PAGMULAT pa lang ni Nari ng kanyang mga mata ay masama na agad ang pakiramdam niya. Naduduwal siya. Nakahawak sa tiyan at sa bibig na tinakbo at hinanap niya ang lababo sa bahay. Hinang-hina siya. Halos wala rin naman kasi niyang inilabas. Halos hindi siya kumain maghapon.
Napaiyak si Nari. Araw-araw ba niyang mararamdaman ito? She felt really worst. Nadagdagan pa ang hirap nang maalala na naman niya ang realidad.
Wala na si Ernesto. Wala na ang taong dapat sumusuporta sa kanya sa lagay niya ngayon.
“Hush, hush…” May mainit na kamay ang humawak sa baywang ni Nari. Inalalayan siya nito na umupo. “Okay ka na?”
Nagpatuloy lang sa pag-iyak si Nari.
“Hindi makakatulong sa `yo ang pag-iyak. Uminom ka muna.” Iniabot ni Ritter ang isang baso ng tubig sa kanya.
“A-ayoko…”
“Ayaw mong uminom o ayaw mo ng mabuhay?” Pagak na tumawa si Ritter. “Ang hirap naman na mag-alaga ng prinsesa, o. Ang arte-arte. Oo na, naiintindihan na kita. Pero sinabi ko naman sa `yo na hindi ka na naman mag-isa `di ba? Nandito ako. Hindi naman kita pababayaan.”
Napatigil si Nari sa pag-iyak. Kung may isa man na nakakapagpagaan ng loob niya ngayon ay si Ritter na siguro iyon. Hindi pa naman pala talaga siya nag-iisa. Willing ito na suportahan siya. At ito nga siya, kinukupkop na nito sa bahay para akuin na siya bilang responsibilidad.
At nagagawa niya pang mag-inarte rito? Lalo lang sumama ang pakiramdam ni Nari. Nakokonsensya siya.
Napatingin si Nari sa tubig. Ininom na niya iyon. Bahagyang umayos rin kaysa kanina ang pakiramdam niya. “Salamat…”
“Walang anuman. Kumain ka na,” wika ni Ritter at pinaghanda na siya ng makakain sa lamesa.
“P-pasensya ka na, ha.” Wika ni Nari saka nag-umpisang kumain.
Huminga nang malalim si Ritter. “Naiintindihan ko naman talaga kung nahihirapan ka, Nari. Pero sana ay intindihin mo rin na mahirap rin sa akin ito.”
Napayuko si Nari. “At ito ka, iniintindi rin ako. Nakakahiya talaga. At kagabi ay pinagtabuyan pa kita. Pasensya na talaga. Gusto ko lang kasi talaga na maging mag-isa.”
“Ilang beses na akong namatayan, Nari. And yeah, sa mga ganitong panahon, mas maayos talaga na mag-isa. Pero kilala ko ang sarili ko. Hindi ako susuko. Pero hindi kasi ganoon ang nakikita ko sa `yo.”
“Siguro dahil sanay ka na at---“
“Malaki ka na. Ilang taon lang ang pagitan natin `di ba? You are---“
“Twenty six.”
“See? Tatlong taon lang ang tanda ko sa `yo. Mature ka na dapat. Hindi ka na dapat nag-iisip pa ng masama, especially with what you have right now,” Tumingin si Ritter sa tiyan niya. “May anak ka na, Nari. Hindi makakabuti para sa kanya kung pababayaan mo ang sarili mo.”
May point si Ritter. Isang araw bago namatay si Ernesto ay nalaman niya na buntis siya. Pero tanging sa text messages lang sila nakapag-usap ng boyfriend. Kinabukasan sana ay pag-uusapan nila ng personal ang tungkol sa hindi inaasahang balita. Pero bago pa man mangyari ay naaksidente ito.
Gulong-gulo si Nari. Paano niya ipapaliwanag sa pamilya ang lahat? Paniguradong hindi ng mga ito matatanggap iyon. Lalo na ang Daddy niya. Inamin man niya sa mga ito ang totoong lagay pero hindi ang lahat. Anong sasabihin ng Daddy niya kapag nakipagrelasyon siya sa isang taong halos kasing-edad na nito?
