International Billionaires Batch 2: The Wannabes Series 1 - 4 Chapter 23

International Billionaires Series Batch 2: The Wannabes

Book 4_Sophie Garcia

“ANG ganda ng ngiti mo. Anong problema mo?” tanong ni Nikos sa kaibigan na si Cedric. Dinalaw siya nito sa bahay niya at ng pamilya niya sa New York.

Tumawa si Cedric. “Wala akong problema. Kaya nga maganda ang ngiti ko `di ba?”

Tumaas ang isang kilay ni Nikos. “Hmmm… hindi na sakit ng ulo si Callisto?”

Lumaki ang ngiti ni Cedric. “Hindi na. Nakahanap na ako ng katapat niya. In fact, magtatagal na ako sa New York. Kami ni Ericka. Finally, magkaka-quality time rin kaming mag-asawa.”

“That’s good news…” Nilagok ni Nikos ang hawak na alak pagkatapos ay tumango-tango.

Masaya si Nikos para sa kaibigan. Hindi sikreto sa kanila na pahirap para rito ang panganay na anak. Mas malala pa sa kaibigan kung magtago sa mundo ang anak nito. Madalas rin na inaalala ito ng mag-asawa. Kahit matanda na, palaging binabantayan ng isa sa mga ito ang anak.

Pero hindi makangiti man lang si Nikos. Nakaramdam naman kasi siya ng inggit sa kaibigan. Sana ay maging maayos na rin ang buhay niya. Sana ay ma-resolve na ang problema niya sa panganay niyang anak na si Nicollo.

“Kumusta na si Nicollo? Maganda naman ang recovery niya `di ba?”

“Oo. Nakalabas na siya ng ospital. Pero madalas pa rin na sumasakit ang ulo niya.”

Tinapik ni Cedric ang likod niya. “He’ll recover soon.”

“I know. Naniniwala naman ako na gagaling siya. Pero ang ugali niya…“ Napabuntong-hininga si Nikos. Simula nang maaksidente ang anak may ilang buwan na ang nakalilipas ay nagbago na ito.

Mabait naman si Nicollo. Kahit wala siya sa tabi nito nang lumaki ito ay hindi iyon nakaapekto sa paglaki nito. Masaya ang pamilya nila, lalo na nang madagdagan pa iyon. Bukod kay Nicollo ay nagkaroon pa siya ng dalawang anak sa asawang si Irene.

May pagka-bitch pero mabait rin naman ang pangalawa at unica hija niyang si Illeana. Samantalang isang kilalang professional soccer player ang bunso nilang si Nyke.

Nikos love his family very much. Kaya naman nasasaktan siya na makitang nagkakalayo na sila. Simula nang maggising si Nicollo mula sa ilang buwan rin na pagkaka-comatose, inilayo na nito ang sarili sa mga tao, kahit sa kanilang pamilya nito. Nagbago ang masiyahan at responsible niyang anak.

“What he needs is a lady who can tame her…”

“Iniwan na nga siya ng babaeng gusto niya. I don’t think it’s a good idea to let her be with another girl again.”

“I know. But we all know that Giselle’s a bitch. What I am trying to say is that Nicollo needs a nice woman. Kagaya ng dinala ko sa bahay ni Callisto…”

Ikinuwento ni Cedric ang babaeng ginawa nitong kasambahay sa bahay ng anak. Galing sa Safe Haven Orphanage---ang orphanage kung saan sila lumaki ang babae na iyon.

