MONDEMAR CLAN SERIES 2 Chapter 29

“So, ano nga ba ang problema mo? Imposibleng pera dahil baka nga mas marami ka pang pera kaysa sa akin.”

Nagusot ang ilong ni Fabio nang marinig ang sinabi ng panganay niyang kapatid na si Jaime. Ipinatawag siya nito sa opisina nito—na matatagpuan sa isang sikat na hotel sa Maynila na pag aari ng pamilya nila. Sa finance department siya naka-assign kaya may sarili rin siyang opisina na nasa fifth floor naman ng main building. Dalawang magkatabing hotel kasi iyon dati ay magkakompetensiya. Dahil bumagsak at nalugi ang katabi nilang hotel ay hindi nagdalawang isip ang daddy nila na bilihin iyon at iparenovate na katulad ng main hotel nila.

Maliban sa Mondemar Hotel –na isang hotel chains na ngayon—at Mondemar Shipping company ay may iba pa silang negosyo. Magaling sa negosyo ang kanilang ama na si don Federico at proud siyang sabihin na lahat silang limang magkakapatid ay namana ang talino nito.

Ang kuya Jaime niya ay may pag aaring ilang malaking grocery store sa Mondemar at sa katabing bayan. Kahit ang bar na madalas niyang puntahan tuwing biyernes ng gabi ay pag aari din nito. Si Juancho naman na sumunod dito ay may sarili ring negosyo. Pag aari nito ang pinakamalaking hotel sa bayan nila. Si Miguel na siyang maaasahan talaga pagdating sa negosyo—dahil dito niya madalas na ipagkatiwala ang mga negosyo niya kapag nasa ibang bansa siya—ay ang humahawak ng ibang branch nila ng hotel. May ipinatayo itong resort sa Mondemar at iba pang parte ng Luzon. Ang pang apat niyang kapatid na si Gabriel ay may mga pag aaring commercial building sa bayan nila at maging sa Maynila. Maliban doon ay tumutulong rin ito sa pagpapatakbo ng mga negosyo na ipinundar ng daddy nila.

Siya na lang ang single sa kanilang limang magkakapatid. Halos walong buwan palang ang nakakalipas mula nang magpakasal si Gabriel. Masaya naman siya sa pagiging single and always available niya kaya hindi niya pinapansin ang pagpaparinig sa kaniya ng ina na gusto na rin nitong malagay siya sa tahimik. Alam ng mommy niya na wala talaga sa isip niya ang pag aasawa. Hindi niya hilig ang pumasok sa seryosong relasyon kaya malabong magkatotoo ang request nito sa kaniya na mag asawa na at sumunod sa landas ng mga kapatid niya.

“Hindi naman talaga pera ang kailangan ko.”

“Babae ba?” tanong ulit ni Jaime. Napaubo na lang si Fabio ng biglang naging matiim ang tingin sa kaniya ng kapatid. Itinigil nito ang ginagawang pagpirma sa hawak na dokumento at matagal na tiningnan siya.

Obviously ay hindi nga pera ang problema niya dahil kahit naman sabihin na may pagka easy go lucky talaga siya ay marunong siya sa negosyo. Gamit ang malaking pera na ipinahiram sa kaniya noon ng daddy niya ay nagpagawa siya ng isang subdivision sa bayan nila. Maunlad na ang Mondemar kaya hindi na nakapagtataka na marami ang kumuha ng mga bahay sa subdivision niya. Dahil malaki ang kinita niya ay naisipan niya na magpagawa na rin ng subdivision sa iba pang parte ng Luzon. Mabilis na nakilala ang Monde-Fab subdivision at iyon ang nagpayaman sa kaniya ng husto.

