Maggie’s Diaries Series 2 Chapter 13

“CONGRATULATIONS SA ARTICLE MO, KAREENE!” masayang bati kay Kareene ng mga kasamahan niya sa trabaho pagpasok pa lang niya sa kanilang opisina. Lumabas na kasi ang buwis-buhay niyang article ngayon tungkol sa drug trafficking na pinamumunuan ng isang congressman. It took her two months to finish the assignment. Dahil dalawang buwan silang nag-imbestiga ni River sa kasong iyon.

Tuwang-tuwang nagpasalamat siya sa kanyang mga ka-trabaho lalo na kay Sir Ranz na siyang may-ari at editor-in-chief nang Daily na nagtiwala sa kanya nang assignment tungkol sa expose ng drug den ni Congressman Go sa Marikina. Siyempre, sa kanya binigay ni River Eduque—ang NBI special agent na may hawak ng kasong iyon—ang exclusive dahil naging parte siya ng pag-iimbestiga nito. Ginawa na kasi niyang hobby ang tumambay sa NBI kaya naging ka-close niya si River. He’s the only one—other than her best friend Sam—who could tolerate her stubbornness.

Sa lahat ng article na ginawa niya ay iyon ang pinakamalapit sa puso niya dahil investigative journalism talaga ang gusto niya. Iyon nga lamang ay ngayon lang siya nabigyan ng pagkakataon para gumawa ng ganoon. Dati kasi ay puro news feature ang napupunta sa kanya dahil lagi siyang nauunahan ng senior writers nila sa magagandang balita. She knew that her expose about Congressman Go will open big opportunities for her.

Magta-tatlong taon na rin siyang writer sa Daily simula nang maka-graduate siya sa kolehiyo. Nasa kolehiyo pa lang siya ay contributor na siya sa Daily kaya naman hindi na naging mahirap sa kanya ang makapasok doon. Bata pa lang siya’y gusto na niyang maging isang manunulat. Being a journalist fascinates her. She’s always curious about everything. Gusto niyang palagi siyang nasa iba’t ibang lugar at marami siyang nalalaman na bagay na importante para sa mga tao. Gusto niyang magsulat ng purong katotohanan para sa kaalaman ng mga ordinaryong tao. Hindi simpleng isang showbiz news ang gusto niyang gawin kundi gusto niyang gumawa ng isang artikulong may kapupuntahan. Iyon bang tipong may mai-expose siya sa publiko na matagal na palang dapat na nalaman ng mga ito. Kahit na gaano pa kapanganib niyon sa buhay niya.

Well, she likes danger anyway. At naniniwala siya sa kasabihang “never say never”.

Tumunog ang cell phone niya nang makaupo siya sa pwesto niya at napangiti siya ng makitang pangalan ng best friend niyang si Sam ang nasa screen register. Agad niya iyong sinagot.

“Oh my god, K! Congratulations! Sorry kung ngayon lang ako nakatawag sa’yo. Marami kasi kaming bisita eh,” agad na bungad ni Sam sa kanya. May-ari ito ng isang resort sa Marinduque kaya alam niyang abala din ito sa buhay.

“Okay lang. Salamat, Sam,” aniya rito habang binubuksan ang computer niya.

“Cheer up, K. I’m sure kung buhay pa si Tita Sylvia ay maghahanda agad ‘yon para sa’yo. At alam kong kung nasaan man siya ngayon, proud na proud ‘yon sa’yo,” konsola sa kanya ni Sam. Kilalang-kilala talaga siya nito. Sasabihin pa lang sana niya rito ang gusto niyang sabihin pero nalaman na agad nito iyon.

Her mother died over a year ago because of breast cancer. Late diagnosis ang naging dahilan kung bakit hindi agad naagapan ang sakit nito. Binale-wala kasi ng kanyang ina ang bukol na nakapa nito sa kanang dibdib nito dati. Iyon pala’y cancerous cell na pala. Nagpa-chemotherapy ang mama niya at sumailalim pa ito sa operasyon kung saan tinanggal ang kanang dibdib nito. Akala nila’y naagapan na ang sakit nito dahil nawala na ang cancerous cells sa katawan nito at nasa huling stage na ng treatment nito ang mama niya noon pero nagkamali sila. Kumalat na pala sa utak nito ang cancer cells na nagmula sa dibdib nito at maging ang liver nito’y nadamay din.

