Loving The Man Without A Heart (Filipino) Chapter 13

INABALA ni Esmeralda ang sarili sa pag-aasikaso sa mga kababaryo niyang nanunuluyan pa rin sa kanya. Bali-balita na sa de bateryang radio na tanging gumagana sa kanila ang pagguho ng lupa sa bundok, mga bahay na natabunan at mga buhay na nawala. Nakakapangilabot at parang di makatotohanan dahil ligtas sila sa kanilang baryo. Hindi man sila mayaman pero nakapaghanda sila sa sakuna at ligtas silang lahat.

“Paano nga pala ang bisita natin? Matatagalan pa sila dito. Ni hindi pa niya matawagan ang pamilya niya. Baka nag-aalala na ang mga iyon sa kanya,” sabi ni Mang Kadyo na abala sa pagpaparingas ng kahoy para sa lulutuing tanghalian. Tig-isang talyaseng kanin at ulam ang kailangan nilang lutuin.

“Saka mukhang naiinip siya dito. Baka mas sanay siya sa lungsod. Ni ayaw lumabas sa kuwarto niya mula pa kanina. Di nakikihalubilo sa amin,” sabi ni Manang Dorya. “Paano nga naman ay walang natira sa kanya na kahit ano. Hindi pa siya makabalik sa buhay na nakasanayan niya. Ni wala tayong kuryente dito.”

“Wala naman po tayong magagawa doon. Hindi naman natin maibibigay sa kanya ang karangyaang nakasanayan niya. Mahalaga sa ngayon ay ligtas siya at may matutuluyan. Makakabalik din siya sa kanila kapag maayos na ang panahon at ang kalsada. Kailangan niyang magtiis sa ngayon at sa maibibigay natin.”

Kung si Esmeralda ang masusunod, gusto niyang makabalik na ang lalaki sa Maynila. Banta ito sa nananahimik niyang puso. Di niya alam kung bakit nabubulabog siya sa presensiya nito.

Konsensiya pa rin naman niya kung anuman ang mangyari dito habang nasa pangangalaga niya. Responsibilidad pa rin niya ito at kailangan niyang isantabi ang personal niyang nararamdaman dito.

Lumapit sa kanya si Cynthia Lyn. “Ayaw niyang kumain.”

“Anong ayaw niyang kumain?”

“Yung agahan na idinala ko kanina di niya kinain. Saka aaalis na daw siya.”

“Aalis? Anong aalis? Saan siya pupunta?”

“Uuwi na daw siya. Kailangan na daw niyang bumalik sa Maynila. Mukhang hindi na siya magpapapigil.”

Nababaliw na yata ang lalaking iyon. “Ako na ang kakausap sa kanya.”

Buong umaga niya itong iniiwasan pero kailangan na niya itong harapin ngayon. Nagmartsa siya patungo sa kuwarto nito at kinatok ang pinto. “Pasok!” narinig niEsmeralda na sigaw ni Richard.

“May problema ba?” tanong niya at sumandal sa hamba ng pinto habang pinapanood ito sa patuloy napagpapabalik-balik ng lakad.

Saka lang ito tumigil nang marinig siya.

“Salamat sa pagpapatuloy sa akin. Thanks for helping me. Pero masyado na siguro akong pabigat dito. Gusto ko nang umalis,” sabi nito.

Tumaas ang kilay niya. “Paano mo namang nasabing pabigat ka?”

“I hate being a charity case. Hindi naman ninyo ako kailangang asikasuhin pa at alalahanin. Sigurado ako na may ibang tao na mas nangangailangan ng tulong mo.” Itinaas nito ang baba na parang sinasabi na di nito kailangan ang tulong niya dahil mas mababa ang katayuan niya sa buhay kumpara dito. Ayaw nitong tumanggap pa ng tulong mula sa kanya.

Mataas ang pride ni Richard. At maraming tao ang napapahamak at nabubulagan dahil sa taas ng pride. Kailangan na lang niya itong unawain.

