OUR FIRST DATE. Hindi si Knight ang kauna-unahan kong naging date pero ang date namin ang pinaka-memorable sa lahat. It’s a memory I always wanted to remember. Iyon ang second favorite memory ko with Knight. Dito nagsimula ang aming ‘Cinderella Time’ na siyang pakana ni Knight. Our time I wished he hadn’t set.
---
HINDI NAPIGILAN ni Leigh ang pagtili nang mabasa niya ang text ni Knight kinabukasan. Tahimik siyang sumasagot ng e-mails para kay Raoul nang bigla na lang itong mag-text.
Knight: Please make my wish come true. Have dinner with me.
Leigh: ‘Wag mong sayangin ang wish mo sa ganyan.
Knight: You’re worth it. Besides, ikaw pa rin naman ang laman ng sunod kong wish.
Leigh took a time to savor that message. Nagpapadyak siyapara mailabas ang kilig na nararamdaman. Alam niyang mukha na naman siyang timang pero wala namang makakakita sa kanya roon dahil mag-isa lang siya doon.
Leigh: Kung sa tingin mo’y gagana sa’kin ang linyang ‘yan, fine. Gumana nga.
Knight: Does that mean you’ll have dinner with me?
Leigh: Only if you promise to be in your suit and Chuck Taylors.
Knight: Suit. Chuck Taylors. Noted. Pick you up at 7PM. It’s a date.
Leigh: Alam mo na ang address ko?
Knight: Hindi pa. So, what’s your address?
Nang makita ni Leigh ang smiley sa huling text na iyon ni Knight ay napangiti siya. Hindi lang pala siya ang nata-‘tanga’ sa kanilang dalawa. It feels good to know that Knight was as affected as she was. Pagkatapos i-text ni Leigh kay Knight ang address na tinutuluyan niya sa Maynila ay pumasok siya sa loob ng opisina ni Raoul para magpaalam dito. Ngunit magsasalita pa lang siya ay inunahan na siya ni Raoul.
“Do whatever you want,” sabi ni Raoul habang nakatutok pa rin ang atensyon sa mga papeles na binabasa nito.
“Teka, alam mo na ba kung ano ang sasabihin ko?” tanong niya rito.
Noon nag-angat ng tingin si Raoul sa kanya. Nakasuot ito ng salamin ngayon pero hindi iyon nakabawas sa kaguwapuhan nito. Sa halip ay nakadagdag pa iyon sa sex appeal na taglay nito—in a nerdy-sexy kind of way. Kaya hindi na nakapagtatakang kasama sa job description ni Leigh ang pagtataboy sa mga babaeng naghahabol kay Raoul pati na ang pagtatago dito kapag hindi na nito kaya ang sitwasyon. Ganoon sila ka-close na dalawa.
Kung tutuusin ay hindi na dapat siya tumanggap ng malaking sahod kay Raoul dahil malaki na ang naitutulong ng pamilya nito sa pagpapagamot sa nanay niyang may sakit pati na sa pagpapaaral sa kanya noon pero hindi pumapayag si Raoul na hindi siya makatanggap ng tamang sahod para sa mga trabaho niya.
“Magpapaalam ka na maaga kang uuwi dahil may date kayo ni Knight. Nag-text na siya sa’kin kanina para magpaalam,” simpleng paliwanag ni Raoul sa kanya. Patakbo siyang lumapit dito at niyakap ito sa leeg.
“Thank you! You’re the best boss-friend ever!” sabi ni Leigh dito. Pagkuwa’y umupo siya sa visitor’s chair sa harapan nito. “Isn’t he something?”
“No. He’s someone,” banat ni Raoul. Hindi talaga ito effective maging ‘kenkoy’.
“Joke ba ‘yon? ‘Wag ka nang uulit ha? ‘Di kasi bumenta eh,” pang-aasar niya rito.
“Whatever. Tapusin mo na nga ang trabaho mo. Baka magbago pa ang isip ko at bigyan kita ng trabaho hanggang mamayang gabi,” masungit na sabi ni Raoul. Iningusan ito ni Leigh.
“Fine.”
“Don’t act silly in front of him. Baka ma-turn off siya sa’yo,” pahabol pa ni Raoul.