“I’m sorry.”
“Okay, tama na ang paghingi ng tawad. Ang gusto ko lang naman ay maging maayos ka. Dahil wala na si Papa, responsibilidad na kita ngayon.”
“O-okay lang sa `yo?”
Natawa si Ritter. “Siyempre naman. Inalagaan ako ni Papa na parang tunay niyang anak. Tama lang na gawin ko rin iyon para sa magiging tunay na anak niya talaga…”
Napakurap si Nari. Hindi basta-bastang responsibilidad ang mag-alaga ng isang kagaya niya. Isa pa, hanggang saan ang responsibilidad na sinasabi ni Ritter? Sa anak lang ba niya o pati rin sa kanya?
“Pero hindi lang pisikal na pag-aalaga ang dapat na ibigay ko sa `yo. Kailangan ko rin na maging financially stable. Kaya ngayon ay aalis muna ako, ha? Maghahanap muna ako ng trabaho,”
Tapos ng kumain si Ritter. Tumayo na ito.
“Ha? Wala ka bang trabaho?”
Napakamot si Ritter. “Meron naman. Kaya lang ay side line lang. Kagaya rin ni Papa dati. Nagbabanda. Pero `di ako ganoong mabenta kagaya niya kaya maliit lang ang kita.”
“Ah…”
Naglabas si Ritter ng pera sa bulsa. Limang daang piso iyon. Ibinigay nito iyon sa kanya. “Natira sa abuloy. Allowance mo rin muna. Kung hindi ka marunong magluto, bumili ka na lang sa carenderia diyan sa labas. Mura, masarap ang luto at malinis pa.”
Walang pakialam sa ngayon sa pagkain si Nari. “A-anong oras ka babalik?”
“Hindi ko pa alam. Pero susubukan kong makabalik bago maghapunan. Wala naman akong gig ngayon.”
“Ah, okay…”
“Magiging maayos ka rin. I’ll see you later,” nakangiting wika ni Ritter at hinalikan ang noo niya.
Lumabas na ng bahay si Ritter. Samantalang si Nari naman ay natulala. Teka, kasama rin ba sa responsibilidad ni Ritter ang halikan siya? At teka rin, bakit pakiramdam niya ay may kuryenteng dumaloy yata sa katawan niya sa ginawa nito?
HALOS tumakbo na si Ritter nang makababa siya ng jeep. Alas otso na ng gabi. Hindi niya sigurado kung nakakain na si Nari. Heck, kahit ano ang lagay nito sa ngayon ay hindi niya alam. Alas singko ng hapon nang huling makatanggap siya ng message rito. Hindi na nito sinagot ang ilang messages at kahit ang mga tawag niya pagkatapos noon.
Nag-aalala na si Ritter. Wala rin kasi ang kapitbahay nila para matignan si Nari. Na-late siya nang uwi dahil na-traffic siya. Kanina pa dapat siyang alas sais nakauwi. Paano kung gutom na si Nari? Worst, paano kung may masamang nangyari rito?
Nang makapasok ay nakita naman ni Ritter si Nari. Nasa sala ito. Nakahinga siya nang maluwag nang makita na humihinga pa ang babae. Nakatulog lang pala ito kaya hindi siya nasasagot.
Nag-aalinlangan si Ritter kung gigisingin ba niya ang babae. Hindi pa ito kumakain ng hapunan. Sa huling message nito ay sinabi nitong hihintayin na raw siya nitong maghapunan. Masama rito na magpalipas ng gutom. Hindi pa man rin daw ito nag-merienda.
Pero sa huli ay walang ginawa na tama si Ritter. Nakita niya na lang ang sarili na pinagmamasdan si Nari na natutulog. May mainit na kamay na humaplos sa puso niya.
Cute talaga si Nari. Ang sarap nitong tignan habang natutulog. Napakapayapa nito. Kahit mababakas pa rin ang lungkot ay mala-anghel pa rin ang mukha nito.