“Pagdating ng trahedya, wala namang mahirap at mayaman. Lahat tayo apektado. Lahat naman tayo pwedeng magtulungan. Ganoon kasi kami dito sa baryo namin. Lahat handa naming tulungan para makaahon. Kaya huwag mong isipin na pabigat ka. Dito ka muna at magpagaling hanggang makakabalik ka na sa inyo,” malumanay niyang paliwanag sa lalaki. “Kumain ka na. Kailangan mong magpalakas.”

“I am fine! At busog ako. Hindi ako matatahimik hangga’t di ako nakakabalik sa amin. I... I have so much responsibilities. Kailangan kong asikasuhin ang trabaho ko dahil maraming tao ang umaasa sa akin. Ire-report ko rin ang nangyari sa kotse ko at ang pagkawala ng mga gamit ko. Gusto kong magpasundo.”

Inilabas niya ang cellphone. “Wala pa ring signal dito sa ngayon. Sorry.”

“I need to find a place where I can place a call. Kung hindi ako aalis dito, baka hindi ako makahingi ng tulong. And my company will be in chaos. You have no idea what kind of panic my loss would bring to everyone,” anito at isinuklay ang daliri sa buhok nito. Nagpatuloy ulit ito sa pagbabalik-balik ng lakad.

Tiningnan niya ang pagkaing di nito nagalaw. O baka mababaliw ito kapag nagtagal pa sa isang lugar na walang kuryente, walang cellphone, walang masasarap na pagkain at magsisilbi dito parang isang prinsipe. Sinusubukan naman nila kahit paano ay maging komportable ang pananatili nito lalo na si Cynthia Lyn na kulang na lang ay ito pa ang magpaligo sa lalaki.

Pero marahil ay hindi pa rin iyon sapat sa lalaki.

“I’m sorry pero hindi ka pa makakabalik ng Manila,” sabi ni Esmeralda sa malamig na boses.

“Why the hell not?” tanong nito sa awtorisadong boses. Boses na bihasa itong gamitin marahil sa mga tauhan nito. “Wala nang malakas na ulan o hangin. Bakit hindi pa rin ako makakabalik sa Manila?”

Tumayo siya nang tuwid dahil naririndi siya na makarinig ng awtorisadong boses. Ipinaaalala nito si Amadeus, ang nakatatandang kapatid ni Aiden. Naiinis siya sa ganoong tono ng boses niyo. Na akala mo’y kayang gawing posible ang imposible sa isang kisap-mata. Palibhasa ang alam lang ay mag-utos.

“Una, mataas pa ang tubig sa ilog. Dahil putol ang tulay, hindi madali para sa mga sasakyan ang makatawid lalo na sa tao. Pangalawa, kung sakaling himala ng himala ay makakatawid ka, landslide naman ang madadaanan mo at baha. Patuloy pa rin ang pag-ulan at malakas na hangin sa ibang lugar. Malamang wala ring bumibiyaheng bus paluwas. Di ka rin makakabalik sa Maynila gaya ng gusto mo. Mas ligtas ka pa rin dito,” giit ng dalaga.

Umiling ito. “Nothing is impossible if you really want to get it done. Handa akong magbayad sa sinumang maghahatid sa akin sa sakayan pabalik ng Manila. The amount is not an issue. Pwede ko bang kausapin ang mga lalaki dito sa baryo ninyo para samahan ako...”

Nagdilim ang anyo niya at dinuro ang dibdib nito. “Hindi kita hahayaan na gawin iyan. Hindi ako papayag na may ipahamak ka sa mga kababaryo ko na kahit na sino dahil lang sa iyo. Kahit pa para sa pera.”

“Hey! I said I am willing to offer money...”

