gusto nilang maging International Billionaire---ang yumaman, maging matagumpay sa buhay at sumikat. Pero kasamaang palad, hanggang wannabes na lang sila. Si Analisse, bagaman, inampon ng isang International Billionaire, ay palaging sinasabing hindi rin iyon ramdam. Mayaman man ito pero pakiramdam naman nito sa sarili ay hindi ito matagumpay.

Madalas na online si Sophie ngayon dahil nasa New York ito. Nagtatrabaho ito roon bilang caregiver. Ayon rito, kaya madalas itong online ay para hindi ma-miss ang pamilya at kaibigan sa Pilipinas. Ngayon ay araw-araw na silang nagkakausap. Na-miss niya ang kaibigan. Marami siyang nadiskubre sa pag-uusap nila.

At isa sa mga nadiskubre niya sa kaibigan ang dahilan kung bakit nagtagal siya sa harap ng laptop. Saktong kakatapos naman na mag-send ng in-email niya na resume nang kumatok si Callisto sa kuwarto. Pinatay na niya ang laptop at pinagbuksan ito.

Bumungad kay Natalia ang napakaguwapong si Callisto. Bagong ligo ito at ayos na ayos ang sarili. Nilagyan nito ng gel ang dati ay hinahayaan lang nitong magulong buhok. Bagay rin dito ang suot na black and white polo shirt, maong na pantalon at sneakers.

“Hmmm… balak mo ba na magpa-impress sa mga kaibigan ko?”

Tumikhim si Callisto. “I just want to look decent. Kumusta ang ayos ko?”

“Perfect. Ang guwapo-guwapo mo ngayon,” Hindi na tinago ni Natalia ang kilig. Totoo naman iyon. Parang si Callisto ang pinakaguwapong lalaki sa paningin niya ngayon.

“Jeez, thanks.” Nahihiyang ngumiti si Callisto. “You look gorgeous, too.”

Namula si Natalia. “Haay, tara na nga at baka mahalikan pa kita bilang pasasalamat,”

“Hmmm…then let’s stay for a little while,” Naging maloko ang ngiti ni Callisto.

“Kunwari ka pang suplado, mapagpatol ka rin naman.” Tumawa si Natalia. “Seryoso, tara na nga. Late na tayo. Wala akong pakialam kayna Francis at Ritter kung mainip sila. Pero nakakahiya kay Marisa,”

Ngayong gabi ay niyaya siyang lumabas ni Ritter. Gusto nitong manood ng sine dahil may bagong pelikula ang paboritong artista ni Ritter na si Liza Soberano. Napanood na rin naman niya ang trailer ng pelikula at nagustuhan niya. Niyaya pa nila ang ibang kaibigan pero mga hindi raw puwede ang mga ito. May trabaho si Lucky samantalang si Analisse ay abala rin daw. Si Francis lang ang pumayag at isasama nito ang girlfriend na si Marisa. Nang magpaalam siya kay Callisto ay sinabi nitong gusto rin nitong sumama.

Pumayag si Natalia. Nakausap na niya si Sir Cedric tungkol sa nangyayari kay Callisto. Tuwang-tuwa ito dahil naggawa niyang palabasin ang anak. Masaya rin naman si Natalia. Pakiramdam niya ay nababago niya si Callisto sa magandang paraan. Hindi naman kasi tama na ikulong na lang nito palagi ang sarili sa bahay. Sa ginagawa niya, nagkaka-social life rin ito. Mabuti iyon para rito.

Nang makapunta sila sa sinehan ay naroroon na nga ang tatlo. Si Ritter ang unang nag-react. Nagkamot ito ng ulo. “`Langya, kinawawa niyo naman ako.”

“Maghanap ka na rin kasi,” tudyo ni Francis sa lalaki.

“Masyadong marami, Pare. Ayoko naman na mapagastos ng malaki kapag isinama ko silang lahat.” Ngingisi-ngising wika ni Ritter. Siniko siya nito pagkatapos. “So ano, trabaho pa ba talaga `yan?”

Nginisian lang ni Natalia si Ritter. Sa totoo lang, hindi niya nararamdaman na nagtatrabaho siya. Lahat ng ginagawa niya sa buhay ni Callisto ay gusto niya. Gustong-gusto niya. Minsan, ang sarap mag-day dream na kaya niya ipinagluluto ito dahil responsibilidad niya iyon bilang girlfriend nito. But then, hanggang day dream lang yata talaga sa kanya.

May nararamdaman si Natalia na espesyal sa kung paano siya ituring ni Callisto. Kinikilig siya. Pero madali lang rin iyon na nawawala kapag naiisip niya na baka kaya ginawa lang nito iyon ay para makabawi sa kasalanan nito. Hindi naman kasi umaamin sa kanya ang lalaki.

