MONDEMAR CLAN SERIES 2 Chapter 33

Mahigit alas tres na ng hapon nang maisipan Vanessa na lumabas ng bahay. Sabado ngayon kaya wala siyang ibang ginawa kundi ang maglinis ng buong bahay at maglaba ng mga damit niya. Nang matapos siya sa ginagawa ay nakaramdam naman siya nang pagkainip. Wala kasi siyang makausap dahil kanina pa umalis si Geraldine para bisitahin ang malayong kamag anak nito sa kabilang bayan. Gusto sana siyang isama ng kaibigan pero tumanggi siya dahil napuyat siya kagabi sa pagbabasa ng libro at bandang tanghali na rin siya nagising.

Balak sana niyang magpunta sa malapit lang na grocery store kaya lang ay naalala niya na hindi pa nauubos ang mga pinamili niyang pagkain para sa isang linggo. Baka abutin pa ng tatlong araw ang grocery stocks nila kaya sa sunod na lang siyang mamimili. Naalala niya na may malapit lang na parke mula sa bahay ni Geraldine kaya doon niya napagpasiyahan na magpunta. Siniguro niyang nakalock ang gate ng bahay at nagsimula nang maglakad lakad. Mahigit limang minuto na siyang naglalakad nang matanaw niya ang maliit na parke. Napangiti siya at excited na binilisan pa niya ang paglalakad. Walang tao doon kaya masosolo niya ang buong lugar.

Pero bago pa man siya makarating sa entrada ng parke ay nakarinig na siya ng malakas na busina ng sasakyan sa bandang likuran niya. Nagtatakang pumihit siya sa direksiyon ng sasakyan. Ganoon na lang ang pagkamangha niya nang makitang bumukas ang pinto ng kotse at bumaba mula doon si Fabio at may karga itong manyika.

Wait! Manyika? Bakit may bitbit na laruan ang bwisit na lalaking ito? Saglit na natulala siya nang magtama ang mga mata nila ni Fabio. Halos hindi na nga niya namalayan ang paglapit nito sa kaniya. Nagulat na lang siya ng biglang gumalaw ang hawak nitong…

“Baby?” nanlaki ang mga mata niya. Hindi isang manyika ang hawak ni Fabio kundi isang napakacute na bata! Inakala niyang manyika noong una ang bata dahil kulay asul ang mga mata nito at mestisa ito. Kulay mais rin ang buhok ng paslit kaya sino ang mag aakala na isang napakagandang bata pala nito?

Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ang lalaki. Ngumiti naman ito sa kaniya na halos magpawindang na naman sa kanina lang ay nananahimik na puso niya.

“Mondemar, hindi ko akalain na may baby ka na pala?”

Napalis ang ngiti sa mga labi nito. Umiling ito at ikinumpas ang isang kamay na para bang may malaking pagkakamali sa sinabi niya.

“Anak si Phoebe ng kuya Jaime ko, isinama ko lang kasi nga umiiyak siya kanina at ayaw niyang magpaiwan sa parents niya. Alam mo kasi, ako ang favorite uncle niya kaya talagang hindi siya pumapayag na magpaiwan sa iba kapag nakikita ako.”

“Ah talaga?” nagdududang tanong niya. Duda naman talaga siya dahil hindi naman namumugto ang mga mata ng bata. Malamang na nagyayabang lang si Fabio para masabi na mabuting tiyuhin ito. Napapalatak siya at matalim na tiningnan ito. “Marunong ka bang mag alaga ng bata ha? Hindi mo ba alam na pwede siyang magutom anytime?”

Naglaho ang kinang sa mga mata nito at napalitan iyon nang pag aaalala.

“Anong gagawin ko? papatayin ako ng mga kuya ko kapag ginutom ko si Phoebe.”

“Ayun!” parang mauubusan na nang pasensiyang sabi niya. Pinagmasdan niya ang bata. Hindi naman ito mukhang nagugutom dahil panay pa nga ang titig nito sa kaniya at parang gustong magpakarga.

Pasimpleng nginitian niya si Phoebe nang mapansin na nakatingin si Fabio sa loob ng parke. Humagikhik ang paslit at kinawayan siya.

Nakakaaliw pakinggan ang tawa ng pamangkin ni Fabio. Para talaga itong buhay na manyika dahil maliban sa magandang bata ay malusog rin ito. Nahahawig rin ito sa tiyuhin nito. Pero kungsabagay ay talagang magkakahawig naman ang mga lalaking anak ni don Federico. Minsan na niyang nakita ang family picture ng mga ito sa isang website noong nagsisimula palang siyang magresearch tungkol sa mga Mondemar.

Mayamaya ay nagtaka siya nang mapansin na parang may ibinulong si Fabio kay Phoebe. Pumalakpak naman ang paslit at natutuwang tiningnan ulit siya.

“Awntie.”

