Hinawakan nito ang kamay niya. “Hindi kita pababayaang malaglag,” he said gently then clucked his tongue. Naramdaman niya ang paghaginit nila paitaas. “Bakit hindi mo subukang idilat ang mata mo? Maganda ang tanawin.”
Unti-unti niyang iminulat ang mata. Namangha siya nang mapagmasdan ang mga ibon na kasabay nilang lumilipad. “Wow!” excited niyang sabi. Parang inaalalayan sila sa kanilang paglipad. Nang iikot niya ang paningin ay nakita niya ang palasyo sa di kalayuan. Nang iangat niya ang paningin ay napakalapit naman nila sa mala-bulak na kulumpon ng ulap. “This is exciting!”
Nadaanan din nila ang mga parang na puno ng bulaklak. At kapag may nadadaanan silang mga mamamayan ng Tarragon ay kinakawayan sila ng mga ito.
“Huwag ka nang malikot. Malapit na tayo sa Lupain ng Kidlat.”
Maya maya pa ay sunud-sunod na ang pagtalim ng kidlat habang papalapit sila sa bundok na puro limestone cliff. Tinakpan niya ang tainga at kinabig siya ni Andros sa dibdib nito. “Hindi tayo tatamaan. Huwag kang magtakot.”
It somehow eased her fear. Pero ayaw na niyang umalis sa pagkakahilig sa dibdib ni Andros. Parang masaya na siya doon kahit tamaan pa siya ng kidlat.
Unti-unting nabawasan ang kidlat na napalitan ng mabilis na pagtibok ng puso niya. Naramdaman niya ang paglapag ng karwahe. “Nandito na tayo.”
Walang bahay doon. Maaliwalas ang langit. Sa ibaba ay natatanaw ang ulap na panaka-nakang kumikislap dahil sa kidlat. “Nasaan na si Elektra?”
“Marahil ay natutulog na naman siya.” Inilabas nito ang flute na gawa sa silver na metal. Umupo siya at nangalumbaba habang pinakikinggan ang malamyos na musika mula doon. Inaantok na siya.
Dumilat siya nang tumigil ang pagtugtog ng flute at napalitan ng malakas na dagundong. Nanlaki ang mata niya nang isang ipu-ipo na bumababa mula sa langit. Hindi iyon ordinaryong ipu-ipo dahil naglalabas iyon ng kidlat sa paligid.
Tumayo siya at yumakap kay Andros. “Ano iyan?”
Ibinalot nito sa kanya ang kappa upang protektahan siya. “Si Elektra.”
Ano bang klaseng nilalang ang kakausapin nila? Parang nakakatakot. Gusto na yata niyang bumalik sa palasyo.
Patuloy sa pag-ikot ang ipu-ipo hanggang unti-unting naglaho ang ulap. Ang natira na lang ay ang munting kulumpon ng ulap na may nakadapang isang maliit na nilalang na nakasuot ng metallic blue na gown. “Wow! Ang cute! Ano siya?”
“Hindi mo ba ako nakikilala? Ako si Elektra, ang diwata ng kidlat! Prinsipe Andros, sino ba ang babaeng ito?” maangas na tanong nito sa maliit na boses.
“Mahal na diwata, siya po ang aking magiging prinsesa. Si Yelena.”
“At bakit hindi ako kilala ng prinsesa mo?” nagtatampo nitong tanong. “Ni hindi ko nabalitaan na natagpuan mo na siya.”
“Bago pa lang siya sa Tarragon. Nanggaling siya sa isang malayong kaharian,” paliwanag ni Andros. “At bukas pa ang pagpapakilala sa kanya. Sa katunayan, dala ko ang imbitasyon para sa iyo.”
“Pasensiya na,” hinging-paumanhin niya.
“At ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” nakaismid na tanong ng diwata.
Inilabas ni Andros ang cellphone niya. “Tulungan po ninyo akong bigyan ng buhay ang sandata ng aking prinsesa.”
“Ngayon lang may sandata na nangailangan ng kapangyarihan ko.”
“Basta huwag ninyong ibubuhos ang buo ninyong kapangyarihan. Kailangan dahan-dahan lang lang,” sabi niya.
“Hindi ba dapat ay ibigay ko ang lahat ng aking lakas?”
“Kapag nangyari iyon, masisira ang cellphone ko.” Hindi niya alam kung effective ang naisip nila ni Andros. Pero ito lang ang makakatulong sa kanya.
“Hindi mo kailangang sabihin sa akin ang dapat kong gawin. Kaya ng kapangyarihan ko na umayon sa pangangailangan sa kanya.”
Itinutok nito ang daliri sa cellphone niya. Kitang-kita niya ang puting liwanag na dumadaloy sa kamay nito patungo sa cellphone. Nanlaki ang mata niya nang makitang nagtsa-charge iyon. “Effective nga! Nagtsa-charge na siya.”
“Kung ganoon, matutulog muna ako,” sabi ni Elektra at humikab. “Kahit tulog ako, dumadaloy pa rin ang kapangyarihan ko.”
Pinabayaan nila itong matulog ni Andros habang tinititigan niya ang cellphone niya. “Magagamit mo na ba ang sandata mo?”
“Hihintayin ko munang mapuno ang battery. Salamat sa tulong mo.”
“Prinsipe mo ako, di ba? Dapat lang na gawin ko ang lahat para sa iyo.”
“Thank you!” Niyakap niya ito at kinintalan ito ng halik sa labi. He deserved more than that. Pero hindi niya alam kung paano iyon Ie-express. Nahihiya siya.
He read her mind and claimed her lips. Sa pagkakataong ito, kusa na niyang ibinigay ang labi niya. She clung to him, asking for more. She could hear the low rumble of thunder. She didn’t know if it was the thunder below her or the moan from her own lips.
Naalimpungatan si Elektra sa pagkakatulog. “Tapos na ba?”
Humiwalay siya kay Andros. “Susubukan ko.” Ini-on niya ang cellphone at nagtatalon siya sa tuwa nang umilaw ang message window. “It is working! Ang galing mo, Elektra!” aniya at hinalikan ito sa pisngi.
“Para ba saan ang sandata na iyan?”
“Ito?” Inayos niya ang camera settings. “Tumingin ka dito at ngumiti ka. One, two, three!”