MONDEMAR CLAN SERIES 2 Chapter 22

“Junie?” gulat na napaatras si Maricon nang makita ang dating boyfriend na nakaupo sa isang bench na malapit sa kinatatayuan niya.

Nang makita siya nito ay ngumiti ito at patakbong lumapit sa kaniya. Nalilitong umatras siya nang subukan siya nitong yakapin.

“Maricon, galit ka ba?” natitigilang tanong nito sa kaniya.

Hindi siya nagsalita at matalim na tiningnan lang ito. Bumisita siya sa mga magulang niya kanina at sakto naman na may nagdeliver ng bulaklak para sa kaniya. May notes na nakaipit sa bulaklak at inakala niya na si Gabriel ang nagpadala niyon. Kilala kasi niya ang penmanship nito kaya hindi siya nagduda noong una nang mabasa sa notes na gusto nito na magkita sila sa parke na malapit lang sa munisipyo ng bayan nila.

Naisip niya na baka may sorpresa sa kaniya ang asawa kaya hindi na siya nagdalawang isip pa na puntahan ito. Ngayon niya pinagsisihan na nagpadala siya sa excitement niya. Hindi na rin niya nagawang tawagan si Gabriel para kompirmahin ang tungkol sa bulaklak dahil naiwan niya ang cellphone sa sinehan sa pagmamadaling pumunta agad sa parke.

Ngayon niya naisip na magaling nga pala si Junie na kumopya ng penmanship. Malamang na alam din nito kung nasaan siya ngayon kaya nito naisagawa ang plano. Galit na hinarap niya ang lalaki. Kilala niya ito at alam niya na wala naman itong gagawing hindi maganda sa kaniya. Mas mabuti na rin na makapag usap sila dahil gusto niyang malaman ang totoong dahilan kung bakit siya nito iniwan noon.

“At sino ang hindi magagalit sa ginawa mo sa akin? Ipinahiya mo ako sa pamilya ko! hindi mo alam kung ilang beses kaming nag away ng mga magulang ko dahil lang sa pagtatanggol ko sa'yo tapos iiwan mo ako sa huli?” mariing sumbat niya kay Junie.

Nang mapansin na pinagtitinginan na silang dalawa ng mga taong naroon sa parke ay pilit na kinalma niya ang sarili. Hindi na siya tumanggi pa nang alukin siya nito na maupo sa isang bakanteng bench.

“Bakit ka nagpadala ng notes at pineke mo pa ang penmanship ni Gabriel?” galit na tanong niya.

Nagdilim ang mukha ni Junie matapos niyang banggitin ang pangalan ng asawa niya. Noong una ay hindi niya pinansin iyon dahil matagal na tinitigan niya ang dating boyfriend. Wala siyang makapang kahit na ano sa dibdib maliban sa galit at hinanakit niya para dito.

Hindi na ba niya ito mahal? Dapat ay umiiyak na siya ngayon sa tuwa dahil sa wakas ay nakita na niya ito. Pero hindi siya natutuwang makita si Junie. Galit siya dito at kahit magmakaawa ito sa kaniya ay hindi niya ito magagawang patawarin agad.

“Ito lang naman ang naisip kong paraan para makalapit sa'yo ng hindi nakikialam ang gagong Mondemar na iyon.”

“Baka lang nakakalimutan mo na mas gago ka sa kaniya dahil ikaw ang nang iwan sa mismong araw ng kasal natin—”

“Dahil tinakot niya ako!” pasigaw na wika ni Junie. Nagimbal siya sa narinig. Hindi makapaniwalang tiningnan niya ito.

“A-ano bang sinasabi mo? Mabait si Gabriel at hindi niya kayang gawin ang sinasabi mo.” Kontra niya.

Pagak na tumawa ito at muling nagpaliwanag.