Sayang ka, Nari… Nahihirapan pa rin siyang i-proseso na umibig ito sa Papa niya. But then, sino ba siya para mag-judge? Hindi pa niya alam ang buong kuwento.
“Ritter…?”
Nag-init ang pisngi ni Ritter nang magmulat ng mata si Nari. Nakita ba nito ang pagtitig niya rito? Nakakahiya!
Napakamot si Ritter ng ulo. Naglihis rin siya ng tingin. “Ah, nag-iisip lang ako kung tama ba na gisingin kita…”
“Okay…?” Nakakunot ang noo ni Nari.
“Kain na tayo?”
Tumingin ito sa lamesa. “Hindi ka pa nakakapaghanda.”
“Kakarating ko lang. Pasensya ka na. Traffic, eh.”
“Ah, pasensya na rin. Nakatulog ako…” Tumayo si Nari. Tinulungan siya nitong maghanda ng binili niyang ulam. Wala naman daw problema sa pagkaing nabili niya. Pero habang kumakain sila ay tahimik ito.
“May problema ba?”
“Napapaisip lang ako…”
“Hmmm… ano iyon? Natatakot ka ba?” Ganoon ang nababasa ni Ritter sa mukha ni Nari.
“Medyo.” Tumingin si Nari sa bahay. “Hindi ka mayaman `di ba?”
“Maselan ka?”
“Hindi naman sa ganoon. Napapaisip lang ako tungkol sa gastusin dahil sa pagbubuntis ko.” Bumuntong-hininga si Nari. “Naubos ko na `yung binigay mo sa aking five hundred. Binili ko kasi ng vitamins na nireseta ng Doctor. And everything was just good for a few days…”
Tumango-tango si Ritter. Problema nga siguro iyon.
“Nahihiya ako sa `yo, Ritter. Pero hindi ko pa kayang harapin sina Daddy ngayon. Naglayas ako sa amin. Wala rin akong trabaho. Wala akong pera na maibibigay sa `yo para tulong ko man lang kahit papaano. I can’t use my cards. Mata-track ako nina Daddy. Hindi ko sila gustong makausap ngayon.”
“Malaki ka na para maglayas, Nari. Naiintindihan ko rin naman kung bakit ka nahihiya na aminin sa pamilya mo ang lahat. Pero puwede mo bang ipagkatiwala sa akin ang mga detalye sa relasyon niyo ni Papa?”
“Matagal ko ng kilala ang Papa mo. Well, from a far. I adore his band. I adore him. Magaling siyang kumanta. Ilang beses ko na siyang napapanood. I love music. Mahilig akong pumunta sa bar para lang makinig ng music.
“Then few months ago, I get to know him personally. Mabait siya. Charming. Naiintindihan niya ako. And that’s it. We fell in love with each other.”
“At hindi mo inisip ang pagkakalayo ng edad niya? Ang sasabihin ng mga tao? Parang ama mo na rin si Papa…”
Umiling si Nari. “We’re compatible for each other. We have the same passion in music. And besides, naiintindihan niya ako. That’s the most important thing of all. Understanding, `yun ang bagay na hinahanap ko. Isang bagay na kahit kailan ay hindi ko nakuha sa pamilya ko, lalong-lalo na kay Daddy.”
“So masama ang loob mo kay Sir Vincent…”
Tumango si Nari. “Hindi niya gusto ang mga bagay na gusto ko. He controlled me.”
“At ang mga ipinakita at ipinaramdam sa `yo ni Papa ay ang mga bagay na gusto mo na maramdaman kay Sir Vincent?”
Natigilan si Nari. Namutla rin ito. Naglihis ito ng tingin sa kanya. “M-mahal ko ang Papa mo…”
Tinitigan ni Ritter si Nari. Bakit may pakiramdam siya na hindi totoo ang sinabi ni Nari? Gusto niyang isipin na hindi sincere ang narinig niya rito. O ganoon dahil iyon ang gusto niya?
