“ANG KISIG! Totoo ba iyan, Kuya? Kaya mong makipaglaro sa mga alon katulad sa nabasa kong kwento?” narinig ni Esmeralda na namamanghang tanong ni Mary Rose, isa sa mga batang nakapaikot kay Richard sa sala.
Alas otso y media na noon ng gabi at kailangan na niyang patulugin si Jeremy. Pero libang na libang pa ito sa mga kwento ng binata. Nang usisain ito ng mga bata matapos ang hapunan, akala niya ay magsusuplado ito o kaya ay magkukulong na lang sa kuwarto. Pakiramdam kasi niya noong una ay di ito komportable sa mga bata at wala itong pasensiya lalo na sa makukulit. Subalit ngayon ay libang na libang ito sa pagkukwento. Tungkol iyon sa mga lugar na nadalaw na ng binata at sa iba’t ibang sports na nagawa nito. Di niya alam kung alin doon ang totoo at hindi. Alam niyang may kaya ang binata pero talaga bang napuntahan na nito ang lahat ng mga lugar na iyon na sa libro lang yata niya nabasa.
“Sabi ko sa inyo napanood ko sa malaking TV sa bahay ni Kuya Aiden. Ayaw lang ninyong maniwala na may tao talagang nakakapaglaro sa ibabaw ng alon. Surfing ang tawag doon.”
“Ano pa po ang kaya ninyong gawin bukod sa makipaglaro sa alon?” tanong ng batang si Buboy.
“Paborito ko ang lumipad,” sagot naman ni Richard.
“Lumipad po sakay ng eroplano o baka po skydiving. Nakakita na ako ng ganoon. Isinama ako ni Kuya Aiden sa isang show,” anang si Jeremy na hindi na namamangha sa mga kwento ni Richard. Animo’y nakikipagpaligsahan ito sa lalaki at sa mga bagay na naipakita na ni Aiden dito.
“Hindi. Kaya ko mismong lumipad nang hindi lang basta bumabagsak o ihinulog lang sa eroplano. Nakasuot ako ng tinatawag na wingsuit. Nakakalipad ako parang isang ibon o isang flying squirrel.”
At ipinaliwanag nito kung paano nagagawa iyon. Kahit si Jeremy ay hindi na nakakontra sa pagkakataong ito at namangha na lang sa mga kwento ng binata.
“Hindi po ba delikado iyon?” tanong ni Jeremy na puno ng interes.
“Di natin alam kung hanggang kailan lang tayo sa mundo. Kaya habang buhay pa tayo, magawa natin ang mga bagay na nagpapasaya sa atin. YOLO.”
“YOLO?” sabay-sabay na tanong ng mga bata.
“You Only Live Once,” paliwanag ni Richard. “Minsan lang tayo mabubuhay sa mundong ito.”
“Minsan lang akong mabubuhay sa mundong ito kaya gusto kong makalangoy sa ilalim ng dagat at makita ang maraming mga isda,” sabi ni Izza.
“Gusto ko naman maakyat ang pinakamataas na bundok kaya ni Kuya Richard. Idol ko na siya,” sabi Buboy at sumaludo.
“Gusto kong gawin lahat ng ginawa ni Kuya Richard,” sabi ni Jeremy. Tumayo ito at itinaas ang dalawang kamay. “Aakyat ako sa Mt. Everest, sasakay ako sa alon at lilipad ako na parang flying squirrel. Kuya Richard, ikaw ang bahala sa akin ha?”
“Oo naman. Ilang oras lang ang Pacific Ocean mula dito.Magandang mag-surfing doon. Isasama ko pa kayong lahat,” pangako ni Richard sa mga ito.
“Ako ang una mong turuan ng surfing, Kuya Richard,” pakiusap ni Jeremy. “Gusto kong masubukan.”
“E di ba may sakit ka?” tanong ng kalaro nitong si Lea Fe.
“Hindi ka dapat malimitahan ng sakit mo o kung may kapansanan ka. Walang imposible,” sabi ni Richard.
“Oo nga. Saka minsan ka lang mabubuhay sa mundo. YOLO!” segunda naman ni Jeremy at isinuntok ang kamao sa kamao ni Richard.
Naalarma si Esmeralda. Pinangakuan ni Richard ang kapatid niya na tuturuang mag-surfing? Hindi iyon birong sports at delikado na basta nalang isubo ang kapatid niya sa nakakapagod na aktibidades. Binibigyan ng lakas ng loob ng lalaki na gawin di lang kapatid niya kundi pati ng ibang bata ang mga bagay nang di nag-iisip kahit na gaano ka kadelikado. Inalagaan niya ang kapatid niya at ingat na ingat siya sa kondisyon nito. Ayaw niyang umasa ito sa mga bagay na di posibleng mangyari kung siya lang ang masusunod.