“Lucky you. Bihira na ang mga babaeng may matatag ang loob ngayon. Pinaalis na naman ni Nicollo ang nurse niya. Ayaw niya ng may nag-aalaga sa kanya. Kahit ang anak kong si Illeana na kilalang matapang ay hindi rin makaya ang Kuya niya. Sana nga ay makahanap rin ako ng kagaya ng Natalia na ito…”

“I know. But who knows? You’ll have your luck, too.” Tinapik ulit ni Cedric ang likod niya. “These are just rough times. Sa ating anim, tayo ang may pinakamaraming masasamang pinagdaanan. Ngayon pa ba tayo malulungkot at susuko? Gagaling rin si Nicollo. Magiging masaya ulit ang pamilya niyo…”

Tumango si Nikos sa sinabi ng kaibigan. What Cedric got was a once in a life time experience. Pero gustong umasa ni Nikos na sana nga ay tama si Cedric. Sana nga ay gumaling na ang anak niya. Sana ay bumalik na sa dati ang masaya at magandang pamilya niya.

NANGANGATAL na si Sophie ang nang sa wakas ay makarating siya sa main office ng Haven Group of Companies. Masyadong malakas ang snow sa New York ngayong araw. Kahit ilang buwan na rin na nasa bansa ay hindi pa rin siya masanay-sanay sa klima roon. O siguro ay dahil sa maling kasuotan ni Sophie. Manipis lang ang suot niyang jacket at dalawang damit lang rin ang naipatong niya roon. Walang-wala iyon sa suot na coat ng mga taong nakasalubong niya sa paglalakad.

Naglakad lang rin si Sophie papunta sa mataas na building ng office. Mga isang oras siyang naglakad sa malamig na panahon na iyon. Maraming mga tao ang sumita sa kanya. Hindi advisable na maglakad o kahit nga ang lumabas sa panahon ito.

Pero mas hindi advisable na matulog sa labas sa panahon na ito. Iyon ang magiging kapalaran ni Sophie kapag hindi siya nakapunta sa opisina ng HGC. Ganoon rin kapag wala kahit isa man lang sa mga may-ari ng HGC ang nakausap niya para tulungan siya sa problema niya.

Wala ng kakilala si Sophie na puwedeng makatulong sa problema niya kundi ang mga International Billionaires lang. Walang-wala na siya. Kung hindi pa siya makakahanap ng bagong trabaho sa lalong madaling panahon, mapapaalis na siya sa bahay na tinitirhan niya.

“What can we do for you, Ma’am?” tanong receptionist nang makapasok si Sophie sa building.

Tumingin muna si Sophie sa paligid. Umaasa siyang makakita ng kahit isa man lang sa mga International Billionaires roon. As much as possible, ayaw niyang dumaan pa sa ganoong proseso. Alam niyang mas maliit ang chance na magagawa niya ang kailangan kapag sinita na siya ng mga empleyado. Hindi basta-bastang tao ang iniisip niyang tutulong sa kanya.

“I-I want to talk to one of your bosses…”

Ngumiti ang receptionist. “We have a lot of boss here, Ma’am. Which one would you want to talk?”

Binanggit ni Sophie ang unang International Billionaires na pumasok sa isip niya. “Mr. Augustus Forresteir?”

Tumingin ang receptionist sa computer nito. “Mr. Forresteir is not available right now.”

“Ah, when will he be available?”

Tumingin ulit ito sa computer. “Next week. His schedule is full.”

Nakagat ni Sophie ang ibabang labi. “What about Mr. Cedric Guidicelli?”

“Oh, Mr. Guidicelli is not active in the community. He doesn’t go here…” Naging mapanuri ang tingin ng receptionist kay Sophie. Tinignan siya nito mula ulo hanggang paa. “Anyway, why do you want to talk to them?”

Nailang si Sophie. “Personal reasons…”

Kumunot ang noo ng receptionist. “Should you just call them?”

“I-I don’t have their numbers…”

“I’m sorry, Miss. But we can’t accommodate you right now. We also accommodate people with business reasons only.”

Inalis na ng receptionist ang attention kay Sophie. Pero matagal rin bago siya umalis sa area. Natulala lang siya.

Inaasahan na ni Sophie ang ganitong eksena. Sino nga lang ba naman siya kumpara sa libo-libong tao na nangangailangan sa mga International Billionaires? Pero wala na siyang maisip na puntahan kundi ang mga ito.