“Nyek. Hindi ako mag-aaksaya ng panahon sa isang taong hindi ako magugustuhan sa kung ano ako,” nakangiting sabi niya rito pero seryoso siya sa sinabi niyang iyon.
Hindi siya iyong uri ng tao na mahilig mag-pretend para lang matanggap siya ng ibang tao. Mas gusto niyang magpaka-totoo kahit na hindi siya magustuhan ng iba. Kaya madalas ay sinasabi niya kung ano ang nasa isipan niya at hangga’t maaari ay hindi siya nagsisinungaling. Puwera na lang kung may kabutihang dulot para sa ibang tao ang pagsisinungaling niya. Katulad nang minsan niyang pagsisinungaling sa nanay niya na wala siyang sakit kahit na ang totoo ay mayroon naman dahil ayaw niya itong mag-alala pa sa kanya.
“Fine. Pero dahan-dahan lang ha. Baka naman sa sobrang excited mong ma-in love, bumigay ka agad sa kanya. Magpakipot ka naman kahit kaunti,” sabi pa ni Raoul.
Sinimangutan ni Leigh ang kaibigan saka siya nagtaas ng kanang kamay at nanumpa dito. “Ipinapangako ko po sa aking overprotective boss-friend na hindi ako magpapadalos-dalos, hindi ako bibigay agad at kikilalanin ko munang mabuti si Knight bago ang lahat. I would never commit pre-marital sex or kiss. At magpapakipot ako kahit kaunti. Okay na ba?”
“Okay. You pass,” ani Raoul.
Nginitian niya ito at sinaluduhan saka siya lumabas ng opisina nito at ipinagpatuloy ang ginagawa niyang trabaho. Ginawa niyang inspirasyon ang magiging date nila mamaya ni Knight.
TAPOS NANG mag-ayos si Leigh nang saktong kumatok si Knight sa apartment na tinutuluyan nila ng pinsan niyang si Reema. Nag-text na lang siya kay Reema para sabihin ditong may date siya dahil naka-duty pa ito sa Hotel Elysѐ bilang isang housekeeper. Pagbukas ni Leigh ng kanilang pintuan ay muntikan na naman siyang mapanganga pagkakita sa hitsura ni Knight kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso niya.
Shet! Sobrang gwapo nakaka-speechless, aniya sa sarili.
Naka-suit si Knight. Wala iyong ternong bow or tie pero mukhang mas okay nga na wala dahil nadala nito ng maganda ang get up na iyon. His hair was brushed up like the last time she saw him. More than his face assets, malaki ang nagagawa ng buhok nito sa appeal nito. He’s looking sinfully handsome right now she couldn’t utter a word. Nang bumaba ang tingin niya sa paanan nito ay napangisi siya dahil nakasuot ito ng kulay itim na Chuck Taylors katulad ng ipinangako nito sa kanya.
Promise kept, huh, sabi ni Leigh sa sarili habang nakatingin sa sapatos ni Knight.
“You’re wearing one too,” sabi naman nito.
Nag-angat siya ng tingin kay Knight at ngumiti dito. Nakasuot nga siya ng cream-scalloped dress na tinernuhan niya ng kulay itim ding Chuck Taylors. Sa totoo lang, dresses at Chuck Taylors ang paborito niyang get up dahil komportable siya roon. Hinawakan ni Leigh ang magkabilang side ng damit niya at saka nag-bow sa harapan ni Knight na parang isang prinsesa. Pagkatapos niyang mag-bow ay pinagtapat naman ni Knight ang mga paa nilang dalawa.
“Terno at bagay o,” sabi ni Knight. Hindi siya nagsalita. Bagkus ay tumitig lang siya rito.
Lord, siya ba talaga ang lalaking ibinigay N’yo sa’kin? Sigurado Ka ba na deserving ako sa kanya? Ang gwapo niya o, piping dalangin ni Leigh. Nang tumitig sa kanya si Knight ay nagbawi siya ng tingin dito dahil mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya at pakiramdam niya’y tatalon ang puso niya papunta sa mga kamay ni Knight.
“Okay ka lang ba, Leighton?” tanong nito sa kanya. Tinanguan niya ito.
Gaga! Magsalita ka. Paandarin mo ‘yang kadaldalan mo, anang isang bahagi ng isipan ni Leigh sa kanyang sarili.
