MONDEMAR CLAN SERIES Chapter 16

“Good morning, mommy,” naghihikab na hinawi ni Allyson ang kurtina at halos hilahin na niya ang mga paa nang maglakad siya patungo sa kusina na kanugnog lang ng silid nila ni Yara.

Naabutan niya ang ina at si Auntie Winna na abala sa pagluluto ng mga ihahanda nila mamaya para sa piyesta.

“Naku, Allyson maligo ka agad at mamaya lang ay papunta na dito sila Governor,”

“'My naman, para namang dito sa bahay natin tutuloy sila Gobernor niyan, bakit kailangan kong maligo agad?” angal agad niya.

Dumulog siya sa mesa at naupo sa isang bakanteng silya. Sa kabilang side ng mesa ay naroon ang ina at tiyahin niya na abala sa paghihiwa ng mga sangkap sa lulutuing putahe.

Kahit lampas alas diyes na ng umaga siya nagising ay inaantok pa rin siya. Alas tres na ng madaling araw siya natulog dahil tumulong pa siya kay Auntie Winna kagabi na maglinis ng bahay at maghugas ng mga gamit sa kusina na gagamitin ng mga ito ngayon.

Ngayon ang piyesta sa Polancio kaya masigla ang lahat. May palaro daw para sa mga bata at singing contest sa baranggay hall mamaya kaya excited ang mga kapatid niya. Kahit nasa ikalawang palapag sila ng bahay ay naririnig niya ang ingay ng mga tao mula sa labas. Siguradong abala na ang mga tao sa paglalatag ng pinagdugtong dugtong na mesa para sa handaan. Kahit maaga pa ay bumibirit na si Yara sa videoke sa ibaba.

Nag inat siya ng mga braso at muling humikab. Nang mapadaan sa harap niya ang ina ay nakasimangot na tinampal nito ang braso niya.

“Ikaw na bata ka, alam mo naman na kapag ganitong may piyestahan ay may mga Mondemar na nagpupunta. Paano kung makita ka ni Governor Seth niyan? Baka isipin niya na ang babaeng nililigawan ng pinsan niya ay mukhang hindi pa nakakatikim ng ligo kahit isang beses.” anito.

“Wow, 'my!” nakalabing hinagod niya ang braso na hinampas nito. “Natural naman siguro na ganito ang hitsura ko kasi 'di ba nga bagong gising ako? at saka kahit itanong mo pa kay Auntie Winna marami kaya akong ginawa kahapon kaya mukha talaga akong pagod na pagod.”

Tumawa lang ang tiyahin niya na abala naman sa paghihiwa ng sibuyas. Napailing na lang siya ng bumalik sa dating puwesto ang ina at itinuloy ang ginagawa. Nangalumbaba siya at tumingin sa ina.

“Ang akin lang naman anak eh talagang nagulat ako dahil bigla na lang isang araw ay may sumulpot na isang Mondemar sa harap ko at nagpaalam pa sa akin na liligawan daw ang panganay ko? siyempre ano pa ba ang mararamdaman ko? oo nakakagulat man pero mas doble ang saya ko. Ang pamilya nila ang pinag uusapan natin dito anak.”

“Mommy, sure ka ba na hindi ka talaga tutol? 'eh alam mo naman po na may mga anak si Jaime sa dati niyang girlfriend?” nananantiyang tanong niya sa ina.

“Oh, ano naman? hindi naman sila nagpakasal ng dati niyang nobya. Sa edad na iyon ni Jaime ay hindi na lang pakikipaglaro sa babae ang habol niya, Ally. Anong malay natin, kapag sinagot mo siya baka bigla ka na lang niya yayaing magpakasal.”

“'My!” natutop niya ang dibdib ng bigla ay bumilis ang tibok ng puso niya.

Sa tuwing naririnig niya ang salitang kasal ay hindi niya mapigilan ang makaramdam ng ganoon. Natawa ang dalawang matanda nang mapansin ang reaksiyon niya.

Nag iwas siya ng tingin sa ina. Ngayon na tinanggap na niya ang panliligaw ni Jaime ay hindi naman niya alam kung papaano niya sisimulang sabihin sa ina ang totoong nangyari. Hindi naman niya gusto na maglihim pa dito kaya lang ay natatakot siya na magalit ito sa oras na malaman nito na tumanggap siya ng tulong sa mga Bustamante. Bago sunugin pa nito ang bahay nila kapag nalaman nito na nanggaling sa kapatid niya ang perang ginastos nila sa pagpapaayos ng bahay. Natatakot din siya na baka pati si Yara ay madamay sa problema niya at dalawa pa silang itakwil ng ina.