Hindi sigurado ni Sophie kung kilala siya ng mga International Billionaires. Iilang beses lang naman sila na nagkita. Pero gusto pa rin niyang umasa. Wala siyang naging kaibigan nang dumating siya sa New York. Kung mayroon man, iniwan na rin siya ng mga ito. Wala rin naman na mapapala ang mga ito sa kanya na isang TNT at ayaw humingi ng tulong sa mga kakilala sa Pilipinas.

Pinangakuan si Sophie ng magandang trabaho ng agency niya sa New York. Pero pagdating niya roon ay walang naghihintay sa kanya. Naloko siya. Pero sa halip na umuwi, nanatili si Sophie sa New York. Nakipagsapalaran siya.

Nakilala ni Sophie si Gabriela---isang OFW rin sa New York. Mabait ito. Kasambahay ito ng isang matandang lalaki sa New York. Ito ang tumulong sa kanya. Pinatuloy siya nito sa bahay ng matanda kung saan rin ito nakatira. Mabait naman sa kanya ang matanda. Pinalabas kasi ni Gabriela na kamag-anak siya nito. Nanuluyan siya sa mga ito habang naghahanap siya ng trabaho.

Pero malas si Sophie. Naka-ilang buwan na siya pero walang trabaho na tumatanggap sa kanya. Nagkaroon lang siya ng masasabing trabaho nang magbakasyon si Gabriela sa Pilipinas. Siya ang pumalit rito bilang bagong tagapag-alaga ng amo nito. Nagustuhan siya ng matanda. Nang makabalik si Gabriela, sinabi ng matanda na siya na ang gusto nitong bagong tagapag-alaga.

Ikinagalit iyon ni Gabriela. Inagawan raw siya nito. Pinaalis siya nito sa bahay at inamin sa matanda na kasinungalingan lang ang pagiging kamag-anak nila. Sinira siya nito sa amo nito. Pinaniwalaan ito ng amo kaya wala na siyang choice.

It’s either mapapa-deport na lang si Sophie sa Pilipinas o may tutulong sa kanya.

Hindi puwedeng mapa-deport si Sophie. Umaasa sa kanya ang pamilya niya. Ayaw rin niyang malaman ng mga ito ang lagay niya. Ayaw niyang mag-alala ito sa kanya. Iyon rin ang dahilan niya kung bakit hindi siya makahingi ng tulong sa mga kakilala sa Pilipinas.

Alam ni Sophie na puwede siyang tulungan ng mga kaibigan niya sa Pilipinas. May kaya ang kaibigan at kababata niyang si Francis at Analisse. Girlfriend rin ni Francis ang isa sa mga anak ng International Billionaires na si Ed Ferreira. Inampon naman si Analisse ng isa sa mga may-ari ng HGC na si Jet Martinez. Kahit si Natalia ay puwede rin na may itulong sa kanya. Nasa Canada na ang kaibigan at boyfriend pa nito ang panganay na anak ng International Billionaires na si Cedric Guidicelli. Isang tawag lang niya sa mga ito, hindi niya mararanasan ang reception na natanggap.

Pero ayaw ni Sophie na humingi ng tulong sa mga kaibigan. Kahit parang mga kapatid na niya ang mga ito, nahihiya pa rin siya.

Napabuntong-hininga si Sophie. What now? Ayaw niya pang umalis. Napakasama ng panahon. Hindi na yata niya kakayanin na maglakad pa pabalik sa bahay. Halos lahat ng pinasuweldo sa kanya ay naipadala na niya sa Pilipinas. Ilang beses rin kasi siyang kinulit ng pamilya niya. Hindi naman niya matanggihan ang mga ito dahil kahit hindi niya tunay na kadugo ang mga ito, mahal na mahal niya ang mga ito.

Nagtitiis si Sophie para sa pamilya niya sa Pilipinas. Hindi siya uuwing nakakahiya. Kailangan na may ipagmalaki siya.

