MONDEMAR CLAN SERIES Chapter 17

“Excuse me lang po muna, hihiramin ko lang sandali itong kainuman ninyo at mukhang may tama na,” nakangiwing turan ni Allyson sa mga lalaking kapitbahay niya. Basta na lang niya hinila sa braso si Jaime para lang mailayo ito sa grupo ng mga tomador. Nagpatianod naman ito sa kaniya at dahil medyo pasuray suray na ang paglalakad ay inalalayan niya ito sa baywang.

“Diyos ko naman, Jaime, bakit naman kasi uminom ka pa kung hindi mo naman pala kayang makipagsabayan sa kanila.” malakas na napapalatak siya at dinala ito sa loob ng bahay ni Auntie Winna. Dahil malaking tao ito at hindi naman niya kayang dalhin ito sa itaas ay nanatili na lang sila sa ibaba ng bahay kung saan mayroon din maliit na sala at kusina.

Pabagsak na naupo sila sa mahabang sofa habang nakayapos ang mga braso niya sa baywang nito. Saglit na natigilan siya nang ibaon ng binata ang mukha nito sa pagitan ng leeg at balikat niya. Ilang beses itong umungol habang sinasambit ang pangalan niya.

“L-lasing ka na ba talaga?” natitigilang tanong niya.

Dapat pala ay binantayan niya kanina ang pakikipag inuman nito sa tropa nila Asiong. Tiyak na hindi ito sanay uminom ng lambanog kaya tinablan agad.

“Medyo lang,” tugon ng binata. “Mainit,”

Diyos ko! diyos ko!!!! naging sunod sunod ang paglunok niya nang magsimula itong hubarin ang ilang butones ng suot nitong poloshirt.

Lalo pang nakadagdag sa pagkatuliro niya ang pagbuga ng mainit na hininga nito sa leeg niya. Bigla ay para siyang sinilaban kaya nag iinit ang buong katawan niya sa hindi niya malaman na dahilan.

Malakas na tumikhim siya at pinigilan ang isang kamay ng lalaki. Nakakunot noong nag angat naman ito ng tingin sa kaniya.

“Why?”

“Uhm…” hindi niya mapigilan na kagatin ang mga labi nang mapansin na wala na halos isang dangkal ang espasyo sa pagitan nilang dalawa. Nalanghap niya ang pinaghalong amoy ng alak at mint candy mula sa bibig nito. Naiiling na sinapo niya ang mga pisngi ni Jaime. “Amoy lambanog ka na Mr. Mondemar, kung hindi pa kita binawi kanina baka umuwi ka sa inyo na gumagapang na. Ano na lang ang sasabihin ng mga magulang mo.” kumakabog ang dibdib na sermon niya kunwari dito.

Kunwari lang na nagagalit siya pero ang totoo ay nakikipiyesta na rin ang puso niya habang magkalapit ang mga katawan nila.

Mas lalong nagiging gwapo sa paningin niya ang binata kapag ganoon na magkalapit ang mga mukha nila at malaya niyang napagmamasdan ang mapupulang mga labi nito.

“Ah, hindi sila magagalit. Huwag nga daw akong uuwi ng hindi ka kasama sabi ni mama,” naningkit ang mga mata nito ng bigla itong ngumiti.

Kalma ka lang puso ko…hindi ko pa nga siya sinasagot eh..

“E-ewan ko sa'yo, mabuti na lang ang mga bata naipahatid ko na kay Governor Seth. Eh, ikaw mukhang dito ka na matutulog. Alas nuwebe na ng gabi at hindi naman ako papayag na magmaneho ka ng lasing.”

“Talaga?” bumaha ang matinding katuwaan sa mga mata nito. “Mag aalala ka ba kapag nagmaneho ako ng lasing?”

“Aba, natural, konsensiya ko pa kaya iyon,”

Bumaba sa baywang niya ang mga kamay nito at dahil mabigat ito ay kinailangan niyang sumandal sa headrest ng sofa para lang huwag silang malaglag sa sahig habang nakatuon sa kaniya ang bigat nito. Nakadukwang ito sa kaniya habang sapo pa rin niya ang malambot na mga pisngi ng lalaki.

Animo ay kinurot ng pino ang puso niya nang mapansin ang paglamlam ng mga mata ni Jaime. Marahil ay hindi nito nagustuhan ang naging sagot niya. Ikiniskis niya ang isang daliri sa kaliwang pisngi nito.

“Joke lang, ikaw naman hindi na mabiro,” bawi niya sa sinabi kanina. Napabuntong hininga ito at parang masama pa rin ang loob na tumingin sa kaniya.