“Alam mong may sakit ang nanay ko at umaasa lang kami sa libreng pagpapagamot ni donya Leticia. Scholar naman ng mga Mondemar ang bunsong kapatid ko at maliit lang ang sweldo ko sa kapitolyo. Sinamantala ni Gabriel ang lahat ng iyon para mahawakan niya ako sa leeg. Bago ang araw ng kasal natin ay kinausap niya ako at tinakot niya ako na kung itutuloy natin ang kasal ay ipatatanggal niya sa scholarship ang kapatid ko at mapuputol din ang tulong nila sa pagpapagamot kay nanay. Kayang kaya rin niya akong ipatanggal sa trabaho. Natakot ako, Maricon, magulong magulo noon ang isip ko. Paano na lang kung hindi ko maipagamot si nanay? Ayokong mawala siya sa amin at kung mawawalan ako ng trabaho, paano kita bubuhayin at ang mga kapatid ko?”

“K-kaya ba mabilis lang para sa'yo na isuko ako?” nagsisikip ang dibdib na tanong niya dito.

“Pero alam mo naman na ako lang ang inaasahan ng pamilya ko, sana naman maintindihan mo ako. Wala na akong balak na guluhin ka pa, gusto ko lang na malaman mo ang totoo dahil ayokong isipin mo na masamang lalaki ako. Ano ba naman ang laban ko sa isang Mondemar? Masakit man pero kailangan kong isuko ang pagmamahal ko sa'yo dahil wala akong kalaban laban kay Gabriel. Mayaman siya at higit sa lahat ay boto sa kaniya ang pamilya mo.” Paliwanag nito.

“Siraulo ka pala talaga! tama si papa!” asik niya kay Junie.

Napaiyak na siya dahil sa sobrang galit. Hindi lang siya nagagalit dahil sa ginawa nito sa kaniya. Nagagalit siya kay Gabriel dahil kung totoo man na pinagbantaan nito si Junie ay hindi niya gusto iyon. Paano nito nagawang idamay ang mga inosenteng tao sa problema nila noon? Paano na lang kung mapahamak ang ina ni Junie sa oras na hindi maituloy ang pagpapagamot nito? may sakit na breast cancer ang ina nito at hindi pwedeng basta na lang pabayaan.

“Baka nagawa mo rin na magbago ng desisyon at pabayaan ako ay dahil hindi mo naman talaga ako ganoon kamahal?”

“Mahal kita!” giit nito. “Kung ano man ang itinanim ni Gabriel sa isip mo, hindi totoo iyon. Kung may sinabi man siya sa'yo tungkol sa akin ay siguradong sinisiraan lang niya ako.”

Nakagat niya ang likod ng mga pisngi nang mapansin ang takot sa mga mata ni Junie. Bakit parang may hindi ito sinasabi sa kaniya?

“Kaya ko sinasabi sa'yo ang totoong nangyari ay dahil gusto kong magdesisyon ka kung mananatili ka sa tabi niya o iiwan mo siya dahil masama siyang tao. Kinokontrol ka niya, Maricon at hindi dapat mangyari iyon.”

Mabilis na tumayo siya at hindi na pinansin pa ang mga sinabi ni Junie. Hinabol siya nito nang magsimula siyang maglakad pero hindi na niya ito pinansin pa.

“Alam kong hindi ka na pwede pang bumalik sa akin pero hindi ako makakapayag na sa kaniya ka lang mapunta. Magdesisyon ka na habang maaga pa, huwag kang pumayag na habambuhay kang manipulahin na lang ng lalaking iyon!” pahabol pa nito.

Halos wala na siyang maintindihan pa sa sinasabi ng lalaki. Parang wala sa sarili na pumara na siya ng tricycle at nagpahatid sa sinehan. Mas gusto niyang manatili na muna sa kanila kaysa harapin niya si Gabriel. Hindi niya alam kung ano ang iisipin ngayon dahil sa mga ipinagtapat ni Junie sa kaniya.

Hindi niya magawang pakawalan ang mga luha dahil alam niyang sa oras na bumuhos ang mga iyon ay baka hindi na siya tumigil pa sa pag iyak. Nang bumalik siya sa sinehan ay natigilan siya nang makita ang police mobile na nakaparada sa labas nila. Ang ina ang unang sumalubong sa kaniya nang bumaba siya ng tricycle.

“Ang anak ko, ang akala ko ay kung ano na ang ginawa sa'yo ng Junie na iyon.”