Tumalikod si Sophie sa reception area. Pero wala siyang balak na umalis roon. Kung kinakailangan niyang maghintay hanggang bukas para lang makakita ng isang International Billionaires at matulungan siya ng mga ito, gagawin niya. After all, nasa main entrance siya ng building. Lahat ng tao ay dadaan roon. Hihintayin na lang niya ang kahit isa sa mga ito roon.

Mukhang naawa naman kay Sophie ang Diyos. Hindi nagtagal ay may lumabas sa eleganteng elevator. Sa tindig pa lang, makikita ng isang bigating lalaki ang lumabas. Napapalibutan rin ito ng mga lalaki na mukhang mga body guard.

Nakilala ni Sophie ang lalaki. It was Nikos Afinidad. Lumakas ang tibok ng puso niya. Sandaling natulala siya pero pinili niyang maging kalmado. It was now or never. Si Sir Nikos na lang ang natitirang pag-asa niya.

Mabilis ang paglalakad ng mga ito palabas ng building kaya halos habulin ang mga ito ni Sophie. Nang lapitan niya ang mga ito, sinubukan pa siyang paalisin ng mga ito.

Hindi nagpapigil si Sophie. Lumuhod siya sa harapan nito. “Tulungan niyo po ako, Sir…”

“GO AWAY!”

Inikutan lang ng mata ng nakababatang kapatid. “Puwede ba, Kuya! Baby pa lang ako, inaalagaan mo na ako. Alam mong hindi ako ang babaeng basta-basta na lang sumusuko. Sagutin at kausapin mo ako ng ayos. Bakit mo pinaalis na naman ang nurse mo?!”

“Ayoko sa kanya.” Tumingin si Nicollo sa kasama ng kapatid na si Analisse Martinez. Anak ito ng kaibigan ng Daddy niya na si Jet Martinez. Inampon ito ng lalaki. “At ayoko rin sa `yo. Umalis na kayo dito.”

Namutla si Analisse. Nanlaki naman ang mata ni Illeana. “Ang sama mo, Kuya! Pinapunta ka pa dito si Ate Analisse para lang alagaan ka.”

“I’m not asking for that.” Tinignan ulit niya si Analisse. May pakiramdam na siya kung bakit pumunta ang babae sa New York para sa kanya. Matagal na niyang napapansin na may gusto sa kanya ang babae. “Bakit ka nagpunta rito? Is it the same with your reason when you give me chocolates every valentines? Pinapadalhan mo rin ako palagi ng regalo kapag may mga okasyon. I know that you like me, Analisse. Pero hindi kita gusto. Hindi kita type. It’s better that you get out of here…”

Mas lalong namutla si Analisse. Parang ilang sandali na lang ay maiiyak na rin ito. Pero hindi na niya ipinagtaka iyon. Sadyang balat sibuyas ang babae.

“Malapit na kitang masampal, Kuya.” Namumula na si Illeana.

“Then dare, Illeana.” Tinalikuran niya ang kapatid at pati na rin si Analisse. Pumasok siya sa kuwarto niya. Pinigilan ni Illeana ang pagsara niya ng pinto.

Naningkit ang mata ni Illeana. Itinaas nga nito ang kamay. Pero kahit may karamdaman, maliksi pa rin si Nicollo. Naagapan niya ang pagsampal nga sa kanya ng kapatid.

Napatiim-bagang si Nicollo. Ano ba ang pumasok sa utak niya at kinatuwaan niya pa ang kapatid dahil sa pagiging matapang nito? Kinunsinte niya pa ito. He believes that it was good for a woman to be strong. Kahit marami rin ang nagsasabi sa kanya na nagmumukhang tomboy ang kapatid niya sa ugali nito, hindi niya pinansin iyon. Mahal niya ang mga kapatid niya. Mahal ni Nicollo ang pamilya niya.

