BONUS STORY
NAHILOT ni Thunder ang magkabilang sintido niya dahil sa pakikipag-usap niya sa kanyang manager na si Fred. Sinabi kasi niya rito ang balak niyang paghinto sa pagkanta dahil nabo-bored na siya sa buhay niya at gusto niyang gumawa ng mas may kabuluhang bagay. Wala na siyang ibang ginagawa kundi ang kumanta, ngumiti sa mga tao at magsilbing Prince Charming ng mga ito. Siya siguro ang kauna-unahang Prince Charming na Rock Star. At isa pa’y sawang-sawa na siyang makita ang kanyang mukha sa telebisyon, billboards at kung anu-ano pa.
Ang nais lang niyang gawin ngayon ay magkaroon ng pribado at tahimik na buhay. Ngunit ayaw siyang payagan ni Fred. Bakit ngayon pa raw siya aayaw kung nasa rurok na siya ng tagumpay.
“Thunder, ito ang matagal mo ng pinapangarap. ‘Tapos, itatapon mo rin agad?” ani Fred. Natatawa siya sa hitsura nito ngayon na para ba itong manganganak na inahing manok.
“I’ve already had enough,” simpleng paliwanag niya.
Pumasok siya sa music industry noon para sa namayapa niyang ina. Nagkaroon kasi ito ng breast cancer noon at nais niyang tumulong sa kanyang ama para sa pagpapagamot dito. Hindi naman sila mahirap pero hindi rin sila mayaman noon. May kakayahan naman siyang kumita kaya tinulungan niya ang kanyang ama. Nadiskubre siya ni Fred noon sa isang bar sa Tomas Morato kung saan tuwing weekends siya kumakanta at nang bigyan siya nito ng magandang deal ay agad siyang pumayag na maging talent nito. The rest, as they say, was history.
Ngunit hindi na rin nakita ng kanyang ina ang naabot niyang tagumpay dahil isang taon lang mula nang madiskubreng may breast cancer ito, ay namatay din agad ito. Itinuloy niya lang ang pagkanta para naman bigyan ng magandang buhay ang kanyang ama. Sa pitong taong pagkanta niya’y nakapagpundar sila ng kanyang ama ng mga commercial buildings, restaurants at music stores. Tama na iyon para sa kanya.
He was now dubbed as the country’s most sought-after rock star. He was laying million of eggs on their record label. Kaya naiintindihan niya rin kung bakit ayaw siyang pakawalan ni Fred.
“Ang bata mo pa para mag-quit sa industriya. Malayo pa ang mararating mo. May concert series ka pa na gagawin! At saka, hindi mo ba naiisip ang fans mo? Siguradong magwe-welga sila sa harap ng studio kapag nawala kang bigla.”
Napailing siya sa sinabi nito at naisip rin niya ang papalapit na concert niya sa Araneta Coliseum. Hindi iyon ang unang pagkakataon na magko-concert siya roon pero kung dati’y nakakaramdam siya ng excitement sa bawat concert niya, ngayon ay hindi na.
“They’ll get over it. Makakakita pa sila ng ‘mas’ kaysa sa’kin. You’ll see,” aniya.
“Pero sa ngayon ay wala pang ‘mas’ kaysa sa’yo. Savor the moment, Thunder. Utang-na-loob. Saan mo ba naman kasi nakuha ang ideya ng pagku-quit? Alam ba ito ng daddy mo?”
Muli siyang napailing. “I can decide for myself, Fred,” aniya rito saka napabuntong-hininga. “Nagsasawa na ako. I’m bored. Pakiramdam ko, I’m just…this. Wala ng thrill sa’kin ang pagiging rock star,” paliwanag niya.
“Oh, come on. All you need is love. Kailangan mo lang ng inspirasyon. Why don’t you find a girl? Matagal ka na rin namang walang girlfriend ‘di ba?”
“’Wag kang mag-alala, Fred. Gagawin ko ang mga concerts ko,” naiiling na sabi niya rito dahil alam niyang inilalayo nito ang usapan nila sa pagku-quit niya.