Kahit siya ang founder at mismong President ng Monde-Fab ay marami siyang tauhan na gumagawa ng trabaho para sa kaniya. Hindi naman niya sinasabi na hawak niya ang lahat ng oras niya dahil busy rin siya pero kapag may pagkakataon ay ibinubuhos niya talaga ang oras sa ibang bagay dahil ayaw niyang maubos lang sa pagpapalaki ng kompanya ang oras niya. Lalaki siya at may pangangailangan rin naman.

“Magaling ako sa ganiyang topic.”

Napapalatak siya ng biglang bumukas ang pinto at pumasok si Gabriel. Sumunod naman dito ang dalawa pa niyang kapatid na sila Miguel at Juancho.

“Paalis na sana kami kaya lang ay hindi talaga papayag si Jaime na hindi ka namin makausap ngayon.” Ani Juancho. Naupo ang mga ito sa mahabang couch kaya halos maipit na siya dahil nasa bandang dulo siya.

“Kaya mo ba ako ipinatawag ay dahil gusto lang pala ninyo akong i-interrogate?”

“Nadale mo!” nakangising sabi ni Miguel at inakbayan siya. Sa laki nilang apat ay halos magsiksikan na sila sa couch.

“Babae ang problema niya, ilang beses siyang nagkamali at natulala kanina sa meeting. Ipupusta ko ang bagong kotse ko kapag nagkamali ako ng duda.” Singit ni Gabriel.

“Oo na!” sikmat niya sa mga kuya niya. “Babae nga,” napabuntong hininga siya at desperadong nasabunutan ang sarili. Hindi niya alam kung masyado lang siyang bilib sa sarili niya o masyado lang talagang malakas ang dating sa kaniya ng babaeng nakilala niya sa bar kaya hindi niya ito makalimutan.

May naiwang calling card ang babae. Vanessa Muego pala ang pangalan nito at nursery teacher ito. Nagulat siya ng malaman ang propesiyon nito. Hindi niya alam kung sinadya nitong iwan ang calling card para gumawa siya ng paraan na magkita ulit silang dalawa. Pero bakit naman niya gagawin iyon? Hindi uso sa kaniya ang ‘second time’ dahil kontento na siya sa one night stand at ang pinakaayaw niya sa lahat ay ang commitment.

Hindi naman sa takot siya sa forever. Maliban sa masaya at kontentong buhay ngayon ng mga kapatid niya ay masasabi niya na patunay ang mga magulang niya na may forever talaga. Pero natatakot siyang sumubok dahil nakita rin naman niya kung paano nasaktan ang ilan sa mga kakilala at kaibigan niya ng dahil sa pagpasok ng mga ito sa maling relasyon. Totoo nga na may forever pero naniniwala siya na parang pagtaya lang iyon sa lotto kung saan iilang tao lang ang nakakakuha ng jackpot prize.

Napapikit siya sa inis nang sikuhin siya ni Miguel sa tagiliran. “Maganda ba?”

Sobrang ganda. Naisaloob niya. Naglaho na ang inis niya nang sumagi sa isip niya ang maamong mukha ni Vanessa. Naalala niya na nauna siyang dumating sa bar at nang dumating naman ito ay pinagtinginan na ito ng mga lalaking naroon. Aaminin niya na attracted talaga siya sa babae. Mas lalo pa nitong nakuha ang atensiyon niya dahil sa suot nitong red dress. Bumagay iyon dito dahil mas lumutang ang makinis na kutis at ganda nito. Wala pa naman sana siyang balak na lapitan ito noong una pero narinig niyang pinag uusapan ng isang grupo ng mga lalaki si Vanessa. Pamilyar sa kaniya ang mga lalaking iyon dahil minsan na iyong nanggulo at nambastos ng babae sa ibang bar na napuntahan niya.

Bago pa man malapitan si Vanessa ng isa sa mga bastos na lalaking iyon ay inunahan na niya ang mga ito. May pagkasuplada ang dating ng babae pero hindi naman siya mabilis na maintimidate kaya sumige pa rin siya kahit na nang lapitan niya ito ay masama ang tingin nito sa kaniya. Nagawa naman niyang akitin ito at nakarating pa sila ng hotel. Pero basta na lang siya nito nilayasan at iyon ang hindi niya matanggap. Kahit pa sabihin na may valid reason naman ito sa pag iwan sa kaniya ay naiinis pa rin siya sa tuwing naalala kung paanong basta na lang ito tumakbo palabas ng hotel suite.

