MONDEMAR CLAN SERIES 2 Chapter 37

“Hi,” kinakabahan man ay pinilit ni Vanessa na ngumiti nang makita niya sa labas ng bahay si Fabio. Kumaway at ngumiti rin naman ito sa kaniya pero bigla ay nagbago ang reaksiyon nito nang makita na may kasama siyang bata. Kumunot ang noo nito at mabilis na nilapitan siya.

“Pasensiya na, biglaan lang kasi. Isinugod ang kapatid ni Jex sa ospital kaya iniwan na muna siya sa akin ng mommy niya. Nasa abroad kasi ang daddy ni Jex kaya wala silang ibang kasama sa bahay. Hindi ko naman pwedeng pabayaan ang estudyante ko `di ba?” mabilis na paliwanag niya.

Sabado ngayon at may usapan sila ni Fabio na manonood ng sine. Sampung minuto bago ito dumating ay pinuntahan naman siya ng mommy ni Jex at nakiusap na iiwan na muna nito sa kaniya ang bata. Hindi naman niya magawang tumanggi dahil alam niyang walang ibang malalapitan ang mag ina. Isa pa ay kapitbahay niya ang mga ito kaya dapat lang na tumulong siya.

“Good afternoon po.” Nahihiyang bati ng paslit kay Fabio. Apat na taong gulang pa lang si Jex pero nakikita na niya na mabait itong bata. Behave ito sa klase niya at hindi rin iyakin. Natutuwang pinisil niya ang matambok na pisngi nito. Masasabi niya na ito ang paborito niyang estudyante dahil maliban sa mabait at magalang ay sobrang cute din nito. Chubby kasi si Jex at mestiso kaya pareho silang natutuwa dito ni Geraldine.

Narinig niya ang malakas na pagtikhim ni Fabio. Napangiwi siya at tiningnan ang lalaki. Baka naiinis na ito sa kaniya dahil siguradong hindi matutuloy ang date nila. Hindi naman nila pwedeng isama ang bata sa sinehan dahil baka mainip lang ito.

“A-ah, galit ka ba? pwede namang bukas na lang tayo lumabas `di ba? sorry talaga. Hindi ko naman maiwan si Jex kay Geraldine kasi masama daw ang pakiramdam niya. Baka mahawaan pa niya ng lagnat ang bata.”

Kumibot lang ang mga labi ni Fabio. Mas lalo tuloy lumala ang kaba niya dahil hindi ito umiimik. Si Jex naman ay parang naasiwa na rin sa naging reaksiyon nito. Kumapit ng mahigpit sa kamay niya ang bata at tiningnan siya. Natigilan siya nang marinig niya ang mahinang pagtawa ng binata. Nagtatakang tiningnan ulit niya ito.

Nagulat siya nang kargahin nito si Jex at akbayan siya. Napalunok siya ng biglang bumilis ang tibok ng puso niya dahil sa paglapat ng mga katawan nito. Idinikit nito ang tungki ng ilong sa ibabaw ng ulo niya na para bang inaamoy amoy nito ang buhok niya. Halos hindi na siya makahinga ng maayos nang bumaba ang mga labi ni Fabio sa kanang tenga niya.

“May utang ka sa aking date, princess.” Mahinang sabi nito. Napaigtad siya nang maramdaman ang pagkalat ng mainit na sensasyon sa buong katawan niya. Tumango siya at hindi na nagawa pang magsalita. Ipinagbukas siya ni Fabio ng pinto ng kotse. Naupo siya sa passenger habang kalong niya si Jex. Ayaw nitong mahiwalay sa kaniya kaya hinayaan na lang niya.

Hindi na siya nagtanong pa kay Fabio kung saan sila pupunta ngayon. Malamang na sa sunod na lang sila manonood ng sine. May ilang minuto na siguro ang lumipas bago niya naisipan na magtanong sana dito kaya lang ay hindi na niya naituloy pa iyon dahil itinigil nito ang kotse sa labas ng Jollibee. Gulat na napalingon siya sa binata. Ngumiti lang ito at bumaba na ng kotse saka siya ipinagbukas ng pinto. Mas lalo pa siyang nagulat nang kunin nito mula sa kaniya si Jex. Hinawakan nito ang palad niya at magkasama silang pumasok sa loob ng Jollibee. Hindi nakaligtas sa kaniya ang kakaibang tingin sa kanila ng mga tao partikular na kay Fabio. Napailing na lang siya. Hindi pa rin talaga niya magawang masanay kapag magkasama silang dalawa at napapansin niya na pinagtitinginan na ito ng ibang mga babae. Kung bakit naman kasi kahit anong isuot ay napakagwapo pa rin nito. Kahit tuloy ngayon na gray t-shirts at maong pants ang porma nito at hindi ang formal attire na nakasanayan nito ay maraming babae pa rin ang halos manghaba na ang leeg dahil sa paglingon dito.