Pero bago at maaga pa naman ang lahat. Nalulungkot pero hindi naman nawawalan ng pag-asa si Natalia.

Ipinakilala na lang ni Natalia si Callisto sa mga ito. Hindi rin naman natakot si Natalia para sa iniingatang privacy ni Callisto. Mapapagkatiwalaan ang mga kaibigan niya. Wala rin naman na naging reklamo si Callisto. Isa pa, sa pagsama nito sa kanya ay dapat handa na ito sa parte na iyon.

“It’s nice to meet you again, Callisto. Alam mo bang minsan na hinanap ka rin sa akin ni Natalia? Akala niya, we’re in the same circle because of our Father. But see, siya pa rin pala ang nagdala sa `yo para magkita tayo ulit. It’s so cute,”

“Marisa Ferreira, Tito Ed’s daughter. It was nice to meet you again, too.” Kinamayan ni Callisto si Marisa.

Kinamayan rin ni Callisto si Francis at Ritter. Bumili lang sila ng makakain bago tuluyan na pumasok ng sinehan. Magkatabi silang dalawa ni Callisto, magkatabi rin sina Francis at Marisa. Napagitnaan nilang magpa-partner si Ritter.

“Haay, I’m so torn between two lovers,” Humalumbaba pa si Ritter.

“Ritter, nanood tayo dahil gusto mo na mapanood si Liza Soberano `di ba? Mangarap ka na lang na boyfriend ka niya.”

Nagningning ang mata nito. “Yeah, ang ganda-ganda talaga ng girlfriend ko na si Liza.”

Ngumiti si Natalia. Sa isip niya, sana ay hindi siya maggaya kay Ritter. Sana ay hindi lang siya hanggang pangarap sa lalaking gustong-gusto niya.

SA UNANG pagkakataon ay tinakasan si Natalia ng confidence. Ilang beses na napapatingin siya sa compact mirror niya. Sa lagay niya kasi, iyon na lang ang maayos niya. Kahit sa itsura, gusto naman niyang makita na presentable siya.

“Sigurado ka ba talaga na gusto mo akong ipakilala sa pamilya mo?” puno ng tensyon ang dibdib ni Natalia.

Natawa si Callisto sa kanya. “Nandito na tayo sa harap ng bahay. What makes you doubt it? Come on,”

“Umuwi na lang kaya ako? Nahihiya talaga ako.”

Napayuko si Natalia. Birthday ngayon ng Mommy ni Callisto. Nasa Pilipinas ito ngayon at pati na rin ang bunsong kapatid ni Callisto na si Caroline para mag-celebrate. Simpleng salu-salo lang naman ang celebration---dinner sa farm ng pamilya sa Batangas. Isinama siya ni Callisto roon.

“If then, uuwi na rin ako.”

“Pero siguradong madi-disappoint ang Mommy mo kapag umuwi ka.” Naikuwento sa kanya ni Callisto na matagal ng panahon simula nang sumama itong mag-celebrate sa pamilya. Kahit sa pamilya ay ilag si Callisto.

Nagkibit-balikat si Callisto. “Sanay na iyon sa akin.”

Siyempre, hindi papayag si Natalia na umuwi si Callisto. Nakausap niya si Sir Cedric. Excited at masaya ito nang malaman na pupunta sila sa celebration. Ayaw naman niyang dahil sa kanya ay masira ang gabing iyon para sa pamilya.

Kinalma ni Natalia ang sarili. Kilala na naman siya ni Sir Cedric. Malamang ay naikuwento na rin siya nito sa iba pang miyembro ng pamilya nito. Nagkuwento na rin si Callisto tungkol sa pamilya nito. Mabait ang Mommy nito. Naaalala rin naman niya na ganoon nga si Ericka Guidicelli. Matulungin ito. Sweet at mabait rin daw ang bunsong si Caroline. Ang kapatid lang ni Cedric na si Foro ang ikinababahala ni Callisto. Kilala niya ang kapatid nitong iyon. Sosyal at jetsetter ang lalaki. Pero sabi naman ni Callisto, wala ito sa dinner ngayong gabi.

Ano ba ang dapat ikabahala ni Natalia? Ah, siguro ay ang pagpapakilala. Paano siya ipapakilala ni Callisto sa mga magulang nito? Taga-luto pa rin ba? Kaibigan? Special someone? Err, gusto niya. Kinakabahan nga lang siya na mabigo.

Hinawakan ni Callisto ang kamay ni Natalia. Bahagyang nawala ang tensyon niya. The feel of Callisto’s skin next to her feels nice.