“Thank God! But, seriously, Thunder. Bakit hindi ka maghanap ng babaeng pwede mong maging girlfriend?”
“I want my next girlfriend to be my last,” seryosong sabi niya rito at totoo iyon.
Simula nang pumasok siya sa showbiz ay hindi pa siya nagkakaroon ng girlfriend. May mga na-link sa kanya pero hindi naman totoo ang mga napabalitang iyon. Not that he doesn’t find women in show business interesting and beautiful, it’s just that, he couldn’t find the “right” girl yet. Gusto niyang ang sunod na magiging girlfriend niya’y iyon na ang magiging asawa niya. Gusto niyang matulad ang love story niya sa love story ng mga magulang niya.
Hindi ang mommy niya ang unang nobya ng daddy niya, ito ang pangalawa, ngunit ang mga ito ang nagkatuluyan sa huli. His parents found true love in each others’ arms. Ayon sa kwento ng daddy niya, matatawag daw na love at first sight ang istorya ng mga ito dahil sa unang pagkakita pa lang nito sa mommy niya ay agad na na-hook na ito rito. At nang unang mahawakan daw ng daddy niya ang kamay ng mommy niya’y nasabi nito sa sariling ‘ito na ang babaeng makakasama ko habang-buhay’. And indeed, she was. Dahil nagkatuluyan ang mga ito. The sparks both of them felt when their hands touched did the trick.
Gusto niyang ganoon din ang mangyari sa kanya. Sa ngayon ay wala pa siyang babaeng nakikilala na kapag maghahawak ang kanilang mga kamay ay makakaramdam siya ng kakaibang enerhiya o ‘sparks’ nga katulad ng sabi ng daddy niya, at ang babaeng makakapagpatibok ng mabilis sa puso niya.
“Kaya naman pala nabo-bore ka. Baka kaya ganyan ka dahil hindi mo pa siya nahahanap,” anito sa kanya saka lumabas ng silid na kinaroroonan nila. Tinawag nito si Yna na siyang assistant ng may-ari ng Dream Records na si Red Fonacier.
Tama si Fred. Why don’t you find a girlfriend? tanong ng isang bahagi ng isipan niya.
Love is always around the corner. I don’t want to rush love. True love would come. You just have to wait for it, paliwanag niya sa sarili.
“Hi, Thunder! Ang gwapo mo talaga. Pakasalan mo na nga ako,” biro sa kanya ni Yna saka ito nag-abot sa kanya ng isang folder.
“Sorry, Yna. Sabi ko naman sa’yo, pakakasalan kita ‘pag pinakawalan na nila ako. Eh, ayaw pa nila eh. Just wait for me,” sakay niya sa biro nito. Yna was in her forties and she was like his buddy. Isa pa’y alam niyang may “something” ito at si Fred.
“Fred, pakawalan n’yo na kasi si Thunder,” baling ni Yna kay Fred.
“Tumigil ka nga, Yna,” saway dito ni Fred saka ito bumaling sa kanya. “Mamili ka d’yan ng photo na gusto mo. Kapag nakapili ka na, sabihin mo kay Yna para padalhan niya ng VIP ticket ‘yong winner. Siya ang kakantahan mo sa concert mo. ‘Yon ang prize ng winner d’yan sa photo contest mo,” paliwanag ni Fred.
“Sungit talaga,” narinig niyang sabi ni Yna. Nanunudyong tiningnan naman niya si Fred bago tiningnan ang bawat litrato na nasa folder habang nagdidiskusyunan ang dalawa.
Halos pare-pareho lang ang mga iyon dahil ang contest mechanics ay kunan ng litrato ng isang fan ang lahat ng koleksyon nito na may kinalaman sa kanya. Kaya halos lahat ng picture ay puro albums, picture, posters at freebies niya.
Isang picture ang nakakuha ng atensyon niya. Halos katulad din iyon ng ibang pictures pero may ginawang kakaiba ang fan na iyon. May drawing ito ng Thunder-anime na may korona at microphone na hawak. Pagkatapos ay may nakalagay sa ibaba na “My Hero” at malalaking lettering ng “I love Thunder”.
