Umikot ang mundo ni Yelena sa pagpipinta. Wala siyang panahon sa pag-ibig at lalo na sa engkanto. Pero nang matagpuan niya ang sarili niya sa Tarragon, ang mundo kung saan sinasabi ng mga nilalang na engkanto ang mga ito at siya ang nakatakdang prinsesa ng mga ito, parang mas gusto na lang niyang tumalon sa dagat-dagatang apoy na nakatakda para sa mga suwail. Lalo na’t walang lugar ang mundong iyon para sa mga taong tulad niya.
Nagbago ang isip niya nang malamang ang guwapong si Andros ang kanyang prinsipe. Dahil ang gusto lang niya ay makulong sa bisig nito.
Subalit hanggang saan siya dadalhin ng pagmamahal niya dito?
“Masarap dito sa probinsiya nila Eden, ‘no?” sabi ni Yelena sa kaibigang si Maureen. Nakasilip siya sa bintana at pinagmamasdan ang berdeng gubat at bughaw na langit. “Sariwa ang hangin, tahimik at maganda ang view. Marami akong maipe-paint dito. Ikaw, ano ang gusto mong gawin?”
“Magpahinga at maghanap ng guwapo,” sagot ni Maureen at nakapanga-lumbaba habang nag-I-imagine. “Sa palagay mo may guwapo dito?”
“I don’t know. All I want to do is to paint.” Pareho silang bagong graduate sa college. Malalapit silang magkakaibigan mula high school. Napagkasunduan nilang magbakasyon kasama ang kaibigang si Eden sa probinsiya nito sa bayan ng Marikit.
“Killjoy ka talaga!” nakasimangot nitong sabi at bumangon. “Masyado kang seryoso sa buhay. Di ka ba nasiyahan na mag-aral nang ilang taon nang walang baka-bakasyon? Hanggang dito ba naman painting pa rin ang iniisip mo?”
“I have to prepare a portfolio. I want to take up lessons with Mimosa.”
“That weird painter? Ano naman ang mapapala mo doon?”
“She’s unique. Kakaiba ang mga paintings niya. Elite pa ang collectors niya.”
“Yeah. Mga engkanto ang paintings niya.” Maureen rubbed her arms. “Pwede ba? Kinikilabutan ako!”
Isang popular na painter si Mimosa at masasabing isa ring wirdo. Bagamat magaling ang kamay nito, walang naniniwala dito. She painted entities only. Tulad ng mga kapre, tikbalang, diwata na nakakasalamuha daw nito.
Tumawa siya. “Pero dahil doon kaya siya kilala, di ba? Dahil siya mismo ay kakaiba. At gusto ko ring makilala tulad niya.”
“Bilang isang painter na nagpipinta ng mga tikbalang at kapre?” Itinirik nito ang mga mata. “Dear, itatakwil kitang kaibigan kapag iyon ang ginawa mo. Di ko yata ma-imagine na may friend akong nakikipag-friends sa engkanto. Saka hindi ako naniniwala sa mga ganoong klaseng kalokohan.”
“Baka mamaya may sumulpot sa harap mo, di ka pa ba maniniwala?”
“Hindi!” Bigla itong nagtitili nang bumukas ang pinto. “Multo!”
Humagalpak siya ng tawa nang makitang ang kaibigan lang pala nilang si Eden ang pumasok. “Ano ba ang itinitili mo diyan?” nakapamaywang na tanong ni Eden. “Wala ba kayong balak magpahinga.”
Habol ni Maureen ang hininga at inis na binato ng unan si Eden. “Ano ka ba? Hindi ka ba marunong kumatok?”
“Ano ang ikinakatakot mo? Katanghaliang-tapat pero nagtititili ka,” wika ni Eden at umupo sa kama nito. It was an antique four-poster bed. Panahon pa ng Amerikano itinayo ang bahay ng pamilya nila Eden ngunit nananatili pa rin iyong matatag. Katulad din ng ibang lumang bahay sa bayan ng Marikit.
“Pinag-uusapan lang namin ang tungkol sa mga engkanto,” kaswal niyang sabi at isa-isang isinalansan ang mga damit sa aparador na gawa sa narra.
“Naku! Tama na iyang usapan tungkol sa mga engkantong iyan. Magpahinga na kayo dahil may pupuntahan pa tayong party mamaya,” sabi ni Eden.