Mangiyak ngiyak na niyakap siya ng ina. Mabilis na ipinaliwanag nito sa kaniya kung bakit may mga pulis sa labas nila. Ang kaniyang ama naman ay tumawag agad kay Gabriel para ipaalam na naroon na siya.

Natataranta na rin ang dalawang kapatid niya sa pag aasikaso sa kaniya nang pumasok siya sa kusina. Daig pa niya ang prinsesa kung pagsilbihan ng mga ito dahil lang parating si Gabriel. Malamang na gustong magpalapad ng papel ng mga kapatid niya kaya ganoon na lang kung asikasuhin siya ng mga ito.

“Maricon?”

Nagsikip ang dibdib niya nang marinig ang boses ni Gabriel. Mabilis ang mga hakbang na lumapit ito sa kaniya. Tumayo siya para harapin ito pero hindi katulad ng dati ay hindi niya ito sinalubong ng mahigpit na yakap. Nag iwas siya ng tingin sa asawa nang bumaha ang pagkabigla at sakit sa buong mukha nito.

“Lumabas na muna kayo, mag uusap lang kami ni Gabriel.” Utos niya sa dalawang kapatid.

Napilitan naman ang dalawa na sumunod sa kaniya.

“May problema ba?”

“Ganyan ka ba kaparanoid para ipahanap ako sa mga pulis at magpalagay pa ng checkpoint sa buong bayan?” malamig na tanong niya.

Kumurap ang mga mata nito. Sinubukan nitong abutin siya pero umiwas lang siya at tiningnan ito ng masama.

“Natakot ako na baka may gawing masama sa'yo si Junie.”

“Hindi masamang tao si Junie, hindi siya kasing sama mo!”

“Maricon…” natigilan ito sa narinig.

Napalunok siya nang mapansin ang pagguhit ng sakit sa mga mata nito. Huli na para bawiin niya ang mga sinabi niya. Hindi na siya dapat umatras pa.

“Nakausap ko na si Junie, alam ko na ang totoo na tinakot mo siya na puputulin ang scholarship ng kapatid niya at pati ang pagpapagamot ng nanay niya para lang iwan niya ako sa mismong araw ng kasal natin. Anong klase kang tao? Paano mo nagagawang makatulog sa gabi habang iyong mga tao sa paligid mo ay pinapahirapan mo?”

“Ganiyan ba ako kasama sa'yo? sa loob ba ng ilang buwan na magkasama tayo, nakita mo ba ako na nagsamantala sa kahinaan ng ibang tao?”

Hindi niya magawang sumagot dahil alam niyang may punto si Gabriel. Masyado na siguro siyang nabubulagan ng galit na nararamdaman niya kaya hindi na maganda ang mga sinasabi niya.

“Ayoko na munang makausap ka, umalis ka na lang muna.” Taboy niya dito.

“Mag asawa tayo, obligasyon kita kaya dapat lang na kasama mo ako ngayon. Paano na lang kung bumalik si Junie at guluhin ka ulit?”

“Pwede ba, Gabriel? Alam na alam naman natin kung bakit tayo nagpakasal. Hindi mo na kailangan pang ipaalala sa akin kung ano ka sa buhay ko dahil nakakapagod nang marinig iyon.”

“Nag aaway ba kayo?”

Nakagat niya ang mga labi nang marinig ang galit na boses ng kaniyang ama. Kapag ganoon na makikialam ito ay baka mahirapan lang siyang itaboy si Gabriel.

“Umalis ka na ngayon, ayokong makita ka.” Malamig na sabi niya kay Gabriel.

“At ano naman ang sinasabi mong bata ka? Ano ba ang sinabi sa'yo ng tarantadong Junie na iyon at bakit ka nagkakaganiyan?” bulyaw ng ama at dinuro siya. “Hindi ka na naawa kay Gabriel.”

“Papa, please lang? huwag na kayong makialam dito.”

“At bakit hindi ako makikialam sa inyong dalawa? Anong gusto mo? Ang pabayaan na lang kitang maikasal kay Junie at gawin ka niyang madrasta ng anak niya?”