Napangiti siya. “Ito ang napili ko,” sabi niya kina Yna at Fred.
“Uy, pareho tayo! Ang galing n’ya ‘no?” ani Yna. Kinuha nito sa kanya ang folder at tiningnan ang likod ng larawang napili niya. “Ella Benavidez is your girl, Thunder.”
Ella Benavidez, nice name.
NAPATILI si Ella pagkatapos niyang ibaba ang telepono. Tinawagan siya ni Yna Imperial mula sa Dream Records at sinabi nitong siya ang nanalo sa photo contest para sa concert ni Thunder Castro—ang kanyang Prince Charming—sa darating na Sabado. Habang kausap niya si Yna kanina’y pigil na pigil niya ang mapatili sa kilig kaya naman ngayon ay bumabawi siya.
Pinaghirapan niya ang paggawa ng photo entry na iyon dahil iginuhit pa niya si Thunder at nag-effort rin siya na mag-lettering. Certified fan-girl talaga siya ni Thunder. Koleksyon niya ang lahat ng bagay na may kinalaman dito. Iyon nga lang ay sa tuwing may fan conference o gig ito sa mga bar at mall ay hindi siya nakakapunta dahil sa trabaho niya.
Isa siyang barista sa Bettina’s Café—ang café na dating “kanila”, specifically, sa mommy niyang si Isabella. Namatay ang kanyang ina noong pitong taong gulang pa lang siya. Nag-asawa naman ang daddy niya noong sampung taong gulang siya at simula noon ay naging miserable na ang buhay niya. Well, not really miserable. Dahil noong nabubuhay pa ang daddy niya ay “mild” pa lang ang pang-aapi sa kanya ng step-mother niyang si Bettina at ng step-sister niyang si Selena dahil tuwing nakatalikod o wala ang daddy niya lang nagiging marungit ang mga ito sa kanya.
She tried to tell her father about it but he didn’t believe her. Nagtampo siya sa kanyang ama noon pero alam niyang bine-brainwash ito ng Tita Bettina niya kaya nagkaroon siya ng simpatya dito. Hindi nga lang iyon alam ng daddy niya. Hindi na siya nagtaka nang mamatay na ang daddy niya ay naging “acute” na ang pagiging miserable ng buhay niya.
Kung dati’y may sarili siyang kwarto sa bahay nila at maganda iyon, ngayon ay sa attic na siya ng bahay nila nakatira. Kailangan niya ring magtrabaho noon para makapagtapos siya ng pag-aaral. Wala kasing naiwang pamana sa kanya ang daddy niya dahil ayon sa kanyang Tita Bettina ay na-bankrupt ang daddy niya. Noong nabubuhay pa raw ito’y isinanla nito sa bangko ang bahay nila para mabayaran ang utang ng kompanya nila pati na rin ang coffee shop na itinayo noon ng mommy niya. May isang tauhan daw kasi ito na nagdispalko ng pera.
Kahit papaano’y nagpapasalamat siya sa Tita Bettina niya dahil kahit na may kalupitan ito sa kanya, natubos naman nito ang bahay nila sa bangko pati na rin ang coffee shop ng mommy niya. Hindi man nila naisalba ang kompanya ay ayos na rin iyon sa kanya kaysa naman mawala ang bahay nila at ang coffee shop ng mommy niya. Nakakapanghinayang man ay hinayaan na lang niya.
Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya makaalis sa poder ng Tita Bettina niya. Nagpapasalamat siya rito dahil pinahalagahan nito ang bahay nila at ang coffee shop ng mommy niya. Pakiramdam niya ay may utang-na-loob siya rito dahil sa ginawa nito. Kahit na noong una ay nakipagtalo pa siya rito na huwag ng palitan ang pangalan ng coffee shop. Ang dati kasi’y Isabella’s Café iyon, ngayon ay Bettina’s Café na sunod sa pangalan ng madrasta niya. Ang isa pang dahilan kung bakit ayaw niyang umalis sa poder nito ay dahil sa kanilang bahay. Naroon kasi ang lahat ng alaala niya sa kanyang mommy’t daddy. Hindi rin naman siya maaaring magtrabaho sa isang kompanya kahit na nagtapos siya ng kursong Business Management dahil inuubos ng trabaho niya sa coffee shop at sa bahay nila ang oras niya. Kaya naman ginagamit niya ang kakayahan niya sa pagguhit para kumita ng perang maiipon niya.
