MALAPIT nang bumagsak ang talukap ng mga mata ni Yelena. Hindi lang niya magawang matulog dahil nasa gitna pa rin sila ng party na ginanap sa bakuran nila Eden. Mag-aalas dose na ng gabi pero buhay na buhay pa rin ang mga tao. Parang fiesta sa dami ng pagkain. Pero para sa tulad niyang sanay na matulog nang maaga, late na ang hatinggabi.
Pinigil niyang mapahikab nang tumabi sa kanya si Lola Delilah, lola ni Eden. “Hindi ka masaya, hija. Ayaw mong makipagsayaw sa mga kabinataan namin.”
“Pasensiya na po, Lola. Hindi po kasi ako mahilig sa ganitong mga party. At hindi rin po ako marunong magsayaw,” anito at bahagyang tumawa. “Ang totoo po niyan, inaantok na po ako. Kayo po, di pa po ba kayo magpapahinga?”
“Hindi pa. Maraming mga bisita na kailangang asikasuhin.”
“Lola, pwede po bang mamasyal lang sa tabi-tabi? Ligtas naman pong maglakad-lakad, di po ba?”
“Ligtas nga. Pero mas mabuti nang may kasama ka.”
Pinisil niya ang kamay nito. “Don’t worry, Lola. Hindi naman po ako lalayo.”
Wala itong magawa kundi payagan siya. Lumabas siya sa gate. Napatigil siya sa paglalakad nang mapansin ang isang nagliliwanag na puno ng narra. Lumapit siya doon. “Wow!” bulalas niya nang makita ang mga alitaptap na nagliliparan sa paligid. Nagmistula tuloy Christmas tree ang puno.
“Maganda sila, hindi ba?”
Napapitlag siya nang marinig ang boses ng isang lalaki. “Sino ka?” aniya sa nanginginig na tinig at bahagyang lumayo.
Lumabas mula sa likod ng puno ng isang lalaki. “Huwag kang matakot. Hindi ako masamang nilalang.”
Sa tulong ng liwanag ng buwan ay napagmasdan niya ang lalaki. Matangkad ito. Marahil ay higit anim na pulgada. May kahabaan ang wavy nitong buhok na hanggang balikat, matangos ang ilong at Moreno. He was gorgeous. Maganda din ang pangangatawan nito sa kabila ng suot na white long sleeve polo. Gusto pa sana niya itong makitang mabuti pero hindi sapat ang ilaw na nagmumula sa malayo.
Tumigil siya sa paglayo. “Hindi ako natatakot sa iyo. Nagulat lang ako.” Isa pa, tiniyak ni Eden na mababait ang mga tao doon.
“Paumanhin. Hindi ko naman gustong takutin ka.” Tumutok ang mata nito sa mukha niya. “Ngayon lang kita nakita.”
“Ako?” Itinuro niya ang sarili. Natulala siya sa mata nito. Parang kumikislap sa buwan. “Bisita ako ng apo ni Lola Delilah. I’m Yelena.”
Kinamayan siya ng lalaki. “Andros.”
Umihip ang hangin. Maging ang hangin ay gustong sambitin ang pangalan nito. Napakasarap pakinggan.
“Bakit nandito ka? Bakit hindi ka pumasok sa loob? Hindi iyong dito ka lang nanonood. Mas masaya kung makikihalubilo ko sa iba.”
Umiling ito. “Salamat sa paanyaya. Subalit kailangan ko nang umalis.”
“Ah, okay!” aniya at tumango. Inabot niya ang kamay dito. “It is nice to meet you, Andros.” Noon lang siya naging komportable sa isang lalaki.
Sa halip na kamayan siya ay kinintalan nito ng halik ang likod ng palad niya. “Magkikita pa tayong muli, aking prinsesa,” anito at naglakad palayo.
Natulala na lang siya habang pinagmamasdan itong naglaho sa dilim. Weird. She didn’t feel repulsive when he kissed her hand. Kung ibang lalaki siguro iyon, baka nainis na siya. Nasapo niya ang ulo. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Sa isang iglap, nagbago na siya. Dahil lang sa isang lalaki? Dahil tinawag siyang prinsesa? Ganoon naman ang lalaki kapag nakakita ng maganda. They call her princess right away to make her feel special. At nagpapadala naman siya.
Muli siyang napapitlag nang may tumapik sa kanya. “Hoy! Anong ginagawa mo dito?” untag sa kanya ni Maureen.
“Ano ba? Tinatakot mo naman ako?”