“Our shooting in South Africa was amazing, Caroline! You’ll surely enjoy there.”

“Hmmm… masarap ba ang dishes roon?”

“The nature is good. But seriously, minsan ay sumama ka sa shoots ko. It’s fun posing for the camera and also travelling the world. Ah, I really love my life,” nakangising wika ng isang lalaki na tantiya niya ay nasa early twenties ang edad.

Napakunot noo si Natalia. It was Foro. Sikat ito kaya madali lang ito na makilala. Mali ang sinabi sa kanya ni Callisto na hindi ito kasama.

Akmang magsasalita pa ang lalaki nang tumikhim si Callisto. Tumayo si Ericka Guidicelli. Sinalubong sila nito.

“Good evening. I’m happy you both came,” Hinalikan pa silang dalawa ng babae sa pisngi.

“Happy Birthday po,” halos sabay na bati nila sa may bahay.

“Salamat,”

Sumunod na tumayo si Cedric Guidicelli. Binati rin sila nito. Tumayo rin ang isang babaeng mukhang teenager pa lang. It was Caroline.

Niyakap ni Caroline nang mahigpit si Callisto. “Oh, Kuya! I missed you so much,”

Nginitian ito ni Callisto. “I missed you, too…”

Tumingin at nginitian siya ni Caroline. “Hello, you are Natalia, right?”

Tumango si Natalia. Ngumiti rin siya. “Nice meeting you, Caroline. Ang ganda-ganda mo…”

“Thank you. Ikaw rin. No wonder Kuya Callisto is changed. Lumalabas na siya! He must be very smitten at you…” Kinindatan pa siya ni Caroline.

“Caroline…” may pagbabanta sa boses ni Callisto.

“Masaya lang ako para sa `yo, Kuya.” Wika ni Caroline. Pinaupo sila nitong dalawa sa tabi nito.

Nang makaupo ay saka lang umeksena ulit si Foro. Hindi ito tumayo para batiin sila.

“A big surprise that you came,” matipid na wika lang ni Foro.

“I was also surprised about you. Hindi ako na-inform na darating ka,”

“It was a surprise for Mommy. Pero as always, mas bida ang pagdating mo kahit may pasabi.” Nakaramdam ng tensyon si Natalia sa sinabi ni Foro. Parang may pait ang boses nito.

“I’m hungry na. Kain na tayo,” wika ni Caroline, halatang binabasag ang tensyon.

Kumain na nga sila. Nagkuwento si Caroline at palagi rin siyang kinakausap nito. Sumentro ang usapan sa kanilang dalawa.

Magaan ang usapan. Malayo man ang sitwasyon niya sa buhay ng mga ito ay nakaka-relate pa rin siya. Tama si Callisto. Mababait nga ang mga ito. Hindi nga lang halos nagsasalita si Foro kaya hindi niya sigurado kung kasama pati ito ay talagang mabait rin. Pero hindi na lang pinansin ni Natalia ang lalaki. Naikuwento na rin naman kasi sa kanya ni Callisto na kakaiba raw ang ugali nito. Hindi magkasundo ang dalawa dahil nagka-clash ang mga ugali.

Pagkatapos nilang kumain, in-excuse siya ng padre de pamilya. Nag-usap sila sa malaking terrace ng villa.

“You are special to my son. Nakikita ko iyon sa mga mata niya,”

“Masarap daw po ang luto ko, sabi niya,”

“Oh, come on, Natalia. Alam mo na hindi lang iyon tungkol roon…”

Namula si Natalia. “A-at okay lang ba iyon sa inyo, Sir?”

Pinisil ng matanda ang kamay niya. “Call me Tito from now on.”

Kumurap si Natalia. “Pero---“

“Hindi ako matapobre, Natalia. `Wag kang mahiya sa akin at pati na rin sa pamilya ko. Kung gusto at mahal ka ng anak ko, walang kaso iyon sa akin. Magiging masaya pa nga ako. Confident na akong hindi naman talaga siya tuluyang nawalan ng emosyon…”

Tinitigan lang ni Natalia si Sir, este Tito Cedric na pala para sa kanya ngayon. Makahulugan ang sinabi nito.

“May inamin na ba siya sa `yo, Natalia?”

“Inamin po na ano?”

“Kung bakit gusto niyang palagi na mag-isa, kung bakit gusto niyang itago ang sarili niya sa mundo.”

“Ah, ang sabi po niya ay hindi siya nakakapagpinta kapag may kasama…”

“Aside from that.”

Kumunot ang noo ni Natalia. Umiling ito.