Namangha siya sa narinig. Alam niyang kalokohan ang itinuturo ni Fabio sa pamangkin nito pero nang marinig niyang tawagin siyang ‘auntie’ni Phoebe ay parang ilang segundong natunaw ang puso niya sa tuwa. May mga pamangkin siya sa pinsan—sa side ng mommy at daddy niya—pero hindi niya nakasama ang mga ito. Mababa ang tingin sa kaniya ng pamilya ng kinikilala niyang mga magulang kaya malayo ang loob niya sa mga ito. Hindi siya lumalapit sa mga pamangkin niya dahil ayaw niyang isipin ng magulang ng mga ito na bad influence lang siya. Ayaw niya ng gulo kaya siya na lang ang lumalayo.

Nag init ang sulok ng mga mata niya. Hindi niya mapigilan ang pagbuhos ng mainit na emosyon sa puso niya. Pinunasan niya ang mga luha bago pa iyon makita ni Fabio. Ipinaskil niya ang ngiti sa mga labi at inabot ang mga kamay kay Phoebe.

“Gusto mo bang sumama kay Auntie? Play tayo?” nakangiting itinuro niya ang parke. Namilog ang mga mata ng paslit at muling pumalakpak.

“Play!” excited na wika nito at nagpakarga na sa kaniya. Patakbong tinungo nilang dalawa ang loob ng parke. Sa tuwing bumibilis ang pagtakbo niya ay panay ang hagikhik ni Phoebe. Paikot ikot sila sa maliit na parke at kahit nakakaramdam na siya ng pagod ay hindi niya ininda iyon. Ganoon talaga siya kapag may mga bata sa paligid niya. Nakakalimutan niya ang ibang bagay dahil natutuon na sa bata ang oras niya.

Habol niya ang paghinga nang tumigil siya sa pagtakbo. Hinaplos niya ang malambot na pisngi ni Phoebe. Maganda talaga ang bata at malamang na kapag dumating na ito sa tamang edad ay pasakitin nito ang ulo ng ama dahil siguradong magkakaroon ito ng maraming suitors.

“Uncle!” luminga linga ang paslit sa paligid at malamang na hinahanap ang uncle Fabio nito. Kahit siya ay nagtaka ng hindi niya agad makita ang lalaki. Kung hindi pa itinuro ni Phoebe ang direksiyon kung saan ito naroon ay hindi pa niya ito makikita. Inayos niya ang suot na salamin sa mata at tumitig sa direksiyon ni Fabio. Naglakad ito palapit sa kanila habang hawak nito ang DLSR camera at kinukunan sila ng picture.

“Fabio!” saway niya. Ngumiti lang ito at patuloy siyang kinunan ng litrato.

“Ang cute ninyong tingnan, para kayong totoong mag-mommy.”

Nakagat niya ng wala sa oras ang likod ng mga pisngi niya. Tumagos sa mismong puso niya ang sinabi nito. Para na rin kasing sinabi ni Fabio na deserving siyang maging ina.

“Umamin ka nga, may hidden agenda ka `no kaya mo dinala dito si Phoebe? At talagang sinundan mo pa ako hanggang parke?”

“Masama ba `yun? Gusto ko lang naman ipakita sa`yo kung ano ang pwedeng maging hitsura ng baby natin.”

“Baby?! Sa tingin mo ba magpapaanak ako sa`yo?” nanggigigil na sikmat niya sa binata. Kung hindi lang niya karga si Phoebe ay baka natadyakan na niya ang bwisit na ito.

“Pwede rin, hindi naman ako tatanggi eh.”

“Bwisit ka talaga `no?”

“Hep! Don’t say bad words, okay? Matalinong bata si Phoebe, baka masabon ako ng mommy niya kapag mamaya ay inuulit ulit na niya sa bahay ang bagong word na natutunan niya ngayon.”

“Hayyyy!”

“Hayyyy!”

Napasinghap siya nang ulitin ng paslit ang sinabi niya.

“See?” natatawang sabi pa ni Fabio sa kaniya. Tiningnan niya ito ng masama bago muling nilingon ang paslit. Nang maghikab na ito ay mabilis na gumana ang instinct niya. Isinandal niya ang ulo ni Phoebe sa balikat niya at masuyong hinagod ang likod nito.

Sa sobrang pagod siguro ay agad na nakatulog sa mga bisig niya ang bata. Naupo siya sa isang bench para mas maging komportable siya sa pagkarga dito. Tumabi naman ng upo sa kaniya si Fabio.

“Nagtext na si kuya Jaime, pinagbabantaan na niya akong ipapahuli sa mga pulis kapag hindi ko pa iniuwi ang anak niya.”

Tiningnan niya ito. Hindi naman siya natakot sa pagbabanta ng daddy ni Phoebe dahil parang natatawa pa nga si Fabio. Hindi naman dapat siya magre-react pero nagulat siya sa sunod na ginawa nito. Hinuli nito ang isang palad niya at masuyong pinisil iyon.

“You’ll be a good mother someday, habang tumatagal ay ibang Vanessa ang nakikita ko. Aaminin ko na na-attract ako sa Vanessa na nakilala ko sa bar, pero iba ang Vanessa na nakikita ko ngayon.”

“B-bakit anong klaseng Vanessa ba ang nakikita mo ngayon?” pigil ang paghinga na tanong niya. Napangiti si Fabio at buong pagsuyong pinagmasdan siya.

“A special girl with a very beautiful heart.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.