Noon.

Ngayon ay nagbago na si Nicollo. Pakiramdam niya ay hindi na niya kilala ang sarili niya. Ayaw na niya sa mga tao. Ayaw na niya sa pamilya niya.

“Don’t you dare disrespect me, Illeana. Ako pa rin ang nakakatanda mong kapatid. Sundin mo ako. Mas marami akong alam kaysa sa `yo.”

Humugot nang malalim na hininga si Illeana. “Pagbibigyan kita ngayon, Kuya. Pero babalik pa rin ako bukas. Hindi pa tayo tapos.”

Hinila na ni Illeana si Analisse. Nagkibit-balikat lang si Nicollo. Hindi siya natatakot sa kapatid.

Narinig ni Nicollo na sumara ang pinto. Hinawakan niya ang ulo niya. Napaupo rin siya sa sahig. Hinayaan niyang ilabas ang sakit sa pamamagitan ng pagsigaw. Sa totoo lang, kanina pa niya gustong gawin iyon. Kanina pa sumasakit ang ulo niya.

Pero nuncang ipapakita ni Nicollo iyon sa pamilya niya. Ayaw niyang mag-alala ang mga ito. Ayaw niya ng kinaawaan siya.

Nadagdagan pa ang sakit ng ulo ni Nicollo nang maya-maya ay may nag-door bell sa apartment niya. Napamura siya. Bumalik ba si Illeana? Asar na asar siya.

Mariing kinagat ni Nicollo ang labi niya. Puwede niyang huwag buksan ang pinto at intindihin ang kapatid. Pero kilala niya si Illeana. Mapilit ito. Kailangan niya pa rin na i-entertain ito kahit papaano.

Kung bumalik si Illeana ay kailangan ulit niyang pigilan ang sakit. Kailangan niyang itago ang nararamdaman.

Lumakad si Nicollo sa pinto. Ikinuyom na lang niya ang palad para pigilan ang nararamdaman. Pero lalo lang siyang naasar nang hindi si Illeana ang nakita niya.

Nagsalubong ang tingin ni Nicollo at ang babaeng nasa pinto. Pamilyar ang babae sa kanya. Mukha rin itong Pilipino kagaya niya. Kakulay niya kasi ito. Kayumanggi at bilugan ang mga mata nito. May kalakihan rin ang ilong nito at itim na itim ang buhok.

Pero lalo lang nanakit ang ulo ni Nicollo sa pag-iisip kung sino nga ba ang babae. Naasar rin lalo siya nang matagal rin itong natulala sa kanya.

Bakit nagkaganito ang babae? Nagulat ba ito sa itsura niya? Sabagay, malaki ang pinagbago niya simula nang aksidente. And it was frustrating.

Buwisit talaga!

“Hi, ako nga pala si Sophie. Ako ang magiging caregiver---“

Hindi na narinig ni Nicollo ang iba pang sinasabi ng babae. Isinara niya ulit ang pinto. Napahawak ulit siya sa ulo niya. Parang pinupukpok na iyon. Sa pagkakataong ito, napahiga na siya. Hindi na niya nakaya ang sakit ng ulo niya.

Hindi nagtagal ay nagdilim ang paningin ni Nicollo.

NAGISING si Sophie sa mahinang tapik sa mga balikat. Napabalikwas siya nang makitang ang guard ng apartment building iyon. Namula rin siya nang ma-realize ang itsura niya. Nakatulog siya sa corridor!

Tinaasan siya ng isang kilay ng guard. Ngumiwi siya. Inunahan na niyang magsalita ang guard.

“I know. It’s awkward. I’m sorry. I-I’m just waiting for him to open the door. I got bored and fell asleep on the floor…”

“You are looking for Mr. Nicollo Afinidad?”

Tumango si Sophie. “He’s not opening the door.”

“What is your relation to him?” Tumingin ang guard sa record book nito. “His personal caregiver?”

Tumango ulit si Sophie.