“Mga bata, magsitulog na. May maglalatag pa dito sa sala. Kailangan nang magpahinga dahil marami pang gagawin na bahay bukas ang mga magulang ninyo. Okay?” utos ni Esmeralda at pumalakpak. Iminuwestra niya ang palad para palapitin si Jeremy. “Matulog na tayo. Tama na ‘yang YOLO-YOLO na iyan.”
“Ate naman. Killjoy ka talaga kahit na kailan,” kakamot-kamot ang ulong angal ng kapatid.
“At saan mo naman natutunan ‘yang killjoy na iyan?” tanong niya at pinanlakihan ito ng mata. Susukot-sukot na lang na sumunod sa kanya ang kapatid.
“Good night, Jeremy. Sweet dreams, Esmeralda,” nakangiting sabi ni Richard. Isang tango lang ang ibinigay niya dito at inakay na patungo sa kuwarto ang kapatid.
“Ate Esmie, sama ka rin sa amin ni Kuya Richard. Mag-aral ka rin ng surfing,” excited na sabi ng kapatid habang binibihisan ito ng pantulog.
“Wala tayong oras sa surfing-surfing na iyan. Delikado iyon,” giit niya.
“Takot ka lang e! Hindi naman yata nakakatakot iyon. Tingnan mo si Kuya Richard...”
“Si Richard iyon. Libangan na yata niyang ilagay sa alanganin ang buhay niya pero hindi ako ganoon, Jeremy. Hindi mo rin muna dapat iniisip ang surfing o iba pang delikadong aktibidades dahil hindi pa kaya ng katawan mo. Nagpapagamot ka pa,” paalala niya sa kapatid. Di niya isasakripisyo ang sarili niyang kalayaan at prinsiyo sa para mapagamot ito pero sa huli ay hahayaan lang pala niya itong mawili sa mga delikadong bagay o isipin man lang iyon.
Lumungkot ito. “Minsan lang kasi ako mabubuhay, Ate.”
Umupo siya at pinisil ang kamay nito. “Isipin mo iyon kapag gumaling ka na.”
Yumuko ito. “Paano kung hindi na ako gumaling? Ibig sabihin hindi na ako makakapag-surfing o makakaakyat sa mataas na bundok.”
Sinakmal ng takot ang dibdib niya. Kinabig niya ng yakap ang kapatid. “Huwag mong sasabihin iyan. Gagaling ka. Kahit anong mangyari, gagaling ka.”
Marami na siyang sakripisyo para sa kapatid. Hindi siya papayag na ngayon pa ito manghina at mawalan ng pag-asa.
“Gusto ko lang namang maranasan ang buhay ng normal na bata. Madalas hindi nakikipaglaro ang mga bata sa akin dahil mahina ako.” Humikbi ito. “Ayoko nang maramdaman na mahina ako. Na laging may kulang sa akin. Hindi ako tinatrato ni Kuya Richard na mahina. Siya lang ang ganoon sa akin. Sabi niya wala daw imposible basta gusto ko.”
Kung alam lang nito kung gaano niya kagusto na maging malakas ito para di na nito maramdaman na may kakulangan sa buhay nito. Hindi naiintindihan ng kapatid niya ang sinasabi nito. Bagamat gusto niyang palakasin ang loob nito, hindi niya ito isusuong sa panganib. Kailangan pa rin nilang mabuhay sa realidad. Hindi niya isusugal ang kalusugan nito para sa pansamantalang kaligayahan.
Sinapo niya ang pisngi nito at pinahid ng daliri ang luha. “Intindihin mo naman ako, Jeremy. Mahalaga sa akin na gumaling ka muna at di kita pwedeng hayaan na gumawa ng mga bagay na pwedeng pagpahirap pa lalo sa kondisyon mo. Isipin mo muna ang pagpapalakas mo. Makakapag-surfing ka rin. Mararating mo rin ang mga lugar na gusto mong puntahan basta isipin mo muna ang pagpapagaling mo. Huwag mo munang intindihin ang surfing na pangako ni Sir Richard.”
“Pwede bang kahit sa swimming sumama tayo, Ate?”
Bumuntong-hininga siya. “Saka na natin pag-usapan kapag malapit na ang araw na iyon.” O kung magkakatotoo man.
Hindi pa naman nakakabalik ang lalaki sa pamilya nito. Hindi niya alam kung maalala pa nito ang San Luis at ang mga tao doon paglipas ng ilang araw. Ang alam lang niya sa ngayon ay pangako lang ang lahat sa ngayon. Ayaw niyang umasa ang kapatid niya sa isang pangako na malabo pang matupad.