Dahil masyadong malalim ang iniisip niya ay halos hindi na niya namalayan pa na tapos na palang mag order ng pagkain ang dalawa. May ilang minuto rin silang naghintay ng order nila at dumating naman ang mga pagkain ay halos malaglag na siya mula sa upuan nang makita kung gaano karami iyon.

“Seryoso ka ba?” namamanghang tanong niya kay Fabio. Nagkibit balikat lang ito at sinubuan siya ng French-fries. Nakapwesto siya sa gitna ng dalawa kaya kung titingnan ay parang isang totoong pamilya talaga sila. Natawa na lang siya nang makita si Jex na tinikman na agad ang ice cream. Alam niyang marunong nang kumain mag isa ang paslit kaya hindi na niya ito kailangan pang intindihin.

Parang mas kailangan pa nga niyang bantayan si Fabio dahil wala pang ilang segundo na kumakain ito ay kumalat na agad ang ketchup sa ibaba ng labi nito.

Napapalatak siya at pinunasan ng tissue ang mga labi nito. Napansin niya ang pagngiti nito kaya tumigil siya sa ginagawa at nagtatakang nag angat siya ng tingin dito. Bumaha ang hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya nang makita ang saya sa mga mata nito. Napahinga siya ng malalim nang ipaloob nito ang mga pisngi niya sa mainit na mga palad nito. Dumukwang ito at masuyong hinalikan siya sa noo.

“Hindi ako galit at mas lalong walang problema sa akin kahit isama mo pa ang buong klase mo sa date natin. Ayoko lang naman na mabawasan ang oras mo sa akin pero kung mapapasaya naman kita sa ganitong paraan, bakit pa ako magagalit?”

“P-promise?”

Ikinurap nito ang mga mata at buong suyong pinagmasdan siya. Hindi na nito kailangan pang sagutin ang tanong niya dahil nakikita niya sa mga mata nito na hindi talaga big deal kahit na may kasama silang bata. May mga pamangkin si Fabio kaya alam niyang sanay itong makipaglaro sa mga bata.

Pagkatapos kumain ay tumakbo na agad sa playground si Jex. Malapit lang naman sa table nila ang playground kaya hinayaan na lang muna nila na maglaro ito kasama ang ibang mga bata. Nang akbayan siya ni Fabio ay mabilis na nilingon niya ito. Natawa siya nang mapansin na may ketchup sauce na kumalat sa kaliwang pisngi nito. Pinunasan niya ang pisngi nito gamit ang isang daliri niya.

Nagulat siya at malakas na napasinghap nang yumuko ito at isubo ang daliri niya. Inalis nito ang ketchup sauce sa daliri niya gamit ang mismong bibig nito.

Biglang bumilis na ang paghinga niya. Naglaho ang mga tao sa paligid niya at tanging si Fabio na lang ang nakikita ng mga mata niya ngayon. Kumabog ng malakas ang dibdib niya nang kindatan siya nito. May kung anong hindi maipaliwanag na init sa buong sistema niya ang binuhay nito. Napahinga siya ng malalim at tuluyan nang natulala habang pinagmamasdan niya ang perpektong mukha nito.

Alam niyang ng mga sandaling iyon ay may mali na sa nararamdaman niya at ayaw lang niyang aminin iyon sa mismong sarili niya. Paano nga ba naman niya aaminin sa sarili na kahit pilitin niyang magalit ay unti unti nang nahuhulog ang loob niya kay Fabio?

****************************************************************************************************************

“Girl, bukas na lang kaya tayo magluto ng dinner? Kain na lang tayo sa labas pagkatapos nating maggrocery.”

Inilagay na muna ni Vanessa ang shampoo bottle sa pushcart bago niya nilingon si Geraldine. Halatang interesado ang kaibigan niya sa pamimili dahil panay lang ang sunod nito sa kaniya. Natawa siya ng mahina nang mapansin ang pagkainip sa mukha nito. Hindi talaga nito hilig ang pagluluto o kahit paglilinis ng bahay kaya nga siya na ang umaako ng mga gawain sa bahay. Wala namang kaso iyon sa kaniya dahil kahit noong nasa London siya ay sanay siyang magluto at maglinis.

