Loving The Man Without A Heart (Filipino) Chapter 28

Pagak na tumawa ang lalaki. “Ang ibig mong sabihin sinadya kong itawid sa isang naputol na tulay at isugal ang buhay ko para lang sagipin mo ako. Wow! I am not a psychic. You give me too much credit, Esmeralda.”

“Alam mo na hindi iyon ang ibig kong sabihin,” angil niya sa naniningkit na mga mata. “Matalino ka, Amadeus. Planado mo na ang lahat. Nagpunta ka sa San Luis para sundan ako at palayuin sa kapatid mo. Sa sobrang galit sa akin ay sumugod ka sa kasagsagan ng bagyo. Pakiramdam mo siguro ay hari at kaya mong labanan pati ang kalikasan. Pero minalas ka at muntik kang malunod. Iyon nga lang maswerte ka pa rin. Dahil nagkataong ako pa mismo ang sumagip sa iyo. Kaya naisipan mo na lang na huwag ibigay ang totoo mong pangalan. Wala ka ring kaibigan sa San Nicholas. At hindi ko alam kung saang lupalop mo nakuha ang pangalang Richard Infante.” Pumalakpak siya. “Magaling ka ring artista. Napaniwala mo kaming lahat. At lalong napaniwala mo ako sa mga kasinungalingan mo. Nagawa kong ibigay sa iyo ang lahat. Ano ngayon ang tawag mo sa akin? Istupidang probinsiyana?”

“Tama na, Esmeralda!” anitong parang nabingi sa lahat ng paratang niya. “Hindi ko kayo gustong lokohin. Napilitan akong magpanggap dahil natakot akong magalit ka sa akin at paalisin ako kapag nalaman mo kung sino ako.”

Humalukipkip siya. “Naiintindihan kita. Kailangan mo ng tulong. Walang-wala ka nga namang maipagmamalaki. Nakakahiya nga namang lulunin ang pride mo kapag nalaman ko kung sino ka talaga. Masakit sigurong tumanggap ng tulong mula sa taong sinabihan mo nang di maganda, di ba? Na kahit pakitaan ka ng kabutihan, iniisip mo na baka pakainin kita ng lason oras na malaman ko kung sino ka.”

“No. Not like that.” Walang ekspresyon ang mukha nito at di ni ya alam kung ano ang iniisip nito.

Namaywang siya. “Pero dahil nandoon ka na rin naman kaya humanap ka ng paraan para sa kapakinabangan mo. Habang inaalagaan kita, humanap ka ng paraan para sirain ako!”

“Oo. Inaamin ko na nagpunta ako sa San Luis para pigilan kang magpakasal kay Aiden. Nakahanda na akong bigyan ka ng malaking halaga para iwan mo na ang kapatid ko. Pero noon iyon bago mo ako sagipin at bago kita nakilalang mabuti...”

Tumawa si Esmeralda nang patuya. “Oo nga naman. Pwede mo nga naman akong palayuin sa kapatid mo nang hindi gumagastos.” Sa isang saglit ay bumalatay ang galit sa kanyang mukha. “Dahil natuklasan mo ang kahinaan ko sa pamamagitan ng paggamit sa pinakamagaling mong talento - ang mang-akit ng babae. Doon ka magaling.”

“Sinabi ko sa iyo na babalik ako. Kung hinintay mo akong bumalik, I would have done things differently. I told you to trust me.”

“Sobrang tanga ko naman para pagkatiwalaan pa na babalik ka. Para maniwala sa pagmamahal mo. Alam ko hindi ka na babalik. Alam ko na makakalimutan mo rin ako.” Di niya aaminin dito na naghintay siya, na umasa na tatawag ito o magte-text man lang hanggang kanina. Na kahit hanggang ngayong nasasaktan siya ay may puwang pa rin ito sa puso niya. “Di ka na nasiyahang magsinungaling sa amin ng mga kababaryo ko. Pati mga tao dito sa party mo pinagsinungalingan mo pa.”