“Mukhang may nakahuli na sa puso mo.” Biro ni Juancho matapos niyang sabihin sa mga ito ang tungkol kay Vanessa.

Mariing umiling siya. “Nagkakaganito lang ako kasi nga first time mangyari na hindi ko nakuha ang gusto ko. Kilala ninyo ako, sa isang pitik ko lang ay makukuha ko ang babaeng gusto ko.”

“Yabang mo!” binatukan siya ni Gabriel.

“Pero totoo naman!” giit niya. Maraming kakaibang nangyayari sa kaniya mula nang makilala niya si Vanessa. Bigla na lang ay sumasagi ito sa isip niya. Madalas ay natutulala siya at hindi agad

makapag isip ng maayos kapag naaalala niya ang matamis na ngiti sa mga labi nito. Kahit sa panaginip niya ay nakikita niya ang dalaga kaya may mga gabi na nagigising siyang pawis na pawis dahil palagi niyang napapanaginipan na inaangkin niya ito.

“Pustahan tayo?” suhestiyon ni Miguel.

“Hindi pwede.” Saway ni Juancho. “Nakalimutan na ba ninyo ang palaging sinasabi ni daddy na bawal paglaruan ang mga babae?”

“Si Fabio ang pagsabihan mo.” Natatawang kontra ni Miguel. Tiningnan niya ito ng masama.

“Basta papatunayan ko sa inyo na magiging akin siya, makukuha ko siya.” Determinadong wika niya.

“Inaangkin mo na agad siya? Nagsawa ka na ba sa one night stand kaya mo nasabi `yan?”

Natigilan siya nang marinig ang tanong ni Jaime. Paano niya naman kasi sasagutin ang tanong ng kapatid kung kahit sa sarili niya ay wala rin siyang makuhang sagot.

Jeez! Really, princess, ano bang ginagawa mo sa akin?

***********************************************************************

“Isang buwan na friend, aaminin na ba natin na hindi naman talaga naakit sa`yo si Fabio at nadala lang siya ng init ng katawan kaya kayo nakarating sa hotel? Mukhang nakalimutan na niya ang beauty mo dahil sa dami ng mga babae na ready mag exhibition sa kama niya.”

“Tumigil ka nga!” nakairap na saway ni Vanessa sa kaibigan niyang si Geraldine. Buong araw na nitong binabanggit sa kaniya ang tungkol sa plano niyang pang aakit kay Fabio kaya naririndi na ang mga tenga niya. Kung makapagsalita naman kasi ito ay parang talunan na agad siya.

Pero panalo ka na nga ba ng lagay na yan kung hindi naman gumawa ng way si Fabio para magkita ulit kayo?

Naipikit niya ang mga mata at hinilot ng mga daliri ang sumasakit na sentido niya. Medyo pagod siya ngayon dahil sa maghapon niyang klase kaya hindi maiwasan na sumakit ang ulo at mga mata niya. Napangiwi na lang siya ng mas lalo pang sumakit ang ulo niya. Nagmulat siya at agad na inabot ang bag na nakapatong sa table. Kinuha niya ang eyeglasses niya at saka tinanggal ang suot na contact lens.

“Nag iiba ang hitsura mo kapag suot mo na ang eyeglasses mo, parang hindi na ikaw ang Vanessa na kilala ko.”

“Sino ba ang Vanessa na kilala mo?”

“Hmmm… mas gusto ko `yung pagiging natural mo lalo na kapag simple lang ang porma mo. Pero mas magugustuhan siyempre ng mga boys `yung Vanessa na may pagkaliberated, sophisticated, palaban at ismarte kung kumilos.”

