Loving The Man Without A Heart (Filipino) Chapter 27

BIGLANG umangat ang ulo ni Esmeralda. Pangalan niya iyon. Pangalan niya ang tinawag ni Amadeus. Hindi niya maintindihan. Anong nangyayari? May iba pa bang Esmeralda Solomon pa ba sa lugar na iyon? Pati ba naman pangalan niya ay ipapahiram pa nito sa babae nito?

Maang siyang napatingin sa entablado at nakangiti ang binata habang nakalahad ang kamay sa kanya. “Esmeralda, my angel, come up here on stage. Gusto kong ipagmalaki sa lahat ang babaeng nagligtas sa akin.”

At lahat na ng mga mata ay tumutok sa kanya. Bumuka ang bibig niya para magkaila pero pagpaling niya kay Aiden ay magkahalong lungkot at puno ng tanong ang mga mata nito. “What is the meaning of this? Magkakilala ba kayo ni Kuya? May relasyon kayong dalawa?” mahinang tanong nito at biglang tumayo.

“Aiden, magpapaliwanag ako...” pakiusap niya at hinawakan ang braso nito. Subalit wala siyang nakita sa mga mata nito kundi galit.

“Esmeralda,” tawag ni Amadeus sa kanya at naglakad palapit. Hinawakan nito ang malayang kamay niya. “Alam ko sinabi mo na di ka naniniwalang mahal kita pero ngayon siguro naniniwala ka na. Alam na rin nilang lahat ang nararamdaman ko.”

Lumulutang ang ulo ni Esmeralda. Di niya alam kung ano ang gagawin. Gusto niyang itulak palayo si Amadeus pero bago pa niya nagawa ay kinabig nito ang ulo niya at hinalikan sa labi.

Parang tinamaan siya ng impact ng isang malaking meteorite. Nayanig ang pagkatao ng dalaga. Hinahalikan siya ni Amadeus sa harap ng maraming tao matapos ideklara na mahal siya nito. Isang kasinungalingan. Dapat ay mandiri siya sa halik at haplos nito. Pero naramdaman niya ang panghihina ng tuhod niya at awtomatikong bumuka ang labi para tanggapin ang halik nito. Kusang bumitaw ang kamay niya kay Aiden at humawak sa balikat ni Amadeus para alalayan ang sarili. May kusa ang katawan niya na kay Amadeus lang sumusunod.

Mistulang tuyong lupang nadiligan ng ligaya ang puso niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang reaksyon niya. Kaaway niya ito. Gusto nitong sirain ang buhay at pagkatao. Pero isang halik lang nito ay napunan na nito ang kahungkagan sa puso niya. Wala nas iyang pakialam sa tama at mali.

Nang dumilat siya ay nagpalakpakan ang mga tao. Saka lang bumalik si Esmeralda sa kanyang ulirat. Hinayaan niya si Amadeus na halikan siya sa harap ng maraming tao. Sa harap mismo ni Aiden. Naliyo ang dalaga.

Paglingon niya ay wala na si Aiden sa kinauupuan nito. Mabibilis ang hakbang nito habang naglalakad palayo. “Aiden...” tawag niya dito.

Subalit sinambilat ni Amadeus ang baywang niya at hinapit palapit dito. “Kung ayaw mong lalong mapahiya ang kapatid ko, hindi mo siya susundan. Stay with me,” pabulong ngunit mariing utos nito.

“Kailangan nating mag-usap ngayundin o iiwan kitang mukhang tanga dito,” banta niya. Wala namang mawawala sa kanya dahil sinisira nito ang lahat. At hindi siya magpapanggap na ayos lang siya sa harap ng maraming tao para sa ikasasaya lang ni Amadeus. Ilang sandali na lang ay sasabog na siya.

Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “She’s a bit shy. She is not expecting this. Gusto daw muna niya akong masolo para ipakit kung gaano ko niya ako naa-appreciate. If you’ll excuse us,” sabi nito sa mga bisita na gusto silang i-congratulate. At nagtawanan ang mga bisita na parang may malisyoso silang gagawin.

Hindi na magawang ngumiti ni Esmeralda at magpanggap na masaya. Mariing magkadikit ang labi niya nang igiya siya ng binata sa elevator. Kuyom niya ang palad habang ngumingiti naman ang binata sa mga kasakay nila at hawak siya nito sa siko. Humalukipkip siya para di nito mahawakan. Kailangan niya ng lahat ng katinuan ngayon para harapin si Amadeus. Hindi na siya maaring magpaakit. Dahil sa simpleng pagkakamali na iyon kaya nasisira ang buhay niya.