Sinisi niya noon ang doctor na humawak dito dahil hindi agad nito na-detect ang cancer cells sa utak at liver ng mama niya pero ang sabi nito’y late diagnosis daw talaga ang naging dahilan kung bakit hindi agad naagapan ng maayos ang sakit ng mama niya. She hated the doctor’s reason. Alam kasi niyang hindi nito nagawa ng maayos ang trabaho nito. Hindi kasi na-CT scan ang mama niya pagkatapos ng operasyon nito. Sumailalim lang ito sa bone scan dahil ayon sa doctor nito noo’y sa buto agad umaatake ang cancer cells. Nang mag-clear sa bone scan ang mama niya ay napanatag agad sila. Ngunit hindi pala dapat.

Her mother’s death was the most painful event that had happened in her life. She’s all she had. Pero hindi man lang niya ito nakausap nang maayos bago ito mawala dahil hindi na siya nito nakilala. Nang ideklara ng mga doctor na brain dead na ang mama niya ay pakiramdam niya’y pati siya ay namatay din.

“’Wag kang umiyak! Alam mong ayokong nakikita kang umiiyak,” ani Sam sa kabilang linya. Nang suminghot siya ay noon lang niya napansin na umiiyak na pala siya.

“Pero hindi mo naman ako nakikita eh,” natatawang sabi niya rito saka pinahid ang mga luhang naglandas sa pisngi niya. Pagkuwa’y in-enter niya ang password ng computer niya at agad na binuksan ang e-mail niya.

“Oh, Kareene. Gusto mo ba akong pumunta d’yan? Besides, dapat nating i-celebrate ang article mo,” ani Sam. Napailing na lang siya sa enthusiasm na narinig niya sa boses nito. Pero alam niyang gusto lang siya nitong i-baby.

Pareho silang nag-iisang anak ni Sam kaya magkapatid na ang turingan nila nito mula pa elementary days nila sa kanilang probinsiya. Nang mawala ang mama niya ay ito na ang tumayong pamilya niya dahil hindi naman siya malapit sa ibang kamag-anak niya. Puro masasakit na salita kasi ang natatanggap nila ng mama niya noon mula sa mga kamag-anak nila dahil single mom lang ang mama niya at ‘putok sa buho’ daw siya. Pero minsan ay nagiging ‘exagge’ si Sam tuwing nag-aalala ito sa kanya at lalo na tuwing napapahamak siya.

“Tumigil ka nga, Sam. Busy ka d’yan. I’m fine,” sabi naman niya rito. Vulnerable lang siya pagdating sa usaping pamilya pero sa ibang bagay ay palaban siya.

“Coffee?” anang isang pamilyar na boses sa kanyang likod. Nang linungin niya ito’y nakita niya ang nakangiting mukha ng katrabaho niyang si Geoff. Naglagay ito ng isang umuusok na kape sa harapan niya at saka tumabi sa kanya.

“Sam, tatawagan ulit kita mamaya,” paalam niya kay Sam.

“That’s right. Mingle with guys! Bye,” tila excited na sabi ni Sam bago nito tinapos ang tawag.

“Thanks, Geoff,” nakangiting sabi niya sa katrabaho.

“May bayad ‘yan,” pabirong saad nito.

“Next time na lang ang bayad,” sabi naman niya rito.

“Well, how about you join us later tonight? Magba-bar kami. You know, kailangan mo ring mag-unwind pagkatapos ng isang assignment,” anyaya sa kanya ni Geoff pero hindi siya sigurado kung gusto ba niyang sumama sa mga ito.

“Smooth move,” narinig nilang sabi ng kaopisina nilang si Jade.

“Don’t start, Jade,” aniya rito.

Hindi siya komportable tuwing tinutukso siya sa mga lalaki. Mahilig siyang magka-crush sa mga lalaki pero ayaw niya iyong kapag tinutukso na siya sa mga ito dahil hindi niya makontrol ang kanyang sarili sa pamumula. Ayaw niyang magmukhang katawa-tawa sa mga kaopisina niya.