“Oo na nga sige na, mukhang wala ka naman talagang balak na magpaawat pa.” Hinila niya ang pushcart habang nakatingin siya sa hawak niyang listahan. Marami pa siyang kailangang bilihin kaya malamang na matagalan pa sila sa grocery store. Dahil nakatingin siya sa hawak na papel ay hindi niya nakita ang taong makakasalubong niya. Huli na para makaiwas pa siya kaya nagbanggaan ang mga pushcart nila.

“Naku, sorry!” natatarantang bulalas niya. Narinig niya ang malakas na pagmumura ng babaeng may dala ng pushcart. Nagkatinginan sila. Namutla siya nang makilala niya ito. Hinila niya si Geraldine at paalis na sana sila nang marinig niyang magsalita ang babaeng nakabunggo niya.

“Tingnan mo nga naman, hanggang dito ba naman sa malayong lugar makikita pa rin kita? Ilang lalaki na naman ba ang plano mong landiin at dito ka pa talaga sa Mondemar nagpunta? Oh no! don’t tell me alam mo na dito lumipat ang family namin at balak mong sundan si daddy? Malandi!”

Humigpit ang pagkapit niya sa braso ni Geraldine. Napansin niya ang pagkagulat nito at ang pagtataka sa mukha nito. Umiling siya nang tingnan siya nito. Alam ng kaibigan niya ang nangyari sa kaniya noon at ang dahilan kung bakit siya ipinadala ng daddy niya sa London. Nakahalata na rin siguro ito sa nangyayari kaya kinalabit siya nito.

“Girl, siya ba iyong anak ng professor slash ex boyfriend mo?” mahinang tanong nito.

Nahihiyang tumango siya. Alam niyang tanggap siya ni Geraldine pero nahihiya pa rin siya sa tuwing nababanggit ang tungkol sa naging relasyon niya sa dati niyang professor na si Rey. Twenty years ang agwat ng mga edad nila. Noong una ay hindi naman talaga niya ito gusto. Niligawan siya nito at kaya lang naman niya ito sinagot ay dahil kailangan niyang ipasa ang subject nito. Nagkaroon sila ng lihim na relasyon at kahit alam niyang may asawa at mga anak na ito ay sumige pa rin siya. Bandang huli ay natutunan niya itong mahalin. Pero hindi nagtagal ang relasyon nila dahil nalaman ng asawa nito ang tungkol sa kaniya. Sumugod sa university ang mag ina ni Rey at ipinahiya siya.

Natuto na siya sa ginawa niyang kalokohan noon. Isang malaking sampal sa kaniya ang pagkakamaling ginawa niya. Mula nang mangyari ang kahihiyan na iyon at lumipat siya sa London ay nagbago na siya. Nagpakatino siya dahil na rin sa takot na maipahiya na naman niya ang sarili sa harap ng maraming tao.

“Tara na,” saway niya kay Geraldine nang irapan nito si Ebony. Si Ebony ang panganay na anak ni Rey at ito rin ang kasama ng ina nito nang sugurin at ipahiya siya sa eskwelahan.

“Teka sandali, paisa lang ako at baka nakakalimutan ng babaeng ito na hindi lang naman ikaw ang may kasalanan sa nangyari.” Matapang na sabi ni Geraldine. Luminga ito sa paligid at nang mapansin na sila lang naman ang naroon sa parteng iyon ng grocery store ay matalim na tiningnan nito si Ebony.

“Hoy ikaw ha, wala kang karapatang ipahiya ang kaibigan ko. Pakisabi sa tatay mong babaero, sa uulitin ikiskis na lang niya ang ‘ano’ niya sa pader. Hindi ninyo pwedeng isisi lahat sa kaibigan ko ang nangyari noon dahil unang una, ang tatay mo ang lumapit sa kaniya. Pakisabi na rin sa nanay mo na sa uulitin, kapag sinubukan niya ulit na saktan si Vanessa ay ako na ang makakalaban ninyo. Nananahimik kami kaya huwag ninyo kaming pakialaman, pwede? Tabi!”

Hindi nakapagsalita si Ebony. Hindi na siguro ito nakahirit pa dahil sa pagtataray ni Geraldine. Idagdag pa na malaking tao ang kaibigan niya at sa oras na maghamon ng away si Ebony ay malamang na talo na agad ito. Wala na siyang nagawa pa nang hilahin siya ni Geraldine sa counter. Wala na rin siya sa mood na ituloy pa ang pamimili kaya nang makapagbayad sa cashier ay umuwi na sila agad. Kahit anong pilit sa kaniya nito na kumain sila sa labas ay hindi talaga siya sumama. Nahalata siguro nito na talagang nasira na ang mood niya kaya umorder na lang ito ng pagkain para sa gabihan nila.