“Magaling kang mambola, friend.” Napapailing na sabi niya at binato ng nilamukos na papel si Geraldine.

Kapag ganoon na wala ang mga estudyante nila ay nagagawa nilang dalawa ang mag asaran hanggang sa sumuko ang isa sa kanila. Madalas na mga bata ang mga kasama nila kaya siguro nagiging isip bata na rin sila kung minsan.

Pareho silang dalawa na nagtapos ng kursong Education. Sa isang state university sa Mondemar nakapag aral si Geraldine at siya naman ay sa isang kilalang university sa London. Noon pa man ay mahilig na talaga siya sa mga bata. Hindi naman nakialam noon ang daddy niya sa kursong pinili niya nang mag aral siya sa ibang bansa. Sinabi pa nga nito na tama lang daw na hindi related sa business ang kurso niya dahil wala itong balak na pahawakin siya ng mga negosyo nito. Maliban kasi kay Vincenth ay may mga pamangkin ito na pwedeng tumulong dito sa pagpapatakbo ng kompanya nito.

Nang alukin siya ng kaibigan na magtrabaho bilang nursery teacher sa maliit na nursery school na pag aari nito ay agad na pumayag siya. Maliit lang ang sweldo ng teacher pero wala namang kaso iyon sa kaniya. Kahit siguro huwag na siyang magtrabaho ay mabubuhay siya dahil malaki ang iniwan sa kaniyang pera ng ina na ipinasok niya sa investment. Balak rin niya na magpagawa ng sariling nursery school sa Maynila pero kailangan na muna niyang matapos ang misyon niya bago niya ipagpatuloy ang sarili niyang buhay.

“Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Fabio kapag nakita ka niya ngayon? Mukha kang manang, friend.” Hirit ulit ni Geraldine.

Napalabi siya bigla. Malamang na hindi siya makilala ni Fabio dahil ibang iba ang hitsura niya ngayon, hindi siya mukhang sophisticated. Suot niya ang uniporme niyang blouse na cream ang kulay at itim na palda na hanggang ibaba ng tuhod ang haba. Maliban sa manipis na lipstick ay wala naman siyang ibang inilagay sa mukha niya. Mas lalo pa siyang nagmukhang pormal tingnan dahil sa suot niyang eyeglasses. Noon pa man kasi ay malabo na talaga ang mga mata niya. Sino ba ang mag aakala na si Teacher Vanessa sa mata ng mga estudyante niya at ang Vanessa na nakita ni Fabio sa bar ay iisa?

“`O siya, aakyat na muna ako para makapagluto ng meryenda natin. Malamang na late ka na namang kumain dahil halos hindi mo na tinitigilan ang pagbabasa ng pocketbook.”

Tumango lang siya at hinayaan na si Geraldine na iwan siya. Mamaya lang ay magsasara na rin siya ng eskwelahan at aakyat sa second floor kung saan naroon ang tirahan nila. Single ang kaibigan niya at wala na itong mga magulang pa kaya siya lang ang nakakasama nito ngayon. Napangiti siya nang mahagip ng mga mata niya ang pocketbook na binabasa niya kanina bago siya istorbuhin ng kaibigan.

Bata pa lang siya ay mahilig na talaga siyang magbasa ng mga local at international pocketbook. Halos sa libro na nga nauubos ang baon niya noong nag aaral pa siya.