Pero teka, bakit naman niya hindi gugustuhin na malaman na mahal talaga nito ang Papa niya? Masyado na siyang matanda para magselos pa dahil may ibang nagmamahal sa kanyang ama at may minahal rin ito bukod sa kanya.
O siguro ay dahil sa nararamdaman niya kay Nari. Teka, applicable ba sa crush ang magselos?
GUMAAN ang pakiramdam ni Nari nang isama siya ni Ritter sa gig nito ngayong gabi. Nagkaroon kasi ng away sa kapitbahay nila at hanggang makaalis sila ay nagkakainitan pa rin. Natakot si Ritter na baka may mas masama pa na mangyari at madamay pa siya. Nag-iisa pa man rin siya sa bahay. Ang pinag-aalala lang ni Ritter ay baka hindi makabuti sa kanya iyon. Aabutin ng alas nuwebe ang gig nito. Babiyahe pa sila pauwi. Baka mapuyat raw siya at makasama iyon sa kanya. In-advice pa naman siya ng Doctor na magpahinga.
Pero ano ba naman ang ikapapagod ni Nari sa panonood? Sa tingin niya, makakabuti rin sa kanya ang paglabas. Mali siya ng isipin niya na makakatulong ang pagiging mag-isa niya sa kanyang pagluluksa. Mas lalo lang siyang nalulungkot. Isa pa, gusto niya ang music. Hindi nga lang niya masyadong type ang klase ng tinugtog at kinakanta ni Ritter---Pop, Love Songs at OPM. Mas prefer niya ang Rock Music---ang genre ni Ernesto.
“Kumusta ang performance ko?” tanong ni Ritter nang matapos ito. Nilapitan kaagad siya nito.
“Good,”
“Hmmm… good lang?”
“Ah, so you are fishing for compliment…” Tumingin si Nari sa mga kababaihan na nasa harapan ng stage. Sinusundan ng mga ito ng tingin si Ritter kahit tapos ng mag-perform. “Mukhang mas dapat na sa kanila ka lumapit.”
“Kilala ko na ang mga `yan. They are my biggest fans. I just want to know kung may bago akong recruit.”
Nagkibit-balikat si Nari. “Magaling ka naman. Siguro ay hindi ko lang talaga type ang music na tinutugtog mo.”
“Mas gusto mo ang music ni Papa…”
“It’s just about the genre.” Napakunot noo si Nari nang bumalatay ang sakit sa mukha ni Ritter. “Hey, okay ka lang ba?”
“Ha?” Pagak na tumawa si Ritter. “Okay lang. Gutom lang siguro ito. Ano nga palang in-order mo?”
Umiling si Nari.
“Hindi ka kumain?” Nanlaki ang mata ni Ritter. “Ano ka ba, Nari! Makakasama sa `yo ang ginagawa mo.”
Lagpas alas nuwebe na ng gabi. Hindi pa sila naghahapunan.
“Hindi ko gusto ang mga pagkain dito. Ang mamahal pa. Nahihiya ako sa `yo. Paniguradong ibabawas nila sa suweldo mo ang kakainin ko. Sa labas na lang tayo kumain. Sabay na lang tayong kumain.”
Bumuntong-hininga si Ritter. “Sige na nga. Pero wait lang, kakausapin ko muna ang boss ko…”
Mabilis lang si Ritter. Madali lang rin silang nakalabas sa bar na pinag-perform-an nito.
“Okay lang sa `yo kung sa Jollibee tayo kumain?” Nakatingin si Ritter sa Jollibee na ilang lakad lang mula sa bar.
“Mahal pa rin sa Jollibee. `Wag na doon.”
“Hey, sumuweldo ako ngayon. It’s okay. Saka kung ipagkukumpara sa life style mo, napaka-cheap ng Jollibee.”
“Sa iba---“ Napatingin si Nari sa nadaanan nilang iniihaw. Mabango iyon. Kumulo ang tiyan niya. “Hmmm… mukhang masarap `yun. Doon na lang kaya? Mura lang ba iyon?”
Namilog ang mata ni Ritter. “Mas cheap pa `yan sa Jollibee.”