“Hindi mababayaran ang buhay ng mga taong isasama mo. Ipapasagupa mo sila sa baha, landslide at kung anu-ano pang panganib na nag-aabang sa inyo? May mga pamilya din sila. May mga tao din na umaasa sa kanila. Huwag mong isipin na mas mahalaga ang buhay sa kanila dahil mayaman ka dahil pare-pareho lang kayong tao. Iniligtas kita, tinanggap ka namin dito at inalagaan. Konsensiya pa rin namin kung may mangyaring masama sa iyo. Pero kung magpipilit ka na umalis, sige lang. Pero wala kang isasama na kahit sino sa mga tao dito sa amin. Di ako papayag.”

Naglabanan sila ng tingin ni Richard. Wala siyang pakialam kung magalit man ito sa kanya. Di gagaya sa kanya ang pagiging dominante nito. Teritoryo niya ito. Siya ang masusunod. Siya ang nasa tama. Gagawin niya ang lahat para protektahan ang mga taong nasa ilalim ng pangangalaga niya - kahit pa ang kasing tigas ng ulo katulad ni Richard.

Nagniningas pa rin ang apoy sa mga mata nito. Animo’y nahihirapan pa itong magdesisyon kung mananatili sa baryo nila o ipipilit pa rin nitong umalis kahit na mapanganib. Hindi maintindihan ni Esmeralda kung ano ang ipinaglalaban nito. Ano ba ang mayroon sa Maynila na mas mahalaga pa sa buhay nito?

“I’m sorry.”

Umawang ang labi ni Esmeralda. “M-May sinasabi ka ba?”

“I am sorry,” anito at nanlulumong umupo sa katre. Sinapo nito ang batok at tumingala sa kisame. “Hindi ako sanay nang ganito. Sanay ako na may ginagawa. I am used to checking up on everyone. Importante ang trabaho ko pero di naman ibig sabihin iniisip ko na di importante ang buhay ng ibang tao kaysa sa akin o iniisip ko na kaya kong bilhin ang lahat.”

“At di ka rin si Superman para isipin na kaya mong malampasan ang lahat pati ang hagupit ng kalikasan.”

Lumamlam ang mga mata nito at yumuko. “I-It is just hard to feel helpless. Wala akong kahit ano. Kahit ang damit na suot ko hindi sa akin. Ni wala akong kahit na isang sentimo sa bulsa ko.”

Nakakaunawa siyang tumango. “Ilang araw lang naman ito. Tiisin mo muna. Malilinis din ang mga kalsada. Makakabalik ka rin sa inyo.”

Marahan nitong inangat ang mga mata sa kanya. “Pwede bang dito muna ako tumuloy?” nag-aalangan nitong tanong.

Tumango si Esmeralda. “O-Oo naman. Nangako ako na maari kang manatili dito hangga’t kinakailangan. Hanggang pwede ka nang makabalik sa Maynila.”

Sa kauna-unahang pagkakataon nang araw na iyon ay nasilayan niya ang ngiti nito. “Salamat, Esmeralda.” Hinawakan nito ang kamay niya at kinintalan ng halik ang likod. “I owe you a lot. Kung may magagawa lang sana ako para makabawi sa inyo dito.”

Pumitlag ang dalaga nang maramdaman ang matalim na init na gumuhit sa katawan niya. Binawi niya ang kamay dito. Dama pa niya ang dampi ng labi nito.

“Alagaan mo ang sarili mo. Magpalakas ka.” Huwag mo na akong akitin pa. Tinalikuran niya ito at inayos ang pagkaing nakatakip pa rin. “Kaya gusto ko kumain ka. Hindi mo pa pala nakakain ang agahan mo. Lumamig na.”

“Kakainin ko pa rin iyan,” anang binata. “Huwag kang mag-alala. Doon ko na lang sa labas kakainin.”

Kaya niyang labanan ang atraksyon dito. Lilipas din ito. Siguro naman ay wala siyang dapat ipag-alala hanggang makaalis ang lalaki.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.