Maggie's Diaries Series 3 Chapter 32

NAPATANGA lang si Ella habang nakatingin sa papalapit na si Thunder. He walked like an angel who visited the mortal world. Iyon nga lang, mukha itong rebeldeng anghel dahil sa suot nitong itim na leather jacket. Nonetheless, he still looked breathtakingly handsome. Kaya ganoon na lang ang pagtanga niya rito.

Aabot yata sa anim na talampakan ang taas nito. Matikas ang pangangatawan kaya naman bagay na bagay dito ang suot nitong leather jacket. Isa iyon sa signature style nito. Kapag may nakasuot na leather jacket at kumakanta, si Thunder Castro agad iyon. Hindi na niya mawari kung sino ang kamukha nitong artista pero isa lang ang masasabi niya, napakagwapo nito.

Siniko siya ng Ate Jeya niya. “Hoy! Palapit na siya! Umayos ka na,” bulong nito.

“Oh my god…t-teka, kukuha lang ako ng papel at ballpen,” natatarantang sabi niya.

“Ano ka ba? Ito na ang pagkakataon mo para makausap siya. Ikaw na ang kumuha ng order niya,” anang Ate Jeya niya at saka siya itinulak sa may counter. “Kukunin ko lang ‘yong cell phone ko para makapagpa-picture ka sa kanya. Swerte mo! Nakita mo siya before ng concert niya.”

“Ate, baka—“

“Hi!” narinig niyang bati ng swabeng boses ni Thunder sa likuran niya. Napakagat-labi siya bago humarap dito dahil kinakabahan siya. Baka mali ang mga masabi niya rito at magmukha siyang tanga sa harap nito. Nakakahiya.

“H-hello.” Tumikhim siya at inayos ang tayo para makaharap siya rito ng maayos. “Hello, Sir! What would you like to order?” nakangiting tanong niya rito. Extra sweet smile ang ibinigay niyang ngiti kay Thunder dahil espesyal ito sa kanya.

“A banoffee pie and a…mocha frappe please,” nakangiting sabi nito sa kanya.

“Okay. Hindi po ba makakasama sa boses mo ‘yong frappe? I mean, you know, singer ka. Sorry kung nakikialam ako,” hinging-paumanhin niya rito.

“No, it’s okay. I just want to pamper myself kaya gusto ko ng frappe. Makakakanta pa rin ako,” anito sa kanya saka kumindat. Titig na titig ito sa kanya kaya pakiramdam niya’y natutunaw siya. Nakakapanlambot pala talaga ng tuhod ang mga tingin at ngiti nito.

Pakiramdam niya ay literal na nahulog ang puso niya sa sahig. Napatitig lang siya rito habang nakangiti dahil ang utak niya’y naglalakabay sa kinabukasan na maaari nilang puntahang dalawa.

Haaaay, Thunder. I love you.

“Sir, takeout or dine in?” tanong niya kay Thunder.

“Dine in. Mukhang magandang tumambay dito kaya dito muna ako sa café n’yo. Okay lang ba ‘yon?” nakangiting tanong nito sa kanya.

“Okay na okay—I mean, oo naman. Dagdag sales ka rin. Basta um-order ka lang ng um-order,” nangingiting sabi niya rito. Binawi niya ang una niyang sinabi dahil baka mahalata nito na masyado siyang atat o feeling close dito. Gusto niyang maging maganda ang impresyon nito sa kanya.

“Okay. Basta ikaw ang mag-aasikaso sa’kin ha?” anito saka siya muling kinindatan.

Aba, Thunder! Quota ka na sa kindat ha. Tama na ‘yan. Sige ka, baka mahalikan kita agad, hindi pa man tayo, ngali-ngaling sabihin niya rito.

“Sure! Ikaw pa,” aniya rito saka ito kinindatan. Akala mo ikaw lang ang marunong ha.

Natawa si Thunder sa kanya. Sinabi niya rito kung magkano ang in-order nito at nagbayad na agad ito. “Thank you. Hahanap lang ako ng seat,” paalam nito sa kanya.

“Okay, Sir. Ako na ang bahala sa order n’yo. Magandang pumwesto don sa may dulo malapit sa bintana,” suhestyon niya rito.

“Got it!” anito saka siya muling kinindatan.

“O, ako na ba ang gagawa sa order niya?” tanong ng kadarating lang na si Jed.

“Hep! Ako ang gagawa sa order niya,” pigil niya rito.

“Okay, okay. ‘Wag mong lalagyan ng gayuma ha?”

“At bakit hindi? Mahal ko siya ‘no.”