“Pupunta ngayon si Jaime dito 'di ba?” tanong ng kaniyang ina.

“Opo,” nagtext sa kaniya kagabi si Jaime na pupunta sa lugar nila at baka nga kasama pa nito ang mga bata. Kaya lang ay wala naman itong sinabi kung anong oras pupunta.

“Maligo ka ha, gamitin mo iyon sabon at pabango na ipinadala ng pinsan mo sa'yo,”

“Auntie Winna naman pati ba naman ikaw?”

“Diyos ko Allyson, ang ate Jonay mo nalilibang nang magpakatandang dalaga sa Canada kaya ikaw na lang muna ang pag asa namin ng mommy mo na magbigay sa amin ng apo,”

Napansin niya ang ina na naghihiwa na ng ilang piraso ng calamansi at saka iyon inilapag sa harap niya. Umalis ito saglit at nang bumalik ay may dala ng maliit na bowl na may lamang gata ng niyog.

“Heto anak, magpaganda ka muna para naman hindi ka mukhang pagod mamaya kapag dumating ang prince charming mo.”

“Si mommy talaga, sana naman pinakain na muna ninyo ako ng almusal,”

“Mamaya na,”

Napangiti na lang siya. Alam ng kaniyang ina ang routine niya nang pagpapaganda dahil dito din naman niya iyon natutunan. Pinisil niya ang calamsi at ipinatak iyon sa isang palad niya. Nang maubos niya ang katas ng mga calamsi ay ipinahid niya iyon sa pisngi, braso at mga hita niya. Nabasa niya sa internet na nakakaganda daw iyon ng kutis. Pagkatapos ay isinunod niya ang gata ng niyog at dahan dahang ipinahid iyon sa buhok niya para mamaya ay madulas ang mga hibla niyon kapag nagbanlaw siya.

“Hindi naman kaya mangamoy kusina ang anak mo ate Laura?” tanong ni Auntie Winna.

“Hindi Winna, alam mo ba na kahit noong nag aartista pa ako ay ganiyan talaga ang ginagawa ko. Kaya tingnan mo ang mga anak ko kahit walang mga kolorete sa mukha lutang na lutang pa rin ang ganda.”

Inabutan siya ng ina ng mga hiniwang pipino at agad na inilagay niya iyon palibot sa mukha niya. Mamaya ay maliligo na siya para hindi dumikit sa katawan niya ang amoy ng kalamansi.

“Ang mommy mo talaga, Allyson masyadong supportive na magpakasal ka na,”

“Kahit naman noong hindi pa nililigawan ni Jaime ang batang iyan ay talagang kinukulit ko nang mag asawa. Wala na kako akong pag asa kay Yara at mga bata pa naman ang kambal ko. Kaya lang ay hindi naman tumatanggap ng mga manliligaw iyan si Allyson napakapihikan kasi. Mabuti na lang at hindi natinag si Jaime sa kasungitan ng batang iyan na—ay kabayo!”

“Ay ano ba iyon?”

Nagulat ang dalawa dahil sa ibaba ay naririnig nilang tumitili si Yara sa mikropono. Tumayo siya at lumapit sa bintana. Ingat na ingat siya na malaglag ang mga pipinong nakadikit sa mukha niya kaya diniinan ng mga daliri niya ang ilan sa mga iyon.

“Ate! ate ang prince charming mo—ay gaga! bakit ganiyan ang hitsura mo? diyos ko hindi iyan ang ate ko. Sandali baka natutulog pa.”

Malakas na napasinghap siya nang matanaw niya mula sa ibaba si Jaime kasama ang mga anak nito. May hawak na pumpon ng mga bulaklak ang binata habang ang mga bata naman ay panay ang kaway sa kaniya.

“Mommy!” tawag ni Kenshin sa kaniya.

“Mommy? mommy na agad ang tawag sa'yo ng mga anak ni Jaime?” gulat na bulalas ng kaniyang ina.

Sa halip na pansinin ang mga tao sa paligid niya ay kumaripas na siya ng takbo patungo sa banyo para maligo. Ilan beses pa siyang muntik na madapa dahil sa pagmamadali niya.

Nakakahiya ang hitsura ko! mukha na yata akong losyang na hindi naligo ng isang linggo huhu!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.