Ngumiwi ang guard. “His former personal nurse walks away on the building two days ago. She’s crying…”

So totoo nga. Tinik nga sa lalamunan si Nicollo Afinidad.

Dapat ay kabahan si Sophie. Pero na-inform na siya. Ngumiti siya sa guard.

“It’s okay, Sir. Mr. Nikos Afinidad already talked to me about his condition…”

Mukhang duda pa rin ang guard. Tinignan siya nito mula ulo hanggang paa. “You are a small person, Miss. Mr. Nikos Afinidad is a big man. He is hard to handle. Are you really sure you are okay with the job? I believe it’s not for the faint-hearted…”

Itinaas ni Sophie ang braso. “I can do it. I’m a strong girl.” Hindi man halata.

Naniniwala si Sophie sa sarili niya. Maliit man siya pero malakas siya. Napakarami na niyang pinagdaanan sa buhay. Ngayon pa ba siya susuko?

Isa pa, nasabi na sa kanya ni Sir Nikos ang lagay ni Nicollo. Nakapaghanda na siya. Wala rin naman siyang choice. Masuwerte na siya na tinulungan siya ni Nikos Afinidad…

“Mag-relax ka muna. Drink first…”

Sinunod ni Sophie ang sinabi ng lalaki. Pulang-pula rin kasi siya. Nakakahiya ang ginawa niyang pagluhod pa sa harap nito. Mukha siyang desperada. Pero well, talaga naman.

Ganoon pa man, na-relieve siya na hindi naman siya pinagtabuyan ni Mr. Nikos Afinidad. Pinigilan pa nito ang mga bodyguard na siyang gustong gawin iyon. At ngayon nga ay sinamahan pa siya ni Mr. Afinidad sa office nito. Doon siya nito in-entertain. Nagpahanda rin ito ng pagkain para sa kanya.

“Thank you so much, Sir.”

“It’s nothing.” Ngumiti pa ang lalaki. Sandaling natulala pa siya. Kahit matanda na ay guwapo pa rin talaga ito.

“So you were saying, galing ka rin sa Safe Haven Orphanage?”

Tumango si Sophie. “Ilang beses ko na rin kayong nakita po doon. Madalas po kayong nagpapa-feeding program at madalas rin po ninyong isinasama ang mga anak niyo.”

“So kilala mo ang mga anak ko?”

“Minsan na nakalaro ko po si Nyke. Magaling po siya na magsoccer kahit bata pa…”

Ngumiti si Nikos. “Yes. He’s successful soccer player now. I’m proud of him.”

“Maganda po ang pamilya niyo, Sir.”

Tumango lang si Nikos. “How about you, Sophie? Kumusta ang pamilya mo? I’m not so familiar with you. May umampon rin ba sa `yo?”

Tumango si Sophie. “Meron po.”

“And you have a good life with them?”

Matagal bago nakasagot si Sophie. Nag-aalinlangan siya kung tama ba na aminin niya ang totoo sa lalaki. But then, tinuturing rin naman niya ang sarili na masuwerte.

Masuwerte si Sophie dahil naampon siya. Nagkaroon siya ng tirahan. Nakapag-aral rin siya. Naramdaman rin niya kung paano nagkaroon ng pamilya.

Sanggol pa lang si Sophie nang dalhin siya sa Safe Haven Orphanage. Ayon sa mga madre, nakita na lang raw siya sa gate. Hindi kilala kung sino ang nagdala sa kanya. Hindi na niya nakilala ang tunay na mga magulang niya.

Lumaki si Sophie sa Safe Haven Orphanage. Walong taong gulang siya nang may magka-interes na magkaampon sa kanya. Kagaya ng karamihan sa mga nag-aampon, mag-asawa iyon na walang anak. Masaya naman siya na napunta siya sa mga ito. Legal na inampon siya ng mga ito. Hindi man ganoon kayaman pero mabait ang mga ito. Teacher ang Mama niya at Security Guard naman ang Papa niya. Itinuring rin siya nito na parang tunay na anak.