Pagkauwi ng bahay ay nahiga agad sa kama si Vanessa. Dumating na ang pagkain na inorder ni Geraldine pero hindi siya lumabas ng kwarto niya para sabayan itong kumain. Sumuko na rin ito sa pagtawag sa kaniya kaya hinayaan na lang muna siya. Mahigit tatlong oras na siguro ang lumipas pero hindi pa rin siya bumangon sa kama. Malapit na niyang matapos ang librong binabasa niya kaya panay ang iyak niya. Hindi niya alam kung nadadala lang siya sa nakakaiyak na kwento ng mga bida sa libro o baka naaalala lang niya ang nangyari noon at bumabalik ang sakit sa kaniya kaya walang tigil sa pagpatak ang mga luha niya.

Dahil hindi na niya mapigilan ang pagtakas ng impit na mga hagulhol niya ay ibinaba niya ang libro at ipinikit ang mga mata. Tumagilid siya ng higa at tinakpan ng mga palad ang mukha niya. Hinayaan niya ang sarili na umiyak at ilabas ang lahat ng sakit na naipon sa dibdib niya. Ang buong akala niya ay nakalimutan na niya ang nangyaring kahihiyan noon. Pero kahit na matagal na palang nangyari iyon ay babalik pa rin sa kaniya ang sakit sa oras na may magpaalala niyon sa kaniya.

Habang patuloy sa pagbuhos ang mga luha niya ay bigla siyang napasinghap nang maramdaman ang pagyakap ng mainit na kamay sa baywang niya. Napaigtad siya at ilang saglit na natigilan. Pamilyar sa kaniya ang init na nagmumula sa kamay na iyon. Kahit ang pabangong naaamoy niya ngayon ay kilalang kilala rin niya kung sino ang may ari.

“F-fabio?” gulat na nasambit niya. Kahit na nanlalabo pa ang mga mata niya dahil sa walang tigil na pag iyak ay pumihit siya paharap sa direksiyon nito. Hindi makapaniwalang pinagmasdan niya ang buong mukha ng binata habang magkatabi sila sa kama. Magkalapit ang mga mukha nila kaya malaya niyang nararamdaman ang pagbuga nito ng mainit na hininga sa mga pisngi niya.

“Yes, princess?” mahinang anas nito. Masuyong hinaplos nito ang kaliwang pisngi niya. “Ayaw mo daw lumabas ng kwarto kaya pinayagan na ako ni Geraldine na pumasok dito.”

Nakagat niya ang ibabang labi. Ibig sabihin ay totoo pala na kasama niya ito ngayon at hindi isang panaginip lang ang lahat. Bumaha ang matinding relief sa dibdib niya. Isiniksik niya ang sarili sa mga bisig ni Fabio at muling umiyak. Naramdaman niya ang marahang paghagod ng palad nito sa likod niya at ang paghalik nito sa ibabaw ng ulo niya. Sa ginawa nito ay nabawasan na kahit paano ang sakit na nararamdaman niya. Ilang minuto silang nanatili sa ganoong posisyon bago siya naglakas loob na bumitaw mula sa mahigpit na pagyakap nito sa kaniya.

Pinunasan niya ang mga luha at nanatiling nakahiga habang nakaunan siya sa kaliwang braso ng lalaki. Tumingin siya sa kisame at kahit panay ang pagkirot ng dibdib niya ay sinabi niya kay Fabio ang nangyari kanina at ang tungkol sa nakaraan niya. Nang matapos siyang magsalita ay hilam na naman sa luha ang mga mata niya. Kinabig naman siya nito at niyakap ng mahigpit.

“Ssshhh…hindi mo kasalanan iyon. Wala kang kasalanan sa nangyari.”

Umiling siya at nag angat ng tingin dito. “No, kasalanan ko dahil alam ko naman na mali pero ginawa ko pa rin. Pumayag akong makipagrelasyon sa isang lalaking may asawa na dahil lang sa sarili kong kasakiman. Ako ang may kasalanan kung bakit muntik nang masira ang pamilya nila Rey noon. Inatake sa puso ang daddy ni Rey at iniwan naman siya ng buong pamilya niya. Ipinadala ako ng daddy ko sa London kaya hindi ko na alam kung ano pa ang nangyari sa kanila pero…m-masaya ako nang malaman ko kanina na buo pa rin pala ang pamilya niya.” Humihikbing wika niya.

Narinig niya ang ilang beses na paghinga ng malalim ni Fabio. Sinapo nito ang mga pisngi niya para magpantay ang mga mukha nila. Naipikit niya ang mga mata nang halikan nito ang gitna ng noo niya. Parang may malakas na boltahe ng kuryente ang dumaloy sa buong himaymay niya nang maramdaman ang pagdampi ng mainit na mga labi nito sa balat niya.