Simula nang pumasok siya sa Daily ay nahalata niyang nagpapalipad-hangin sa kanya si Geoff pero hindi niya pinapansin ang mga pahaging nito. Noong una pa lang kasi’y sinabi na niya rito na wala siyang planong magkanobyo sa panahong ito. Ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa dating, ligawan at pag-ibig. Hindi pa siya handa sa mga iyon kahit na nasa tamang edad na siyang magka-nobyo at kahit noon pa ma’y hindi naman siya pinagbawalan ng kanyang mama na magka-nobyo.

Isa pa, ayaw niyang bigyan ng kung anumang kulay ang pakikipagkaibigan sa kanya ni Geoff. Isa ito sa mga unang naging kaibigan niya sa Daily. At hindi lang iyon, ito rin ang naging mentor niya mula nang pumasok siya roon maliban kay Sir Ranz.

“Don’t mind her. Sumama ka na sa’min mamaya. You need to loosen up a bit,” pangungumbinsi pa ni Geoff.

“Well, kapag natapos ko ang follow-up article ni Congressman Go, why not? Libre n’yo ba?” nangingiting tanong niya sa mga ito.

“Libre kita,” agad na sabi ni Geoff.

“Sumama ka na. Hindi mapapakali si Geoff kapag wala ka ro’n,” ani Jade.

“’Pag natapos ko talaga ‘yong follow-up article, sasama ako. I swear. And on that note, sisimulan ko na siyang gawin,” aniya sa mga ito saka muling humarap sa kanyang computer. Bago siya pumasok sa kanilang opisina ay nagpunta siya sa opisina ni Congressman Go dahil doon nagbigay ng official statement ang abogado nito.

“Sasama ka mamaya. Huwag ka ng mag-isip,” biglang sabi ni Jade sa kanya. Nginitian lang niya ito.

“Kareene, I need you inside,” tawag sa kanya ni Sir Ranz kaya nagpaalam muna siya kina Geoff at Jade pagkuwa’y pumasok siya sa loob ng opisina ng una.

“Yes, Sir?” bungad niya rito.

“Sit down, Kareene,” utos nito sa kanya na agad naman niyang ginawa. “Since lumabas na ang article mo, siguradong babaling sa’yo ang galit ni Congressman Go. You should be more careful from now on,” sabi ni Sir Ranz sa kanya.

“I know. Don’t worry, boss. Marunong ako ng self-defense,” aniya rito.

“Well, walang laban ang self-defense mo ‘pag tinutukan ka na nila ng baril,” seryosong sabi nito sa kanya.

“Well, then, let’s just pray?” aniya rito na ikinailing nito. Pero sa loob-loob niya’y nakaramdam din siya ng takot.

“NAG-E-ENJOY KA BA?” halos pasigaw nang tanong kay Kareene ni Geoff. Hindi kasi sila gaanong magkarinigan dahil maingay sa bar na pinuntahan nila. Malakas ang musika at maraming boses ang naghahalo-halo sa buong lugar.

“Okay lang,” kibit-balikat na sabi niya.

Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakapasok siya sa isang bar. Hindi siya mahilig mag-bar dahil hindi siya komportable doon. Nagpupunta lang siya roon tuwing niyayaya siya ng kanyang mga kaibigan at katrabaho sa tuwing wala siyang gagawin. It’s not her kind of place. Pero may muwang naman siya sa mga ganoong lugar.

“Are you sure?”

Bigla siyang napatingin dito. There’s something off about the way he asked her that. “No,” umiiling na sagot niya rito. Hindi siya mahilig uminom ngunit hindi rin naman mababa ang alcohol tolerance niya. Hindi siya madaling malasing lalo na’t cocktail drinks lang ang iniinom niya ngayon.

“Ano pa ba ang gusto mo? Io-order kita,” alok nito.

“Okay lang. Hindi ako pwedeng uminom ng marami ngayon. Magsusulat pa ako mamaya sa bahay,” tanggi niya rito.

“Come on, K. ‘Wag mong masyadong seryusohin ang trabaho mo. I-enjoy na lang natin ang gabing ito,” nakangiting saad ni Geoff at inakbayan pa siya nito.

She smirked. Inalis niya ang braso ni Geoff sa kanyang balikat at bahagya itong itinulak palayo sa kanya. Alam na niya kung saan papunta ang usapang ito. She’s not naive to not know what Geoff is planning. Hindi niya hahayaang mangyari ang plano nito.