“Tara na,” Hinawakan ni Nari ang kamay ni Ritter. Pero muntik na rin niyang mabitawan iyon nang makaramdam siya nang matinding init. Napatingin siya kay Ritter. Nakakunot noo rin ito. Naramdaman rin ba nito iyon?
Pero hindi nagsalita si Ritter. Sa halip ay pinisil pa nito ang kamay niya. Naroroon pa rin ang init pero hindi naman nakakapaso iyon. It actually gave her comfort. Mas gumaan ang pakiramdam niya.
Magkahawak kamay na nagpunta sila sa ihaw-ihaw. “Anong gusto mo diyan?”
Sa halip na tumingin sa choices ng mga iihawin, sa mga kumakain siya tumingin. “Ano `yung parang zigzag? Mukhang best seller rito,”
“Isaw ang tawag doon. Chicken intestine para sa mga sosyal. Pero sure ka ba na gusto mong kumain noon?”
“Hindi pa ako nakakatikim. Pero I want to try,”
“Sige. `Yun na lang rin ang o-order-in ko saka kanin…” Si Ritter na ang um-order. Naghanap siya ng kakainan nila. Babagong ihaw lang ng mga isaw kaya hindi na sila naghintay pa ng matagal para kumain.
Pero kahit nasa harapan na ang pagkain ay walang naunang kumain sa kanila.
“Go on. Kumain ka na.”
Tinaasan ni Nari ng isang kilay ang lalaki. “Ikaw ang nagsabing gutom sa atin `di ba?”
“Oo. Pero gusto kitang panoorin muna na kumain.”
Pinagbigyan ni Nari si Ritter. Titig na titig ito sa kanya hindi pa man niya nasusubo ang isaw. Naiilang siya pero pinilit niyang labanan.
“Masarap?” Parang excited na excited si Ritter nang matapos niyang manguya ang pagkain.
“Hmmm… Masarap,”
Kahit first time at sinabi ni Ritter na mura ay sulit ang pagkain. Kakagat pa ulit sana siya sa isaw at sasamahan iyon ng kanin pero nakakita naman siya ngayon ng “masarap”. Ngumiti sa kanya si Ritter.
Natulala si Nari. Nakita na naman niyang ngumiti si Ritter. Kanina ay panay ang ngiti nito sa mga nanonood rito. Pero ngayon lang niya nabigyan ng atensyon iyon. Probably ay dahil sa pagkakataong ito ay siya ang nginitian nito.
Aminado naman siya na guwapo si Ritter. Sa pagkakaalala niya ay may lahi itong German. Makikita rin iyon sa anyo nito. Kulay green ang almond-shape na mata nito, matangos ang ilong, mapula ang labi at dark brown ang buhok. Matangkad ito pero payat. Ang tanging nakuha lang yata nito na traits ng isang Filipino ay ang kayumanggi na balat nito. Pero bagay naman iyon rito. Bagay rin rito ang nakangiti.
“What?” Mas lumaki pa ang ngiti ni Ritter nang matagal-tagal rin siyang nakatingin lang sa guwapong mukha nito.
Namawis si Nari. Nahalata ba nito na natigilan siya? Nabasa kaya nito ang isip niya? Nakakahiya!
“Ha? Wala…” Kinagat ni Nari ang ibabang labi. She focused her eyes on the food. Kinagat na niya ang isaw.
“Hmmm… Akala ko naman kung ano na,” Ritter chuckled. It sounded so beautiful. It’s like music in her ears. Sa tingin ni Nari, mas masarap pa iyong pakinggan kaysa sa pagkanta nito.
Pero kagaya ng pag-init ng pisngi ay pinigilan rin niya ang kilig. Bakit niya nararamdaman iyon? Nagluluksa pa siya sa pagkamatay ni Ernesto. Hindi ito ang tamang panahon para kiligin siya. Lalong hindi rin si Ritter ang tamang lalaki para sa kanya.
O hindi nga ba?
“HINDI maganda ang performance mo, Ritter.” Masama ang mukha na wika ng may-ari ng bar kay Ritter nang matapos siyang mag-perform.