“Mahal agad? Hindi ba pwedeng crush muna?” banat nito sa kanya.

“Sa panahon ngayon, mas mainam na ang mabilis,” aniya.

“Gusto mo ng mabuntis? Uy, nag-rhyme tayo,” biro sa kanya ni Jed.

“Tumabi ka nga d’yan. Hinihintay na ako ng aking prince. Alis,” pagtataboy niya kay Jed.

Inihanda niya ang mga order ni Thunder ng may ingat at pagmamahal. Kailangang maayos ang pagkakalagay niya ng mga iyon sa tray. Kumuha siya ng isang post-it note at nagsulat roon ng “Good luck sa concert mo sa Saturday! : )”. Pagkatapos ay idinikit niya ang post-it sa baso ng frappe nito.

“Enjoy your order, Sir!” masiglang sabi niya kay Thunder nang maihatid niya sa table nito ang orders nito.

“Thank you, Ella. Alam mo ba, ‘yong nanalo sa photo contest ko para sa concert, kapangalan mo. ‘Ella’,” anito.

Napangiti siya. “Talaga? Alam mo rin ba, Sir? Lahat ng ‘Ella’ magaganda,” aniya rito at saka muli itong binigyan ng isang kindat.

“I agree,” anitong titig na titig sa kanya habang nakangiti. Bigla na naman siyang na-conscious sa tingin nito at muli’y naging ‘wild’ sa pagtibok ang puso niya.

“Sige, Sir—“

“Thunder. Call me ‘Thunder’,” anito sa kanya.

Kinilig siya dahil sa sinabi nito. Close na kami? Oh my gosh! “Okay. Thunder. Naks! Parang close na tayo ah,” aniya.

“Ayaw mo?”

“Siyempre, gusto! Thunder,” ulit niya sa pangalan nito. Kinindatan siya nito at kinindatan din naman niya ito. Mabuti na lang at approachable ito kaya hindi siya naiilang dito. Nako-conscious lang siya tuwing tinititigan siya nito na para bang nakikita nito ang lahat-lahat sa kanya.

“Ella!” tawag sa kanya ni Jed. May senenyas itong customer kaya nagpaalam siya kay Thunder.

“Thunder,” tawag niya kay Thunder sabay kindat bago tuluyang bumalik sa counter. Natawa ito dahil sa ginawa niya. His laughter was like music to her ears. Gasgas na pero effective pa rin para mag-describe ng nararamdaman niya.

Haaaay, Thunder.

HINDI NA naalis ang ngiti sa mga labi ni Thunder kahit na matagal nang nakaalis si Ella sa harapan niya. Iba ang naging hatid ng mga biro, ngiti at kindat nito sa kanya. Nawala ang lahat ng stress niya at hindi rin siya makapag-isip ng maayos. Her smile was like a breath of fresh air. Sa unang kita pa lang niya kay Ella ay nagandahan na siya rito. But her smiles were nothing but cute. Mukhang kaedad lang niya ito pero dahil sa mga biro at ngiti nito’y tila teenager lang ito.

Lalo pa siyang natuwa dito ng makita niya ang post-it note na nakadikit sa frappe glass niya. “Good luck sa concert mo sa Saturday! : )” ang nakalagay doon. Labis niya iyong na-appreciate. Alam niyang fan si Ella pero kakaiba ito sa ibang fan niya. He couldn’t quite point out what her difference among the others is, but he’ll soon find out what.

Namalayan na lang niya ang kanyang mga kamay na nagtitipa ng mg lyrics ng kanta sa kanyang cell phone. Raw lyrics pa lang iyon na lalapatan na lang ng tono at aayusin niya ang mga iyon mamaya pag-uwi niya sa kanilang bahay. May mga ganoong pagkakataon talaga na mauupo siya sa isang sulok at makakapag-compose siya ng isang kanta. Sa ngayon ay mukhang si Ella ang naging inspirasyon niya dahil ang mga lyrics na nagawa niya ay tungkol sa mga ginawa nito at sa naidulot nitong kasiyahan sa kanya.

Weird. I never wrote a song for a fan nor a girl before, sabi niya sa sarili. Ang mga sinusulat niyang kanta ay tungkol sa mga istorya ng mga taong nakapalibot sa kanya. He never wrote a song about his life, most especially his love life.

Mukhang hindi pa siya handang lisanin ang mundo ng musika dahil kahit saan siya mapunta’y makakagawa siya ng musika. Mukhang tama si Fred sa sinabi nito kanina. Kailangan lang niya ng inspirasyon. He made a mental note to himself to tell Fred to give Ella a ticket on his concert. Gusto niyang makita ito sa front row sa concert niya.