Bumuntong-hininga si Tito Cedric. “Masakit pa rin siguro sa kanya ang lahat para umamin.”

“M-may masamang pinagdaanan mo pa ba si Callisto kaya ito ganoon?”

Hinawakan ni Tito Cedric ang balikat niya. “I will leave it all to Callisto. Pero kung ano man ang malaman mo tungkol sa anak ko, `wag sana noong pagbaguhin ang nararamdaman mo sa anak ko. Especially if that feeling is also a special one. Ayokong masaktan. Gusto pa naman kita para sa anak ko.”

Sa naging pag-uusap ay naging hati ang pakiramdam ni Natalia. Masaya siya dahil gusto siya ng pamilya para kay Callisto. Pero nagulo rin naman siya. Ano ang masamang pinagdaanan ni Callisto? Makakaapekto nga kaya iyon sa nararamdaman niya para rito?

“MASAYA ka ba?” tanong ni Callisto kay Natalia pagkatapos niyang maibaba ito sa kabayo. Nagpalipas sila ng gabi sa farm ng pamilya niya sa Batangas. Bago umuwi sa bahay niya sa Maynila ay iginala niya muna ito sa farm. Isinakay niya ito sa kabayo.

Nakilala na ni Callisto si Natalia. Mababaw lang ang kaligayahan nito. Akala niya, mapapasaya niya ito sa pamamagitan ng paglilibot dahil maganda ang farm nila. Pero simula kagabi, tulala pa rin ito.

Hindi sanay si Callisto na makitang ganoon ang babae. Parang may malalim itong iniisip. Hindi rin ito masyadong nagsasalita.

Tumango si Natalia. “Ang ganda ng farm niyo,”

“Iyon lang ang masasabi mo?”

“Hmmm… ang presko dito. Parang ang sarap tumira.”

Napangiti si Callisto. Masarap ngang tumira sa farm nila. “Noong bata ako, madalas kaming bumibisita dito. Masarap ngang tumira rito. Kapag bakasyon, dito ako madalas na nag-i-stay. Kasama ko rin si Nonno---ang aking Lolo.”

“Nasaan na siya ngayon? Wala siya kagabi.”

Nakagat ni Callisto ang ibabang labi. Ano bang pumasok sa kanya at nabanggit pa niya ang tungkol sa Nonno niya? Siguradong magtatanong si Natalia.

“He died many years ago.” Naglihis ng tingin si Callisto.

“I’m sorry. Mukhang close na close kayo. Nasaktan ka siguro sa pagkawala niya.”

“Yeah…” sagot ni Callisto. “Gusto mo na bang umuwi?”

“Hmmm…wala naman tayong ginagawa sa bahay. Dito na lang muna tayo. Mag-swimming tayo sa villa.”

“All right. But smile first,”

“Ano ba namang klaseng request `yan?” wika ni Natalia. Natawa ito.

“Hindi kasi kita nakikitang ngumingiti simula kagabi. Hindi ka ganoon.”

“May iniisip lang ako…”

“Care to tell me about it?”

“Hmmm…”

“Come on, Natalia.” Unti-unti ay bumabangon ang inis kay Callisto. Hindi niya gustong parang may pinoproblema si Natalia. “Dahil ba ito kay Daddy? M-may sinabi ba siya sa `yo?”

“Ano sa tingin mo ang puwede niyang sabihin sa akin?” seryosong-seryoso ang mukha at tinig ni Natalia.

Natensyon si Callisto. Alam niya na nakakausap ng Daddy niya palagi si Natalia. Pero ngayon lang siya nag-alala dahil para sa kanya ay hindi normal ang kinilos ng babae.

Paano kung sinabi ng Daddy niya ang masamang nakaraan niya rito? Paano kung na-disappoint roon si Natalia? Or worst, magalit ito sa kanya. Because that’s what he feel about himself…

Tumawa si Natalia. “Ikaw naman. Wala naman na sinabi sa akin ang Daddy mo. Hmmm, meron pala. Gusto daw niya ako para sa `yo.”

“Okay,” Niloloko lang pala siya ni Natalia. Pero hindi noon pinaalis ang tensyon na naramdaman niya.

“O, bakit ikaw ang hindi mukhang okay?”

“M-may iniisip lang rin ako…”

“Tungkol ba sa akin iyon? Hindi ka ba masaya na gusto ako ng Daddy mo para sa `yo?”