Pero iyon na nga ang problema niya. Pagdating kay Knight ay nauumid ang dila niya. Hindi niya masabi kung ano ang mga gusto niyang sabihin at kung ano ang mga nasa isipan niya dahil nadi-distract siya sa kaguwapuhan nito. Nagtataka nga si Leigh kung bakit ganoon ang epekto ni Knight sa kanya dahil may mga kilala siyang gwapo—lalo na sa mga taga-Camp Speed—pero dito lang siya nakakaramdam ng ganoon. Nag-aalinlangan na tuloy siya ngayon kung makakapagpakipot pa siya kay Knight katulad ng pangako niya kay Raoul dahil sa bawat tingin niya rito ay mas nagugustuhan lang niya ito. Paano pa kaya kapag nakilala na niya ito ng mabuti?
Kumalma ka lang, Leigh. ‘Wag kang mag-isip ng bukas. Mag-focus ka sa ngayon. Go with the flow. Magpaka-totoo ka. Sabihin mo kung ano ang nasa isipan mo katulad ng dati. Kung mai-in love ka nga kay Knight ngayong gabi, hindi mo na kasalanan ‘yon. Sisihin mo ang pag-ibig, sabi pa ng isang bahagi ng isipan ni Leigh.
“Masama ba ang pakiramdam mo? Pwede naman nating ipagpaliban ang dinner na ‘to. Bibilhan na lang kita ng pagkain at—“
“Okay lang ako,” sa wakas ay sabi ni Leigh kay Knight. “Nag-iisip kasi ako ng paraan para hindi agad ma-in love sa’yo.”
Nang ma-realize niya kung ano ang kanyang nasabi ay huli na ang lahat dahil narinig na iyon ni Knight. Ngumiti ito sa kanya at napangiwi naman siya. Sinabi nga niya kung ano ang nasa isipan niya.
“Kaya nga kita niyayang mag-date para ma-in love ka sa’kin eh. Cinderella time. I’ll make you fall in love with me before midnight comes,” pabirong sabi ni Knight sa kanya.
“’Wag! Nangako kasi ako kay Raoul na hindi muna ako mai-in love sa’yo agad. Pwede bang bukas na lang?” pabiro ring sabi niya rito. Natawa si Knight sa sinabing iyon ni Leigh.
“Sure. Pabor sa’kin. Ibig sabihin, may date ulit tayo bukas,” nakangiting sabi ni Knight at pati siya ay napangiti na rin. She would like that. Ngayon ay unti-unti na siyang nagiging komportable kay Knight. At medyo bumabalik na rin ang dila niya.
“Kaya hinay-hinay lang ha? ‘Wag kang ngingiti, ‘wag kang babanat ng mga linya mo sa’kin ngayong gabi at ayusin natin ang buhok mo,” sabi ni Leigh kay Knight. Habang nagsasalita siya ay mas lumalawak ang ngiti sa mga labi ni Knight. Lumapit siya rito at hinawakan ang buhok nito na naka-brush up saka iyon ginulo. Pero nag-resulta lang iyon sa isang ‘sinfully handsome to the highest level’ na Knight. “Shet. Epic fail ang plano ko. Bakit kasi ang gwapo mo?”
“I think you need to talk to my parents about that,” sabi naman ni Knight.
“Parents? Agad-agad? Hindi pa ako ready ‘no. Kahapon lang tayo nagkakilala. Kahit crush na crush kita, hindi agad ako magpapakasal sa’yo ha. Kailangan mo munang makilala ang nanay ko at mga kamag-anak ko at kailangan mo rin munang pumasa kay Raoul bago mo makuha ang kamay ko,” dire-diretsong sabi ni Leigh na muling ikinatawa ni Knight.
“Ah, gusto talaga kita. Pakasal na tayo?”
“Sinabi ko na sa’yo, hindi porke’t crush kita, magpapakasal agad ako sa’yo.”
“Eh, bukas pwede na ba?”
Bahagyang natigilan si Leigh. Pagkuwa’y napangisi siya kay Knight. “Aba, may sense of humor ka ha. Pwede.” Oh my god! Pwede kami.
“Ayos! Teka, nakalimutan na natin ang oras. Male-late na tayo sa reservation ko,” sabi naman ni Knight.
