Love and Magic Series Chapter 17

“ANDROS, kung may karapatan kang pumili ng magiging prinsesa mo, pipiliin mo ba si Halcyon?” tanong ni Yelena habang binabasa niya ang librong tungkol sa kasaysayan ng Tarragon. Nakasulat iyon sa alibata, sinaunang alpabetong Pilipino. Tinuturuan siya ni Andros na basahin iyon.

Di nito inangat ang tingin sa binabasa. “Kung siya ang pipiliin ng kuwintas.”

“Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Kung wala ang kuwintas, pipiliin mo siya?”

Tumigil ito sa pagbabasa. “Yelena, nakatadhana na kami pagkapanganak.”

“Paano kung si Halcyon ang gusto mo? Mas pipiliin mo ba ang tibok ng puso mo o ang itinakda sa iyo?”

Ngumiti ito. “Nagseselos ka ba?”

Umingos siya. “Nagtatanong lang ako.” Walang kinalaman ang selos sa tanong niya. At kahit na nagseselos siya, di niya sasabihin dito.

“Magkaibigan lang kami ni Halcyon. Parang kapatid ko siya dahil mga bata pa lang ay magkasama na kami.”

Nangalumbaba siya. “Paano kung gusto ka niya?”

“Alam niya ang nakatadhana para sa tulad ko. Igagalang niya iyon. Kaya hindi mo dapat isipin pa si Halcyon. Dahil ikaw lang ang babaeng mamahalin ko.”

“Huwag mong sabihin iyan!” saway niya dito at tinabig ito.

“Hindi mo ba gusto ang sinabi ko? Mali ba na mangako ako na magiging tapat sa iyo? Akala ko, gusto ninyong mga tao na marinig na may nagmamahal sa inyo. Ang pag-ibig ang pinakamagandang bagay.”

“Andros, hindi mo basta-basta dapat sabihin na mahal mo ako. Mas mahalaga ang nararamdaman. Walang halaga ang isang salita kung wala sa puso. Huwag kang magsasalita nang kahit ano tungkol sa pagmamahal kung wala kang alam tungkol doon. Makakasakit ka lang.”

Inis siyang lumabas ng silid. She felt deceived. Hindi niya kailangan ng isang puppet. Na sasabihin na mahal siya nito dahil iyon ang gusto niyang marinig at dahil siya ang nakatakda para dito. Mas gusto niyang marinig mula sa puso nito ang totoo.

Ang masakit, parang di lang siya ang niloloko ni Andros sa pagsasabing mahal niya ito kundi maging ang sarili nito.

TAHIMIK si Yelena habang pinakikinggan ang hinaing at suliranin ng mga mamamayan ng Tarragon. Puno ang bulwagan ng mga nais sumangguni sa hari. Pinag-aaralan niya ang ugali ng bawat isa at kung paano humatol ang hari. Pati na rin ang judgment ni Andros kapag hinihingan ito ng opinyon. Gusto niyang malaman kung anong klaseng nilalang ang nakatakda niyang pamunuan.

“Mahal na Haring Demetrius, dumudulog sa inyo ang tapat ninyong mamamayan na si Damascus, mula sa Lupain ng Bahaghari,” anunsiyo ni Victorino.

Pumasok ang isang nilalang na sa tantiya niya ay tatlong pulgada ang taas. Nakasuot ito ng damit na tulad ng sa isang payaso na iba’t iba ang kulay. Kapuna-puna ang paika-ika nitong paglalakad. “Mahal na Hari, isa pong tao ang nakatapak sa akin habang ako ay sumasalok ng tubig. Isa siyang mangangahoy na di kalayuan ang tahanan sa lagusan. Nais ko po siyang maparusahan.”

Ayon sa nabasa niya, ang Lupain ng Bahaghari ay isa sa mga lugar na mahina ang harang sa mundo pagitan ng engkanto at tao. May bahagi ang naturang lupain na hindi matukoy kung bahagi pa rin ng mundo ng tao at engkanto at ang parehong nilalang ay malayang nakakagalaw.

“Anong parusa ang nais mong ipataw sa kanya?” tanong ni Haring Demetrius.

“Nasugatan ang aking paa. Dapat lang na paralisahin din ang paa niya. Idarang sa apoy upang di na siya makalakad pa,” mariing wika ni Damascus.

“Tama! Iyon ang tama!” sigaw ng konseho ng hari na kasangguni nito.

“Sandali!” Tumayo siya mula sa kinauupuan. “Hindi ako pumapayag.”

“Ano ang problema, mahal na prinsesa?” tanong ni Victorino.

“Hindi makatarungan ang gusto ninyong mangyari.”

“Paanong hindi makatarungan ang aming hatol? Nasaktan si Damascus. Ayon sa aming batas, dapat parusahan ang may sala.”

“Naniniwala ako sa batas. Pero hindi sinasadya ng mangangahoy ang pagkaka-apak kay Damascus,” katwiran niya. “Hindi niya kayo nakita.”

“Pinalalabas ninyo, mahal na prinsesa, na kasalanan namin dahil di kami nakikita ng mga tao?” tanong ni Victorino.

“Wala akong sinisisi. Pang-unawa lang ang hinihingi ko sa inyo,” apela niya. “Ikaw ang nakakaalam, ikaw ang umunawa. May pamilya ang mangangahoy na iyon na mahihirapan kapag nagkasakit siya.”

“May pamilya din po ako, mahal na prinsesa,” katwiran ni Damascus. “At lahat sila ay sang-ayon na patawan din ng parusa ang taong nanakit sa akin.”

“Gagaling ka ba kapag nakaganti ka? May magagaling na manggagamot sa kahariang ito na kaya kang pagalingin sa isang iglap. Makakabalik ka sa dati mong gawain. Narito rin ang mga taga-Tarragon para alalayan ka. Di tulad ng mangangahoy na iyon. Kapag nagkasakit siya, paano kung wala siyang pampagamot? Kung wala siyang mahihingan ng tulong? Mahirap lang ang isang mangangahoy. Magugutom ang pamilya niya. Kung ikaw ang naging tao, gusto mo rin ba na parusahan ka sa kasalanang di mo naman alam?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.