Hanggang sa magkaroon ang mga ito ng sariling anak.

Halos kalimutan na ng mga magulang si Sophie nang magkaroon ang mga ito ng totoong anak. Pinakain at pinag-aral pa rin naman siya ng mga ito. Pero hindi na niya naranasan ang atensyon na binibigay sa kanya ng mga ito noong una.

Hindi rin naman masisisi ni Sophie ang mag-asawa. Matagal na pinangarap ng mga ito na magkaroon ng sariling anak.

Masyadong binigyan ng mga magulang ng atensyon ang tunay na anak ng mga ito na si Jade. In-spoiled ng mga ito ang bata. Siya tuloy ang naghirap. Palaging kulang pagdating sa kanya pero kay Jade ay sobra. Short course nga lang ang natapos niya noong college para daw hindi sila magipit. Magha-high school na kasi si Jade at gusto ng mga magulang na papasukin ang ito sa magandang school.

Na-spoiled si Jade sa mga magulang. At ngayong nasa ibang bansa siya, panay rin ang hingi sa kanya ni Jade. Hindi nito naiintindihan na mahirap ang buhay ng isang OFW.

Ganoon pa man, inintindi na lang ni Sophie ang lahat. Hindi naman siya tunay na anak. Hindi dapat siya demanding. Masuwerte pa rin siya dahil may nagtangkang umampon sa kanya.

“Okay lang po.” Naglihis na lang ng tingin si Sophie.

Umiling si Sophie. “You don’t look okay. Hindi ka magmamakaawa sa akin kung maayos ang naging buhay mo…”

Nakagat ni Sophie ang ibabang labi. “Let’s say, hindi lang po ganoon karangya ang naging buhay ko kaysa ng sa inyo. Napakataas po kasi ninyo, eh. Matagumpay sa buhay. Gusto ko rin po na maging kagaya niyo. Kami ng mga kaibigan ko. Pero wala, eh. Nauwi lang po kami sa pagiging Wannabes.”

“It’s okay. There’s a time for everything. Isa pa, bata ka pa. Marami ka pang magagawa sa buhay. Who knows, malapit na pala na dumating ang suwerte mo `di ba?”

Ngumiti si Sophie. “Tama po kayo, Sir. Hindi naman ako nawawalan ng pag-asa. Medyo parehas rin tayo ng history ng buhay. It’s hard, but in the end, you got your happily ever after. Maganda ang pamilya niyo…”

Open book ang buhay ng International Billionaires kaya alam niya ang pinagdaanan ni Nikos Afinidad. Kagaya niya, may nag-ampon rito at nang magkaroon ng tunay na anak ang mag-asawa, kinalimutan na rin ito.

“So hindi nga maganda ang trato sa `yo ng mga magulang mo?”

“Well, parang ganoon na nga po. Pero mahal ko po sila, Sir. Gagawin ko ang lahat para sa kanila. Sila rin ang dahilan kung bakit ako narito sa New York. Naging OFW ako para matulungan ko sila.”

“And what happened?”

Ikinuwento ni Sophie ang nangyari.

“So you are a caregiver…”

Tumango si Sophie.

“And you need my help, right?”

“Opo. Wala po akong kilala sa New York. Ayaw ko naman po na humingi ng tulong sa Pilipinas. Ayaw kong mag-alala sila. So nagbaka-sakali akong pumunta dito sa HGC. Naisip ko lang po na baka matutulungan niyo ako since pareho lang naman po tayo ng pinagmulan.

“Alam ko po na napakalayo ng natapos at experience ko sa mga business niyo. Pero willing po akong tumanggap ng kahit anong disenteng trabaho. Ayoko lang po na mapa-deport talaga. Sana matulungan niyo po ako.”

“I guess, I have the proper job I have in my mind for you.”