Maraming nakikitang mali si Callisto sa nararamdaman niya kay Natalia. Distraction ito. Simula nang dumating ito, hindi na siya nakapagtrabaho. Well, hindi naman rin iyon masyadong mahalaga. For the past years, workaholic daw siya. Paano, pagpipinta lang rin naman ang gusto niyang gawin sa buhay niya. Sa dami ng naging obra niya, marami na siyang pera. Kaya na nga niyang bumuhay ng pamilya habang buhay sa mga pera na naipon niya. Mayaman rin ang pamilya niya. Kung hindi siya magtatrabaho, hindi naman siya maghihirap.

Pero kung aamin si Callisto kay Natalia, maraming pagbabago ang mangyayari. He has to give himself to her. All of him. Magiging unfair kay Natalia kung patuloy pa rin siyang magtatago ng sikreto. Pero unfair rin pati ang nararamdaman niya kay Natalia ay itatago pa niya.

“Gusto siyempre. Gustong-gusto kita, Natalia.”

“Hmmm… at iyon ang kailangan mo pang pag-isipan?”

“Hindi. Matagal ko ng naisip iyon. P-pero sa tuwing naiisip ko ay nag-aalinlangan ako.”

“Torpe ka. I get it. Hindi na rin naman bago. Hindi ka sociable. But it’s okay. `Wag kang matakot. Pareho lang kasi tayo ng nararamdaman. Gustong-gusto rin kita, Callisto…”

Nagliwanag ang mukha ni Callisto sa narinig. So one problem solved. Pero hindi pa rin iyon ubos. There are still a lot to even say. Hindi alam ni Callisto kung paano sisimulan na ipaliwanag kay Natalia ang lahat.

Positibong tao si Natalia. Malaki ang pag-asa na siguro ay maiintindihan siya nito at tanggapin pa rin. But there’s always a chance on everything. Isa pa, ang pakiramdam na hindi karapat-dapat ang taong kagaya niya sa isang katulad nito. He developed a lot of bad habits because of a tragedy. Nakokontrol niya ang sarili niya sa ngayon. Paano sa susunod? Paano kung ikapahamak ni Natalia ang nararamdaman nila para sa isa’t isa?

Nagyuko ng ulo si Callisto. “I’m sorry.”

“Hey, bakit? Akala ko ay magiging masaya ka---“

“I am. Pero hindi pa rin tama iyon. You don’t deserve a guy like me…”

“Hey, you are not bad yourself,” Naggawa pang tumawa ni Natalia. “Crush kita---“

“Hindi ito tungkol sa itsura ko, Natalia.”

“Sa pagiging mainitin ng ulo mo? Napatunayan ko na naman na mabait kang tao.”

“There are times na hindi ko nakokontrol ang sarili. I can even shout at my sweet sister if I feel so. Mas masama ako kaysa sa mga unang nakilala mo. I have anger management issues…”

“Positibo akong tao. Hindi kita susukuan.” Umiling-iling si Natalia. “Pero mukhang ayaw mo naman talaga sa akin. Dahil kung gusto mo ako talaga, hindi ka na pangungunahan ng takot.”

“H-hindi sa ganoon, Natalia. It’s just that, I’m afraid of everything. I have secrets, dark secrets that I think will affect your judgment with me.”

“Wala ka pa rin na tiwala sa akin.” Malungkot ang mukha ng babae. And it makes him feel worst…

Bumuntong-hininga si Callisto. “Are you sure you are ready for the truth?”

“Kagabi pa. Sinabi sa akin ng Daddy mo na may masamang nakaraan ka nga daw. Iyon ang iniisip ko kaya hindi ako masyadong nakakangiti ngayon. Pumapasok sa isip ko iyon at nasasaktan ako na kailangan mong pagdaananan ang lahat ng iyon.”

He knew that Natalia was sincere. Sa sinabi nito ay napatunayan niya na pinapahalagahan siya nito. Nararamdaman rin niya na mahal na siya nito.

And that was what he felt with Natalia, too. Dahil mahal na niya ito, kailangan rin niya na sabihin rito ang lahat gaano man kahirap iyon…

He doesn’t want to look back at the past. Palaging sinasabi ng magulang niya na iyon rin naman ang tamang gawin. Hindi dapat niya sinisisi at pinaparusahan ang sarili niya. But he felt that he should be…

“K-kanina ay tinanong mo ako tungkol kay Lolo `di ba?”

“Oo. Pero mukhang ayaw mo siyang pag-usapan. Naramdaman ko iyon sa boses mo.”

“Yes. And that is because it’s a bad memory. Lalo na sa akin…” Pumikit si Callisto. Memories of his grandfather flooded in his mind. Nanuyo ang lalamunan ni Callisto. Napunta ang tubig dapat roon sa mga mata niya.

“I-I was responsible for his death, Natalia. Pinatay ko ang sarili kong Lolo…”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.