Ang talento niya sa pagguhit at pagpipinta ay namana niya sa kanyang yumaong ina. Bata pa lang siya ay tinuruan na siyang gumuhit at magpinta ng mommy niya. Natigil lang iyon nang wala ng sumusubaybay sa kanya dahil naging abala ang daddy niya sa negosyo at dahil pumasok sa buhay nila ang mag-inang Bettina at Selena. Ngunit lingid sa kaalaman ng mga ito ay kumuha siya ng crash course sa pagpipinta at pagguhit kaya naman ngayon ay isa na siyang freelance painter at illustrator sa isang publishing company ng mga children’s books.
Nangako siya sa kanyang sarili na ibabalik niya sa pangalan ng mommy niya ang coffee shop balang araw. Bibilhin niyang muli ang coffee shop sa Tita Bettina niya. Kaya kailangan niyang magsumikap.
Si Thunder naman ang nagsisilbing inspirasyon niya para magsumikap. Kaya masaya siya dahil matutupad na ang pangarap niyang makita ito sa personal.
“O, ano’ng nangyayari sa’yo?” tanong ng Ate Jeya niya na kapwa niya barista sa Bettina’s Café.
“Ate, ako ang nanalo sa photo contest ni Thunder! Ako ang kakantahan niya sa stage!” tumitiling sabi niya. Break-time nila noon kaya nasa employee’s room sila.
Matagal na niyang pinapangarap na makita si Thunder sa personal. Hindi siya magsisinungaling dahil katulad ng ibang kababaihan ay nangangarap din siyang makatuluyan ito. Oo. “Makatuluyan” talaga, meaning, magiging “asawa” niya si Thunder.
Noong boses pa lang ni Thunder ang naririnig niya’y in love na agad siya rito at lalo siyang na-in love dito ng makita niya ito sa tv. Napakagwapo nito kaya naman hindi nakapagtatakang maging top endorser at model ito sa buong bansa. Hindi lang iyon, si Thunder Castro ang pinakasikat na celebrity sa buong bansa ngayon dahil sa taglay nitong sexy at husky na boses, matikas na pangangatawan at gwapong mukha. Maraming actor o singer na gwapo at maganda ang boses ngunit iba ang karisma ni Thunder. Tingin pa lang nito’y nakakapanlambot na ng tuhod at ng puso. Kaya naman kahit hindi pa niya ito nakikita sa personal ay in love na siya rito.
“Oh my gosh! Ikaw na! I’m so happy for you, baby,” masayang sabi nito sa kanya saka siya niyakap. “Ano’ng susuotin mong damit? Dapat maganda ka sa concert niya para ma-in love siya sa’yo. Paghandaan nating mabuti ‘yan,” excited pang sabi nito.
“Oo nga. Pero kailangan ko munang makuha ang ticket sa Dream Records para makapunta talaga ako,” aniya rito. Iyon kasi ang naging usapan nila ni Yna kanina. Gusto niyang siya ang kumuha doon ng ticket dahil baka sakaling makita niya roon si Thunder.
“At saan ka naman pupunta?” singit ng step-sister niyang si Selena.
“At nandito na naman ang kontrabida,” bulong sa kanya ni Ate Jeya. Naiinis ito kay Selena dahil naaawa ito sa kanya. Si Selena at ang Tita Bettina daw kasi niya ang kontrabida sa mala-fairytale niyang buhay. Ngunit hindi ito pwedeng harapang mainis sa dalawa dahil manager ng coffee shop si Selena at pag-aaari din iyon ng mga ito. Baka mawalan ng trabaho si Ate Jeya.
“May sinasabi ka, Jeya?” mataray na tanong dito ni Selena.
