Love and Magic Series Chapter 18

Napayuko si Damascus. “Hindi po, mahal na prinsesa.”

“Damascus, nakahanda na ang mahal na hari upang ipataw ang parusa,” anunsiyo ni Victorino.

Yumukod si Damascus. “Hindi na po. Pinapatawad ko na po ang mangangahoy na nakasakit sa akin. Tama po ang mahal na prinsesa.”

Nasentro sa kanya ang atensiyon ng lahat. Subalit hindi nasiyahan ang mga ito sa ginawa niya dahil puno ng disgusto ang tingin ng mga ito. Parang gusto siyang tustahin. “Pagpapatawad? Kalokohan! Maari ba iyon?” bulung-bulungan ng marami.

“Mahal na prinsesa, labag sa batas ang ginawa ninyo!” wika ni Victorino.

“Kailan pa naging labag sa batas ang magpatawad?” tanong niya. “Ano ang masama? Kung Diyos nga nagpapatawad, tayo pa kaya na nilalang lang Niya?”

“Ang kalikasan ay di nagpapatawad kapag humatol. At sinusunod lang namin ang batas ng kalikasan. May katumbas ang lahat ng bagay.”

“Dahil sa pagpapatawad ay nalalapastangan ang batas,” wika ng hari.

“Pero iyon ang utos ng Diyos!”

“Na inaabuso ninyong mga tao,” dugtong ni Victorino. Sumang-ayon din ang iba pa sa bulwagan. “Masama kayo.”

“Likas na mabuti ang tao,” kontra niya. “Maaring naiimpluwensiyahan kami ng hindi maganda dahil nilalang ang mundo na magkahalo ang mabuti at masama. Pero marunong kaming magbigay sa kapwa namin at nagpapatawad kung nais namin.”

“Pagpapatawad? Napakadali sa inyong mga tao na gumawa ng kasalanan at pagkatapos ay humingi ng tawad. Akala ninyo ay kayo ang paborito ni Bathala dahil nilalang niya kayo na kawangis Niya?” singhal ni Victorino. “Kahangalan! Samantalang walang ginawa ang mga tao kundi sirain ang mundo.”

“At nagseselos kayo sa amin dahil espesyal kami?” sansala niya.

“Lapastangan!”bulyaw ni Victorino.“Mahal na hari, lumalabis na ang prinsesa!”

“Tama na!” saway ni Haring Demetrius at tumahimik ang bulwagan. “Ayoko nang magkakaroon pa ulit ng ganitong pagtatalo, Punong Ministro Victorino, Prinsesa Yelena. Napatawad na ni Damascus ang tagalupa. Papasukin ang susunod na dudulog.”

Tumahimik siya subalit naglaban ang tingin nila ni Victorino. Naramdaman niya ang paggagap ni Andros sa kamay niya. Hindi ito nakatingin sa kanya at di rin nagsasalita. Wala siyang mabasa sa mukha nito subalit parang sinasaway siya nito. Bumigat ang loob niya. Pakiramdam niya ay mag-isa siya sa labang iyon.

MAG-ISA si Yelena sa hardin habang nagkakasiyahan sa loob ng palasyo. Kahit kailan ay di niya pinangarap na pumunta sa ganoong mundo at maging prinsesa. All she wanted was to go home. Sa mundo na kahit magulo ay mas naiintindihan niya ang mga tao at naiintindihan niya ang mga ito. Di tulad sa mundong iyon na bagamat perpektong tingnan ay di naman siya kabilang.

“Mahal na prinsesa, huwag ka nang malungkot,” anang munting boses.

Luminga siya. Wala naman siyang makita. “Sino ka?”

“Nandito kami,” sagot nito.

Tumingala siya at nakita ang nagliliparang alitaptap. “Nagsasalitang alitaptap?”

Nasundan iyon ng hagikgikan. Unti-unting bumaba ang mumunting liwanag mula sa puno. Ngumiti siya at inilahad ang palad. Nagulat siya nang naging isang munting diwata na may pakpak ang alitaptap. Maya maya ay naging diwata na rin ang iba pang alitaptap. Napatili siya kasabay ng halakhak may kumiliti sa tainga niya.

“Natutuwa ako dahil napatawa ka nila,” sabi ni Andros. Kumumpas ito at bumalik sa pagiging alitaptap ang mga diwata. Lumipad ang mga ito pabalik sa puno. “Bakit wala ka sa kasiyahan?”

“Anong gagawin ko doon? Lahat naman kayo ayaw sa akin.”

Hinawakan nito ang baba niya. “Sino ang may sabing ayoko sa iyo?”

“Hindi ba galit ka sa akin? Galit kayo sa mga tao.” Patunay na di siya nito kinampihan kanina. Samantalang dati ay ipinagtatanggol siya nito.

Ngumiti ito. “Galit ang mga kauri ko sa mga tao. Nasa kanila ang pinaka-mahalagang biyaya ni Bathala. Ang pagmamahal, pagpapatawad at ang kalayaan. Kaya isinara namin ang mundo namin sa mga tao dahil sa pang-aabuso nila sa lahat ng biyayang iyon. At sa mahabang panahon, ang batas ng Tarragon ay nanatiling batas. Pero ngayon lang may bumanggit sa amin tungkol sa pang-unawa at pagpapatawad.”

“Masama ba iyon dahil nasisira ang mga patakaran?”

“Hindi. Kung para ito sa ikabubuti ng lahat at titiyakin ng bawat isa na gagamitin nila iyon sa tamang paraan. Ngayon ko naiintindihan kung bakit ikaw ang pinili ng Luha ng Hari na maging reyna ko. Wala ka ngang kapangyarihan pero may puso ka naman. Iyon ang maari mong ibahagi sa amin.”

Sumandal siya sa puno. “Pero tutol silang lahat sa akin.”

Itinukod nito ang kamay sa puno. “Ikaw ang prinsesa ko at poprotektahan kita.”

Unti-unting lumapit ang mukha nito. Pumikit siya at hinintay ang paglapit ng mukha nito sa kanya. Napadilat siya nang makarinig ng hagikgik. Parehong umangat ang tingin nila sa mga diwata na nakasilid sa dahon ng puno.

Tumawa lang sila ni Andros at tuluyan nang nagsanib ang mga labi nila. Nagugustuhan na niyang maging prinsesa nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.