MONDEMAR CLAN SERIES 2 Chapter 36

“Umuwi na lang kaya ako?” kagat labing tanong ni Vanessa nang makita niya kung ano ang mga pagkain na nakalagay sa mesa. Maliban sa pizza at fried chicken ay mayroon ring ilang beer at coke in can sa mesa. Mukhang walang balak si Fabio na matulog agad ngayong gabi. Hindi na rin siya nagtaka nang makita niya ang mga pagkain dahil bago sila makarating ng hotel ay tumawag na ito sa isang staff para magpadala ng pagkain sa hotel room nito.

Nalaman rin niya na may sarili palang kwarto ang binata sa hotel na pag aari ng kapatid nitong si Juancho at doon din siya nito dinala noon ng unang beses na magkita sila. Nahagod niya ang lalamunan nang makaramdam siya nang pagkauhaw. Alam niyang hindi literal na pagkauhaw ang nararamdaman niya ngayon. Ilang beses siyang umiling at tinapik tapik ang mga pisngi. Ano ba kasi ang pumapasok sa isip niya? bigla na lang ay nag init na ang pakiramdam niya nang maalala ang mainit na tagpong pinagsaluhan nila noon ni Fabio.

Kahit na sabihin na hindi siya inosente ay hindi rin naman siya hayuk sa sex. Kaya niyang kontrolin ang sarili niya, iyon ang pagkakaalam niya. Pero nabali ang paniniwala niya nang makilala niya si Fabio. Ngayon na nasa iisang kwarto ulit sila ay napakaraming mainit na eksena ang tumatakbo sa isip niya. Kahit na malamig ang buong kwarto dahil sa hangin na ibinibuga ng aircon ay nag iinit ang pakiramdam niya.

Mabilis ang mga kilos na lumapit siya sa mesa at dinampot ang beer in can. Binuksan niya ang lata at halos inisang lagok lang ang laman niyon. Kahit abala sa pagpili ng channel sa TV si Fabio ay napalingon ito sa kaniya at nagmamadaling nilapitan siya.

“Princess, hindi ka pwedeng umuwi at mas lalong hindi ka pwedeng magpakalasing. Coke lang ang pwede mong inumin.” Pigil nito sa kaniya. Masuyong hinawakan nito ang kamay niya at binawi sa kaniya ang lata ng beer.

Kinakabahang tiningnan niya ito. Bumaba ang mga mata niya partikular na sa mga labi ni Fabio. Parang bigla na naman siyang nauhaw kaya inagaw niya ang beer mula dito pero mabilis na nakaiwas naman ito.

“Kailangan kong makatulog agad, may pasok pa ako bukas.”

Pumalatak lang ito at matiim na tiningnan siya.

“W-why?” nalilitong tanong niya sa lalaki nang mapansin na parang napapantastikuhan na ito sa kaniya.

“Princess, nakalimutan mo na ba na holiday bukas?”

“H-ha?” umawang ang mga labi niya at pilit na inalala kung anong mayroon bukas. Natawa na lang din siya nang maalala na death anniversary nga pala bukas ng ninuno nito na si Juancho Miguel Mondemar. Malaki ang paghanga at respeto ng mga tao sa ninuno ni Fabio dahil marami itong natulungan na mga tao noong nabubuhay pa ito. Ang lumang ospital sa bayan at ilang eskwelahan doon ay ito ang mismong nagpagawa kaya hindi na nakapagtataka na malaki ang pagmamahal ng mga mamamayan kay don Juancho Miguel Mondemar.

Natapik niya ang noo. Palibhasa ay bagong salta lang siya sa Mondemar at wala siyang alam tungkol sa mga holiday sa bayan na iyon. Nabanggit na kanina ng isang parent ng estudyante niya ang tungkol sa holiday pero masyado siguro siyang pagod at natensiyon pa sa huli –dahil sa mga magnanakaw na kumakalat sa lugar nila—kaya nawala na rin iyon sa init niya.