“Wala po, Ma’am. Sinasabi ko lang kay Ella ‘yong gagawin naming trabaho mamaya,” sagot dito ni Ate Jeya.
“’Yan! Ang trabaho ang dapat n’yong intindihin at hindi ang pagtsi-tsismisan. Bumalik ka na sa trabaho, Jeya,” utos nito kay Ate Jeya.
“Babalik na rin ako sa trabaho. Tapos na rin naman akong mag-break,” paalam niya rito ngunit pinigilan siya nito.
“Ano ‘yong mga narinig ko? Saan ka pupunta?” tanong nito sa kanya.
“Ah, sa Dream Records. Ako kasi ‘yong nanalo sa photo contest ni Thunder. Kukunin ko do’n ‘yong concert ticket na napanalunan ko,” paliwanag niya rito. Pero sa loob-loob niya’y gusto niya rin itong inggitin. Nang makita niyang hindi ito makapaniwala na para bang maiiyak na ito’y bahagya siyang napangisi.
“Ikaw ang nanalo? Bakit?” nanlalaki ang mga matang tanong nito. Alam niyang fan din ito ni Thunder.
Nagkibit-balikat siya. “Baka nagustuhan lang nila ang gawa ko,” pang-iinis pa niya rito. Naiinis ito tuwing nalalamangan niya ito sa mga bagay-bagay.
“Ibig sabihin, ikaw ang kakantahan ni Thunder sa concert niya?” nakataas ang isang kilay na tanong nito sa kanya.
“Oo. Matagal ko nang pinapangarap ito. Finally, ito na,” excited na sabi niya rito.
“I see. Sige. Back to work. Aalis nga pala ako. Nagpapasundo si mommy sa salon eh,” anito sa kanya. Nagtaka siya kung bakit hindi ito nakipagtalo sa kanya pero ipinagkibit-balikat na lang niya iyon. Baka wala lang ito sa mood na makipag-away pa sa kanya.
“Okay,” aniya rito at saka lumabas ng employee’s room. Alas-singko ng hapon ang sarado ng opisina ng Dream Records kaya dapat ay makapunta siya roon bago mag-alas singko. Magpapaalam na lang siya mamaya kay Selena na mag-a-undertime siya. Siguro nama’y papayagan siya nito. In the meantime ay magta-trabaho muna siya.
“O, sinabi mo ba kay Selena?” tanong ng Ate Jeya niya nang makaalis ng Bettina’s si Selena.
“Oo. Nakakapagtaka nga na hindi niya ako inaway eh. Weird,” pabulong na kwento niya rito.
“Ay, naku! Baka may binabalak na masama ‘yon. Maghanda ka sa matinding laban. Si Thunder ang pinag-uusapan dito. Alam mo namang die hard din ‘yon ang bruhang ‘yon. Bakit kasi sinabi mo pa?”
“Hayaan mo na. Ihahanda ko na lang ang sarili ko sa matinding laban,” aniya rito.
Kahit naman inaapi siya ni Selena ay lumalaban naman siya rito. Iyon nga lang, ibang usapan na pagdating sa Tita Bettina niya dahil nanunumbat ito sa mga nagawa nito para sa kanya kaya ayaw niya itong makalaban. Hindi pa siya handang makipagsumbatan dito sa ngayon.
“Hindi talaga kita maintindihan kung bakit nagti-tiyaga ka sa bruhang mag-ina na ‘yon,” naiiling na sabi nito sa kanya.
“Ako nga kasi si Cinderella ‘di ba?” biro niya rito. Iling lang ang naging sagot nito sa kanya.
“Oh, God,” biglang sambit ni Ate Jeya habang nakatingin sa may pintuan ng coffee shop.
“Bakit?” nagtatakang tanong niya rito saka tiningnan ang gawi na tinitingnan nito. Ganoon na lamang ang pagbilis ng tibok ng puso niya pagkakita sa kapapasok lamang na lalaki sa Bettina’s Café. The man in the black leather jacket, white shirt, fitted pants and black boots was none other than Thunder Castro himself—her Prince Charming.