Dude, it seems that you like her, kastigo sa kanya ng isang bahagi ng isipan niya.

Muli niyang tiningnan si Ella na ngayon ay nag-e-estima ng ibang customer. And then again, he smiled to himself. Yes, I like her.

Whoa, Thunder! Like agad-agad?

Why not? She’s adorable, sagot niya sa naisip.

“BABY, NAKATINGIN na naman sa’yo si Thunder. Ikaw na talaga,” bulong kay Ella ng Ate Jeya niya matapos niyang kunin ang order ng isang customer at kasalukuyan namang ginagawa ni Jed ang order na frappe nito.

Nang tumingin siya sa gawi ni Thunder ay nakita niyang nakatingin nga ito sa kanya. Nag-init ang buong mukha niya kaya nagbawi agad siya ng tingin dito.

“Ate, nakakatunaw siyang tumingin. Nakakapanlambot ng tuhod, hindi ko kayang makipagtitigan sa kanya ng matagal gustuhin ko man,” sabi niya kay Ate Jeya.

Ang haba ng hair mo, ‘te!

“Kayanin mo! Sayang ang pagkakataon. Magpa-picture ka na sa kanya. Dali,” yaya nito sa kanya. Pero bago pa man sila makalabas ng Ate Jeya niya sa may counter ay pumunta na roon si Thunder.

“Hi, Ella,” bati nito sa kanya.

“Hello, Thunder,” ganting-bati niya rito.

“Sir Thunder, pwede ba kayong magpa-picture ni Ella? Remembrance lang,” sabi rito ng Ate Jeya niya.

“Ella, gusto mo palang magpa-picture sa’kin, bakit hindi ka nagsabi kanina pa?” ani Thunder sa kanya.

“Ha? Hindi ah. Si Ate Jeya lang ‘yong may gustong magpa-picture tayo,” kaila niya. Narinig niyang tumawa si Ate Jeya kaya siniko niya ito.

“Torete…torete…torete ako…” kanta naman ni Jed sa isang gilid. Bumaling siya rito at pinanlakihan ito ng mga mata. Ngunit lumapit ito sa kanya at bumulong. “Nilagyan mo ng gayuma ‘yong frappe niya ‘no?” kastigo nito sa kanya.

“’Tado! Hindi ako marunong gumawa no’n,” aniya rito.

“Sir Thunder, may kakaiba ka bang nararamdaman ngayon?” tanong ni Jed kay Thunder.

“Hmmm. Wala naman. Pero I feel relaxed. Bakit?” ani Thunder.

“Eh, kasi baka may—“

“Magpa-picture na tayo, Thunder,” agad na sabi niya saka kinurot ang tagiliran ni Jed. “Baliw ka talaga,” mariing bulong niya rito.

Lumabas siya ng counter at lumapit kay Thunder para magpa-picture dito. Ready naman na si Ate Jeya para picture-an silang dalawa. Ang hindi niya inaasahan ay iyong paghapit ni Thunder sa baywang niya para mas malapit siya rito. She felt her heart jolted in surprise and rapture. Matagal na niyang pinapangarap ang ganoong eksena sa pagitan nila ni Thunder at ngayon nga’y nangyayari na.

“Close na tayo ‘di ba?” sabi sa kanya ni Thunder. Nakagat niya ang ibabang labi niya para pigilan ang pag-alpas ng isang tili ng kilig doon. Baka ayaw ni Thunder ng mga fan na sumisigaw sa harap nito, masira pa ang diskarte niya.

“Ate Jeya, game na kami,” baling na lang niya kay Ate Jeya.

“Closer,” nanunudyo pang sabi nito. Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Sige na. Para maganda sa picture. Pang-primary picture din ‘to sa Facebook oh,” anito.

“Sige, Ate Jeya. Ito rin o. Pa-picture din,” ani Thunder saka nito ibinigay ang cell phone nito kay Ate Jeya na ikinagulat niya. Pagkatapos ay muli itong lumapit sa kanya at inakbayan siya. Kakaibang kilig ang idinulot noon sa buong sistema niya.

Thank You, Lord!

“Ella, smile ka naman,” ani Jed sa kanya. Ngumiti naman siya para kahit papaano ay gumanda siya sa tabi ni Thunder at hindi siya magmukhang katulong nito. “Uy!

Parang naka-make up si Ella o. Mamula-mula ang pisngi,” tudyo sa kanya ni Jed.

“Sapak, Jed, gusto mo?” banta niya rito.

