“You are beautiful. You are a sensual woman. This is how it should be, Esmeralda. Does he make you feel this way? Does he make you feel like I do? I very much doubt it.”
He. Si Aiden ba ang tinutukoy nito?
Naputol ang mahika nang idilat niya ang mga mata at natuklasang bumigay siya sa pagnanasa. Kahit na wala siyang nararamdaman kay Aiden, ito pa rin ang pakakasalan niya. Hindi man sila nagmamahalan pero di ba’t parang pagtataksil na hinayaan niya ang ibang lalaki na halikan siya?
Parang binuhusan ang dalaga ng malamig na tubig. Itinulak niya si Richard sa dibdib. Gulat itong napatingin sa kanya nang maramdaman ang kanyang pagtutol. “Bakit?” tanong nito sa naghihirap na tinig. Na parang pinutol niya ang linyang nagdudugtong sa buhay nito.
Umiling si Esmeralda at hinaplos ang sariling buhok. “Pasensiya na. Mali ang ginawa natin.”
Hinaplos nito ang mukha niya. “Bakit? Walang mali sa ginawa natin.”
Pinalis niya ang kamay nito at pinagmasdan ito sa namamasang mga mata. “Ikakasal na ako, Richard. Mali na kalimutan ko iyon,” sabi niya saka dali-daling binuksan ang pinto. Nagtatakbo pabalik sa kuwarto niya. Di na siya nag-abalang buksan pa ang ilaw.
Sa tikatik ng ulan at sa dilim ng gabi ay tahimik na lumuha si Esmeralda. Napakaganda ng mundo niya kaninang nasa bisig siya ni Richard. Sa ilang sandali habang hinahalikan siya nito ay parang nasa mundo siya ng fairy tale. Para lang higupin ng isang ilo-ilo ng kawalan at magising sa katotohanan.
Napakasakit para sa kanya ang bumalik sa realidad. May mga responsibilidad siya sa kapatid na si Jeremy at kay Aiden. Parang isang malaking kasalanan na isipin niya ang pansarili niyang kaligayahan kahit na sandali.
Isang malaking pagkakamali ang halik na pinagsaluhan nila. Isa iyong malinaw na pagtataksil kay Aiden at kay Jeremy. Hindi niya maaring sirain ang magandang kinabukasan dahil lang sa isang kabaliwan.
Pero hindi mawala ang halik ni Richard sa isipan niya. Animo’y nakatatak na ang halik na iyon sa buo niyang pagkatao. At natatakot siya na ngayong natikman na niya ang tunay na halik ay gustuhin niyang maulit pa ang kahibangang iyon.
“KAWAWA naman pala ang mga tao sa ibang lugar. Hanggang ngayon wala pa ring makain,” malungkot na sabi ni Nana Ising habang nakikinig sa radyo. “Iniipit pa ang mga pulitiko at ang binibigyan lang mga kakampi nila. Mga wala talagang kahihiyan.”
“Buti na lang nakahanda tayo dito,” anang si Esmeralda. Pero sana ay bumalik na sa normal ang lahat o kaya ay may dumating na tulong sa kanila dahil mauubos na rin ang imbak na pagkain. Para nangyari iyon, kailangan ng mga kalalakihan na tawirin ang ilog at magtungo sa bayan.
“Hindi naman puro kamalasan ang dala ng bagyo. May dala ring biyaya,” anang si Cynthia Lyn at ngumisi sa direksyon ni Richard.
Nakahubad ang lalaki habang nangunguha ng talbos ng kamoteng gapang para sa tanghalian nila. Ang ibang mga kalalakihan naman tiningnan kung gaano kalala ang napinsala ng bagyo sa kanya-kanyang bahay.
Nang tumingin sa direksyon nila ang binata ay kumaway ang kaibigan habang siya naman ay yumuko agad. Mula pa kaninang umaga ay iniiwasan na niya ang binata. Ni hindi niya ito tinitingnan. Isa itong malaking tukso sa kanya. Di siya makatulog nang maayos kagabi dahil nararamdaman pa rin niya ang halik nito. At ngayon kahit na di sila magkalapit ay parang humahaplos sa balat niya ang titig nito.