“Geoff, hindi kita gusto, okay? Sinabi ko na sa’yo dati na hindi pa ako handa sa pakikipagrelasyon. Kung ginagawa mo ito dahil umaasa ka pa ring may mangyayari sa’tin, tigilan mo na. I won’t entertain any of your advances,” prangkang sabi niya kay Geoff.

“Seriously, Kareene? Hanggang ngayon ba naman pakipot ka pa rin?”

“Excuse me?” hindi-makapaniwalang tanong niya rito.

“What? Do you think I’ll buy that act? Alam ko namang nagpapakipot ka lang eh. But, baby, you got me already. Stop toying with me and let’s start this game now.”

She eyed him viciously. Umigkas ang kanang kamao niya at sinuntok ito sa panga. Dumaing ito sa sakit at bahagyang napaurong dahil sa ginawa niyang pagsuntok dito. Nagtaas-baba ang dibdib niya dahil pinipigilan niya ang kanyang sarili na saktan pa ito.

Wala itong karapatang pagsabihan siya ng ganoon lalo na’t hindi naman totoo ang sinasabi nito. Hindi siya nagpapakipot dito o sa kahit na sinong lalaking gustong manligaw sa kanya. Wala pa lang talaga sa isip niya ang pakikipagrelasyon. At kung si Geoff din lang ang magiging nobyo niya’y hindi na lang. Mabuti na lang at lumabas na rin ang tunay nitong kulay ngayon. Magagawa na niyang umiwas dito sa susunod.

“Ang lakas ng loob mo na suntukin ako ah!” galit na sigaw sa kanya ni Geoff.

“Kareene, ano’ng nangyari? Bakit mo sinuntok si Geoff?” tanong ni Jade sa kanya. Hawak nito ang isang braso niya at ang iba naman nilang kasama ay yakap si Geoff.

“Bakit hindi n’yo itanong sa kanya?” inis na wika niya sa mga ito pagkatapos ay walang anu-anong tinalikuran ang mga ito. Hindi na niya kaya pang manatili sa lugar na iyon. She felt suffocated.

Mabilis na naglakad siya patungo sa bar exit. Nang makalabas siya roo’y agad siyang dumeretso sa may tabing kalsada para makapara siya ng taxi. Maraming taxi na dumadaan doon lalo na’t wala ng ibang maaaring sakyan paalis sa lugar na iyon. Puwera na lang kung may dala kang kotse.

“Hindi mo dapat ako pinahiya,” anang marahas na boses ni Geoff mula sa kanyang tagiliran. Marahas na hinila siya nito palapit dito at mahigpit na hinawakan ang kamay niya. Hindi niya namalayang nakasunod na pala ito sa kanya.

Napaka-egotistic talaga ng mga lalaki, sabi niya sa sarili.

“Ano ba, Geoff? Bitiwan mo ako!” sigaw niya kay Geoff. Pilit na nagpupumiglas siya pero mas malakas ito sa kanya at hindi nito binibitiwan ang kamay niya. Hinila siya nito patungo sa kotse nito. Binuksan nito ang likod na passenger’s seat.

“Sakay! Magbabayad ka sa pagsuntok mo sa’kin,” mariing sabi ni Geoff. Doon siya nakaramdam ng takot. Tila naging demonyo ang anyo ngayon ni Geoff at para bang anumang oras ay handa itong gawan siya ng masama.

“G-Geoff, kailangan ko ng umuwi.” Itinulak niya si Geoff ngunit hindi ito natinag.

“Sa tingin mo ba ay palalampasin ko ang ginawa mo sa’kin? Pinahiya mo ako sa mga tao! Sino ka ba? You’re just a struggling little journalist! Hindi ko nga alam kung bakit sa’yo pa ipinagkatiwala ni Sir Ranz ang expose kay Congressman Go.”

Nag-init ang dugo niya dahil sa sinabi nito tungkol sa kanya. Sumusobra na ito. Matindi na ang tama nito. Masama pala talagang paghaluin ang sama ng loob at alak dahil nagiging bayolente ang isang tao. Muling umigkas ang kamao niya patungo sa mukha ni Geoff ngunit hindi iyon lumapat sa pisngi nito dahil agad nitong nasalag ang kamao niya. Itinulak siya nito papasok sa loob ng kotse.

“Tulong!” sigaw niya. Sa hitsura ni Geoff ngayon, hindi ito kaya ng ‘self-defense’ na ipinagmamalaki niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.