“A-anak?” gulat na nilingon niya ang ama. “Anong anak? Hindi po kita maintindihan.” Nalilitong sambit niya.

“Nagpaimbestiga ang asawa mo noon at nang matuklasan niya na nakabuntis pala ng ibang babae si Junie ay agad na kinausap niya ang lokong iyon. Natakot si Junie kaya tinanggap na lang niya ang pera at tumakas na sila ng pamilya niya. Hindi ko lang masabi sa'yo ang ginawa ng walanghiyang lalaking iyon dahil nakiusap sa akin si Gabriel. Ayaw niya na masaktan ka sa oras na malaman mo ang totoong dahilan nang pag alis ni Junie.” Paliwanag ng kaniyang ama.

Tuluyan na niyang hindi napigilan ang mga luha dahil sa sinabi nito. Pakiramdam niya ay may bumaon na matulis na bagay sa gitna ng dibdib niya kaya hindi na siya makahinga pa ng maayos. Nagsisikip ang dibdib na ibinaling niya ang tingin kay Gabriel.

Maliban sa sakit ay wala na siyang ibang mabasa pa sa mga mata nito. Nawala na ang kislap sa mga mata nito kapag tinitingnan siya. Naikurap niya ang mga mata nang ipatong nito sa mesa ang mga hawak nitong pictures. Kuha ang mga iyon mula sa labas ng isang malaking mall kung saan kasama ni Junie ang isang buntis na babae.

Muli na naman siyang napaiyak dahil parang dinudurog na ang puso niya sa sakit. Paano niya nagawang isumbat kay Gabriel ang mga maling bagay na pinaniwalaan niya? Pinagdudahan agad niya ito ng dahil lang sa mga sinabi ni Junie sa kaniya kanina.

“Ang balak ko ay sabihin sa'yo ang totoo kapag tuluyan ko nang nakuha ang puso mo para hindi ka na masaktan pa. Ang akala ko ay nagtagumpay na akong gawin iyon pero hindi pa pala. Nagawa niyang lasunin ang isip mo dahil ang totoo ay hindi mo pa rin kayang magtiwala sa akin. Kaaway pa rin ang tingin mo sa akin hanggang ngayon.”

Natutop niya ang mga labi para pigilan ang pagpapakawala ng mga impit na ungol. Masakit na ang dibdib niya dahil sa nag uunahang pag alpas ng masakit na emosyon sa katawan niya.

Oh god! Anong ginawa ko? Nakokonsensiyang sabi niya sa sarili.

Nanlaki ang mga mata niya nang talikuran na siya ni Gabriel at lumabas na ito ng kusina. Umiiyak na hinabol niya ito hanggang sa labas ng sinehan.

“Gabriel, please, makinig ka sa akin. Hindi ko alam…sorry, nagkamali ako na hinusgahan agad kita. H-huwag ka nang magalit sa akin please?” umiiyak na pakiusap niya at hinawakan ito sa kaliwang braso.

Malungkot na umiling lang ito sinapo ang mga pisngi niya. Napahikbi siya nang mapansin na kahit ito ay umiiyak na rin. Naipikit niya ang mga mata nang yumuko ito at masuyong hinalikan ang noo niya.

“Hihintayin kitang bumalik sa akin, ibibigay ko sa'yo ang lahat ng oras na kailangan mo para pag isipan mo kung ano ba talaga tayo, kung hanggang saan ba talaga tayo. Kung talagang maisip mo na hindi mo ako kayang mahalin, bibitaw ako sa'yo. Bibitiwan na kita kahit na duda ako sa sarili ko kung magagawa ko pang mabuhay kapag nawala ka sa akin.”

“Gabriel!” malakas na napahagulhol siya nang pakawalan na siya nito.

Hindi na siya nito sinulyapan pa at walang paalam na sumakay na ito sa kotse. Nanginginig ang buong katawan sa pagkabigla na niyakap na lang niya ang sarili at umiiyak na tinanaw ang pag alis ni Gabriel.

Paano pa ba ako makakabawi sa'yo? hanggang kailan ka ba pahihirapan ng pagmamahal mo sa akin?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.