Namumugto na ang mga mata ni Maricon habang paulit ulit niyang pinanood ang live action na version ng Beauty and the Beast. Hindi pa siya nakontento sa panonood ng cartoon niyon kanina at kahit ang live action na American at French version ay pinatos na niya. Panay tuloy ang iyak niya kapag nasa eksena na siya na kailangan ng pakawalan ng beast si Belle dahil sa sobrang pagmamahal nito.
“Dalawang linggo ka nang nakatunganga dito sa kwarto, mabuti na lang malamig dito dahil sa aircon na ipinakabit ni Gabriel kaya komportable ka.”
“Pwede ba ate!” sikmat niya sa kapatid matapos nitong banggitin ang pangalan ng taong ilang araw na niyang iniiyakan.
“Ano naman ang masama sa sinabi ko?” painosenteng tanong pa nito sa kaniya.
Napabuntong hininga na lang siya at hindi na ito pinansin pa. Itinutok niya ang mga mata sa TV at muling nanood. Tumabi naman ito ng upo sa kaniya sa kama. Hindi naman sana niya ito papansinin noong una kaya lang ay naiilang na siya sa pagtitig nito sa kaniya.
“Bakit ba?” sumisinghot singhot pa na tanong niya.
“Ganiyan na ganiyan din ako noong ayaw akong ipakasal nila mama sa dating asawa ko. Nagkukulong sa kwarto, mainit ang ulo at kontento na lang sa panonood ng mga pelikula.”
“Wala akong ganang lumabas,” matamlay na tugon niya.
Napasimangot siya nang patayin nito ang TV. Inis na tiningnan niya ang kapatid.
“Huwag na lang ninyo akong pakialaman.”
“Makikialam ako dahil kapatid kita, sasabunutan kita kapag hindi ka pa natauhan diyan sa pagpapakadepress mo.”
“Ate!”
Umiling lang ito at itinapon sa malayo ang remote control. Muli itong tumabi sa kaniya ng upo at inakbayan siya.
“Siguro iniisip mo na masama ang ugali ko kasi palagi kong isinusumbat sa'yo na maganda na ang buhay mo samantalang ako nandito at nakikiambon lang ng grasya mula sa asawa mo.”
“Huwag mo na siyang banggitin pa, please…” nagsisikip ang dibdib na pakiusap niya.
“Bakit ko hindi babanggitin kung siya naman ang dahilan nang pagdadrama mo ngayon? Naku sinasabi ko sa'yo Maria Concepcion, hindi mo ako madadaan sa ganiyan.”
Hindi siya umimik. Humikbi lang siya at tinakpan ng palad ang mukha. Niyakap naman siya ng ate niya nang umiyak siya ng malakas.
“Gusto kong humingi ng sorry kung madalas na naiinis ako sa'yo kapag tinatanggihan mo noon si Gabriel. Ayoko lang na matulad ka sa akin kaya halos sa'yo ko na nabuhos ang lahat ng frustration ko. Ayoko kasing pag usapan ka rin ng mga tao dito sa atin. Hindi ako papayag na magaya ka sa akin na halos hindi na makalabas ng sinehan dahil sa mga nagkalat na tsismosa sa paligid. Hindi mo lang siguro napapansin o nararamdaman pero sa ating tatlo ay ikaw ang paboritong anak nila mama at papa. May mga pagkukulang sila sa'yo pero ako na mismo ang makakapagsabi sa'yo na ikaw ang paborito nila. Ikaw ang bunso namin kaya hindi rin papayag si papa na ibigay ka sa isang lalaking katulad ni Junie. Siguro kung hindi lang gumawa ng kalokohan si Junie ay baka natanggap pa siya nila papa pero mas pinili pa kasing unahina ng gagong ex boyfriend mo ang init ng katawan niya kaya magdusa siya ngayon. At ikaw naman, hindi ka makakahanap ng sagot dito sa kwarto. Paano mo masisiguro sa sarili mo na si Gabriel nga talaga ang mahal mo kung panay naman ang tago mo dito?”
“N-natatakot kasi ako ate..” umiiyak na bumitiw siya sa kapatid at nag angat ng tingin dito.
“Natatakot saan?”
“Natatakot ako kapag nakikita ko ang sakit sa mga mata niya. Kahit hindi siya magsalita ay alam kong nasaktan ko siya ng sobra. Bumabalik sa akin ang lahat ng sakit kapag naaalala ko kung paano ko siya sinaktan matapos ko siyang pagdudahan at sumbatan.”
“Alam mo kung bakit mo nararamdaman iyon?” tanong nito habang hinahagod ang likod niya. Mabilis na umiling siya.
“Dahil mahal mo na si Gabriel, natatakot ka kasi bumabalik sa'yo ang lahat ng sakit na nararamdaman niya. Natatakot ka na baka masaktan mo na naman siya. Ganoon naman kasi kapag mahal mo ang isang tao, hindi mo siya gugustuhin na masaktan lalo pa at ikaw ang magiging dahilan ng sakit na iyon.”
Parang kidlat na tumama sa kaniya ang mga sinabi ni Esmeralda. Natigilan siya at pinakiramdaman ang sarili. Sa loob ng ilang araw na pagmumukmok niya ay hindi niya akalain na sa sarili pa niyang kapatid makukuha ang sagot sa mga bagay na gumugulo sa isip niya.
Napabalikwas siya ng bangon at mabilis na dinampot ang cellphone sa tabi niya.
Ilang beses niyang tinawagan si Gabriel pero hindi naman niya ito macontact. Panay ang patak ng mga luha niya dahil sa takot na baka masama pa rin ang loob nito sa kaniya hanggang ngayon. Napilitan siyang tawagan ang ina nito.
“Hello?”
“M-mommy, nandiyan po ba ang asawa ko?”
“Maricon, umiiyak ka ba? wala dito si Gabriel. Mula nang mag away kayo ay hindi na siya umuwi dito sa amin. Huwag na muna daw namin siyang hanapin dahil gusto niyang mapag isa. Walang nakakaalam kung nasaan siya ngayon.”
Nahigit niya ang paghinga ng may isang ideya ang pumasok sa isip niya.
“Alam ko po kung nasaan siya ngayon, gusto ko po siyang makausap. Pwede po ba ninyo akong tulungan na makakuha ng bangka papuntang isla Camito ngayon?”
Mabilis na sumang ayon naman ang biyenan niya. Pagkatapos niyang makipag usap sa ina ni Gabriel ay mabilis na lumabas siya ng kwarto niya.
“Saan ka pupunta?” pasigaw na tanong ng ate Esmeralda niya.
“Pupuntahan ko si Gabriel, hindi ko na kayang magmukmok pa dito!”
“Maligo ka muna!”
Hindi niya ito pinansin. Maging ang mga magulang niya ay sinundan siya palabas ng sinehan at parang may balak pang sumama ng mga ito sa kaniya pabalik ng isla. Hinayaan na lang niya ang mga ito dahil kailangan nang sumama sa kaniya ng buong pamilya niya dahil dapat lang na naroon ang mga ito sa oras na sorpresahin na niya si Gabriel.