Napangiwi si Ritter. Nagkamot rin siya ng ulo. Expected na niyang sasabihan siya ng ganoon. Aminado rin naman siya na hindi maganda ang pagkakanta niya ngayon. Ilang beses siyang pumiyok. “Pasensya na po, Sir. Pasensya na rin po at kailangan ko na rin na umalis.”
“At pagpasensyahan mo na rin kung hindi na ulit kita maiimbitahan na kumanta sa bar na ito.”
Napayuko si Ritter. “Naiintindihan ko po.”
Ibinigay na ng may-ari ang suweldo niya ngayong araw. Mabilis na umalis rin siya ng bar at umuwi na ng bahay. Isa sa mga dahilan kung bakit waley ang performance niya ay dahil na rin sa taong naghihintay sa kanya sa bahay. Nag-aalala siya kay Nari. Iniwan niya ito samantalang masama ang pakiramdam nito.
Buong maghapon na nanghihina si Nari. Hindi ito makakain at ilang beses rin itong nagsusuka. Sabi nito ay dahil raw iyon sa kondisyon nito. Ayaw niya sana itong iwanan pero naisip naman niya na kung hindi niya tatanggapin ang trabaho ay baka lalo lang lumala ang lagay nito. Gusto na niya itong dalhin sa ospital pero wala siyang pera kaya hindi niya maggawa. Pinambayad kasi niya ng utang ang sinuweldo niya kagabi. Kailangan niya munang magka-pera bago dalhin si Nari roon. Sinigurado naman siya ni Nari na magiging okay rin ito.
Pero nang makauwi si Ritter ay nagkamali pala siya ng desisyon. Nakita niya si Nari sa sofa ng bahay at maputlang-maputla ito. Ginising niya ito pero hindi nito minumulat ang mata. Kahit ungol ay wala siyang marinig mula rito.
Namawis si Ritter. Namutla rin siya. Diyata’t nawalan ng malay si Nari?
Hindi lang iyon simpleng morning sickness. Napakasama na noon. Nakaka-inom naman ng vitamins si Nari kaya bakit mahina pa rin ang resistensya nito? Binuhat niya ito at tumawag ng tricycle.
Nang makarating sa ospital ay diretso sila sa emergency room. Wala pa rin na malay si Nari. Pero mabilis naman na nalaman ng Doctor ang dahilan kung bakit ganoon ang babae.
“Typhoid,”
“`Di ba’t nakukuha po iyon sa masamang pagkain?”
Tumango ang Doctor. Pumasok sa isip niya ang kinain nila kagabi. Hindi naman sumama ang lasa niya dahil roon, pero siguro ay dahil first time ni Nari. Hindi ito sanay sa mga ganoong pagkain.
Pero sa nalaman, sumama na rin ang pakiramdam ni Ritter. He felt guilty. Dapat talaga ay hindi niya pinayagan na doon sila kumain. Kung mayaman lang siya, hindi mahihiya si Nari sa kanya. Lalakas rin ang loob niya na i-treat ito sa mga mamahaling restaurants.
“Kailangan siyang i-confine. Pero sa ngayon ay puno na ang ward. Private room lang ang available sa ospital. Will it be okay kung doon siya ilalagay?”
Paniguradong kukulangin ang pera ni Ritter. Pero kung ililipat pa niya ng ospital si Nari ay baka mas mahirapan pa ito. Sa huli, pumayag na rin siya. Deserved rin nito na mailagay sa ganoon---sa mas maganda pa nga na lugar dapat.
Pero bago pala mailipat ng kuwarto ay ipinaliwanag sa kanya ng nurse ang policy.
“Kailangan niyo po munang mag-down, Sir.”
“Ha? Eh puwede kaya kahit three hundred fifty pesos lang?” Five hundred pesos lang ang kita niya ngayong gabi. Ipinangbayad naman niya sa tricycle ang one hundred fifty pesos. Mahal dahil special ang pagdala sa ospital.
