Love and Magic Series Chapter 67

Napahikab si Liatris. Katatapos lang niyang maligo at oras na para matulog. Pumasok siya sa silid kung saan naroon si Cid. Nabungaran niya itong nakahiga sa kama habang nagbabasa ng libro na naiwan niya sa mesa nang nakaraang gabi.

Mabilis nitong isinara ang libro at ibinalik sa dating kinalalagyan. “Paumanhin. Di ko gustong pakialaman ang gamit mo. Naiinip na ako dito. Kaya naisipan ko na magbasa na lang.”

“Hindi ko alam na marunong ka palang magbasa.” Di marunong magbasa at magsulat ang mga lalaki sa kanila. Tanging mga babae lamang ang nakakapag-aral.

“Lahat sa kaharian namin ay nagbabasa at nagsusulat. Kahit ang mga alipin ay may inilaan na panahon para makapag-aral,” kwento nito.

“Hindi namin nakikita ang dahilan kung bakit pa sila pag-aaralin,” katwiran niya. “Pero pwede mong basahin ang libro kung gusto mo. Kukuha pa ako sa aklatan ng iba para may mabasa ka pa.”

“Salamat. Mahilig akong magbasa,” anito at ngumiti. Kinuha nito ang libro at binuklat. Pero di naman nito binasa. “Marami kayong magagandang produkto sa kaharian ninyo. Nakita ko sa pamilihan. At sabi dito sa aklat, masarap ang ginagawa ninyong alak mula sa inyong ubasan.”

“Tama ka.” Dumungaw siya sa bintana at pinagmasdan ang bahagyang naaaninag na Bulkang Vitaliz. “Isa iyan sa mga biyaya sa amin ng bulkan. Mataba ang lupa na tinatamnan namin.”

“Bakit hindi ninyo subukang makipagkalakalan sa ibang kaharian? Magaganda ang mga produkto ninyo. Tiyak na malaki ang itutulong nito sa kaharian ninyo.”

“Sino ang magnanais makipag-ugnayan sa isang kaharian na pinamumunuan ng isang babae? Sinubukan iyon dati ng isa sa aming mga reyna. Pero dinigma lang kami ng mga lalaki at sinubukang sakupin ang aming lupain. Nanalo kami subalit pinili naming isinara ang pakikipag-ugnayan sa ibang kaharian. Mas nais naming mamuhay ng tahimik. Ayaw na naming muli pang kontrolin ng mga lalaki.”

“Pero nakikipag-ugnayan kayo sa mundo ng mga tao.”

“Si Achillea ang may gustong pumunta doon. Nagsasawa na daw siya sa mga alipin na pinipilit. Isa pa, wala namang alam ang mga tao tungkol sa amin. Tingin nila ay kauri nila kami. Tulad mo, di nila alam kung sino ka talaga.”

“Isa lang ang masasabi ko. Di lahat ng kaharian ay makikidigma sa inyo. Di lahat ay pagtatangkaan kayong sakupin. At di rin lahat ng lalaki ay masama. May mga lalaki rin na mapagmahal at di nananakit ng babae.”

“Sinasabi mo ba na marami pa akong hindi alam? Nagbabasa ako ng mga aklat. Alam ko kung ano ang mayroon sa bawat kaharian. Kung anong uri ng mga tao ang nakatira doon.” Parang iniinsulto nito ang kaalaman niya.

“Ang sinasabi ko, ito lang mundong ito ang nakikita mo. Nagbabasa ka nga ng aklat ngunit mo naranasang makasalamuha ang ibang mga nilalang. Kung magiging reyna ka, bakit di mo subukang makipag-ugnayan sa iba?”

Umupo siya sa kama. “Di ko alam. Kuntento na kami sa ganito.”

“Kung magiging hari ako, pipilitin kong makipagkalakalan sa inyo. Marami ring bagay sa kaharian ninyong mga Vinca ang dapat ipagmalaki.”

“Kung magiging hari ka,” nasambit niya.

Bigla itong natigilan. Pagkuwan ay lumungkot ang anyo nito at tinalikuran siya. “Oo nga pala. Hindi nga pala ako magiging hari.”

Saka niya naalala ang pagkakamali. Isa nga naman itong alipin kahit di iyon ang nakatakda dito. Mukhang nasaktan niya ito. “Cid, galit ka ba?”

Umiling ito pero di siya sinulyapan man lang. “Wala akong karapatang magalit. Alipin lang ako dito. At habambuhay akong magiging alipin.”

Pilit niya itong ihinarap sa kanya. “Huwag ka nang magalit, pwede? Hindi ko gusto na saktan ka.” Dati ay wala siyang pakialam sa nararamdaman ng mga alipin niya. Iyon ang itinuro sa kanila. Ngayon ay di niya magawang balewalain ang nararamdaman nito. Kapag nasasaktan ito ay nasasaktan na rin siya.

Ngumiti ito pero di umabot sa mga mata nito. “Huwag mo akong pansinin. Wala naman sa akin ang sinabi mo.”

“Ayokong may galit ka sa pag-alis ko bukas.”

“Bukas aalis ka? Saan ka pupunta?” tanong nito.

“Pupunta ako sa paanan ng bulkan. Kailangan kong magnilay-nilay. Malapit na ang kaarawan ko. Kaya dapat mag-ipon ako ng lakas at kapangyarihan. Iyon ang ginagawa ng bawat pinunong Vinca at mga susunod pa.”

“Kailan ang kaarawan mo?” tanong nito.

“Tatlong araw matapos ang kabilugan ng buwan. Pero nakabalik na ako sa pagbilog ng buwan. Iuutos ko sa kanila na huwag kang ialis sa silid na ito.”

Tinanggal nito ang pulseras sa kamay nito. “Iunat mo ang kamay mo.”

Sumunod siya dito. “Bakit?” tanong pa rin niya.

Isinuot nito ang pulseras sa kamay niya. “Ito ang regalo ko sa kaarawan mo.”

“S-Sa akin na ito?” di makapaniwala niyang usal. Itinaas niya ang kamay. Tumama ang palamuting bato ng pulseras sa liwanag ng apoy at naging pula iyon ang dating berde na bato.

“Ang bato na iyan ay tumutulong na palakasin ang pakiramdam mo sa mahihirap na sitwasyon na di mo na kayang mag-isip. Bilang pinuno, kailangan mo ang batong iyan para sa tamang pagdedesisyon sa lahat ng mga Vinca.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.