Hindi na napigilan ng dalaga ang sarili. Pagkasara ni Amadeus ng pinto ay isang malakas na sampal agad ang pinakawalan ni Esmeralda. Natigagal ang lalaki at sinapo ang pisnging nasaktan. “Esmeralda!” gulat nitong usal at tinangkang hawakan ang kamay niya. “Nasaktan ka. Don’t do that again.”

Inilayo niya ang kamay dito. “Huwag mo akong hawakan. Huwag kang magpanggap na nag-aalala ka sa akin. Gusto mo naman talaga na masaktan ako, di ba?”

Inilahad nito ang kamay. “Not like this. Ayokong saktan mo ang sarili mo...”

“Balewala ang sakit ng palad ko sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Wala ka talagang kaluluwa. Lahat na lang ng kasinungalingan ginawa mo. Di ka talaga titigil hangga’t di kami napaghihiwalay ni Aiden at hindi mo ako nasisira.”

“Hindi kita sinisira, Esmeralda. You did it yourself,” anitong may panunuya at naglakad papunta sa mini bar para magsalin ng alak.

Natahimik ang dalaga at nanginig ang labi. Tama ito. Kasalanan niya dahil nagpalinlang siya. Ano ba ang depensa niya? Wala. Dahil pinili niya ito. Pinili niyang maging masaya kasama ito kahit na ilang sandali. Mariin siyang pumikit para mapigilan ang nangingilid na luha. At ngayon ay kailangan niyang pagbayaran ang pansamantalang kaligayahan na iyon habambuhay.

Hinawakan ni Amadeus ang baba niya. “Pero di ka pa naman nasira, hindi ba? Ikaw ang pinaka-kinaiinggitang babae ngayon. Everyone wants to be you. Gusto nila na sila ang nasa posisyon mo. You are my angel and no matter what they do, they won’t reach that status.”

Ibinuka ng dalaga ang mga mata at matalim na tiningnan ang nanunuyang mga mata ng lalaki. “Huwag mo akong tawaging ganoon. Lahat ng kwento mo kanina ay kasinungalingan. Wala silang dapat kainggitan sa akin.” Dinumihan nito ang lahat ng magagandang alaala na mayroon siya kay Richard. “Masaya ka na siguro dahil iniisip mo na napabagsak mo ako.”

Umiling ito at ibinaba ang mga kamay. “Hindi. I am furious and baffled actually. Hanggang ngayon ay magpapakasal ka pa rin kay Aiden,” may hinanakit nitong wika. “Pagkatapos ng nangyari sa atin…”

Ngumiti siya nang sarkastiko. “Na pagkatapos kong magpauto sa ibang lalaki ay magpapakasal pa rin ako sa kanya?” dugtong niya sa sinasabi nito. “Sa palagay mo ba ipagpapalit ko si Aiden sa iyo? Alam ko naman kung ano lang ang habol ko sa iyo nang may mangyari sa atin, di ba?”

Biglang nawala ang katayugan sa anyo nito. “My body.”

Ngumisi siya. “Tama ka. Gusto ko lang makalaya sa mga responsibilidad ko kahit sandali. Ikaw ang nandoon,” kaswal niyang sabi.

Ano naman ang kaibahan nila ni Amadeus? Sigurado siya na wala lang din dito ang makipagniig kung kani-kaninong babae. Kahit naman anong sabihin niya ay di naman ito maniniwala na disente siyang babae. Sa halip na masaktan ay lalong tumapang ang dalaga.

Naningkit ang mga mata nito. “You are a user.”

“Oo. Manggagamit naman talaga ang tingin mo sa akin, di ba? Nakakatawa lang kasi di ko naman sinabi na gusto kita. Hindi rin ako tanga para maniwala na mahal mo ako o nai-in love ka na sa akin. Isa kang maduming sekreto na hindi ko sasabihin sa lalaking pakakasalan ko.”

Napatiim-bagang ito at saka ininom ang alak. “I am hurt. Ganoon lang ba kababa ang tingin mo sa akin?”

“Huwag kang magpanggap na nasasaktan ka. Sigurado ko na sinasadya ang pagkikita natin noon. Gusto mo talagang makahanap ng ipapanira sa akin.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.