“Naku, hindi po, Sir. Two thousand pesos po ang minimum. Kailangan na po na makapagbayad agad para mailipat na si Ma’am ng room…”
Nakagat ni Ritter ang ibabang labi. Saan siya kukuha ng two thousand pesos?
Naisip ni Ritter ang mga kaibigan. Unang pumasok sa utak niya sina Francis at Analisse---ito ang mga kaibigan niyang may kaya sa buhay. Pero naalala niyang nasa ibang bansa si Francis. Nagbabakasyon ito sa Hawaii kasama ang girlfriend na si Marisa. Kung makakapagbigay man ito ay baka matagalan pa iyon. Ganoon rin ang mga kaibigan niyang sina Natalia at Sophie. Isa pa, nakakahiya sa mga ito. May mga pamilya itong sinusuportahan. Kay Lucky naman ay wala siyang aasahan. Never itong nagpahiram ng pera, kahit limang piso lang iyon. Si Analisse lang ang natawagan niya. But unfortunately, hindi nito sinasagot ang cell phone.
Pumasok sa isip ni Ritter si Sir Vincent. Pero naalala niyang hindi pa nga pala handa si Nari na aminin ang lahat sa ama.
Pero kung hindi nito aaminin, kailan pa? Isa pa, na-realize rin niya ngayon na mali siya na akuin ng solo responsibilidad kay Nari. He was just a poor man. Mayaman si Nari. Sanay ito sa marangya na buhay. Hindi niya kayang ibigay iyon rito. Matagal na niyang na-realize na hindi na niya magagawa ang pangarap niya na maging kagaya ng ama nito. Hindi siya masuwerte.
Mapapahamak lang si Nari sa kanya. Isa sa mga patunay ay ang nangyari ngayon. Hindi deserved ni Nari na mahirapan ng ganito. Nasasaktan rin siya na mahirapan ng ganoon ang babae…
Bahala na!
Kinuha ni Ritter ang cell phone ni Nari. May tinawagan siya. And fortunately, naging madali naman para sagutin nito iyon.
“Sir Vincent….”
“RITTER…” ungol ni Nari nang magising siya. Naramdaman niyang may pumisil sa kanang kamay niya. Tinignan niya iyon. Nakita niya ang mukha ng taong tinawag niya.
Hinaplos ni Ritter ang pisngi ni Nari. “Salamat naman at gising ka na. Kumusta ang pakiramdam mo?”
Pinakiramdaman ni Nari ang sarili. Mapait ang panlasa niya. Pero mas maaliwalas ang pakiramdam niya ngayon kaysa sa huling naalalang lagay niya. Sinabi ni Nari kay Ritter ang pakiramdam.
“Mabuti naman kung ganoon…” Ngumiti si Ritter. “Buong gabi ka rin na walang malay.”
Tumingin si Nari sa paligid. Hindi iyon pamilyar sa kanya. Pero madali rin naman siyang nagkaroon ng hula kung nasaan siya---sa isang ospital. Naalala niyang nawalan siya ng malay. Sobrang sama ng pakiramdam niya kahapon. Malamang ay natakot si Ritter at isinugod siya sa ospital.
Pero hindi ganoong paligid ang inaasahan ni Nari. Mahirap lang si Ritter. Na-afford nito na magkaroon ng private na kuwarto?
Ganoon pa man, may isang hindi pa rin inaasahan na nakita si Nari. Mula sa likod ni Ritter ay lumitaw ang Daddy niya. Nakahalukipkip ito.
Namutla si Nari. Litong-lito na tinignan niya si Ritter. “B-bakit? Sinabi mo kay Daddy ang kondisyon ko?”
Yumuko si Ritter. “I’m sorry, Nari…”
Hinawakan ng Daddy niya ang balikat ni Ritter. “It’s the right thing to do.”
“No…”
Bumuntong-hininga ang Daddy niya. Hinawakan nito ang kamay niya. “Naiintindihan ko ang lahat, Anak. And I’m sorry, too…”
Naglihis ng tingin si Nari. “Daddy, hindi pa rin ako handa na kausapin kayo…”
“Alam ko na ang lahat. Ano pa ba ang ikakahiya mo? Tanggap ko na naman ang lahat.”