“Joke lang,” anito saka humirit ito na ito naman at si Ate Jeya ang magpa-picture kay Thunder kaya kinunan niya ng litrato ang mga ito. Pero may isang kuha roon na si Thunder lang ang kinuhanan niya at itatago niya iyon kapag na-develop na.

“Thank you, Thunder,” pasasalamat niya kay Thunder.

“You’re always welcome, Ella. Anyway, magpapaalam na ako. May pupuntahan pa kasi ako. Masyado akong nawili dito,” paalam nito.

“Okay lang. Balik ka ulit,” nakangiting sabi niya rito.

“Of course,” anito at saka muli siyang kinindatan.

Okay. Love ko na talaga siya, aniya sa sariling kinikilig.

PAGKAPASOK pa lang ni Ella sa gate ng bahay nila ay agad niyang nakitang nagbabantay na parang warden sa main door ng bahay ang Tita Bettina niya. Nahuhulaan na niya ang mga susunod na mangyayari pero nagdasal pa rin siya.

Dear Lord, ‘wag naman po sana niya akong pagalitan.

“Bakit late kang umuwi? At bakit nag-undertime ka daw sa trabaho kanina? Saan ka galing?” galit na tanong sa kanya ng Tita Bettina niya habang nakataas pa ang isang kilay nito.

Okay. Hindi naging taimtim ang panalangin ko. She kept her cool. “Nagpaalam naman po ako kay Selena na mag-a-undertime ako. Alam din po niya kung bakit. Kinuha ko po kasi ‘yong napanalunan kong concert ticket para sa concert ni Thunder,” paliwanag niya rito.

“Wala akong pakialam! Mas mahalaga ang trabaho, alam mo ‘yon! Pero inuna mo pa ang kung anong ticket na ‘yan! Tandaan mo, Ella. Ako ang nagpapakain sa’yo! Ako ang nagbigay ng trabaho sa’yo kaya tumanaw ka naman ng utang-na-loob. Hindi ‘yong kung anu-ano ang iniintindi mo!” sigaw nito sa kanya.

Napayuko lang siya. “Opo, Tita Bettina. Sorry po,” hinging-paumanhin niya rito.

“Hala, pumasok ka na sa loob at ipaghanda mo na kami ni Selena ng pagkain. Muntikan ng tumirik ang mga mata namin sa gutom sa kahihintay sa’yo. Kung bakit ba naman kasi inuna mo pa ang ticket na ‘yon,” sabi pa nito.

Nakakatulili man sa tainga ang mga sinasabi nito pero naisip niyang may punto naman ito kaya sumunod na lang siya sa utos nito. Hindi na muna siya nagpalit ng damit. Bagkus ay agad niyang ipinaghanda ng pagkain ang mag-ina para mabawasan ang kasalanan niya sa mga ito. Nang matapos siya sa kanyang gawain ay agad niyang pinadulog sa hapag ang dalawa at sumabay na rin siya sa pagkain ng mga ito.

“Kailan ang concert na pupuntahan mo, Ella?” tanong sa kanya ng Tita Bettina niya. Napakagat-labi siya.

Hindi pa sana niya bubuksan ang topic na iyon ngayon dahil mainit pa ang ulo sa kanya ng Tita Bettina niya at baka hindi siya nito payagang pumunta sa concert ni Thunder. Ngunit heto na nga at kailangan niya itong harapin.

“Eh, opo. Magpapaalam nga po sana ako sa inyo. Sa Sabado na po ang concert na ‘yon,” aniya rito.

“Gano’n ba. Sige. Papayagan kita—“

“What?” hindi makapaniwalang singit ni Selena.

“Tumahimik ka nga muna, Selena,” saway dito ng ina nito saka muling humarap sa kanya. “Ella, papayagan kitang pumunta sa concert na iyon kapag natapos mo ang lahat ng gawain sa araw na iyon,” anito sa kanya.

Napangiti siya dahil sa sinabi nito. Tuwing Sabado’t Linggo ay wala siyang trabaho sa coffee shop at ang tanging mabigat lang niyang gawain sa araw na iyon ay ang paglalaba. Kailangan lang niyang agahang maglaba para makatapos din siya ng maaga. Tuwing Linggo naman siya naglilinis ng buong bahay kaya naman sigurado siyang makakapunta siya sa concert ni Thunder sa Sabado.

“Sige po, tita. Magagawa ko po lahat ng kailangan kong gawin sa Sabado,” masayang sabi niya rito.

This is it, Ella! Tatlong araw na lang, kakantahan ka na ng Prince Charming mo!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.