“Party?” excited na wika ni Maureen. “May party dito? Akala ko naman magiging boring ang bakasyon natin.”
“Pass,” sabi niya. Mas gusto niyang ipahinga ang pagod na katawan dahil halos isang araw silang bumiyahe papuntang Marikit na nasa Bicol Region. Isa pa, wala talaga siyang kahilig-hilig sa mga party.
“You can’t pass. Celebration ito dahil naka-graduate na ako. Dadating pa ang mayor namin mamaya para lang I-welcome ako dahil graduate na ako.”
“Wow! Sikat ka pala!” nanlalaki ang matang sabi ni Maureen.
“Of course, baranggay captain yata ang tito ko. At kilala ang lolo at lola ko sa bayang ito,” pagmamalaki nito.
“Grabe! Samantalang ako, kahit kagawad ng baranggay wala man lang magka-interes na alukin ang tatay ko. Lasenggo kasi, eh!”
Kahit na mahilig sa alak ang ama ni Maureen ay hindi ito pinababayaan. Kung tutuusin, siya ang pinakamayaman sa kanilang magkakaibigan. Si Maureen ay isa lang scholar habang si Eden na bagamat may kaya ay ulila sa magulang.
Buhay pa ang mga magulang niya. Naghiwalay ang mommy at daddy niya nang siyam na taong gulang siya. They dumped her to her grandparents. May kanya-kanyang pamilya na ang mga ito pero hindi nakakalimot ang mga ito na magpadala ng pera. At nang mamatay ang lolo at lola niya tatlong taon na ang nakaraan ay parang tuluyan na siyang naulila. Her parents didn’t bother to offer her to stay with either of them. Pakiramdam marahil ng mga ito ay sagabal lang siya sa isang masayang pamilyang binuo ng mga ito. Sure, hindi siya pinababayaan ng mga ito financially. Pero ang gusto niya ay ang pagmamahal ng mga ito.
“Ikaw pala ang queen of the night, kung ganoon,” sabi niya kay Eden.
“Ipakilala mo naman kami sa mga guwapo,” ungot ni Maureen.
“Naku! Maraming guwapo dito. Mamaya, makikilala ninyo ang mga naging classmate ko noong elementary. The last time I saw them, they were really gorgeous,” kinikilig na sabi ni Eden. “Basta sa akin ang anak ng governor.”
“Sa akin, sino ang irereto mo?” tanong ni Maureen.
“You can choose anybody you fancy, basta mag-iingat ka lang sa pipiliin mo.”
“Bakit naman?” aniyang nagtaka sa biglang pagseseryoso ni Eden.
“May paniniwala dito na may mga engkanto na nakikihalubilo sa mga tao. Kapag may mga party, nakikisali rin sila.”
“Talaga? May mga engkanto dito?” pabulong niyang tanong. Hindi naman siya naniniwala sa mga engkanto.
“Probinsiya ito. Natural lang ang ganoong mga kwento,” sabi ni Eden.
“Ano ba ang mga itsura nila?” Tumigil siya sa pagtitiklop at umupo sa harap ni Eden. “Guwapo ba sila at maganda? Ano ba ang ipinagkaiba nila sa mga tao? Alam mo rin ba kung bakit sila nakikisalamuha sa mga tao?”
“Naku! Magsama nga kayong dalawa!” nakasimangot na sabi ni Maureen.
“Ayaw mo bang malaman kung ano ang itsura nila?” tanong niya. “Hindi mo alam, baka engkanto na pala ang kasayaw mo mamaya.”
“Well, guwapo sila. Halos walang ipinagkaiba sa mga tao maliban sa may kapangyarihan sila. Iyon ang sabi ni Lola. Isang kaibigan daw niya ang na-in love sa engkanto. Kaso hindi naman sila pwedeng magsama na dalawa. Kaya ayun, nasiraan ng bait,” kwento ni Eden. “Pero dati pa naman iyon kwento.”
“Ikaw, gusto mo bang makakita ng engkanto?” tanong ni Maureen sa kanya.
“I’d love to see one. Gusto ko siyang I-paint.” Ngumiti siya. “Mapapasama agad ako sa mga estudyante ni Miss Mimosa if I would be able to paint one, right?”
Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Eden. “Be careful with what you wish for, Yelena. You might get it.”