Napatingin ulit si Nari sa ama. Napakunot-noo siya. Seryoso ba ang Daddy niya? Hindi siya nito papagalitan? At natanggap kaagad nito ang lagay niya? Ang bilis naman.
Pero hindi inilabas ni Nari ang saloobin. Tumingin siya kay Ritter. “Puwede ba kitang makausap ng tayo lang?”
Nagkatinginan ang Daddy niya at si Ritter. Maya-maya ay tumango ang kanyang Daddy. “I’ll just be outside.”
Lumabas na ang Daddy niya. Huminga nang malalim si Ritter. “I’m really sorry, Nari. Hindi ko naman sana gusto. Pero nahihiya na ako sa `yo. Hindi ko kayang ibigay ang buhay na deserved mo---“
“Hindi naman ako humihingi ng magandang buhay sa `yo. Masaya na ako sa kaya mong ibigay.” Gustong magtaas ng boses ni Nari. Pero naunahan siya ng hiya. Nakakahiya naman kasi kung siya pa talaga ang may gana na magalit rito samantalang inako na nga siya ni Ritter bilang responsibilidad. “Pero sige na nga, naiintindihan ko naman na nahihirapan ka rin. I’m sorry…”
“Hindi rin naman sa ganoon, Nari. Naisip ko lang rin na nararapat na bumalik ka sa pamilya mo. They are a part of you.”
“Siguro nga. Pero---“ umiling si Nari. “I don’t want to be with them, especially my Dad! Naikuwento ko na sa `yo `di ba?”
Tumikhim si Ritter. “Naiintindihan ka na naman nila. Hindi ka na dapat matakot. Tanggap na ng Daddy mo ang kondisyon mo…”
“Isang bagay na pinagtataka ko…”
Hindi naman mahigpit ang Daddy ni Nari noong bata pa siya. In fact, prinsesa siya nito. Spoiled siya rito. Lahat ng gusto niya ay ibinibigay ng mga ito. Kaya naman nasaktan siya nang ang passion niya ang hindi pa nito ibinigay sa kanya. Pakiramdam niya ay sinira nito ang pangarap niya. Simula noon ay palagi na silang magkaaway ng Daddy niya. Naging mahigpit rin ito sa kanya dahil naging “pasaway” daw siya. Palagi na itong galit sa kanya.
Nag-iwas ng tingin si Ritter. “`W-wag mo ng alalahanin iyon. Ang mahalaga ay okay na kayo `di ba? Hindi ka na mahihirapan pa.”
May point si Ritter. Maya-maya ay pumasok na ulit ang Daddy niya. Kasama na nito ngayon ang Mommy niya. May dalang pagkain ang mga ito. Oras na daw para kumain siya. Lumabas naman si Ritter para bigyan sila ng oras na pamilya. Ang Mommy niya ang nag-asikaso sa kanya. Samantalang ang Daddy naman niya ay may kinausap sa cell phone nito. Hindi niya masyadong naintindihan ang pinag-uusapan. Hindi na rin naman siya masyadong nakinig at nag-focus na lang sa pagkain. Nagugutom na siya.
“Everything is settled,” Nang matapos sa pakikipag-usap ang Daddy niya ay lumapit ito sa kanila.
Tinaasan ni Nari ng isang kilay ang Daddy niya. “Puwede na agad akong lumabas?”
“Hindi pa namin nakakausap ang Doctor mo. Ang tinutukoy ko ay tungkol sa kasal mo.”
Mabuti na lang at natapos ng kumain si Nari. Dahil kung hindi, naibuga siguro niya ang pagkain. “Kasal?!”
Tumango ang kanyang Daddy. Tumingin ito sa tiyan niya. “You’re pregnant. You need to get married. Hindi na naman iyon problema sa akin dahil pananagutan ka. One month from now ay nakatakda ang kasal niyo ni Ritter…”
Natulala si Nari. Akala ba ng Daddy niya ay si Ritter ang ama ng anak niya?