Nagliwanag ang mukha ni Sophie. “Talaga po?”

“Yes, but don’t be so delighted. Hindi ganoon kaganda ang mai-offer ko sa `yo.”

“Ano pong ibig niyong sabihin?”

Tumayo si Mr. Afinidad. Pumunta ito sa glass wall ng office nito. “Months ago ay naaksidente ang anak kong si Nicollo. Hindi naging maganda ang resulta sa kanya ng aksidente. Iniwan siya ng girlfriend niya. Nasira ang katawan niya. Nagbago ang anak ko. Naging maiinitin ang ulo niya. Nagalit siya sa mundo.

“Nakaka-recover naman si Nicollo. Nakakapaglakad na siya. Nakakakilos na rin siya ng ayos. But I still want him to have his personal nurse or caregiver. Isa pa, hindi man niya sabihin, napapansin ko na madalas na sumasakit ang ulo niya. Na-inform na rin naman kami ng Doctor na hindi iyon maiiwasan dahil sa nangyaring aksidente. Tumalsik siya sa lakas ng pagpapasabog ng kotse niya. Napuruhan ang ulo niya. But one of the side effects will be occasional black outs and heavy headaches.”

“Wala po ba siyang gamot para sa mga iyon?”

“That’s the thing. Hindi niya iniinom ang mga iyon…”

Nanlaki ang mata ni Sophie. “Bakit naman po?”

“He became bitter. He was depressed. Ayaw na niyang gumaling…”

“Oh God…” Nalungkot si Sophie.

Kilala ni Sophie si Nicollo. Pero dahil hindi niya ito ka-edad, hindi sila malapit nito. Ilang taon rin ang tanda nito sa kanya. Ito ang pinakamatanda sa lahat ng anak ng mga International Billionaires.

Ganoon pa man, alam niyang mabait na bata ito. Responsible ito. Ang alam rin niya, isa ito sa namamahala ng HGC. Nakakalungkot na binago ito ng isang aksidente.

Nilingon siya ni Mr. Afinidad. Nakita niya ang determinasyon sa mata nito. “But you will be there for him, Sophie. Ikaw ang gusto kong maging tagapag-alaga ni Nicollo. Babayaran kita nang malaki `wag mo lang sukuan ang anak ko…”

Para sa ekonomiya! Para sa pera! Para sa pamilya, kahit natatakot sa puwedeng kaharapin, iniisip na lang ni Sophie ang mga bagay na iyon.

“Oh well, if you say so. But I have told you so…” Nagkibit-balikat ang guard. Tumingin ito sa pinto. “But why doesn’t he open the door?”

Pinindot ng guard ang door bell ng apartment ni Nicollo. Pinatigil niya ito. “I’ve tried that at least a hundred times already. But he won’t open again.”

“Hmmm…” Hinawakan ng guard ang knob ng pinto. Pinihit nito iyon. “It’s open!”

Napanganga si Sophie. Peste! Ang tagal-tagal niyang nag-door bell sa apartment, hindi naman pala naka-lock ang pinto?! Ang akala niya, pinaglalaruan lang siya ni Nicollo kaya hindi nito binubuksan ang pinto ulit. After all, binalaan na rin siya ni Sir Nikos na naging pasaway ang anak.

Halos sirain niya ang door bell at nakatulog na nga siya sa sobrang bored, iyon naman pala ay siya ang mali. Bakit ba rin kasi hindi niya naisip na pihitin ang door knob?

“Oh My God…”

Pero hindi pa man naka-recover si Sophie sa katangahan niya, isang kagulat-gulat na pangyayari ang bumungad sa kanya sa loob ng apartment.

“What---Oh My God!”

Nataranta si Sophie nang makita si Nicollo na nakahandusay sa sahig. “Hospital!”

Kaagad na tumawag ang guard ng ambulansya.

Pinagpawisan si Sophie. Unang araw pa lang niya, palpak na siya. Paano na?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.