“Vanessa!”
Nataranta si Vanessa nang tawagin siya ni Fabio. Inayos niya ang suot na salamin sa mata at nagmamadaling tinalikuran na ito. Hindi dapat siya nito makita sa ganoong hitsura niya dahil baka madismaya ito sa kaniya. Kung pinuntahan siya ng lalaki ay isa lang ang ibig sabihin niyon, interesado ito sa kaniya. Madali lang naman para dito na hanapin siya dahil sinadya niyang mag iwan ng calling card ng gabing iwan niya ito sa hotel.
Pero hindi ko inaasahan na bigla na lang siyang susulpot ng ganito ang hitsura ko. My god! Mukha akong manang. Hindi man lang tumawag sa number niya ang lalaki. Isang buwan na ang nakalipas mula nang magkita sila sa bar. Hindi naman siya masyadong nag alala na baka hindi ito magpakita sa kaniya dahil nabalitaan niya na nag abroad pala ito para ayusin ang ilang negosyo nito. Wala pang isang linggo itong nakakabalik ng Mondemar at pinuntahan na agad siya nito. Dapat na sana siyang matuwa sa bagay na iyon dahil siya agad ang naisip ni Fabio nang umuwi ito. Pero paano naman siya matutuwa kung bigla na lang itong sumulpot ngayon at hindi man lang siya nakapag ayos ng sarili. Pinatay niya ang aircon kanina kaya medyo pawisan na siya at oily na rin ang mukha niya. Ang mahabang buhok niya ay ipinuyod niya pataas dahil ayaw niyang makasagabal iyon sa trabaho niya. Hindi biro ang magturo sa mga bata dahil sadyang makukulit ang mga ito kaya pagdating ng hapon ay haggard na talaga ang hitsura niya.
“Wala si Vanessa dito ngayon, umalis siya.” Pinaliit niya ang boses at umasa na sana ay hindi mahalata ni Fabio ang pagkukunwari niya. Pero nabigo siya sa plano niya dahil sinundan siya nito at mabilis na hinila ang isang braso niya. Gulat na napapihit siya paharap dito.
“Ikaw si Vanessa, maglolokohan pa ba tayo?” anito at matiim na pinagmasdan siya. Alam niyang hindi niya talaga maitatago ang totoo at mukhang hindi naman talaga ito mabilis na maloko kaya sumusukong tumango na lang siya. Nagpumiglas siya at binigyan ito ng blangkong tingin.
“Ako nga, pwede mo na ba akong bitawan ngayon?”
Kumibot ang mga labi ng binata at napipilitang sinunod ang gusto niya. Parang gusto na lang niyang maglaho ngayon sa harap ni Fabio. Paano niya ito maaakit sa hitsura niya ngayon? Kilala niya ang mga katulad nitong playboy at alam niyang ang mga babaeng katulad ng ‘Vanessa’ na nakilala nito ang nakakakuha ng interes nito.
“Sa tingin ko alam ko na ang dahilan kung bakit ka sumama sa akin sa hotel.”
Natigilan siya. Nagsikip ang dibdib niya nang mapansin ang kakaibang reaksiyon nito. Seryosong sinalubong siya ng tingin ni Fabio. Nawala na ang kapilyuhan sa mga mata nito at mas lalong nagpakaba iyon sa kaniya. Nagpaimbestiga ba ito tungkol sa kaniya at nalaman na nito ang koneksiyon niya sa mga Cojuangco?
“Isa ka rin siguro sa mga babaeng masyadong matino at malamang na niloko ka ng ex boyfriend mo kaya nagpunta ka sa bar dahil gusto mong makalimot. Am I right?” nananantiyang tanong nito sa kaniya.
Napaawang ang mga labi niya. Hindi siya makapaniwala sa hinala ni Fabio tungkol sa kaniya. Mas tama bang hayaan na lang niyang isipin nito na isa nga siyang ‘good girl’ na gusto lang makalimot sa ginawa ng manloloko niyang ex boyfriend at hindi isang liberated na babae na nakasama nito sa hotel?
“Vanessa, malapit nang maluto ang spaghetti. Umakyat ka na dito!”
Ang malakas na sigaw ni Geraldine ang mas lalong nagpataranta kay Vanessa. Sa takot na bumaba ang kaibigan ay mabilis na hinila niya sa braso si Fabio. Baka mas lalo lang siyang asarin ni Geraldine kapag nalaman nito na bigla na lang sumulpot si Gabiel ngayon kung kailan mukha stress sa trabaho ang hitsura niya.
“Wait—”
“Umalis ka na, oo tama ang sinabi mo na gusto ko lang makalimutan ang ex boyfriend ko kaya ko sinubukang magpunta sa bar.” Mahinang sikmat niya sa lalaki at itinulak ito palabas ng classroom. Narinig niyang natawa ito ng isara niya ang bakal na gate. Humawak sa itaas ng gate si Fabio. Hanggang sa ibaba ng dibdib nito ang mataas na taas ng gate kaya hindi ito nahirapan na tingnan siya.
“Babalik ako, pwede kitang tulungan na makalimutan ang ex boyfriend mo.”
“Siraulo!” inis na bulyaw niya. Hinawakan niya ang mga kamay nito at pilit na tinanggal iyon mula sa mahigpit na pagkapit sa dulo ng bakal pero masyado itong mabilis. Nanlaki ang mga mata niya nang hawakan nito ang mga kamay niya at hilahin siya nito palapit sa katawan nito. Naramdaman niya ang paglapat ng katawan niya sa bakal na gate at ang mabilis na pag angkin ni Fabio sa mga labi niya.
Kusang pumikit ang mga mata niya ng malasahan ang matamis na halik na iyon. Nakalimutan na siguro niya kung sino siya ng dahil sa paghalik sa kaniya ni Fabio!