Alam niyang ang nakikita lang ng daddy niya at ng ibang mga tao sa paligid niya ay ang bad side niya. Rebeldeng anak kasi siya. Maaga siyang natutong uminom at manigarilyo dahil na rin sa pagsama niya sa maling barkada. Ilang beses siyang nagbenta noon ng mga alahas na ibinigay sa kaniya ng mommy niya dahil kapag galit sa kaniya ang ama ay hindi siya nito binibigyan ng allowance. Dahil mainitin ang ulo ay madalas na mapasabak siya sa gulo. May marinig lang siyang hindi maganda sa mga kaklase niya—na tungkol sa kaniya—ay pinapatulan na agad niya ang mga ito kaya ilang beses siyang naipatawag sa guidance office. Kahit sa presinto ay nasubukan na niyang magpalipas ng gabi dahil sa pagwawala niya matapos siyang bastusin ng isang kainuman niyang lalaki. Kung may makakakita lang siguro ng isa pang side ng pagkatao niya ay baka may tao pang magmahal at magmalasakit sa kaniya.

Pero imposible na iyon…naisaloob niya. Nagbago na siya ngayon. Mula nang tumira siya sa London ay binago na niya ang sarili niya dahil alam niyang mag isa na lang siya. Alam niyang hindi na niya mababago pa ang tingin sa kaniya ng ibang tao pero wala na siyang pakialam pa. Hindi na niya problema kung masamang babae siya sa paningin ng mga ito. Mas gusto pa niyang mamuhay na lang ng tahimik at malayo sa mga toxic na kakilala ng pamilya niya.

Inunat ni Vanessa ang mga kamay at saka inabot ang pocketbook. Magpupuyat siya ngayong gabi dahil kailangan na niyang mabasa iyon. Bukas ay sasaglit siya sa mall para bumili ng bagong mga libro. Inilagay niya ang pocketbook sa bag at tumayo na. Nang maalala na hindi pa pala niya naisasara ang pinto ng classroom ay napapalatak siya. Hinahayaan lang nilang bukas ang main gate sa labas pero kailangan na nakasara ang pinto sa classroom dahil baka mapasok sila ng magnanakaw.

Inilapag niya sa mesa ang bag niya at naglakad na palapit sa direksiyon ng pinto. Pero hindi pa man siya nakakalapit sa pinto ay kamuntik na siyang madulas ng may kung anong matigas na bagay ang dumiin sa takong ng sapatos niya. Napabuntong hininga siya at yumuko para hanapin ang bagay na iyon. Malamang na laruan ng estudyante niya ang natapakan niya. Hindi kasi siya nagwalis ng sahig kanina dahil nga nalibang na siya sa pagbabasa ng pocketbook. Dahil hindi niya makita ang laruan ay mas lalo pa siyang yumuko pero bigla namang nalaglag ang salamin niya. Mahinang napamura siya sa inis at balak na sanang lumuhod kaya lang ay may nasipa na naman siya at parang tumalsik pa iyon sa malayo.

“Ang salamin ko!” naiinis na bulalas niya. Lumuhod siya at kinapa kapa ang sahig. Mahahanap din naman niya agad iyon dahil hindi medyo nakikita pa niya ang paligid. “Pero nasaan na ba kasi iyon?” patuloy siya sa pagkapa sa sahig at biglang natigilan ng bigla na lang ay may malaking bulto ang humarang sa harapan niya. Hindi niya masyadong makita ang mukha niyon pero base sa malapad na balikat at tangkad nito ay sigurado siyang lalaki ito.

“S-sino ka?” kinakabahang tanong niya. Wala siyang narinig na sagot mula sa lalaki. Nagulat na lang siya nang maramdaman ang pagdantay ng mga daliri nito sa sentido niya. Naikurap niya ang mga mata matapos nitong isuot sa kaniya ang salamin niya sa mata. Nang masanay na siya sa liwanag ay mabilis na sinulyapan niya ang lalaki na nakaluhod na rin pala ng mga oras na iyon sa harapan niya.

“Ikaw?!” hindi makapaniwalang bulalas niya nang makilala kung sino ang lalaking tumulong sa kaniya.

“Hello, my beautiful butterfly.” Kumikislap sa pagkaaliw ang mga matang bati ni Fabio sa kaniya.

Anak ng kuneho! Bakit ngayon pa siya nagpakita sa akin kung kailan mukha akong estudyanteng nerd!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.