“Nakakatakot talaga dahil madilim dito. Nasabi sa akin ni Lola Delilah na umalis kang mag-isa. Anong ginagawa mo dito?”
“Pinapanood ko ang mga alitaptap saka may kausap ako kanina.”
“Nasaan na siya?” tanong nito.
“Umalis na.”
“Oo. At umalis na din ang mga alitaptap.”
Nagtaka siya. Nang tingalain niya ang puno ay wala na ang mga alitaptap na kanina lang ay tumatanglaw doon. Kasabay na naglaho ng mga ito si Andros?
“Bumalik na nga tayo. Baka hinahanap na tayo nila Lola,” aniya.
“Gusto ko na talagang umalis dahil kinikilabutan ako dito.”
Naglalakad siya palayo nang mahagip ng paningin niya ang isang makinang na bagay na nakasalalay sa ugat ng puno. Nang damputin niya iyon ay natuklasan niyang isang kuwintas iyon na may puting bato na hugis luha. Maaring nailaglag iyon ni Andros kanina.
“Yelena, ano ba?” sigaw ni Maureen sa kanya.
“Susunod na ako!” Inilagay niya sa bulsa ang kuwintas. Magkikita pa naman sila ni Andros gaya ng sinabi nito.
TAHIMIK na umiinom ng gatas si Yelena habang hinihintay ang mga kasama sa bahay na bumaba para mag-agahan. Napuyat sa party sina Eden at Maureen kaya malamang ay naghihilik pa rin ang mga ito. Kahit na tapos na ang party ay nakipag-kwentuhan pa ang mga ito sa ibang mga bisita.
“Ang aga mo namang bumangon!” sabi ni Eden na kinukusot ang mata. “Bakit natulog ka agad? Maraming mga binata ang gustong makipagkilala sa iyo kagabi pero suplada ka daw.”
“Hindi ako suplada,” tanggi niya. “As a matter of fact, I met an interesting guy last night.”
“Sino? Sino?” nangungulit nitong tanong.
“His name is Andros. May kakilala ka bang Andros?”
Nagsalubong ang kilay nito. “Andros? Wala yata akong kilala. Samantalang halos lahat naman ng tagadito kilala ko. Baka dayo lang siya. O bakasyunista.”
“I don’t know. Kasi mukhang kilala niya ang mga tao dito.”
Kinurot siya nito sa braso. “So tell me, is he gorgeous?”
“Yes. Gusto ko nga siyang gawing model sa painting ko.”
Napanganga si Eden. “Iyon lang ang tingin mo sa kanya? Model mo?”
“Ano pa ba ang iniisip mo? Wala akong interes sa mga lalaki.”
“Ipakilala mo naman ako sa kanya,” ungot nito. “Kasi parang kapatid lang ang tingin sa akin ng mga lalaki dito. Si Maureen ang type nila.”
Natawa siya sa sinabi nito. Dinukot niya sa bulsa ang kuwintas na napulot. “Naiwan yata niya kagabi. Kung gusto mo, ikaw na ang magbigay sa kanya sakaling may maghanap ng nawawalang kuwintas.”
“Ibig sabihin, okay lang sa iyo na arborin ko si Andros?”
She nodded then took down the milk with a gulp. “Oo naman.”
“Let me guess. Rich siguro siya. Wala pa akong nakikitang ganito kagandang kuwintas. Ano kayang klaseng gem ito?” tanong nito nang pagmasdan ang kuwintas.
“You ask him yourself kapag nagkita na kayo.” Inabot niya ang kuwintas dito. “I’ll wish you luck, friend. Maliligo na ako. Call me once the breakfast is ready.”
“Teka, hindi ka ba sasama sa amin ni Maureen? Niyayaya kami ng mga kaibigan ko na pumunta sa kabilang bayan. May beach doon.”
“I’m afraid I can’t go with you. I want to go to the lake.”
“Alone? Kaya mo ba talagang mag-isa?”
“I am used to traveling alone. Saka sinabi mo naman sa akin na safe dito.”
“Okay. Magpaalam ka kay Lola, okay? Basta sure ka na ibibigay mo sa akin si Andros, ha?” paniniyak nito. “Hindi ka magseselos?”
“Hindi. Sa iyong sa iyo na siya. Good luck!”
Hindi siya nagseselos sa isang lalaki na kagabi lang niya nakilala. Kung may kakaiba man siyang naramdaman dito, iyon ay dahil gusto niya itong maging model sa painting niya. She wanted to capture his captivating face and his moonlit smile.
That’s it. She was never interested to him as a man.