Love and Magic Series Chapter 68

“Pero mukhang mahalaga ang pulseras na ito sa iyo.”

“Mas kailangan mo iyan kaysa sa akin.”

“Masyado pang maaga para ibigay mo ito sa akin. Hindi ko pa naman kaarawan, hindi ba? Dapat ibinibigay ang regalo sa mismong kaarawan ko.”

“Gusto ko na ako ang unang magbibigay ng regalo sa iyo. Gusto ko na makita kang masaya,” anito habang di inaalis ang tingin sa kanya.

Niyakap niya ito. “Salamat. Iingatan ko ang regalo mo sa akin.” Sa pakiwari niya ay iyon ang pinakamagandang regalo na nakuha niya.

“Salamat lang?”

Ngumiti siya at inangkin ang labi nito. Nang gabing iyon ay naging maapoy ang kanilang pag-iisa. Ibinigay niya dito nang buo ang sarili. Maging ang posibilidad na magkaroon sila ng anak ay binalewala niya. Di na niya kontrolado pa ang sarili.

Ganoon pala ang magmahal. At sa kanyang pagbabalik ay sasabihin na niya kay Cid na mahal niya ito.

NAGMAMADALING bumalik si Liatris sa palasyo. Sa tatlong araw na pagninilay ay lalo lang tumibay ang desisyon niya na sabihin kay Cid na mahal niya ito. Gusto rin niyang malaman kung ano ang nararamdaman nito sa kanya. Hinawakan niya ang pulseras na bigay nito. Pero natitiyak niyang mahal din siya nito.

Papasok siya sa silid niya nang isang kawal ang humahangos na lumapit sa kanya. “Prinsesa Liatris, isa po sa mga bihag ang nakatakas.”

“Alam na ba ito ng aking ina?” tanong niya.

“Opo, mahal na prinsesa.”

“Kung ganoon ay hanapin ninyo ang nakatakas. Mauna na kayo sa paghahanap. Susunod na ako.” Kampante siya na mahahanap ng mga ito ang nakatakas na alipin. Sa pamamagitan ng metal na nakatali sa leeg ng mga ito ay kayang-kaya pa rin na kontrolin ang bihag. Di ito makakalayo.

Pumasok siya sa kuwarto niya at inilapag ang gamit. Pagkatapos ay tumuloy siya sa kuwarto ni Cid. Gusto muna niya itong makita bago siya sumama sa paghahanap sa nakatakas na bihag.

“Cid?” nakangiti niyang tawag sa pangalan nito. Nagulat siya nang makitang wala na ito sa silid. “Cid!” Inilabas na ito ng silid habang wala siya? O baka isinama ito sa mga bihag. Sa gitna ng kama ay naroon ang metal na kuwintas na bumihag dito. “May nagtanggal ng kuwintas sa leeg niya?” Naipilig niya ang ulo. Kahit sa kamatayan ng isang alipin ay di inaalis ang kuwintas. Nakuyom niya ang malamig na metal sa kamay. “Nakatakas siya? Imposible!”

Walang sinuman sa mga Vinca ang magpapatakas dito. Kamatayan ang kapalit ng pagpapatakas sa isang bihag. At mas higit na di kapani-paniwala kung nagawa ni Cid na tanggalin ang kuwintas nang mag-isa. Lubhang makapangyarihan ang kuwintas na iyon. Sa ordinaryong lakas ni Cid, di nito matatanggal ang kuwintas.

Lumabas siya ng silid dala ang kanyang armas. Ngayon ay dalawa na ang kailangan niyang hanapin. Si Cid at ang isa pang bihag na tumakas.

“Prinsesa Liatris, nalinlang po kami ng alipin,” ulat ng isang kawal sa kanya.

“Ano? Paano kayong nalinlang?”

“Natanggal po niya ang kuwintas.” Inabot nito sa kanya ang kuwintas. “Natagpuan po namin ito na nakahimlay sa damuhan sa bandang Kanluran. Ito ang sinundan namin. Pero wala naman po ang alipin doon. Ngayon po ay di na namin alam kung maghahanap. Kailangan po namin ang tulong ninyo.”

Napatingala siya sa bilog na buwan. Mahina ang kapangyarihan nilang mga engkanto sa gabing iyon. Pero lubha pa ring nakapagtataka kung paanong makakatakas ang mas nanghihinang engkanto.

“Di rin ako sigurado sa kapangyarihan ko. Magkanya-kanya tayong direksiyon. Sa Silangan ako,” sabi niya at naglaho sa pamamagitan ng apoy.

Parang bulalakaw siyang pumailanlang sa kalawakan patungo sa Silangan. Doon niya nararamdaman si Cid. At may isa pa itong kasama. Kung ganoon ay magkasama ang dalawa. Maaring magkakilala ang mga ito.

Naramdaman niya ito malapit sa hangganan ng teritoryo. Lumapag siya sa harap ng mga ito. “Liatris?” gulat na wika ni Cid. Pasan-pasan nito ang kasmaang bihag. “Ayokong labanan ka. Kaya pabayaan mo na kaming makaalis.”

“Hindi kayo pwedeng dumaan diyan,” sabi niya. “Bagamat mahina ang kapangyarihan at harang namin kapag bilog ang buwan, gumawa kami ng paraan para di pa rin kami pasukin ng taga-ibang kaharian. Mamamatay ka kapag diyan kayo dumaan. May alam akong ibang lagusan na ligtas kayo.”

“Huwag kang maniwala sa kanya, Cid,” umuungol na sabi ng isa pang bihag. “Maaring patibong lang ito para sa atin. Papatayin nila tayo kapag nahuli nila tayo.”

May pagsusumamo sa mga mata niya nang tingnan si Cid. Gusto niyang sabihin dito na di niya ito sasaktan. “Nararamdaman ko na paparating na ang ibang mga Vinca. Magmadali ka. Baka maabutan pa nila kayo.”

“Saan ang lagusan na sinasabi mo?” tanong ni Cid.

Napangiti siya. Ibig sabihin ay may tiwala ito sa kanya. “Dito!”

Sinuyod nila ang kagubatan. Sa kabila ng mabilis nilang galaw ay nararamdaman niya ang unti-unting pagdami ng mga Vinca na humahabol sa kanila. Maaring nagsama-sama ang kapangyarihan ng mga ito para matunton sila Cid. Papalapit nang papalapit ang mga ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.