“Hindi ako nagsinungaling. Totoo ang kwento ko sa kanila.”

“Maliban sa mahal mo ako... At mahal kita.” Parang may bikig sa lalamunan si Esmeralda habang sinasabi iyon. At hindi na matagalan ng dalaga na makita pa si Amadeus. Binuksan niya ang clutch bag at kinuha ang kuwintas na bigay nito sa kanya mula doon. Ihinagis niya iyon pabalik dito. Kasinungalingan lang ang sinabi ng lalaki na kahulugan ng kuwintas na iyon. Wala na iyong halaga sa kanya. “Tapos na ang palabas mo kaya aalis na ako. Ikaw na ang nanalo... sa ngayon,” sabi niya at tinalikuran ito.

Nakahawak siya sa seradura ng pinto nang tawagin siya ni Amadeus. “Anong plano mo, Esmeralda? Magpapakasal ka pa rin ba kay Aiden?” narinig niyang pasigaw nitong tanong habang naglalakad siya palayo.

“Wala ka nang pakialam doon.”

“Hindi mo na siya pwedeng pakasalan. Hindi ka na niya tatanggapin.”

“Mas gugustuhin kong pumunta kay Aiden at magmakaawang tanggapin niya kaysa makasama ka,” angil ni Esmeralda sa lalaki.

Itinulak nito ang pinto para di niya mabuksan. “Alam na ng lahat na akin ka.”

“Si Richard Infante ang umangkin sa akin at hindi ikaw. Dahil kung nalaman ko lang na ikaw si Amadeus...”

Kinintalan nito ng halik ang likod ng batok niya. “Kahit na ako ngayon si Amadeus dela Merced, you still want me.”

Mariing pumikit si Esmeralda. Alam na alam nito ang kahinaan niya subalit kailangan niyang lumaban. Inipon niya ang lahat ng tapang, hinarap ito at itinulak palayo. “Lumayo ka sa akin. Nandidiri ako sa iyo.”

Binuksan niya ang pinto at dali-daling tumakbo patungo sa elevator, palayo sa lalaki. Hindi niya alam kung paano makakaalis doon. Iniwan na siya ni Aiden. Wala rin siyang pera pang-taxi. Wala siyang ibang mahihingan ng tulong dahil sa pakiwari niya lahat ng tao sa hotel na iyon ay kakampi nito. Wala siyang nakasalubong habang papunta sa elevator at narinig niya ang yabag ni Amadeus.

“Don’t be crazy, Esmeralda. Hindi ka na tatanggapin ni Aiden. Hindi ka na niya pakakasalan,” sabi

“Mas gugustuhin ko nang bumalik sa kanya kahit na magalit pa siya sa akin kaysa naman makasama ka.” Bumukas ang pinto ng elevator at lumabas doon si Florida. “Old woman, stop her!”

Hindi niya alam kung kakampi niya ang matandang babae pero tumakbo siya sa likuran nito. “Tulungan po ninyo akong makaalis. Maawa po kayo. Ayoko po dito.”

Nagpapalit-palit ang tingin ni Florida sa kanila ni Amadeus. “Ano bang ginawa mo sa kanya?”

“Nag-uusap lang kami,” sabi ng lalaki at itinaas ang dalawang kamay.

Pinindot niya ang buton ng elevator at bumukas iyon. Dali-dali siyang pumasok. Akmang papasok din si Amadeus pero pinigilan ito ni Florida. “Ako na ang sasama sa kanya.”

“I just can’t let her leave like this,” tutol ni Amadeus.

Niyakap siya ni Florida. “Ako na ang bahala sa kanya. Pabayaan mo na muna siya ngayon. Please.”

Sa huli ay bumagsak ang balikat ni Amadeus at lumabas ng elevator. “Okay. But this is not yet over.”

At nakita niya ang kaseryosohan sa mga mata ni Amadeus habang sumasara ang pinto. Alam ni Esmeralda na magkikita pa ulit sila. Hindi pa ito tapos sa pagpapahirap sa buhay niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.