Love and Magic Series Chapter 12

Pero kung naghihirap siya, maaring naghihirap din ito. Sinusunod lang nito kung ano ang itinadhana dito. Baka may iba itong babaeng gusto. Pero dahil sa kanya ay kinailangan nitong iwan. At kung di niya ito tutulungan, pareho silang mapapahamak. Nabasa niya sa aklat na walang pinipili ang batas ng Tarragon. Kahit pa hari ay kailangang parusahan kung di susunod. Kailangan niya itong tulungan hanggang makumbinsi niya ito na pauwiin siya sa mundo niya.

“Andros, di ko alam kung matututo akong gumamit ng kapangyarihan.”

“Tutulungan kita. Makakaisip ka ng paraan para mamangha sila. Naniniwala ako sa iyo.”

Malakas talaga ang tiwala sa kanya ni Andros. Para namang kaya niyang mag-magic. Mahina siyang tumawa. Gusto niyang subukan. Ayaw niyang mapahiya ito. Kailangan niyang umisip ng paraan.

SAPO ni Yelena ang noo habang isa-isang pinag-aaralan ang paggamit ng mahika ng mga tao. May narinig na siyang kwento noon na kayang utusan ng mga sinaunang tao ang kalikasan. Hindi na niya magagawa pa iyon. Imposible na.

Pumasok si Andros sa aklatan. “Huwag mo nang pilitin ang sarili mo.”

“Na tumakas? Wala na iyon sa plano ko.” Mas madaling pumasok sa mundo ng engkanto ang mga tao subalit di na maari pang lumabas. Dahil isang sakripisyo ang kailangan-kukuning kapalit ang taong pinakamalapit sa puso niya. Hindi niya kayang ibigay ang kabayarang iyon at ipahamak ang malalapit sa kanya.

“Ang ibig kong sabihin, huwag mo nang pilitin ang sarili mo na gumamit ng mahika. Hindi madaling palabasin at gamitin ang kakayahang taglay mo.”

Isinara niya ang aklat. “Ayokong mapahiya tayo bukas.”

“May naisip ka na ba?”

Ngumiti siya nang alanganin. “Gusto mo bang kumanta ako at sumayaw? Kaso uulan nang malakas kapag kumanta ako.”

“Magaling! Kaya mong utusan ang ulan sa pamamagitan ng pag-awit.”

Nanlumo siya. “Andros, ekspresyon iyon sa amin. Insulto iyon sa isang tao na hindi maganda ang boses. Na kapag kumanta ay uulan.”

“Ibig sabihin, hindi mo talaga kaya?”

“I can try to sing. Pero bago pa bumuhos ang ulan, baka bumuka na ang sahig ng palasyo at inilaglag na ako sa Hades ng mga magulang mo.”

Humalakhak ito. “Ganoon ba kasama ang boses mo?”

Hinampas niya ito. “Nakakainis ka na!”

“Ang makapangyarihan ninyong makinarya, di ba iyon magagamit?”

“Walang kuryente dito sa inyo. Paano ko iyon magagamit?”

Namatay nga ang cellphone at flashlight niya nang pumasok siya sa mundo nito. Paano pa niya magagamit ang cellphone niya?

“Kuryente? Ano ang kuryente?”

“Iyon ang nagpapatakbo sa halos lahat ng teknolohiya sa mundo. Parang chakra pero sa bagay ginagamit. Kahit ang katawan ng tao ay may kuryente din. Pero hindi ko alam kung anong principle ang ginagamit doon.” Tumingin siya sa labas. Makulimlim ang langit at gumuhit ang matalim na kidlat sa malayong bundok. “Alam mo ba na ang isa sa mga tumuklas sa kuryente ay gumamit ng kidlat?”

“Ibig sabihin, kaya nating mamakuha ng kuryente dito sa mundo namin kung gagamitin natin ang kidlat?”

“Imposible! Sasabog ang mga bagay na direktang tatamaan ng kidlat. Tiyak na ganoon ang mangyayari sa cellphone ko.”

“Huwag kang mag-alala. Si Elektra ang bahala sa problema natin.”

“SAAN tayo pupunta?” tanong ni Yelena kay Andros nang paghandain siya nito matapos ang tanghalian.

“Kay Elektra. Dadalhin natin ang mga gamit mo doon.”

“Ano si Elektra? NAPOCOR? Electrician? IPP? Independent power producer?”

“Hindi ko alam kung ano ang sinasabi mo,” magkasalubong ang kilay na sabi ni Andros. “Basta ang alam ko, siya ang makakatulong sa atin.”

“Kaanu-ano mo si Elektra?” tanong niya at pinagkrus ang kamay sa dibdib. “Girlfriend mo siguro iyon dati.”

“Girlfriend? Kung maari, huwag kang magtanong ng mga bagay na di ko naiintindihan. Wala akong alam sa NAPOCOR o sa girlfriend o sa…”

Ginagap niya ang kamay nito. “Wala na akong sinabi. Punta na tayo sa NAPOCOR. I mean kay Elektra pala.”

Pumitik ito at mula sa langit ay lumitaw ang dalawang puting kabayo. May apoy ang mga paa nito at may hilang karwahe. “Halika na!”

“Dito tayo sasakay sa lumilipad na kabayo? Hindi ba tayo magte-teleport?”

“Anong teleport?”

“Yung maglalaho ka tapos nandoon ka na sa lugar na pupuntahan mo. Tulad ng ginawa mo nang mahuli mo ako dati nang tatakas ako.”

“Lubhang mapanganib sa Lupain ng Kidlat. Kahit kaming mga maharlika ay di maaring basta-basta magtungo doon dahil hinihigop ng kidlat ang kapangyarihan namin kapag gumagamit kami ng kapangyarihan. Kaya Pegasus ang sasakyan natin. Kaya nilang iwasan ang mga kidlat.”

Pikit-mata siyang sumakay sa karwahe. “Ibig sabihin lilipad tayo?”

“Ayaw mo bang nang lumilipad?”

“I am afraid of heights. Hindi nga ako sumasakay ng eroplano.” Kapag nagbibiyahe siya, puro barko o kotse ang gamit niya. Kung sasakay man siya ng eroplano, mas gugustuhin niyang matulog na lang.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.