“Ano ba ang mahalaga sa`yo, iyong noon o ngayon? Kung palagi mong iisipin ang nakaraan mas masasaktan ka lang at mahihirapan sa bandang huli. Sabihin na natin na nagkamali ka sa ginawa mo, pero pinagsisihan mo naman ang ginawa mo `di ba? lahat naman tayo ay may tendency na makagawa ng pagkakamali.”

“P-paano kong i-judge mo din ako?” kinakabahang tanong niya.

Lumamlam ang mga mata ni Fabio. “Bakit ko naman gagawin iyon?”

“Ganoon naman `di ba? kapag kabit ka, palaging ikaw ang may pagkakamali at hindi ko naman itinatanggi iyon.”

Gumalaw ang mga panga nito at seryosong tiningnan siya.

“Magmula ngayon, ayoko nang marinig pang sinasabi mo`yan. Magagalit talaga ako sa`yo, ayokong marinig na minamaliit mo ang sarili mo.”

“Sorry.”

Pumalatak ito at pinisil ang baba niya. Nang ngitian siya ni Fabio ay naging magaan na ang pakiramdam niya. Nagawa na rin niyang ngumiti at kalimutan ang dahilan nang pag iyak niya kanina. Hinawakan naman siya nito sa baywang at maingat na inihiga sa ibabaw ng katawan nito.

“I don’t know what to do anymore.” Parang nahihirapang anas ng lalaki. Kumunot ang noo niya at tumitig sa gwapong mukha nito.

“May problema ba?”

Tumawa lang ito at mabagal na umiling. Naintindihan lang niya kung ano ang gusto nitong sabihin kanina nang maramdaman sa kaliwang hita niya ang pagkabuhay ng pagkalalaki nito. Agad na nag init ang mga pisngi niya. Mabilis na umalis siya sa ibabaw ni Fabio at hinampas ito ng unan sa mukha.

“Pervert!” naeeskandalong bulyaw niya dito. Panay naman ang ilag nito hanggang sa maabot siya nito sa baywang at pareho silang malaglag sa sahig. “Oh my god! Are you okay?” natatarantang tanong niya nang madaganan niya si Fabio.

Nakangiwi ito at hawak ang balakang. Napalakas ang pagbagsak nito sa sahig at sinalo pa siya nito kaya siguradong masakit ang buong katawan nito. Natutop niya ang mga labi at kahit nag aalala na siya sa nangyari kay Fabio ay hindi niya maiwasan na matawa. Pero ang malakas na pagtawa niya ay nauwi sa mahinang pag ungol nang kabigin siya nito at mabilis na angkinin nito ang mga labi niya. Kusang pumikit ang mga mata niya at buong pusong nagpaubaya. Napangiti siya ng mas lalo pang lumalim ang mga halik ni Fabio. Nakakawala ng katinuan ang epekto ng paghalik nito sa kaniya. Napahawak siya sa dibdib nito nang makaramdam siya nang paghihina. Parang naubos na ang lakas niya sa katawan ng dahil lang sa paghalik sa kaniya ng binata. Mahinang umungol siya at bumaba ang mga kamay sa butones ng polo shirt na suot nito. Habang tumatagal ay mas lalo siyang nauuhaw at hindi na siguro sapat lang na maramdaman niya ang mga halik nito. Alam niya kung saan sila papunta at ng mga sandaling iyon ay wala na siyang pakialam pa kahit ibigay na niya ang sarili kay Fabio.

Handa na siya. Bahala na kung ano ang mangyari bukas.

Shit! Nanlaki ang mga mata niya nang makarinig siya nang malakas na pagkatok mula sa labas ng pinto.

“Nagluto ako ng fried chicken at saka bumili na rin ako ng beer. Midnight snack na muna tayo mga friend.” Ani Geraldine.

Parang bigla siyang napaso at mabilis na umalis siya ibabaw ni Fabio. Naihilamos niya ang mga palad sa mukha nang maiproseso niya sa utak ang nangyari. Kamuntik na siyang makalimot at kung hindi pa dumating si Geraldine ay baka tuluyan na niyang naibigay kay Fabio ang sarili niya.

Panahon na para gawin mo ang misyon mo Vanessa, hindi na tama na pinatatagal mo pa ang lahat. Mas lalo kang mahihirapang makawala kay Fabio kung ngayon palang ay hindi mo na kayang pigilan pa ang emosyon mo. Mahigpit na paalala niya sa sarili.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.