“’Ayan kasi, mag-focus ka, Knight. ‘Wag kang masyadong ma-distract sa kagandahan ko,” biro niya rito na ikinatawa nito. Inaabot nito ang kamay niya pero tumanggi siyang magpahawak dito. “Hep! No skin ship for tonight. Ayoko pang ma-in love sa’yo ngayon.”
“Ah, I’d love to see you tomorrow,” nakangisi namang sabi ni Knight. Nagpatiuna itong maglakad patungo sa itim nitong Audi na noon lang niya napansin at sumunod naman siya rito.
Pagkasakay nila sa kotse nito ay umariba na naman ang dila niya. Hindi kasi siya magiging komportable kung kapwa sila tatahimik habang nagbibiyahe. Hindi siya makakakain sa harapan nito mamaya kung hindi siya magiging komportable dito ngayon.
“Bakit mo ako napansin, Knight? O paano mo ako nagustuhan?” prangkang tanong ni Leigh kay Knight.
“Honestly, because you’re beautiful,” sagot nito sa kanya.
“Typical reason. Pero sa totoo lang, naka-make up ako kagabi nang makita mo ako at saka ‘tong buhok kong ‘to, ni-rebond lang ‘to,” aniya rito.
“I saw through that. The most beautiful people in the world aren’t beautifully perfect. What they have are real good hearts,” makahulugang sabi ni Knight kay Leigh. “Nasa Food Rush ako kagabi nang makita kita. Actually, hindi ikaw ang unang nakita ko kundi ‘yong babae na umiiyak mula sa hotel. She was a brokenhearted fan. May nobya na kasi ‘yong racer na gusto niya. Bigla mo siyang nilapitan at binigyan ng panyo. You said something to her that made her smile. Pagkatapos ay itinuro mo sa kanya ang langit. Doon ko nakita na may meteor shower pala. May sinabi ka na naman do’n sa babae, pagkatapos ng ilang minuto ay umalis na siya pero nanatili ka pa rin sa labas habang nakatingin sa langit.”
“Tapos na ang meteor shower pero nakatingin ka pa rin sa langit. Doon ako nagdesisyon na lapitan ka. Malapit na ako sa’yo nang bigla kang sumigaw ng ‘shooting star’ saka ka pumikit at humiling. Noon ko nalaman ang talagang plano mo. Naghihintay ka pala talaga ng meteor shower na ‘yon para humiling. But instead of wishing, you comforted the hurt girl. Instead of taking those stars, you gave them to that girl. Most of all, you gave her a smile. Another thing is…you’re real. Hindi nakapagtatakang hindi agad kita magustuhan.”
“Ah,” tanging nasambit ni Leigh matapos magsalita ni Knight. Naroon na naman ang pag-urong ng dila niya. Hindi niya inasahan ang mga sasabihing iyon ni Knight. But it touched her heart. Hindi niya akalaing ganoon kasarap pakinggan ang simpleng bagay na nagawa niya.
Naalala niya ang sinabi niya sa babaeng—sinasabi din nito—na nakilala niya kagabi at ang babaeng naka-distract sa kanya. “Hindi lahat ng taong gugustuhin natin ay magugustuhan din tayo. Pero may isang tao sa lahat ng ‘yon na magugustuhan ka. Sa dami ng tao sa mundo, imposibleng wala kang maging kapareha. Hindi masama si Lord para parusahan ka ng gano’n. May meteor shower ngayon o. Mag-wish ka sa mga shooting stars na ‘yan. Ang sabi ng nanay ko, nagbibigay pag-asa sa puso natin ang bawat hiling. Fill your heart with hopes and wishes from those stars. Promise, hindi ako makikiagaw sa’yo ngayon."
Masarap na sa pakiramdam na may tao kang natulungan. Pero mas masarap sa pakiramdam kapag may isang taong nakakita at nagpatotoo niyon. Fast and sure, Knight was creeping through her heart.
“Shet, Knight. Nanganganib ang credibility at ‘tomorrow’ ko sa’yo,” sabi ni Leigh kay Knight.
“Huh? Credibility?” naguguluhan namang tanong ni Knight sa kanya.
“Wala. Bilisan mo na lang mag-drive dahil gutom na ako.”