Wala na siyang nagawa pa nang alalayan siya ni Fabio na maupo sa isang bakanteng silya. Ang binata pa mismo ang nagsubo ng slice ng pizza sa bibig niya. Lumobo sa tuwa ang puso niya dahil sa pag aasikaso nito sa kaniya. Nawala na ang pagkailang na nararamdaman niya at masiglang kumain na siya. Pagkatapos kumain ay naghilamos naman siya. Nang lumabas siya ng banyo ay natigilan siya nang makita niya si Fabio na naglalatag ng comforter sa sahig.

“Anong ginagawa mo?” gulat na bulalas niya.

“Naglalatag ng higaan ko—”

“Ako na lang ang matutulog sa sahig,” putol niya sa sasabihin nito. Pero bigla siyang natigilan nang maintindihan kung ano ang sinabi ni Fabio. Ibig bang sabihin ay wala talaga itong balak na akitin siya? Pero kilala niya ito at malamang na siya lang ang babaeng hindi pa nito nadadala sa kama.

Kamuntik nga lang.. paalala niya sa sarili. Napangiti siya at lumapit dito.

“Yuko ka,” utos niya. Nagtataka man ay binitiwan nito ang hawak na unan at sinunod ang gusto niya. Masuyong hinaplos niya ang ibabaw ng ulo ni Fabio. “Good boy ka naman pala `eh.” Sabi niya.

Natawa ito at nag angat ng tingin sa kaniya. Ang palad niya na komportableng humahaplos sa mga hibla ng buhok nito kanina ay bumaba na sa mainit na pisngi nito.

Nakikita niya na nagtatagumpay na siya sa plano niya. Kaunting panahon na lang at magagawa na niya ang ipinangako niya kay Vincenth na igaganti niya ito sa ginawa ng sarili nitong best friend. Sa naisip ay biglang nagsikip ang dibdib niya at parang may kung anong matulis na bagay ang biglang bumaon sa kaliwang dibdib niya. Napahinga siya ng malalim at pilit na itinaboy ang kung ano mang kirot na bumabalot sa sistema niya. Hindi dapat siya makosensiya dahil malamang na hindi naman naawa si Fabio sa kapatid niya noon.

“Ayyy!” napatili siya nang maramdaman ang pag angat ng katawan niya. Binuhat pala siya ni Fabio at maingat na inihiga sa kama. Binalot nito ng kumot ang katawan niya saka ito nahiga sa sahig. Inilabas naman niya ang kamay mula sa kumot at inabot ang isang kamay nito.

“Hmmm..” naghihikab na anas nito at masuyong tiningnan siya.

“Pwede ba akong magtanong?” lakas loob na tanong niya. Tumagilid siya ng higa para mas lalo niyang makita ang mukha ni Fabio.

“Sure princess,” tugon nito at pinisil ang palad niya.

Ikinurap niya ang mga mata. “Paano kung isang araw bigla na lang akong mawala, hahanapin mo ba ako?”

Ilang saglit na natahimik ito. Parang isang oras na ang hinintay niya habang hinihintay niya ang magiging sagot ni Fabio. Pero bakit pa ba kasi niya naisip na itanong iyon? Para na rin niyang binigyan ng babala ang lalaki na may posibilidad na mawala nga siya.

“Sigurado naman ako na may dahilan kung sakaling bigla ka ngang mawala. Nope, hindi kita hahanapin. Hihintayin na lang kita araw-araw hanggang sa mapagod ka na sa pagtatago at marealize mo na wala kang ibang pwedeng puwestuhan maliban sa tabi ko.”

Nahigit niya ang paghinga niya. “Hindi ka magagalit?”

Posible ba iyon?

“I don’t know. Siguro? Kapag nawala ka, baka mas magalit pa ako sa sarili ko dahil hindi ka naman aalis kung hindi kita bibigyan ng dahilan para dahilan iyon `di ba?”

Nadurog ng pino ang puso niya sa naging sagot ni Fabio. Nagkamali ba siya ng desisyon na saktan at pahirapan ito? Bakit iba ang Fabio na nakikita niya sa Fabio na alam niyang sumira sa magandang relasyon noon nila Vincenth at Candice?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.