“Sana may dumating pang bagyo para hindi na makaalis dito si Richard,” hiling ni Cynthia Lyn.
Binato niya ng pinagkayasan ng bunga ng malunggay ang kaibigan. “Mag-ingat ka nga sa sinasabi mo. Kita mong may mga taong namatayan, nawalan ng bahay at nagugutom ngayon dahil sa bagyo tapos gusto mo pa ng panibago.”
Ngumuso ang kaibigan. “Ayoko lang kasi na umalis siya dito.”
“Hindi ka dapat maging makasarili at isipin ang pansarili mong interes kahit na maraming masasaktan,” anang si Nana Ising. “Isa pa, kung ang pag-ibig ay para sa iyo, para sa iyo talaga. Babalik at babalik siya kung para siya sa iyo.”
Yumuko si Cynthia Lyn. “Hindi na po ako uulit.”
“Mas mabuti kung gaganda agad ang panahon para makabalik na siya sa pamilya niya,” sabi niya at tumanglaw sa langit na bagamat madilim pa rin ang nakahabong na ulap ay hindi pa naman bumabagsak ang ulan.
Gusto na niyang makaalis doon ang binata para di na siya maguluhan pa. Ikakasal na siya. Nakatanim iyon sa isip niya. Walang sagabal sa kanila ni Aiden noon dahil wala siyang interes sa mga lalaki. Pero sa isang titig lang ng lalaki na ito ay nanghihina na siya. Nang halikan siya nito ay nakalimutan niya ang ikakasal na siya. Paano pa kapag nagtagal ito doon?
Parang sinagot naman ang panalangin niya dahil tumunog ang cellphone niya para sa mga pumasok na text message. “May signal na!”
Text messages iyon mula kay Aiden na nangungumusta sa kalagayan nila sa San Luis. Nasa ibang bansa pa rin daw ito. Sinubukan niya itong tawagan pero hindi makapasok dahil iisang bar lang ang signal. Kahit text message ay laging fail kapag sinusubukan niyang mag-text.
“Mahina pa rin ang signal,” reklamo ni Esmeralda at pumalatak. “Hala! Tapos nawawala pa.”
“Umakyat ka na sa burol dahil doon ka lang makakasagap ng malakas na signal,” anang si Topher. “Tiyak na nag-aalala na ang boyfriend mo sa iyo.”
“Sige,” aniya at tumayo sa kinauupuan. Kinuha niya ang payong. Kailangang-kailangan na niyang makausap si Aiden. Para naman mawalis na sa utak niya si Richard.
“Isama mo na si Richard. Tiyak na gusto na rin niyang makausap ang pamilya niya para masabing ligtas siya.”
Napatingin siya sa binata na abala pa sa pakikipagkwentuhan sa mga kalalakihan. Naaasiwa pa rin siyang kausapin ito kaya kinalabit ni Esmeralda si Topher. “Pwede bang ikaw na ang magsabi sa kanya na may signal na pero kailangan pang umakyat sa burol?”
“Bakit hindi nalang ikaw ang magsabi?” tanong nito.
“K-Kukuhanin ko pa ang payong at powerbank. Baka ma-lowbatt ang cellphone ko,” palusot niya.
Biglang pinigilan ni Cynthia Lyn ang braso ni Esmeralda. “Di ba pwedeng humirit kahit ilang araw pa?” pakiusap nito.
“At wala ka nang ipapakain sa kanya kundi saging?” ganting tanong naman ni Esmeralda.
“Pakakainin ko siya ng pag-ibig.”
Kumawala siya pagkakahawak ng kaibigan. “Sige na. Baka nag-aalala na sa akin si Aiden.”
At pasumok si Esmeralda sa loob ng bahay. Konti na lang at makakaalis na sa San Luis si Richard. Matatahimik na rin nang tuluyan ang puso niya. Sana.