“Sigurado ba kayo? Baka naman nilalagnat lang?”
“Pigilan na nga muna ninyo `yan at baka nagayuma lang ng babaeng nakilala niya.”
“Pero hindi rin kuya Jaime, maganda naman talaga si teacher Vanessa kaya hindi na nakapagtataka kung halos mabaliw baliw na itong bunso natin sa kaniya.”
Naiinis na napahinga na lang ng malalim si Fabio habang nakikinig sa usapan ng mga kapatid niya. Kung pag usapan siya ng mga kuya niya ay parang wala siya sa harapan ng mga ito ngayon.
“Teacher?” naningkit ang mga mata ni Jaime at nilingon siya. “Don’t tell me na—”
“Hindi pa rin nakakapagmove on si bunsoy after magpakasal ng favorite teacher niya noong college siya.”
Mga bwisit! Napasimangot na siya. Matagal na niyang kinalimutan ang first heartache niya. Pero ang magaling na mga kapatid niya ay palagi talagang naghahanap ng dahilan para ipaalala sa kaniya ang kahibangan niya noon. Nagkacrush kasi siya sa isang professor niya noong first year college siya. Maganda si Stephanie at mas matanda lang sa kaniya ng anim na taon kaya kahit na estudyante siya nito ay pinormahan pa rin niya ito. Nang mga panahon na iyon ay hindi pa siya masasabing playboy dahil seryoso naman siya sa panliligaw sa magandang professor niya. Kaya lang ay ilang beses siya nitong binasted dahil hindi daw pwedeng makipagrelasyon ang teacher sa estudyante. Sumige pa rin siya kahit na paulit ulit na siyang napapahiya sa pagtanggi nito. Pero isang araw ay biglang hindi na ito nagpakita pa sa unibersidad. Nakarating na lang sa kaniya ang balita na may kinakasama na pala ito pero nagawa pa nitong tumakas at sumama sa ibang lalaki. Ang masaklap ay kaklase pa niya ang lalaking sinamahan nito. Nasaktan ng todo ang pride niya. Hindi biro ang effort niya sa panliligaw kay Stephanie pero nasayang lang lahat iyon. Magmula niyon ay natuto na siyang huwag magseryoso sa babae. Ilang taon niyang iningatan ang reputasyon niya bilang playboy pero mukhang masisira pa iyon ng dahil na naman sa isang teacher na nakakuha ng interes niya.
Bago pa man siya lumabas ng pinto ay hinila na siya ni Jaime pabalik sa sala. Ang mga hipag niya ay nagtatakang nakatingin na sa kanilang magkakapatid. Kahit ang mga pamangkin niya ay pinalibutan na rin siya. Si Phoebe na mahigit isang taong gulang pa lang ay kumapit na sa binti niya at mukhang wala rin siyang balak na paalisin.
“Baby, aalis lang si uncle Fabio, may pasalubong ka sa akin mamaya pagbalik ko. Bibigyan kita ng magandang auntie, tama malapit ka nang magkaroon ng bagong auntie kaya bitiwan mo na si uncle. Please?” masuyong pakiusap niya sa cute na pamangkin niya.
Ngumiti lang ito at umiling. Argh! Isama na lang kaya niya si Phoebe para naman lumambot ang puso sa kaniya ni Vanessa? teacher ang dalaga at malamang na mahilig sa mga bata kaya dagdag pogi points kapag nakita nito na nag aalaga siya ng pamangkin niya. Napangisi siya at kinarga si Phoebe.
“Ate Allyson, pahiram lang muna kay Phoebe ha? Ipapakilala ko lang sa kaniya ang future auntie niya kaya—”
“Siraulo ka talaga Fabio Angelo! Saan mo balak dalahin ang anak ko?” bulyaw ng kuya Jaime niya. Hindi na siya nagpapigil pa sa mga ito. Tumakbo na siya palabas at dumiretso sa parking space ng mansiyon kung saan naroon ang kotse niya. Bahala na kung mabatukan siya mamaya ng mga kapatid dahil itinakas niya ang pamangkin niya. Hindi naman niya pababayaan si Phoebe at uuwi din sila agad mamaya.
“Puntahan na natin si auntie?” tanong niya sa paslit na nakaupo sa passenger seat. Nilagyan niya ito ng seatbelt para huwag itong malaglag.
“Yey!” pumalakpak si Phoebe kaya napahalakhak siya. Naaaliw siya sa kulay asul na mga mata ng pamangkin niya. Ewan na lang niya kung hindi pa niya mapaamo si Vanessa kapag nakita nito ang paslit.