“Alam mo ba kung ilang meeting ang ipina-cancel ko ngayon para lang makasama kita tapos ganiyan lang pala ang sasabihin mo?”

Naku..naku Allyson mukhang lasing na talaga. Parang batang kung magtampo eh. Ang cuteeee! Nangingiting naisaloob niya.

Mahinang pinalo niya ito sa kaliwang balikat.

“Joke nga lang ‘eh..”

Dahil nangangalay na ang likod niya ay dumiretso siya ng upo at isinandal niya ang likod nito sa sofa. Mabuti na lang at wala ang pamilya niya kaya hindi siya mahihiyang asikasuhin si Jaime. Ang kaniyang ina at si Auntie Winna ay nangapitbahay para maglaro ng mahjong. Ang mga kapatid naman niya ay umalis para manood ng dance competition.

“Malinis naman ang bakanteng kwarto dito sa ibaba, kaya lang makakatulog ka ba ng walang aircon?” nag aalangan na tanong niya sa binata. Tumango lang ito at ipinikit ang mga mata. “S-sige kukuha lang ako sa itaas ng t-shirt saka electric fan para hindi ka mainitan.”

“No, don’t leave me, please?”

“Ay kabayo!” nagulantang siya ng tumayo siya at hilahin ni Jaime ang isang kamay niya. Nawalan siya ng panimbang at bumagsak sa mga bisig nito. “J-jaime..”

“Sorry..” mahinang anas nito.

“Sorry saan? sorry dahil kamuntik na akong makipagface to face sa sahig kung hindi mo lang ako maagap na sinalo? Talaga naman Mr. Mondemar, hindi ka na ulit pwedeng uminom ng lambanog. Naiintindihin mo ba?” nakakunot noong dinutdot niya ng daliri ang matigas na dibdib nito.

Umiling lang ito at iminulat ang mga mata. Napaawang ang mga labi niya nang hapitin siya nito sa baywang at masuyong hilahin pataas para magpantay ang mga mukha nila. Hindi na siya nakatutol pa nang ipaloob nito ang mainit na mga palad sa magkabila niyang pisngi. Tila may kung anong init ang humaplos sa puso niya nang mapansin ang kislap ng malamlam na mga mata ni Jaime.

“May problema ba?” nag aalalang tanong niya. Mabilis na umiling ito.

“Ang sama ko..” anito.

“Ha? bakit?”

“Kasi kahit ipinaliwanag ko na sa'yo ang totoo at pinakawalan na kita ay hindi naman ako humingi ng sorry matapos kitang pilitin na magpakasal sa akin. Sorry, nakalimutan kong humingi ng sorry.”

Pigil niya ang paghinga habang nakikinig dito. Bawat pagkibot ng mga labi nito ay parang automatic nang nakatatak sa isip niya.

“S-sorry dahil hindi ka humingi ng sorry sa akin? ang cute mo Jaime!” mayamaya ay natatawang sabi niya.

Hay, life. Anong kabutihan ba ang nagawa niya noong past life niya para bigyan siya ng diyos ng pagkakataon na makilala si Jaime? Sa tuwing magigising siya sa umaga ay ang mga bulaklak agad ang bumubungad sa kaniya. Walang palya ang driver nito sa pagdadala ng bulaklak sa kaniya araw-araw. Kahit ang pamilya niya ay natutuwa kay Jaime dahil sa tuwing dadalaw ito sa kanila ay may dala itong mga pasalubong.

Kanina naman ay aliw na aliw sa mga bata ang mommy Laura niya. Pagkauwi ng triplets ay parang nalungkot pa nga ang kaniyang ina. Nasisiguro niya na ngayon na nakikilala na nito ang cute na mga anak ni Jaime ay lalo siya nitong kukumbinsihin na sagutin na ang panliligaw ng lalaki.

Nang sulyapan niya si Jaime ay nakita niya na nakatulog na pala ito habang yakap siya. Napangiti siya at tumatahip ang dibdib na pinagmasdan ang manipis na mga labi nito. Hindi pa siya nakontento sa pagtitig dahil nagsimula ang mga daliri niya na haplusin ang labi nito.

Parang sasabog ng malakas ang puso niya. Hindi niya kayang palampasin ang pagkakataon na iyon kaya dumukwang siya at kinintalan ng magaang halik ang mga labi ng binata. Pero mukhang nagkamali siya ng ginawa dahil naalimpungatan marahil ito at sinalubong ng mainit na paghalik ang mga labi niya.

Lord, magpapakabait na po ako forever basta wala nang bawian ha? sa akin na talaga si Jaime, please?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.